QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Tuesday, June 23, 2009

PROS AND CONS NG PAGIGING GWAPO AT HINDI GWAPO

Mayroong mga disadvantages at advantages ang pagiging gwapo at pagiging hindi gwapo. At heto ang ilan sa mga ito:


MGA DISADVANTAGES NG PAGIGING GWAPO



1. Hindi pwedeng lumabas ng bahay ng di naliligo o nagpapabango
2. Habulin ng mga matrona, babae at nagpipi-feeling babae
3. Hindi pwedeng mangulangot o maghihinunuli sa harap ng maraming tao
4. Sinasabihang “bakla”
5. Laging sinisiksik sa loob MRT/LRT kahit maluwag naman
6. Hindi pwedeng tumawad sa palengke kung ayaw marinig ito”Kay gwapo-gwapo wala namang pera”
7. Sinasabihang mayabang at suplado.
8. Walang karapatang magkaroon ng tinga sa ngipin, tumulo ang laway pag natutulog at magkaroon ng muta sa umaga.
9. Akala nila mabango rin pati utot mo
10. Laging natsan-tsansingan sa dyip, bus, MRT/LRT, gym, sinehan at kung saan saan pa.

MGA ADVANTAGES NG PAGIGING GWAPO

1. Sinasabihang “ mukhang mayaman” kahit wala namang pera
2. May lisensyang maging babaero (o kaya lalakero)
3. Madaling maka-utang at madali DAW pagkatiwalaan. (ganito maririnig mo:”Sige, gwapo ka naman eh……..”)
4. Pwedeng magwantutri sa bus o dyip ng hindi mahahalata
5. Lahat ng trabaho bagay sa kanya
6. Lahat din ng kulay ng damit bagay din
7. Isang matinding pa-kyut lang ang kailangan, tyak pauunahin na sya sa pila o kaya libre na sya ng miryenda at gupit.
8. Okay lang maging bobo, kasi may kasabihan daw “Aanhin mo ang damo kung mukha kang kabayo, mabuti pa ang bahay kubo sa paligid ligid ay puno ng linga”
9. Pwedeng maging artista o di kaya humanap ng mayamang matronang duktora para humingi nng kotse , bahay at pera. Saka i-video kasama ang maraming model at artista. Tyak magiging sikat ka pa
10. Okay lang na hindi magreview tuwing exam kasi tyak papakopyahin ka ng katabi mong babae(o bading) o di kaya ipapasa ka ng titser mong babae (o bading)


MGA DISADVANTAGES NG PAGIGING HINDI GWAPO


1. Laging napagbibintangang magnanakaw, rapist, snatcher, akyat bahay ,shoplifter at kung ano ano pang krimen sa iyo ituturo.
2. Kahit maligo ng handred tayms mukha pa rin daw mabaho. Hindi rin sya pwedeng magselan kasi di raw bagay.
3. Hindi pwedeng maging artista, pulitiko lang (then saka lang pwedeng maging artista)
4. Laging kontrabida sa pelikula, o di kaya binabambo ng binilot na dyaryo at sinasabuyan ng ihi sa arinola.
5. Sinasabihang manyak ng katabing babae kahit mas matigas pa sa iyo ang mukha nya.
6. Kailangang maging matalino at mabait , kung hindi................. malamang sinasabihan ka ng “kaawa-awang nilalang”
7. Kahit branded ang damit at sapatos mukha pa rin daw galing “ukay-ukay”
8. Lahat ng bagay kamukha na nya at sinasabihang “mukhang palakol”, “mukhang tsinelas” “mukhang basket” at kung ano ano pa (hayop din kasama sa listahan)
9. Paboritong batuhin ng titser ng eraser, chalk at aklat. Sya rin ang pinagbibintangang kumain ng yema at pulburon na di pa nagbabayad.
10. Pag napasagot nya ang magandang babae sinasabihang “GINAYUMA LANG DAW “ pag kapwa panget naman ang napasagot nya - “NO CHOICE” daw ang tawag dun.



MGA ADVANTAGES NG PAGIGING HINDI GWAPO


1. Nagiging komedyante kaya kahit di nagpapatawa mukha pa ring nakakatawa
2. Okay lang lumabas ng bahay ng di nag-aayos at naliligo (kaya may lisensyang magkaroon ng putok at bad breath)
3. Hindi sinusundan ng makukulit na Saleslady dahil otomatiko na raw na hindi sila bibili
4. Pwedeng maging boksingero dahil hindi raw panghihinayangan ang mukha
5. Mabenta tuwing “Halloween”
6. Kahit magkaroon ka ng sex video walang gaanong papansin.
7. Hindi na kailangan mag-ubos ng pera para sa facial, eskinol, glutathione at kung ano ano pang pampagwapo.
8. Pwedeng mangulangot, umutot, dumighay at dumura sa harap ng maraming tao.
9. Madalas katakutan sa looban at kanto, dahil mukhang kakain ng tao.
10. Hindi malilito o lilingon pag may tumawag na “Hoy!Pogi!” sa likod.


Ang mundo ay balanse ng lahat ng bagay. Hindi pwedeng puro positibo lang at hindi rin pwede puro negatibo lang. Kaya may negatibo kasi may positibo at kaya may positibo kasi may negatibo. Ang lahat ng bagay ay may positibo at negatibong idinudulot sa atin. Hindi ba mas nakikita natin ang positibong bagay dahil sa negatibong pangyayari, at mas nakikita natin ang negatibong bagay dahil sa mga positibong nangyayari. Magulo ba? Naku basta intindihin nyo na lang!


Ang ilan sa mga nabanggit sa itaas ay naranasan ko rin, kaya di ko alam kung san akong kategorya nabibilang (sa gwapo ba o sa hindi gwapo) kaya tinanong ko yung kaibigan ko.


AKO: Pre gwapo ba ako o panget?

KAIBIGAN KO: Pare, hindi ka naman gwapo at hindi ka naman panget.

AKO: Eh ano ako?

KAIBIGAN KO: Tao ka drake, Tao ka!!

Ganun! Kumag yung kaibigan ko na yun ah, natural tao ako! Hindi ba halata?Pero siguro duon ako na bibilang sa GWAPONG PANGET na kategorya! Hindi nga kaya. ! Pero sa totoo lang nalilito pa rin ako pag may tumatawag sa likod na "Hoy, Pogi!", tapos hindi pala ako ang tinatawag. Yun palang katabi kong nagngangalang "POGI". Hehhehe, NAYS NEYM!!

Ingat na lang mga katoto,

Drake

Sunday, June 21, 2009

Dear Tatay,

Dear Tatay,


Kamusta na po kayo dyan sa Pilipinas, Tay?Ako po awa ng Dyos ay okay naman po dito sa Saudi. Oo nga po pala bago ang lahat ay gusto ko sana kayong batiin ng Happy Father’s Day. Kung pwede nga lang po akong umuwi dyan muna para makasama kayo, gagawin ko po. Kaso medyo mahal ang pamasahe sayang naman. Pero sana kahit man lang sa sulat na ito ay maiparating ko sa inyo ang aking pagmamahal at taos pusong pasasalamat.


Tay, maraming salamat po sa pagiging isang mabuti at responsableng tatay. Batid ko po noon ang hirap ng trabaho nyo sa bukid, kitang kita po sa mga ugat nyo sa kamay at paa. Minsan nga awang awa ako kasi nung minsang nabiyak yung paa nyo dahil nakaapak kayo ng bubog sa putik pero pinilit nyo pa ring ipagpatuloy ang pag-aararo nyo. Kahit na halos magkandakuba kayo sa pagdadamo sa bukid natin at mabilad sa ilalim ng araw, tinitiis nyo yun para sa akin at sa pito ko pang kapatid para makakain kami ng sapat at makapag-aral. Alam ko pong wala akong gaanong naitulong sa inyo sapagkat nag-aaral po ako nun, pero ramdam na ramdam ko po ang pagsisikap nyo para sa amin. Alam ko pong mahal na mahal nyo kaming lahat na magkakapatid.


Tay, salamat po sa pagtuturo sa amin sa tamang landas. Siguro hindi kami magiging matagumpay na magkakapatid kung hindi dahil sa inyo. Kayo ang nagmulat sa amin sa Dyos at sa tamang asal.Hangang -hanga po ako sa inyo sapagkat sobra sobra ang kabaitan nyo sa lahat ng tao. Kahit na minsan niloloko na kayo pero tuloy pa rin kayo sa pagtulong na hindi naghihintay ng kahit na anong kapalit. Hanga din po ako sa pagiging relihiyoso nyo, na kahit pagod na pagod at puyat na puyat kayo nagagawa nyo pa ring magrosaryo at magsimba araw araw kahit madalas tinutulugan lang namin kayo. Sobrang saludo po ako sa inyo, alam ko pong lagi nyo akong kasama sa mga panalangin nyo lalo na ang aking kaligtasan at kalusugan dito sa Saudi.


Tay, salamat po sa pagiging ulirang ama sa amin. Lagi kayong nakasuporta sa lahat ng laban namin sa buhay . Minsan nabibigo kami pero kayo pa rin ang nagpapalakas ng loob namin. Kahit kailan hindi nyo po kami pinilit sa mga bagay na hindi namin gusto , lagi lang kayong nandyan para alalayan kami. Kung sakaling kami ay bumagsak dahil sa pagkabigo kayo ang nagtatayo sa amin, at kung sakaling kami naman ay nagtagumpay kayo ang una naming tagahanga.

Tay, kung may bibigyan ng medalya o sertipiko ng pagiging ulirang ama tiyak pasok kayo dito. Hindi dahil anak nyo po ako kaya ko nasabi ito pero alam ko din na hindi lang ako ang kayang magpatunay na karapat dapat kayo sa titulong ito. Madalas ko ngang naririnig sa iba na sinasabi nilang “Sana sya na lang ang tatay ko”, sobrang saya ko po kapag naririnig ko iyon. Kasi hindi ko na kailangang mangarap at humiling sapagkat tatay ko ang pinakamabait at pinakaresponsableng tatay sa buong mundo.


Tay, hindi po sapat ang papuri at parangal kung gaano ko kayo pinagmamalaki bilang tatay ko. Daig ko pa ang nanalo ng mega lotto dahil kayo ang tatay ko. Kaya po bilang ganti , ipinapangako ko po na ako na po ang bahala sa inyo at kay nanay syempre. Ipaparamdam ko po sa inyo ang kaginhawahan ng buhay na hindi pa nyo nararanasan dahil pagsasakripisyo sa amin. Nangangako po ako na maging mabuti at responsableng tao din na may labis na takot sa Dyos. Pangako din na lahat ng gintong aral na binigay nyo sa akin ay aking isasabuhay at pagyayamanin.
Alam nyo tay,kung sakaling pamimiliin ako ng Dyos sa aking susunod na buhay kayo pa rin po ang pipiliin ko ng bilyong beses pa. Hindi po ako magdadalawang isip baka kasi maunahan pa po ako ng iba. Hindi ko po kayo ipagpapalit kahit sino pang sikat, mayaman at makapangyarihang tao sa mundo, kayo pa rin ang siguradong pipiliin ko bilang tatay.


Tay, kulang ang mga salita ko para maiparamdam sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, nirerespeto at hinahanggan.Mapalad po ako bilang anak nyo at saludo po ako sa pagiging isang mabuting tao nyo. Pipilitin ko pong gayahin kayo sa abot ng aking makakaya. Di man kapantay kahit man lang kalahati lang nito.


Ang tagumpay ko po ay utang na loob ko sa inyo, sapagkat kayo ang naghubog sa akin at kayo rin ang unang naniniwala sa akin. Alam ko pong darating ang araw na magkakasama sama rin tayo dyan sa Pilipinas at susubukan ko pong tumbasan kahit man lamang sa maliit kong kaparaanan ang lahat ng sakripisyo at paghihirap nyo sa buhay para sa amin . Tandaan nyo sana palagi na proud na proud po kaming magkakapatid kasi kayo ang tatay namin at MAHAL NA MAHAL NAMIN KAYO


HAPPY FATHERS PO ULI TATAY!!


Nagmamahal,


Drake


P.S


Tay, ano po ba ang gusto nyong pasalubong??Kahit ano tatay kahit man lang sa pasalubong makabawi ako. Ingat po palagi at ingatan lagi ang kalusugan nyo.

Monday, June 15, 2009

First Time Mo?

Anu-ano ba ang mga una mo sa buhay?Ako, marami akong una o first na naranasan ko sa aking buhay, at isasambulat ko dito na parang tae sa blog ko ang tatlong mahahalagang una sa buhay ko:

UNANG HALIK (FIRST KISS)



May kalaro ako nun na itatago nating sa pangalang Nene, isang taon ang tanda nya sa akin. Anim na taon ako noon at sya pitong taon. Iyon ang mga panahong supot pa ako, di nagbibrief at bunge bunge pa ang ngipin. Naglalaro kami ni Nene ng paborito naming laro, ang antigong “BAHAY BAHAYAN”. Obviously sya ang nanay at ako ang tatay, at madalas lagi akong pinapakain ni Nene ng mga niluluto nya sa kalan-kalanan namin.Nagluluto sya ng nilagang dahon ng kaymito at gumamela o di kaya ang malinamnam na sinigang na bato with tubig sa pusali ang paborito nyang ihain sa akin. Eh ako naman madalas ko syang inuuwian ng kuwintas galing sa dahon ng kamoteng kahoy at singsing mula sa “pritos ring” na tig pipiso kina Aling Lumeng.

Heto ang siste, naglalaro laro kami ng bahay bahay, at syempe kunwari gabi na kaya matutulog na kami. Humiga ako sa maliit na kama sa loob ng bahay bahayan namin, tapos sumunod sya. Syempre matutulog ako kaya pinikit ko ang mata ko. Nagulat na lang ako ng may dumampi sa aking labi, akala ko lamok lang at balak kong hampasin sana ng ubod lakas. Pero nagulat ako na si Nene pala ang humahalik sa akin,wala naman akong kamali-malisya nun kaya nag-iiyak ako (Malay ko bang may pagnanasa pala sa akin si Nene). Kaya nagtatakbo ako at sinumbong ko sya sa nanay ko. Sabi ko kay nanay “Bad si Nene kase ni-kiss nya ako sa lips, huhuhu!(sabay singhot para bumalik ang uhog). Hayun tumawa lang ng pagkalakas lakas ang nanay at nanakot pa “HALA LAGOT KA, MABUBUNTIS SI NENE”. Kaya naman lalo akong umiiyak, syempre nakakatakot baka magmukhang bukayo ang anak ko (maitim kasi si Nene noon).
UPDATE: Si Nene ay isa ng titser ngayon,hindi pa sya nag-aasawa (eh baka iniintay ako,hahah) medyo pumusyaw pusyaw na sya ngayon.(Pero kung tinatanong nyo kung gumanda sya, eh masasabi ko “MABAIT SYA”)


UNANG GELPREN (FIRST GF)


Una akong nagkasyota noong Port Dyir hayskul ako, bale ex-gelpren yun ng bespren ko. Eh nagkasawaan na kaya ako naman ang nanligaw. At di naman ako nabigo at sinagot nya ako bago kami mag Field trip sa Enchanted Kingdom. Tanda tanda nya yung araw na yun kasi yun ang araw bago ko sya sinukahan sa bus dahil sa hilo dulot ng mga dyaskaheng mga “RIDES” na yan. Sama kamo non sinubukan kong pigilan pero para palang bulkang Pinatubo ang bibig ko kaya punong puno ng durog durog na Nagaraya (yun kasi baon ko), Chippy at kanin ang buong katawan nya. Hehehe!

Medyo okay naman sya kaso yun nga lang mas kilos lalaki pa sya kesa sa akin, boyish kasi sya (pero di sya tomboy). Madalas pag nakaupo yun eh nakabukaka at parang pinapahanginan ang ………. (alam nyo na!). Kaya sinasaway ko, sabi ko isara sara nya yun kasi baka sya kabagan o di kaya pasukan ng langaw. Pero madalas di naman sya nakikinig at binabatukan pa ako sabay konyot.

Nagbreak kami kasi napakaselosa nya, at nasasakal na ako. Sabi nya isip bata daw ako, eh di naman totoo yun at wala syang pruweba. Sya ang selosa kasi madalas nyang pagselosan yung teks, holen, gagamba at goma ko. O kaya pag hindi ko sya inahahatid kasi nga busy ako sa pagtataching, kara krus at pag hinahabol ko yung palabas sa TV na “VOLTRON” tuwing alas kwarto.Kaya nakipagbreak na ako sa kanya kasi napakaselosa nya talaga. Heheheh(totoo yan, di ako nagbibiro)


UPDATE: Magkabarkada kami nito (ako, sya at ang bespren ko) at ikakasal na sya sa December, 2010. Nasa Japan sya ngayon (hindi sya Japayuki dun, banker sya….BANKER!!!,hehehe )

UNANG PAG-IBIG (FIRST LOVE)


Si Lynette ang aking unang pag-ibig (pinangalanan na talaga), halos tatlong taon ko syang niligawan. Halos maging hampas lupa na ako sa kanya , kasi di ako kumakain , tinitipid ko yung baon ko para maihatid ko lang sya sa kanila (Pampanga kasi bahay nya). Kung sakaling medyo kulang na kulang talaga, eh nag wawantutri na lang ako sa dyip(di ako nagbabayad ng pamasahe pauwi). Kaya lahat ng gimik nagawa ko na tulad ng matulog kunwa-kunwarian, magtatakbo pag huminto na sa tapat namin yung dyip, magtago sa likod ng pasahero o di kaya maging dakilang taga-abot ng bayad at tagapagkwento ng driver.Minsan nabulyawan na ako sabi sa akin “HOY TOTO, ANG KAPAL NG MUKHA MO!!MAGBAYAD KA!!”, hayun tinakbuhan ko sya at naghabulan kami. Malas nya eh matagal ko nang pinagpraktisan yun.

Biruin nyo halos tatlong taon ko syang niligawan. Kinaaway ko na yung lahat ng barkadang naging karibal ko sa kanya, umuwi ng hatinggabi maihatid ko lang sya (dulo kasi sya ng Pampanga, ako naman dulo ng Bulacan) at mag wantu tri gabi gabi, pero sa huli BINASTED din nya ako at nauwi sya sa isang barkada kong simple kung umatake. Kaya halos pagsakluban ako ng langit at lupa nun, ayaw ko na ngang pumasok sa skul noon eh. Pinag-isipan ko na rin syang reypin (joke lang, di pa naman akong desperadong tao)

Kung tuusin din naman sya gaanong maganda (alangan pa nga sa akin eh, hahahhaha kapal ng mukha noh). Kamukha nya si Sugar Mercado ng sex bomb, pero meron talagang mga babaeng malakas ang appeal. At aaminin kong malakas talaga ang appeal nya. Sya ang una kong pag-ibig at sya rin ang unang bumasted sa akin. Pero ganun talaga ang buhay , pinag NOVENA ko pa yun kay Lord na sana maghiwalay agad sila. Pero mukhang mahina ako kay Lord, hehehe!!

UPDATE: Sila pa rin ng barkada ko, eh malamang malapit na rin silang ikasal. Magkaibigan pa rin naman kami pare-pareho. Medyo nung nakita ko yung latest picture nya sa Friendster ,eh kamukha nya pa rin si Sugar Mercado.


**********************************************************************
Yan ang mga una ko sa aking buhay, sabi nga nila sa ingles , there’s always “first”in our life. Laging may una sa buhay natin, lahat naman ng bagay ay kailangan may una. Kumbaga sa unang pagkakataon duon natin masusubukan ang ating mga sarili.. Maaring sa unang beses pa lang mabigo na tayo, pero okay lang yun kasi sa ikalawang beses susubukan na nating magtagumpay. Maaring sa mga unang subok natin sa buhay mahirapan tayo pero alam ko sa susunod sisiguraduhin natin madadalian na tayo.


Tandaan sana natin na sa mga una nating karanasan dun tayo madalas matuto. Duon natin naiintindihan ang bagay bagay. Duon tayo nakakahanap ng solusyon, duon tayo nakakita ng paraan at duon tayo mas tumatatag bilang isang tao. Huwag tayong matakot kung ito ay una palang sa ating buhay, sabi nga nila “mas mabuting sumubok ka at mabigo kesa maging bigo ka kasi di ka sumubok”.
Salamat po.

Wednesday, June 10, 2009

Ateneo dela Salle

Paunawa: Wala po akong pinapatungkulan dito. Kaya kung sakaling nabanggit ang inyong unibersidad ako po ay walang masamang intensyon doon. Pero teka panoorin nyo muna to! Gawain ko rin ito noong bata pa ako. hehehe




Hay, minsan ba naisip mo na parang dalawang kategorya lang ng mga estudyante sa kolehiyo, kung ikaw ba ay nag-aaral sa La Salle o nag-aaral sa Ateneo? Kung ikaw ba ay BERDE ang DUGO (hindi bading , kulay yun ng La Salle) o may DUGONG BUGHAW (kulay ng Ateneo) eh pero paano naman kaming mga estudyanteng hindi nag-aral sa unibersidad na yan…. ang tawag ba sa amin ay DUGO DUGO GANG?.

Para silang mortal na magkaaway,nag-aaway sila kung alin sa kanila ang magaling at sikat na unibersidad. Pwera pa ang kategoryang kung sino ang mas may mayaman, at mas may magaganda at seksing estudyante sa kanilang unibersidad. Samantala kaming nasa State University ang pinag-aawayan namin ay kung bakit mataas ng isang daan “miscellaneous fee” namin.

Sa UAAP, parang laging inaabangan ang salpukan ng dalawang unibersidad na yan. Kulang na lang na idisqualify ang ibang iskwelahan para maraming manood ,maraming sponsors at maraming commercials sa Finals. Kaya naman pag nasa labas ka at nag-aasaran na ang mga estudyante ng dalawang unibersidad na yan, ang pwede mo na lang gawin ay magpalobo ng laway sa bibig at kumain ng BOY BAWANG habang nag-eenglisan sila, YOU KNOW?!? At syempre maglulupasay ka man sa harap nila hindi ka makaka-relate sa kanila. Sa TV naman eskwelahan yun ng mga artista, kumbaga dyan lang sila pwedeng pumasok. Kung hindi nila eskwelahan yun malamang hindi sila sikat.

Sa paghahanap ng trabaho, namumuro rin yang dalawang unibersidad na yan. Kunwari pang nakalagay sa mga qualifications ng kumpanya “ MUST BE GRADUATE FROM REPUTABLE UNIVERSITIES”, para namang mayroon hindi REPUTABLE na unibersidad. Mano bang direct to the point at walang paligoy ligoy , pwede namang sabihing FAMOUS UNIVERSITIES. Noong nag-aaplay ako ng trabaho sa Makati, mistula akong tagasindi ng yosi nila at tagalinis ng kotse ng mga iyan, kasi mukha silang mayayaman, matatalino at biniyayaan ng magagandang mukha. Eh ano naman ang laban ko dun, ang tanging maipagmamalaki ko lang eh………KYUT ako (wow, parang aso lang ah). Kaya para hindi sumasama ang PILINGS ko iniisip ko na lang na MABAHO din ang tae nila ,at least pantay pantay kami dun at fair pa rin si GOD.

Kaya naman pinangarap kong mag-aral alin man sa dalawang yan noon, syempre para namang maging sikat ako kasi balak ko ring mag-artista nun,hehhee.Pero hindi kaya ng aking MAMI AT DADI este nanay at tatay pala dahil sa pinakamabigat na dahilan, kami ay isa lamang POOR o walang pera. Kaya pinapunta na lang nila ako sa STATES…………….. sa State University. Palagay ko naman hindi nagkakalayo ang mga subjects namin sa mga subjects nila. Yun nga lang aircon yung klasrum nila kami nagtyayaga sa bentilador na nakatutok lang sa prof namin. Nagdadasal nga akong kabagan yun dahil tutok na tutok sa pagmumukha nya yung bentilador , tuloy lumilipad sa kyut na peys ko ang mala blokeng laway nya na bumula bula pa na parang Surf.

Eh di ba meron pang pasadyang T-Shirt, caps, jacket, at keychain ang dalawang skul na yan, samantalang kami P.E uniform lang medyo pahirapan pa ang pagbabayad at tila hindi pinag-isipan ang design. Naglagay lang ng letrang P at E sa puting T-shirt, aba parang ka-level namin ang mga preso kasi kulang lang ng E ang orange nilang damit. Pero ganun talaga!hehehe

Pero alam nyo sa huli natutunan ko na wala naman talaga sa skwelahang pinagtapusan mo yan eh, nasa tamang diskarte mo yun. Oo minsan nakakainsecure talaga sila, tulad sa lipunan nating parang nakakapanliit pag nasa harap tayo na tinatawag na “RICH AND FAMOUS”, pero ang totoo pare-pareho lang din naman tayong tao. Maaaring MAS sila sa materyal na aspeto pero hindi naman ibig sabihin nun ay angat na sila sa pagkatao. Tandaan MABAHO RIN ANG TAE NILA.

Ang respeto naman ay hindi napag-aaralan, ang paggalang naman sa kapwa ay hindi na nangagailangan pa ng diploma. Kaya alam kong kahit na hindi ako mag-aaral sa dalawang unibersidad na yan kaya kong magkaroon ng repeto at paggalang. Totoong marami tayong matutunan sa paaralan pero mas mahalaga pa rin ang mga natutunan natin sa buhay. Ang diploma ay unang tungtungan sa tagumpay pero para maabot ito kailangan mong iaakyat ang paa mo at kumilos.

Saan man tayong galing na unibersidad ang lagi tanong dyan, may natutunan ba tayo?La Salle man , Ateneo o isang State University ang mahalaga kung paano nagamit ang pinag-aaralan mo sa buhay, at paano nahasa ang kaisipan mo para maging isang mabuti at responsableng tao. Siguro bahagi na ng kulturang Pilipino ang kompetisyon at masaya tayo sa ganun kaya siguro may ganito. Pero sana magawa rin natin mapagwagian ang kompetisyon ng ating sariling laban sa buhay.

Yun lamang po at maraming salamat.

Sunday, June 7, 2009

AKO AT KAMI BILANG MGA MANGGAWANG PILIPINO SA IBANG BANSA

Heto ang aking opisyal na "kalahok na sanaysay at bidyo" sa pinagpipitagang PINOY EXPATS/OFW BLOG AWARDS o PEBA. Mangyaring pindutin lang ito: PEBA para sa makita at malalaman kung ano ito, at para iboto ang nais nyong manalo.

Sana po magustuhan nyo ang ginawa kong bidyo na talagang aking binigyan ng panahon bilang pagpupugay sa kapwa ko OFW sa ibat ibang panig ng mundo. Sana'y magsilbi itong inspirasyon para sa lahat at itoy pinamagatang OFW: Pag-asa ng Bayan,Handog sa Mundo. (Itoy mula sa tema ng PEBA)



video

KREDITO: Ito'y koleksyon ng mga bidyo sa youtube na akin ko pong hinimay himay at pinagsama-sama. Ang awitin ay kinanta ng Emilio Aguinaldo Choir at ang titulo ay "Tagumpay nating lahat", na unang inawit ni Lea Salonga noong dekada nuebenta.
__________________________________________________________

AKO AT KAMI BILANG MGA MANGGAWANG PILIPINO SA IBANG BANSA


Oo, aminin ko noon nangibang bansa ako hindi para sa bansang Pilipinas kundi para sa aking pamilya. Dahil gusto kong gumihawa ang pamumuhay namin at gusto kong mabago ang buhay namin. Subalit sa pagdaan ng mga araw at sa pagpapatuloy ng aking buhay sa ibayong dagat. Tila kasunod ng pagnanais kong mabago ang buhay ng pamilya ko ang mabago ang bansa natin. Ang marubdob na paghahangad kong maiangat ang antas ng aming pamumuhay ay tila katumbas din ng aking paghahangad na mabago ang kalalagayan ng aking bansang sinilangan. Alam ko hindi rin nalalayo ang mga nararamdaman ko sa nararamdaman ng kapwa ko OFW. At nais kong magsalita hindi lang para sa akin kundi para sa milyon milyong OFW sa buong mundo.

Hindi namin nais maging tanyag at hindi namin hangad ang maging sikat Kung sakaling kami ay tinaguriang “BAGONG BAYANI” ,hindi ito pagtataas ng aming sarili subalit marahil pagkilala lamang ito ng aming naging kontribusyon bilang Pilipinong Manggawa sa ibang bansa. Subalit ang lahat ng pagkilala ay may kaakibat na responsibilidad at sakripisyo.

Hindi biro ang pangingibang bansa at hindi rin isang laro na iwanan ang iyong pamilya para sa magandang bukas. Hindi isang “lotto” ang pagngingibang bansa na maghahatid sa iyo sa pagyaman sa isang kurap o isang uri ng mahika na magpapabago ng buhay mo sa isang iglap. Ang lahat ay nilalakipan ng sipag, tyaga at pagpupunyagi . Tulad ng buhay sa ibang bansa sinasamahan ng luha ang pawis. Pawis ng pagsisikap at luha ng kalungkutan.

Sa bawat sentimong pinapadala namin sa Pilipinas, kasama nito ang bawat gabing kami'y umiiyak at ang bawat araw na kami'y nangungulilala . Kasama rin nito ang bawat patak ng pawis na lumalabas sa aming noo at bawat oras na iniisip ang iniwang pamilya sa Pilipinas. Ang bawat perang pinapadala kada buwan ay isang pag-asa para sa aming pamilya at para na rin sa ating bansa. Kaya huwag nyo sanang isipin na nagpapakasarap kami dito sa ibang bansa sapagkat hindi kailanman matutumbasan ng salapi ang pagnanais na makasama ang pamilya namin sa Pilipinas.

Hindi kami natutuwa sa tuwing tumataas ang dolyar.Huwag nyo sanang isipin na nasisiyahan kami na nalulugmok sa kahirapan ang ating bansa. Sapagkat dama namin ito at apektado rin ang buong pamilya namin dito. Alalahanin nyo sana kami rin ay bahagi ng bansang Pilipinas at maging ang aming buong pamilya. Tumaas man ang halagang pinapadala namin ngunit kung patuloy na humihirap ang buhay ng pamilya at kapwa kababayan namin ito'y balewale rin . Kaya bakit ka matutuwa kung sa huli pare-pareho rin tayong talunan?

Pinili namin itong pangingibang bansa hindi para iwaksi ang aming pagiging Pilipino kundi para magbigay ng kaginhawaan para sa aming pamilya at maging sa ating bansa . Ayaw na naming makadagdag pa sa kahirapan ng bansa, at gusto naming maiangat ang ating ekonomiya kahit sa aming munting kaparaanan.Kalabisan ba kung sakaling mithiin namin ang kaginhawahan sa aming pamumuhay?Kabawasan ba bilang Pilipino kung sakaling nagtatrabaho kami sa ibang bansa?

Huwag nyo sanang isipin na kung pinili naming mangibang bansa ay parang pinili na rin naming magpaalila sa ibang lahi o maging aso at sunod sunuran sa kanila. Hindi namin kagustuhan yun at hindi namin pinili yun. Sino bang tao ang may gusto noon at sino bang nilalang ang magnanais na tratuhin sya ng ganoon? Walang sino man ang pipiliin ang ganoong klaseng sitwasyon kaya huwag n'yo kaming husgahan na kami ay nagpapakababa sa ibang lahi. Tinitiis namin ang hirap, inaalis ang lungkot, ginagawa namin ang trabaho sa abot ng aming kakayahan at lakas, ang lahat ng ito ay para sa aming pamilya. Kasunod ng pagtitiis at sakripisyo para sa aming pamilya ay ang pag-unlad na rin ng ating bansa. Nakakababa ba ito ng aming pagkatao? Kahihiya hiya ba ang aming ginagawang pagtitiis at sakripisyo?

Pinikit namin ang aming mata at nakipagsapalaran sa bansang iba ang kultura, lenggwahe at tradisyon sa aming kinalakhan. Baon lang namin ang lakas ng loob at pag-asang maiaahon ang pamilya sa kahirapan. Para kaming sumusugal na hindi namin alam kung kami ay mananalo o uuwing luhaan sa laban ng buhay dito sa ibang bansa. Marami sa amin ang nagtatagumpay ngunit nakakalungkot isipin na marami rin sa amin ang inaabuso, pinagsasamantalahan at niyuyurakan ng dangal. Ngayon, pinili ba naming ito?Wala sino mang taong pipiliin ang masaklap na pangyayari iyon. Handa pa rin kaming makipagsapalaran sa buhay mabigyan lang ng konting pag-asa ang aming pamilya. Kaya sana huwag nyo naman sabihing nagpapakababa kami sa ibang lahi para lang sa pera. Hindi pera ang sukatan dito kundi ang labis na pagmamahal namin sa aming pamilya. Huwag nyo kaming timbangin sa pera sukatin nyo ang laki ng puso namin sa aming pamilya.

Sabi nga, mahirap ang malayo sa pamilya, pero mas mahirap ang wala kang magawa kung kumukulo na ang sikmura ng pamilya mo sa gutom. Mahirap mabuhay mag-isa sa bansang iba ang kultura , pero di hamak na mas pipiliin ko pang matulog mag-isa at mamuhay ng mag-isa kesa matulog ka na hindi mo alam kung paano ka mabubuhay kinabukasan. Mas mabuti nang makaramdam ng pangungulila at lungkot kaysa namang makita mong naghihirap at naghihikahos ang pamilya mo. Ang pangulila at lungkot ay madaling solusyunan at labanan, subalit ang mapait na katotohanan ng kahirapan sa Pilipinas ay mahirap ibsan at kalimutan.

Ang labis na pagmamahal namin sa aming pamilya ay nanalaytay na sa aming mga ugat bilang isang Pilipino.Nakatatak na ito sa aming puso kaya huwag nyo sanang tawaran ang aming pagiging Pilipino. Huwag nyo sanang isipin na pagiging makasarili ito sapagkat wala kaming inaapakang tao at wala kaming niloloko kahit sino man.Hindi kami madamot, karamutan bang maituturing kung maging ang sariling kaligayahan ay aming isinantabi para makatulong sa aming pamilya at pati na rin sa ating bayan .Lagi naming iniisip na magbago man ang bansang aming kinalaglagyan at pinagtatrabahuhan ngunit hindi mababago ang kayumangging balat, ang pagkahilig sa adobo, ang paggalang sa nakakatanda, ang dedikasyon sa trabaho, ang labis na pagmamahal sa pamilya at ang aming pagiging Pilipino.

Nais naming maging inspirasyon, nais naming maging ehemplo, nais naming maging daan ng pagbabago at nais naming makatulong sa bansang Pilipinas. Ang paglayo sa bansang aming sinilangan ay hindi nangangahulugan ng paghina ng aming boses sa pagtawag sa pagbabago at pagkawala ng aming karapatan. Ipaglalaban pa rin namin ito at isisigaw din namin ang aming sentimyento.

Tumutulong kami sa ikauunlad ng ating bansa, sapat na ang mga istatiska bilang katibayan na nakatulong kami para maiangat ang ating ekonomiya. Maintindihan nyo sana bagamat nandito kami sa labas ng bansa,pinipilit pa rin naming magbigay ng kontribusyon tungo sa pag-unlad. At malaking bahagi ng pag-unlad ng bansang Pilipinas ay galing sa aming mga pinapadalang pera sa Pilipinas. Bagama’t aaminin naming numero uno sa kadahilanan ay ang aming pamilya, pero huwag nyo sanang itatanggi na ito'y malaking kontribusyon sa paglago ng ating bansa. Kami ang isa rin sa nagsusulong ng pag-unlad. Pinipilit din naming hindi makabigat sa problema ng bansa kaya sana huwag nyo sanang bigyan ng mali at negatibong persepsyon ang malaking katotohanang ito.

Kinakaranggal ko ang pagiging Pilipino at bilang isang manggawa sa ibayong dagat. Huwag nyo sanang tawaran ang pagmamahal namin sa aming bayan. Ang aming pangingibang bansa ay hindi nangangahulugang pagtalikod sa aming bansang sinilangan.

Sa bansang Saudi Arabia na aking pinagtatrabahuhan nagulat ako sa mataas na pagtingin nila sa aming manggagawang Pilipino. Lahi natin ang labis nilang pinagkakatiwalaan at hinahanggan. Pilipino ang binigyan nila ng prioridad sa ibat-ibang trabaho. Alam kong hindi iyon dahil lang sa sarili kong kakayahan o talento kundi dahil bahagi na ito ng kultura natin bilang isang Pilipino. Kadugtong na ng ating pagiging Pilipino ang pagiging matiyaga, masipag, masikap, masinop, matalino at mapagmahal sa dyos, pamilya at kapwa.

Kami’y mga Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may dangal sa gawa at may paggalang sa kapwa. Kami’y Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may dedikasyon sa trabaho at may matalas na pag-iisip sa anumang hamon ng buhay.Kami’y Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may obligasyon sa aming pamilya at sa aming bayan. Kamiy Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may takot sa Dyos at gumagalang sa batas ng bansang aming kinabibilangan . Pinipilit namin na sa aming munting paraan maitaas ang tingin ng ibang lahi sa atin. Sinisikap din namin palawigin ang kaisipan ng mga dayuhan sa ating bansang Pilipinas, na tayo ang bansa ng mga magagaling, talentado at matatalinong manggagawa. Sinusubukan bigyan ang ibang nasyon ng positibong persepsyon at magandang impresyon tungkol sa ating mga Pilipino. At ipapakita namin ang aming galing ,gilas at kakayahan bilang pagpapatunay na kaya rin naming makipagsabayan kanino man. Ipamamahagi at ipagsigawan sa buong mundo na KINARARANGAL NAMING MAGING ISANG PILIPINO.

AKO AT KAMING MGA MANGGAWA SA IBANG BANSA AY TAAS NOONG IPAGMAMALAKI NA KAMI AY PILIPINO SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA.

Thursday, June 4, 2009

Ayaw ko na!!!



Ayoko ko na, nahihirapan na ako! Bakit kayo ganyan, bakit pag nilalalabas ko ang nasa loob ko nagagalit kayo , naiinis kayo. Wala na ba akong karapatang ilabas kung ano man itong nasa loob ko. Oo alam ko minsan hindi maganda ang lumalabas sa akin, pero ano magagawa ko. Minsan talaga medyo malakas ang dating na parang naninigaw o minsan naman pabulong lang pero bakit ganun pa rin ang epekto sa inyo eh, galit pa rin kayo sa akin eh.


Mabuti kaya’y ilihim ko na lang ito sa inyo, hindi ko ipapaalam sa inyo itong nasasaloob ko. Bahala kayong magturuan, bahala kayong mag-away kung sino ang may sala. Hindi ako aamin kasi ayaw ko ng magalit uli kayo sa akin. Siguro makikisama na lang ako sa inyo, para kung sakaling mawala na yung isyu na yun makalimutan na rin ito pare pareho.


Mas maiging pigilan na lang itong nararamdaman ko, at subukang wag ko ng ilabas para wala na lang magalit sa aking tao. Alam kong di makakatulong at nakakasama yun para sa akin pero okay lang ayaw ko kasi na bigla na lang manlilisik ang mata nyo sa akin.


Alam kong meron din sa loob nyo na kinikimkim kung minsan pero alam kong bigla na lang itong sasabog sa hindi inaasahang pagkakaton at oras. Pero sisiguraduhin kong wala ako dun para di ako maapektuhan ng sama ng loob mo.


Kung tutuusin wala akong kasalanan kung naglabas man ako ng sama ng loob okay lang yun kasi tao ako pero bakit ganun sila kinukutya, nagagalit, pinapahiya at pinagtatawanan nila ako. Bakit hindi rin ba nila minsan ganun.


Hay hayaan ko na lang, AYOKO KO NANG ............................................................................ magpigil ng utot. Pero ang hirap palang pigilan ang utot kasi baka may sumama. Hehehe! Pero sabi nga nila ang tunay na lalaki ay may tae sa brief!!Pwede. Uyy nangiti sya. hahahhaa


P.S


Kala nyo seryosong usapin na no, hhehhehe! .