QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Thursday, November 25, 2010

TRACK



Kahapon nag jogging ako kasama ang kasambahay ko dito sa Saudi. Medyo may edad na rin sya, kasing edad ng tatay ko. At habang nag-jogging kami bigla nya akong tinanong.


“Ilang taon ka nung nagpunta ng Saudi”, tanong ni kuya sa akin


“23 years old po! Kaya po 5 years na po ako dito”, sagot ko naman sa kanya


“Ang bata mo naman palang nag-abroad! Hindi ka ba nagsisisi na bata at binata ka pa ay nandito ka na sa Saudi?” , sunod nyang tanong sa akin.


Noong mga panahon na iyon, bigla akong napatigil sa pagtakbo at nag-isip ng matagal. Tinanong ko ang aking sarili ….. “Nagsisisi nga ba ako dahil maaga akong nag-abroad??”


Nagsisisi??? Hindi naman siguro. Pero sa totoo lang naisip ko, siguro nga ang dami kong na “give-up” nung nag-abroad ako. Aaminin ko naiingit ako sa mga kaibigan at kakilala kong nasa Pilipinas, dahil na-eenjoy nila ang sari-sarili nilang mga buhay. Walang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat. Naiingit ako sa kanila, na nagagawa nilang kumain sa labas na magkakasama, pumunta sa mall para mamili kapag “Megasale”. Manood ng sine kapag may bagong labas na pelikula . Asamin ang araw ng akinse at atrenta, magliwaliw sa araw ng sahod at pumunta sa mga lugar na hindi pa napupuntahan.


Gusto kong magkaroon ng mga barkada sa opisina, gusto kong maranasang maghanda ng “number” sa mga Christmas Party o sumama sa mga “Company Outings”. Gusto kong masabik tuwing holidays at special non-working day. Uminom ng malamig na beer kasama ang mga kaopisina na tulad ko ring may sentimyento tungkol kumpanya. At higit sa lahat gusto kong makasama ang pamilya ko tuwing hapunan at tuwing araw ng Sabado at Linggo. Dahil lumilipas ang panahon na hindi ko yan nagagawa, at nadagdagan ang edad ko na hindi ko man lang nararanasan ang mga iyan.


Mahirap at malungkot, yan ang masasabi ko. Ang buhay sa Saudi, simple at parang walang buhay. Karamihan sa mga kasamahan kong pinoy dito ay mga nakakatanda sa akin at puros may mga pamilya na.Wala man lang akong makabarkada at makasama man lang sa asaran, kalokohan at ienjoy ang buhay binata.


Walang sinehan, walang lugar na malaya kang magkakapagsaya o di kaya makapagrelax man lang dito sa Saudi. Nakakasawa na ring magkape, mag-internet at manood ng TFC. Pagkatapos ng araw ng trabaho, uuwi ka sa bahay at matutulog na lang. Pagkasweldo, didiretso ka na sa mga Remittance Center para magpadala ng pera. Matatapos ang araw mo ng paulit-ulit at sisimulan mo naman ito ng katulad ng nakasanayan mo rin sa umaga. Walang bago, walang pagkakaiba, pauulit-ulit at nakakasawa na.


“Hoy, di mo sinagot ang tanong ko”. Biglang binasag ni Kuya ang malalim kong pag-iisip.
“Ah!! Uhmmmmmm di naman po ako nagsisisi kuya! Ganun nga talaga siguro ang buhay, May kailangan kang isakripisyo at hindi pwedeng pareho mong makukuha ang gusto mo. Ako kuya, kailangan ko kasing magsakripisyo para sa pamilya ko, katumbas man nito ang personal kong kaligayahan at maging ng aking kabataan. Malungkot man at mahirap, pero kailangan kong tanggapin,kasi desisyon ko ito sa buhay . At desisyon ko na magsakripisyo para sa kanila”, pangangatal na sagot ko kay kuya, sabay iwas ng tingin sa kanya.


Sabi nila, pinamasarap na buhay ang nasa edad 21-30 taon. Dahil tapos ka na sa pag-aaral, at kumikita ka na para sa sarili mo. Ineenjoy ang buhay binata/dalaga na walang gaanong inaalala sa buhay. Malayang gawin ang naisin, at malasap ang buhay na malayo sa responsibilidad. Minsan ka lang dadaan sa yugto na yan ng buhay mo at hindi ka na ulit makakabalik sa nakaraan para maranasang mong muli ang mga bagay na iyan.


Ako, hindi ko na nga siguro mararanasan pa ang mga ito. Marahil, wala na rin akong magagawa tungkol dyan, at kailangang tanggapin ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa aking mga balikat. Ang tanging nagpapasaya sa akin sa ngayon ay ang mga naitulong ko sa aking pamilya. Nawalan man ako ng panahon na gawin ang mga bagay na karaniwang ginagawa ng mga kaedaran ko, nagawa ko namang gamitin ang oportunidad na mayroon ako sa ngayon para makatulong ng malaki para sa pamilya ko at baguhin ang buhay naming. Sapat na sa akin iyon.


“Ano tigil muna tayo, medyo pagod na ako eh, malayo pa ang dulo nito” yaya ni Kuya sa akin.


“Kayo na lang po muna kuya, tatapusin ko itong “track”, pipilitin kong marating ang dulo nito, kuya” tugon ko sa kanya.


Iniwan ko si kuya habang tinatakbo ng matulin ang daan patungo sa dulo. Hindi ko na kailangan lumingon pa , para tingnan ang mga natakbo ko na. Baka mapagod lang ako kapag nalaman kong malayo na rin pala ang naitakbo at nailakad ko. Itutuon ko na lang ang pansin na maabot ang dulo ng “track”, tumakbo ng matulin at gamitin ang naipong lakas para pagdating sa dulo at magawa ko na ring magpahinga at maging masaya para sa sarili ko. Alam kong mararating ko rin ang dulo nito. Basta kaya ko ito……………. at handa kong tapusin ang “TRACK” na ito.


Yun lamang po at maraming salamat
DRAKE

Thursday, November 18, 2010

WACKY PIC CONTEST WINNERS


Sorry naman halos isang linggo akong nawala, bukod sa medyo busy ako sa pagpapabulok ng aking mata kakatulog dahil nga 9 days kaming walang pasok (Eid Holiday) eh abala din ako sa pagpapalaki ng TI……….YAN.

Kaya narito uli ako at nagbabalik dahil naipangako ko na i-aanounce ko dito kung sino ang nanalo sa WACKY PIC CONTEST. Akala nyo kasi biro biro lang yun eh, pero TOTOO kaya yun!

Maraming salamat din sa mga nagcomment at bumati sa akin, di nyo lang alam kung gaano nyo ako pinasaya. Abot hanggang eardrums ang ngiti ko dahil sa pagbibigay ng time sa pagpapadala ng pic.

Teka, alam nyo medyo malungkot ako ngayon kasi di ako makakauwi sa pinas para magpasko sa atin. Dahil kalilipat ko lang sa bago kong kumpanya, eh hindi pwedeng agad-agad akong magbakasyon. Kahit na pabibo at pakitang-epal ako sa trabaho, hindi pa rin sapat yun dahil kakahiya namang maghingi agad ng pabor. Kaya papalipasin ko muna ang ilang buwan, saka ako uuwi, kaya malamang mga MARCH,2011 yun. Medyo namimiss ko rin ang bibingkang lasang pancake, simbang gabi na maraming nag-iiyakang bata at nagliligawan, noche buena at kung ano ano pang tungkol sa pasko. Nagsimula na rin akong magpatugtog ng mga kantang pamasko dito, pero mas lalo lang akong nahohomesick. Eh pasalamat na rin naman ako kasi last year nakapagpasko naman ako sa atin. At aaminin kong tumaba ako kakalamon ng baboy at kakainom ng alak (eh sabik eh)

Oopppssss, sige saka na nga lang yan balik na tayo sa WACKY PIC CONTEST ko. Tulad ng napag-usapan, heto ang premyo ko.

Dyaran……..

LACOSTE-ESSENTIAL PERFUME/COLOGNE (hindi ito mismo, akin to eh!heheh! syempre bago yung ipapadala ko)

Yan kasi ang paborito kong pabango, at natural mente na dapat lang na espesyal din ang papremyo sa mananalo.

At sino ang nanalo………..

HANDA NA BA KAYO.....................

HETO NA!!!!!!

ICLICK NYO TO: PARA MALAMAN MO KUNG SINO ANG NANALO

Sa nanalo CONGRATULATIONS!!! Kung sakaling hindi ko maipadala dyan sa Pilipinas, paki-intay ang pag-uwi ko!Hahahah! sensya naman nandito kaya ako sa Disyerto ng mga PUTOK

Teka bakit nga pala sya ang nanalo, hindi dahil sa tinatakot at pinagbantaan nya ako. Hindi din dahil kaibigan ko sya at lagi kong kausap yan sa YM. Hindi yun ang dahilan, pramis!hehehhe! Kaya sya nanalo eh dahil kahit pumanget sya (naks parang pogi dati), eh talagang okay lang mabigyan lang nya ako ng WACKY PIC.

Kaya sa iyo kuya……CONGRATULATIONS!!!!

Narito din nga pala ang iba pang nanalo

2nd Runner Up – umefort talaga, at kumuha pa ng kakuntsaba!

3rd Runner Up – kyut kasi sya dito eh!h

Sa inyo, maraming maraming salamat!Ano ang premyo??? ano pa kundi PALAKPAKAN!hehehe! Hayaan mo isip pa ako! Sa inyo dalawa, sana mameet ko kayo soon para magpa-authograph!

Sa iba pang nagpadala, hindi man kayo nanalo sa contest eh nanalo naman kayo sa puso ko! NAKS YUN YON EH! At umaasa ako na makikita ko kayo sa personal, para mapasalamatan (at ilibre , parang tunay ah!). Next year sali uli kayo ha! Maraming maraming salamat talaga sa inyo, sobra nyo akong NAPASAYA! Alam ko naman na kaya kayo nagpadala ay hindi dahil sa premyo kundi dahil MAHAL NYO AKO!heheheh

Ingat at maraming salamat uli

DRAKE




Friday, November 12, 2010

WACKY PIC & BDAY GREETINGS

Maraming salamat sa lahat ng bumati at nagpadala ng kanilang pic nung birthday ko. Nakakatuwa lang na yung mga taong talagang inaasahan kong magbigay ng kanilang mga wacky pic eh talagang nagpadala sa akin. Ito talagang mga taong ito ang tagasubaybay ko at loyal followers ko. Naks

Ayaw ko na munang patagalin ang kwento, saka ko na lang ikukuwento dito yung birthday celebration ko. At tungkol naman sa pakontes ko. Mayroon nanalong tatlong bloggers. At ang first prize nga pala sa nanalo sa WACKY PIC CONTEST ko ay isang….....malaking tenk you!hahahaha! (joke lang). Saka ko na lang sasabihin ang prize pati yung nanalo sa next update ko!

Basta heto muna ang video. At maraming maraming salamat talaga sa nagpadala. Sa mga hindi nagpadala……..TANDAAN NYO YAN! Hahahah! Joke lang! Tenks pa rin!

Heto na po ang video:





video



Heto rin nga pala yung pinadalang pic ni KIKILABOTZ, akala ko nga nakilimutan na nya, (nangako kasi sya sa akin hahah). Medyo tampo na sana ako dahil wala ngang pinadala pero ang dahilan pala kaya di ko natanggap eh dahil sa ibang email address nya pinadala yung pic nya (nahalata tuloy di nagbabasa ng instruction at nagskiskip read!LOLS!Joke lang pre).



Pero brod maraming maraming salamat sa pic na ito (see special mention ka pa dito). MARAMING MARAMING SALAMAT ULI!






At kay Ayie aka PIPS aka PIPAY aka Angelu look alike, hindi hindi kita makakalimutan dahil kinalimutan mo ako. HAHAHAH! Tinext pa man din kita, nagcomment pa ako sa facebook mo, kinulit pa, pero ni anino o kahit picture ng camel,wala. As in WALA!! Eh gusto ko sanang magtampo pero sige OKAY na nga din! Salamat na lang, bawi ka next year!

INGAT PALAGI


Drake

Wednesday, November 3, 2010

MALAPIT NA BIRTHDAY KO



Una sa lahat nagpapasalamat ako sa mga nagpadala na ng kanilang “WACKY PIC” bilang regalo sa bday ko, at para sa mga hindi pa nagpapadala, eh pinapaalala ko sa inyo malapit na ang deadline …..sa November 8 na! Kaya magpadala na baka malay mo ikaw ang manalo ng isang kilong GOLD. Hahhaha! ito uli ang email ad ko drake_kula@yahoo.com

Sa totoo lang ako yung klase ng tao na hindi masyadong nag-iisip tungkol sa kanyang bday. Para sa akin isa lang syang ordinaryong araw gaya ng karaniwan. Aaminin ko naman kasi bihira may magsurprise sa akin tuwing bday ko. Walang party, walang special tribute at walang kung ano-ano. Siguro dahil…WALA naman ako sa buhay nila (naks kadramahan!heheh)

Natuwa ako last year kasi may isang blogistang nagpadala ng “CAKE” (hindi ko na babanggitin kung sino dahil artista daw sya). At iyon ang kauna-unahan kong cake na natanggap simula na lumabas ako sa mundong ibabaw na ito. At iyon din ang kauna-unahang cake na umihip ako ng kandila at nag WISH

Sobrang TATS din ako at sobrang saya dahil marami ang nagpadala ng pic greetings nun kahit medyo bago pala akong nakikipagkaibigan sa blog. Kaya natutuwa din ako kasi karamihan sa nagpadala noon eh sila pa rin ang nagpadala ngayon. (katibayan lang yan na kay tatanda na nila eh nagbablog pa!Joke lang)

Naalala ko pa nung elementary pa ako, karamihan kasi sa mga kaklase ko may mga party-party. Yung tipong kahit maputlang spaghetti at tinapay na may konti chizwiz lang ang handa eh solb solb na. Inggit na inggit ako sa kanila at iniisip ko na sana ako din may ganun. Alam kong hindi ako magkakaroon ng party dahil wala naman kaming pera. Kaya ang ginawa ko nag-ipon na lang ako, naglalakad pauwi at hindi ako kumakain tuwing recess para naman kahit paano may pambili ako ng handa. At dahil alam kong abala ang nanay sa mga gawaing bahay, hindi ko na rin sya kinulit na ipaghanda ako ng pansit o kahit bilo-bilo (o ginataang halo-halo). Kaya naman nung dumating na ang araw ng bday ko, niyaya ko yung mga kaibigan at kaklase ko sa bahay. At pagkatapos bumili ako ng tingi-tinging peanut butter at mumurahing monay. Bumili rin ako ng SUNNY ORANGE para sa juice. Sa akin masaya na ako na may nagpunta sa bday ko kahit simple lang ang handa.

Habang masaya kami noon at nanonood ng paborito naming palabas sa TV, nagulat na lang ako na dumating ang kumare ng nanay at kukunin na raw nya yung TVng sinanla namin, kaya hayun nakita ng lahat ng kaklase ko na kinukuha yung TV namin. Tapos tanong sila ng tanong pero wala akong maisagot kasi napahiya na ako noon saka di ko naman alam na sinanla pala yun ng nanay. Kaya simula noon, hindi na rin ako nang-yaya ng mga kaibigan ko sa bahay. At mula din na yun, sa tuwing sasapit ang bday ko, para akong napapahiya na hindi ko mawari
Naks, kay drama noh!Hehhee!

Pero tulad ng sinabi ko, hindi naman ako nag-aasam ng kung ano pa man sa bday ko. Kung maalala nyo ako, salamat. Kung hindi, salamat din. Sino ba naman si Drake para pag-aksayahan ng panahon para batiin!Naks!

Basta maraming salamat sa walang sawang pagsubaybay sa mga walang kwenta kong sulatin. Hindi ko man kayo mailibre sa bday ko, eh alam kong……..naniintay kayo ng libre!hahaha!

Hayaan nyo babawi ako pag-uwi ko ng pinas!

Ingat mga KAUTAK!!!