Madalas naiisip ko , magiging matagumpay ba ako sa buhay kung sakaling marami akong pera, kung marami ba akong nauwing medalya o tropeo, kung maganda ba ang aking trabaho, kung marami ba akong kaibigan , kung maimplewensya ba akong tao o kung marami akong napahanga batay sa aking kakayahan. Ano nga ba ang tunay na sukatan ng tagumpay?
Hanggang ngayon hindi ko pa rin maunawaan ang simpleng salita na iyan. Hanggang ngayon hindi ko alam kung meron bang proseso, paraan, antas at anyo ng tagumpay. Marahil, marami sa atin ang nagsasabi na ang pagkakaroon na marangyang buhay, magagarang sasakyan at naglalakihang bahay ay isang indikasyon ng tagumpay, pero nagtatalo ang diwa ko dahil alam kong isa lamang itong pabalat o isang mababaw na pagtingin sa pagiging matagumpay. Ang lahat ay maaring mawala ng isang iglap tulad din ba ng tagumpay na sa isang iglap ay agad itong mabubura at mawawala?
Ang tagumpay ba ay nasusukat sa laki, dami, timbang o halaga ng medalya? Mapapatunayan ba ito ng ibat ibang pagkilala at sertipiko?Hindi ko alam kung iyan nga ba ang batayan, pero alam ko na lahat ng medalya ay nawawalan din ng kinang, ang tropeo ay naluluma at kinakapitan din ng kalawang, at ang bawat pagkilala ay nababaon na lamang sa limot. Tulad din ba nito ang tagumpay na maaaring limutin o iluma ng panahon at ilipad sa kawalan?
Matagumpay ba kong maituturing kung sakaling ako ang pinuno o tagapamahala ng isang korporasyon?Kung dahil ba sa marami akong empleyado na kaya kong kontrolin sa aking mga kamay?Tagumpay bang maituturing kung lahat ng tao ay gustong mapunta sa aking posisyon? Ito nga ba ang indikasyon ng tagumpay?Ito nga ba? Subalit hindi ba na walang permante dito sa mundo. Lahat ay pwedeng magbago, lahat ay pwedeng maiba. . Pero kasabay ba ng bawat pagbabago ang ating tagumpay? Kalakip ba ng pag-iibang anyo ang ating katagumpayan?
Ang pagiging maimplewensyang tao, tanyag , makapangyarihan , kinikilala at hinahangaan ng lahat, ito ba ang tagumpay na hinahanap ko? Pero bakit ganun, karamihan sa mga kilala kong maimpluwensya at tanyag na tao, may kanya kanyang mga eskandalo at sariling problemang kinakaharap . Ang mga makapangyarihan ay nagiging abusado at mapagsamatala. Masasabi bang katagumpayan iyon, pag alam ko sa aking sa aking sarili na ang bawat kilos at galaw ay sinusubaybayan ng tao at hindi ka maaring magkamali. Kung ang bawat utos mo ay tila isang sumpa na dapat sundin at gawin. Sino ba ang nagdidkta ng tagumpay ako ba o ang ibang tao ?Hindi rin ba na may hangganan ang lahat, ang kawalan ba ng impluwensya at kapangyarihan ay kawalan din ng katagumpayan? Ang pagkalimot ba sa katanyagan, ay pagkalimot na rin sa magagandang katangian, kadakilaan at kakayahan nito?
Hindi ko alam ang sukatan ng tagumpay, hanggang ngayon ay palaisipan pa sa akin ang salitang iyan. Hindi ko alam ang paraan at proseso nito, hindi ko rin batid ang anyo at itsura ng salitang ito. Ang tagumpay ba ay maaring hawakan? Ang tagumpay ba ay nasa isip lamang? ang tagumpay ba ay maaring likhain?Ang tagumpay ba ay maaring bilhin? Hindi ko alam, wala akong alam
Maari kaya na walang daan patungo sa tagumpay sapagkat ang daan nito na aking tinatahak ay ang mismong tagumpay na hinahanap ko. Maari kaya na inaasam kong tagumpay ay bunga lamang ng mga mababaw na pagtingin o dikta ng lipunan at kagustuhan ng karamihan. Maari kayang nasa aking mga kamay ang panuntunan ng sarili kong katagumpayan. Pero alin ba ang pakikingan ko ang sarili ko o ang ibang tao. Ang dinidikta ba ng lipunan o sinasabi ng aking kalooban. Alin nga ba?Alin ba ang mas mahalaga?Hindi ko na alam, wala na akong alam.
Sana dumating ang isang araw na masasabi ko sa aking sarili na naging matagumpay ako sa aking buhay. Kung sakaling dumating ang araw na yun marahil handa ko ng iwan ang mundo, at ipikit ang aking mga mata sa dilim ng karimlan, ibulid ang hangin sa aking huling paghinga at ihiga ang aking katawan sa paglisan ng aking kaluluwa . Payapa kong dadamhin ang tagumpay at babaunin ang sarap ng mga bunga nito .Marahil sa kabilang buhay doon ko lamang malalasap ang tunay na TAGUMPAY, sa kabilang buhay ko muling maiguguhit sa aking mga palad ang walang hanggang KATAGUMPAYAN. Sana. Sana.
Salamat po