QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Saturday, May 30, 2009

NASA ATIN ITO (Ang "IRONY" ng buhay ng Pilipino)

* Medyo paminsan minsan masarap magsulat ng serious!!!

Marami akong naririnig na mga reklamo at hinaing ng ating ilang mga kababayang maralita pero nakakalungkot isipin na karamihan sa kanila ay puro sisi na lang ang ginagawa nila sa gobyerno. Inaasa ang buhay natin sa isang gobyernong alam naman natin walang maitutulong ng malaki. Gusto lang natin may masisisi, kasi takot tayong aminin na tayo pala ang may pagkukulang at ayaw nating tanggapin na tayo ang may pagkakamali.


Tandang tanda ko pa yung panayam ng isang reporter sa isang lalaking tiga Payatas


Lalaki: Bwisit na gobyerno yan, hindi kami tinutulungan. Puro sila pangako, mga kurakot silang lahat. Tuloy nagugutom kami at pinababayaan


Reporter: Ganun po ba? Ilang po ba ang anak nyo tatay?


Lalaki: Sampu


Reporter: May trabaho po kayo?


Lalaki: Wala, dahil bwisit yang mga nakaupo sa atin mga kurakot!! (sabay may sumigaw sa likod”hoy tagay mo na lang yan”)


Kung iisipin, sino ba ang nagpapahirap sa kanila, ang gobyerno ba o ang kanilang mga sarili? Pakiramdam yata nila ay sila si Juan Tamad na babagsakan na lang ng bayabas sa kanilang mga bibig. Tayo ang may kakayahang baguhin ang buhay natin, nasa mga kamay natin ang paraan para maiahon natin ang ating sarili sa kahirapan.


Marami ang nagsasabi na dapat ang gobyerno ang magbigay ng trabaho sa mga mahihirap nating kababayan. Obligasyon ng pamahalaan ang bigyan ng disenteng hanap buhay ang kanyang mamamayan. Subalit kung ating iisipin malaking porsyento ng mga kumpanya dito ay pribado. Kaya paanong makapagbibigay ang Gobyerno? Hindi nila pwedeng hawakan ang leeg ng mga pribadong kumpanya para bigyan sila ng trabaho.


Ang dapat natin gawin ay pagsumikapan natin makakita ng pagkakakitaan. Kung tutuusin madidiskarte naman tayong mga Pilipino at kaya nating kumita ng pera na sasapat sa mga pangangailangan natin. Pero kung minsan kasi mas inuuna ang hilig ng katawan kaysa sa kalam ng sikmura. Mas makikita mo pang naglalakihan ang mga TV nila, walang habas kung mag text at magkumpol kumpol para magbingo at uminom ng alak. Ngayon kasalanan pa ba ito ng gobyerno?


Noong napadaan naman ako sa Tondo, nagkakagulo dahil may demolisyon dun ng mga squatter


Squatter: Mga walanghiya sila, demonyo sila!!Gginiba nila ang bahay namin, mga hayop sila. San kami titira ngayon?


MMDA: Matagal na po kayong binigyan ng notice pero di po pa rin kayo umalis. Ngayon may binigay na Relocation Site sa Rizal para sa inyo ang Gobyerno .


Squatter: Bundok yun at nandito ang pinagkakakitaan namin!!Ayaw naming doon, dito kami titira magkamatayan man.


Kung iisipin mo, unang una palang mali na ang magtayo ka ng bahay sa hindi mo lupa. Ngayon kung pinapaalis ka, karapatan ito ng may-ari. Kung sakaling lupa ng gobyerno ito, ito naman ay para sa nakakararami. Huwag nating angkinin ang pag-aari ng iba at gawing pansangkalan ang kahirapan para kunin ang karapatan ng totoong may-ari nito.


Kung tuutusin karamihan sa mga tiga-squatter ay galing probinsya. Nakikipagsapalaran sa Maynila para guminhawa ang buhay. Iniwan ang simpleng pamumuhay para sa buhay sa siyudad. Kahit na sabihin natin mahirap ang buhay sa Maynila, mas pinipili nila ang kumplikadong buhay sa syudad sapagkat kumportable na sila sa mabilis na takbo ng buhay. Mas pipiliin pa nilang makipagsiksikan sa syudad kaysa magbungkal ng lupa sa probinsya. Kaya ganun na lang ang pagtanggi ng mga napaalis na squatter para lumipat sa ibang lugar. Kung trabaho ang problema, pwede silang magtanim sa malawak na lupa o di kaya humanap ng ibang pagkakakitaan. Pero mas pinili nilang magsumiksik sa syudad kaysa mabuhay ng payak sa probinsya.


Kasalanan pa rin ba ito ng Gobyerno o tayo ang gumagawa ng mga problemang isisisi sa gobyeno?


Ang gutom at malnutrisyon ay isinisisi na rin sa ating pamahalaan, subalit kung ating iisipin reponsibilidad ng magulang ng bigyan ng masustansyang pagkain ang kanilang mga anak. Nasa magulang ito hindi sa gobyerno. Ang tanging kayang magawa ng gobyerno ay bigyan sila ng edukasyon sa mga tama at masustansyang pagkain. Hindi pwedeng bigyan na lang sila ng pagkain sapagkat aasa na lang sila dito. Sabi nga sa kasabihan “Huwag mo silang bigyan ng isda, turuan mo silang mangisda”.


Ngayon, marami rin ang magsasabi:” Wala na nga kaming makain, hahanap pa kami ng masusustansya?”


Hindi ba karaniwan sa mga masusutansyang pagkain ay hindi naman kamahalan at pwedeng din itanim. Kung tutuusin ay sa sarap lamang ito nagkakaiba. Maaring hindi masarap pero ang mahalaga masustansya. Kung minsan mas gusto natin ang masarap kaysa mas masustansya, mas una natin binibigyan ng bigat ang dila kaysa sa kalusugan. Marami kasi sa atin na mas inuuna pang tumaya sa lotto kaysa bumili ng gulay sa palengke. Mas inuuna pang bumili ng shabu, rugby, marijuana kaysa bumili ng mga pagkain para sa ating kalusugan
Ayon sa pag-aaral wala pang namamatay sa gutom dito sa Pilipinas. Hindi ba natin napansin na malawak at puno ng likas na yaman ang Pilipinas. Kaya paanong nagkakaroon ng kagutuman sa ating bansa, hindi naman tayo katulad ng bansang Africa na maladisyerto at kulang sa likas na yaman. Kaya bakit nangyayari sa atin ito? Mas maigi sigurong imbes na makipagsisiksakan tayo sa syudad, umuwi na lang sa probinsya at magtanim ng masusustansyang pagkain para sa ating pamilya.


Alam kong malaki talaga ang pagkukulang ng gobyerno sa atin pero huwag naman nating isisi lahat sa kanila. Kung alam natin palubog na ang bangka, aasa ka pa ba sa bangkang ito! Pwede naman tayo umalis at subukan sagipin ang mga buhay natin.


Sabi nila hindi tamad ang mga Pilipino, pero kung ikaw ay isang taong umaasa sa gobyerno palagay ko katamaran yun. Kasi gusto mong isinisubo na lang sa iyo ang lahat at niintay ang oportunidad ang lumapit sa iyo isang malinaw na katamaran yun. At kung sakaling nasa desperadong sitwasyon tayo, doon natin ituturo ang sisi sa gobyerno, hindi ba isang palatandaan ito ng KATAMARAN.


Minsan mapapakamot ka na lang sa ulo, na halos sila sila din ang makikita mong mukha sa TV na gustong patalsikin ang Presidente. Gusto nilang pataksikin ang lahat ng presidenteng umuupo, pero hindi ba sila din naman ang nagluklok dito. Naalala ko pa noon, gustong gusto nilang patalsikin si Presidente Erap at tuwang tuwa ng maupo si Presidente Gloria. Ngayon gustong gusto nilang patalsikin si Presidente Gloria at gawing Presidente si Erap. Ano ba talaga ang gusto natin, sala sa init sala sa lamig tayo eh!.


Tayo ang gumawa ng sakit sa gobyerno, at ang gobyerno ay parang isang halimaw na sumasanib lamang sa mga uupong Presidente. Mahirap mawala ang sakit na ito, itoy naipamana na sa mga nakaupo at uupo pa. Kaya wag na nating iasa pa ang mga buhay natin sa maysakit na gobyerno. Matagal na gamutan ito, at marahil tumulong na lang tayong gumamot kaysa magdagdag sa sakit na ito.


Kung akin itong ihahambing sa isang taong may sakit sa lalamunan ganito ang sitwasyon: Kung minsan ang hirap lunukin ang pagkain lalo na kung masakit habang itoy nilulunok subalit kung hindi natin ito lulunukin at iluluwa lamang sabay dakdak ng dakdak, mamatay na lang tayo sa gutom at mamatay din tayo sa galit. Kaya maiging lunukin muna kahit masakit para mabuhay tayo, at umisip na lang ng paraan para gumaling ang sakit ng ating lalamunan.


Tandaan na kahit sino pa ang umupo sa gobyerno, walang mababago sa buhay natin. Tayo ang may hawak ng manibela ng buhay natin at hindi ang gobyerno. Tayo ang may desisyon at hindi sila. Huwag natin iaasa lahat ang gobyerno dahil wala rin namang mangyayari sa atin. Nakakalungkot ang katotohanan, at nakakapagod na rin ang magkaroon ang maling pag-asa. Kaya bakit pa tayo aasa sa iba, sa sarili nating kakayahan at lakas tayo umasa. Marahil kung sakaling mababago natin ang ating mga kaisipan sa isyung pulitikal baka sakaling magamot pa ang malalang sakit na ito.


Ngayon, malapit na ang eleksyon at malapit na rin palitan ang nakaupong presidente. Nakakalungkot din isipin na minsan kung sino pa ang mga nagrereklamo at nagsasabing kurakot ang gobyerno, hindi kaya makapagbigay ng trabaho, nagugutom at galit na galit sa pamahalaan ay sila pa ang unang nabibili ang boto. Sila pa ang madaling implewensyahan at madaling kikilan. At pagkatapos ng eleskyon sila rin ang unang galit na galit sa gobyerno. Kaya paano gagaling ang sakit sa Gobyerno kung tayo rin ang lumikha at nagpapabaya para lumala pa ang sakit na ito.
Minsan reklamo tayo ng reklamo, pero tayo rin naman ang sumasaway sa batas. Gusto natin mabago ang gobyerno, pero sarili natin ayaw nating baguhin. Gusto nating magsalita ng magsalita pero ayaw nating makinig. Magaling tayong magturo at manisi pero ayaw naman nating tanggapin ang mga pagkukulang natin bilang isang mamamyan at bilang isang Filipino . Madaling pumuna at sabihin kung ano ang tama, pero tayo pa minsan ang unang gumagawa ng mali. Gusto nating mapaganda ang bansa natin pero tayo rin naman ang sumisira nito.
Tandaan,hindi dahilan ang kahirapan para iaasa ang lahat sa gobyerno. Hindi rason ang kahirapan para wala na lang tayong gawin at mag-iintay ng tutulong sa atin. At hindi rin masosolusyunan ang kahirapan kung patuloy tayong umaasa na isang araw kayang pagandahin ng gobyerno ang mga buhay natin. Nasa kamay natin ang pagbabago, nasa atin ang pag-asa.


Wala sa gobyerno ito at wala sa presidente ito. NASA ATIN ITO!!!
__________________________________________________________
DISCLAIMER: Ang nasabi sa itaas ay aking sariling kuro kuro at obserbasyon ko lamang. Hindi ito paglalahat sa ating mga kapwa Filipino kundi sa iba nating kababayang umaasa na lamang sa maitutulong ng Gobyerno at hindi na kumikilos para mabago ang kanilang buhay. Hindi po ito pagdidiin sa ating mga mahihirap na kababayan kundi isang pagtawag lamang. Ang nilalaman ng sanaysay na ito ay mga IRONIES ng buhay Pilipino, at IRONY na ring maitatawag na nagmimistulang pumapanig ako sa gobyerno subalit ang totoo ay isang pagkondena rin sa ating gobyerno.
Inuulit ko ito'y aki lamang pansariling kuro kuro at obserbasyon.

Saturday, May 16, 2009

BATA BATUTA

Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata, may kanya-kanya tayong mga kalokohan at kagaguhang taglay kahit noong bata pa lang tayo. Sa akin heto ang ilan sa mga ito


BUYOY


Sabi ng nanay ko ay may pagkabulol raw ako ng bata, kaya ang ginawa nya para maideretso ang dila kong pilipit ay pinakain daw nya ako ng kulani ng baboy para raw matanggal yun. Awa naman ng Dyos, ay lalo atang lumalala ang pagiging bulol ko dahil sa dyaskaheng kulani na yan, kaya siguro nagkanda payat payat ako dahil nagka LBM ako matapos kong kainin ang masustansyang kulani na iyan.


Although madalas akong pagtawanan ng aking mga kapatid dahil sa pagiging bulol ko, pero talo ko naman sila pag tinatanong kami kung anong mga prutas ang nagtatapos sa “T”, sila hanggang “duhat” lang ako marami akong nasasagot tulad ng UBAT, MANSANAT, BAYABAT bukod pa ang ibat ibang prutas na LANAT (bata pa lang ako korni na)


DAKILANG MANUNULA


Ayon din sa aking butihing ina, medyo bata palang ako eh isa na akong puwet este poet. Kasi tatlong taon gulang lang daw ako eh umaakyat na ako sa bangko namin sabay bigkas ng mga gawa gawang mga tula galing sa aking mga nakikita at napapansin. Tulad daw nito:


Maraming bangaw ang lumilipad lipad
Sa tae ni Maan ni ubod ng lapad,
Kinain ni tog-tog ang tae ni maan,
Sarap na sarap si togtog sa taeng may mais na palaman.


(*** si tog-tog ay ang pangalan ng aso namin****)


Disclaimer: Gawa gawa ko lang ang tulang ito pero ang totoo talaga hindi ko na maalala ang mga tulang kinokompos ko noon.


TONY THE CAT


Palibhasa makapal ang mukha ko noong bata pa ako, kaya naman napansin agad ito ng aking butihing guro. Kaya noong minsang nagpa-audition sila para sa school play na “TONY THE CAT” eh isa ako sa nag-audition at kinabisa ang sampung pahinang linya ni “TONY THE CAT”. Kaya kahit tumatae, nangungulangot, naggugupit ng kuko, nagtataching, nanunungkit ng kaymito sa mangkukulam naming kapitbahay ay kinakabisa ko pa rin ang linya ni “TONY THE CAT”, pero sa huli binigay lang ng titser ko ang papel ni TONY kay ”Apeng” ang kaklase kong ubod ng epal . Hindi dahil magaling si Apeng kundi dahil mas mukha syang pusa kesa sa akin. Naawa naman sa akin ang titser ko kaya binigay nya sa akin ang papel ng kapatid ni TONY THE CAT. Kaya sa buong play namin wala akong ginawa kundi mag ngungumiyaw sa likod at maglaro ng higanteng bola ng tali, kasi wala naman talagang linya ang kapatid ni TONY THE CAT. Bwisit talaga iyang Apeng na yan, palibhasa para syang pusang hindi naliligo sa baho at pusang dinilaan ang puwet ng mga titser ko.


PABORITONG APO


Ako ang paboritong apo ng lolo, sa walong magkakapatid ako ang may pinakamatapang ang apog sa lahat. Madalas hihiramin ako ng lolo sa nanay at daldalhin ako ng lolo sa mga kaibigan nya. Ako naman ,tuwang tuwa kasi pera na naman yun konting pasikat lang sa mga kaibigan ng lolo pera agad.


Palibhasa bungi at halos kasing laki lang ako ng bote ng pepsi (yung isang litro), pakiwari nila ako si WENG WENG (bago si mahal at mura, sya ang sikat na sikat na unano noon), at pinapakanta ako ng ABCD, o kaya sumayaw ng Billie Jeans na may moonwalk pa at “hawak sa may bayag” move.


Kaya tiba tiba kami ni lolo, kasi ang daming nagbibigay ng pera sa amin, tapos tawa pa sila ng tawa. Lalo na pag isinisiwang ko na ang mga malapangil at malatsokolate kong ngipin. Pero ayos na raket yun, kakaiba.Gawin ko kaya uli iyon ngayon???


TINDAHAN NI MENGGAY


Greyd tri ako noon, at syempre maitim ako, bungi at medyo pandak. Tapos ang kuya ko naman ay nasa highschool na, sikat na sikat ang kuya ko sa amin dahil “crush ng bayan” yun. Madalas syang kinukuhang konsorte sa Santacruzan at halos lahat ng kaklase nyang babae ay patay na patay sa kanya. Ako wala akong kamuwang muwang sa hitsura ko kasi mas gusto ko pang manguha ng gagamba at kumain ng alatiris. Kaya naman nung minsan bumili ako ng suka sa tindahan ni Menggay,hindi ako nakalagpas sa mala-itak na bunganga ni menggay (kaklase ng kuya ko yun) ito ang usapan namin:


AKO: Pagbilhan nga po ng suka!!


MENGGAY: O eto ang suka mo, teka kapatid mo ba si Leo? (Leo ang pangalan ng kapatid ko)


AKO: Oo bakit po?


MENGGAY: Kapatid mo ba sya, eh bakit ang pangit pangit mo??? (Sabay aktong diring diri)


Noong mga panahon na yun gusto kong sabuyan ng suka ang mukha ni Menggay para malapnos dahil sa ginawa nyang panlilibak sa akin. Kaso inisip ko wag na kasi may utang ang nanay ko sa tindahan nila, kaya ang ginawa ko dali dali akong umuwi, kinuha ang lapis kong mongol (yung number 3) sabay hanap ng litrato ni Menggay na binigay sa kuya ko. Noong nakita ko, kinuha at pinagtutusok ko ang mukha ni Menggay. Sabay lamukos sa piktyur nya at tapon sa basurahan, at least nakaganti na rin ako sa kanya kahit papaano.hahaha!


THE GREAT MANG-UUTO


Ako ang lider ng apat kong mga nakakabatang kapatid, at palibhasa ako ang kuya nila kaya wala silang magagawa kundi sumunod sa aking mga pinag-uutos (parang si puma-lay ar at sila ang aking mga kampon). Noong sinabi kong maglalaro kami ng bangko-bangkuhan eh syempre ako ang bank manager at sila ang mga depositor. Dapat lahat ay maghuhulog ng dalawang piso kada araw at papalaguin ko iyon (sabi ko lang yun). Sa huli marami din akong nakulimbat na pera bukod pa sa pasimpleng panunungkit ko sa mga alkansya nila gamit ang hairclip, para maipambili ko ng paborito kong “Funny Komiks”. Pero yun nga lang di ko na napigilan ang mga kapatid kong magsumbong sa nanay, kaya naman isang mag-asawang palo ang inilagay sa magkabilang pisngi ng puwet ko. (Hays, di ko talaga napaghandaan yun)


Alam nyo napakarami ko talagang kalokohan noong bata pa ako, konti palang yan sa dami ng listahan ng mga kagaguhan ko dati. Magkakabarkada kami nila Dennis the Menace at Bart Simpsons kung mga kapilyuhan ang pag-uusapan. Masarap balikan ang mga nangyari noon sapagkat naging parte ito ng buhay meron ako ngayon. Marahil kung maging pilyo man ang magiging anak ko, di na ako magtataka kung saan sya nagmana. Pero sisiguraduhin kong kaya kong sya i-counter attack kasi napagdaan ko na rin yan.


Naenjoy ko ang pagkabata ko kaya siguro naeenjoy ko rin ang buhay na meron ako ngayon. Masarap balikan at pagtawanan na lang ang mga bagay iyon. Masarap maging bata, simple lang ang gusto at simple lang ang pangarap. Noong binalikan ko ang pagkabata ko, magawa ko rin balikan ang mga simpleng pangarap at kagustuhan ko noon. Naisip ko ngayon na simple lang pala ang buhay, ginagawa ko lang pala kumplikado ang lahat. Pero ano't ano man, masaya ako kasi naging masaya at makabuluhan ang pagkabata ko.


Hayaan nyo gagawan ko pa ito ng part 2 (kung gusto nyo pa, hehehe)


Iyon lang at maraming salamat sa pagbasa.

Tuesday, May 5, 2009

BAGETS



“Bagets” ang palayaw ko. Usong-uso kasi noon ang pelikulang ito ni Aga Muhlach , kaya naman kahit na hindi na ako tinedyer at hindi ko rin kamukha si Aga ay ito pa rin ang tawag sa akin hanggang ngayon . Ako ang dakilang utusan sa pamilya.Sa aming walong magkakapatid, ako na yata ang pinakapaborito ng nanay kong pabilhin sa tindahan, pautangin ng isang kilong baboy kina Aling Josie, at pag-uutusang pumunta kung saan-saan. Samantala, ang tatay ko naman, ako ang madalas utusang magpakain ng bibe, magsuga ng kalabaw at mag-araro sa bukid. Ako kasi ang klase ng batang hindi gaanong aalahanin sapagkat kayang kayang-kaya kong pangalagaan ang aking sarili, kaya gayun na lamang ang tiwalang binibigay nila sa akin.

Sa tuwing inuutusan ako ng aking nanay at tatay, sari-saring dabog, kalampag at padyak ang inaabot nila sa akin. Bago ako kumilos , ubos na ang pasensya nila habang namumuti na ang mga mata nila sa galit at magkandapilas-pilas na ang tenga ko sa labis na inis sa akin. Ako na yata ang pinakasuwail, pinamakulit at pinakamatigas ang ulo sa aming magkakapatid.


Hindi kami nanggaling sa nakakariwasang pamilya. Marahil dahil na rin sa dami naming magkakapatid ay halos nagkandaubus-ubos na ang lahat ng ari-ariang naipundar ng lolo na ipinamana sa tatay ko. Ang lalakas pa man ding kumain ng apat kong kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae, kaya’t kulang ang isang sakong bigas sa loob ng isang linggo. Sunud-sunod din ang pagitan ng edad namin, at halos nag-aabot na nga ang iba. Kaya ganun na lamang ang hirap ng magulang ko, mapag-aral lamang kami. Marahil hindi pa uso ang “Family Planning” noon, o di kaya talagang hindi lang nausuhan ang mga magulang ko nito.


Batid ko ang kahirapan at katatayuan namin sa buhay, madalas nakikita ko ang aking nanay na umiiyak na lamang sa isang tabi habang nag-iisip kung saan s’ya makakahanap ng pera. Samantala ang tatay ko naman ay halos nakukuba na sa pagtatrabaho sa bukid. Mahirap ipaliwanag ang mga nararamdaman ko ‘pag nakikita kong ganoon ang sitwasyon naming. Gusto ko man silang tulungan wala akong maitutulong sa kanila. Madalas, dinudurog ang aking puso kapag nakikita kong nahihirapan ang aking mga magulang dahil sa amin. Ayaw ko silang nakitang nasa ganoong sitwasyon , pilit kong nililibang ang aking sarili at pinapakita sa kanila na hindi ako naaawa o naapektuhan sa kalalagayan namin. Kaya madalas pinagdidiskitahan ko na lang yung ”Funny Komiks” na hiniram ko sa aking kaklase. Kahit papaano nakakalimutan ko ang problema namin sa buhay. Kaya naman lagi kong sinasabi sa aking sarili na babaguhin ko ang aming.buhay Pipilitin kong ibahin ang sitwasyon ng pamilya ko. Tulad din ng komiks na binabasa ko may “happy ending” din ang buhay namin.


Araw-araw kung magsimba ang nanay at tatay ko, gigising sila ng mga alas-kwatro ng umaga para ihahanda ng nanay ang aming aalmusalin. Pagkaraan ay didiretso na sila sa simbahan para dumalo sa alas-sais na misa. Kaya naman pagkagising namin handa na ang lahat ng aming kakainin at iintayin na lang namin sila para bigyan kami ng baon at ihatid sa aming eskwelahan. Natatandaan ko rin nga noon, tinatanong ko ang nanay kung bakit kailangan nilang magsimba araw araw. Ngumiti lang s’ya at sinabing “ Kasi nananalangin ako sa Diyos na sana ituro N’ya sa akin ang taong pwede kong mautangan. Medyo natawa ako sa sinabi ng nanay ko, pero humanga rin ako sa kanya sa lakas ng pananampalataya n’ya sa Diyos.


Iginapang kami ng aming mga magulang sa hirap. Halos hindi na sila natutulog kakahanap ng taong pwedeng nilang mahiraman ng pera. Nagkasabay-sabay kasi kaming apat sa kolehiyo, dalawa dito ay nasa pribado pa at kami namang dalawa ng ditse ko ay nasa pampubliko. Samantala, ang apat ko pang kapatid ay nasa sekondarya at elementarya. Kaya naman halos pasakit sa aking mga magulang kung paano kami makakaraos sa araw-araw. Minsan din naringgan ko ang isang kakilala ng tatay na nagsabi “Eh, kasi naman, anak kayo ng anak hindi n’yo naman pala kayang buhayin”. Noong mga panahon na iyon, gusto kong sapakin ang mukha ng kausap ng tatay ko, pero nang makita kong yumuko at ngumiti lang ang tatay ko, naunawaan ko na palipasin na lang ang lahat.


Nagtrabaho rin ako bilang isang “Service Crew” sa isang Fastfood Chain habang nag-aaral. Ito ang sumuporta sa akin sa mga pang-araw araw kong gastusin sa eskwelahan . Subalit nahirapan akong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho kaya hindi ko na rin nakayanan ang “pressure” nito. Halos sunud-sunod din ang aking naging bagsak, at doon di’y nagpadesisyunan nilang tumigil na ako sa pagtatrabaho. Bagamat labag ito sa akin kalooban, sinunod ko ang kagustuhan nila at maging seryoso sa pag-aaral. Pinilit ko talagang makatapos sa pag-aaral para balang-araw makatulong din ako sa amin.


Pero tila mailap sa akin ang pagkakataon. Nahirapan ako sa paghahanap ng trabaho pagkatapos ko ng kolehiyo. Marahil dala na rin ng pagiging baguhang “graduate”, hindi ako ang prioridad ng mga kumpanya. Bukod pa sa parang tantos ng bingo ang aking “transcript” sa dami ng bagsak ko. Halos tatlong buwan din akong nag-intay ng pagkakataon na makakita ng trabaho. Subalit madalas , umuuwi akong bigo. Ang magulang ko pa rin ang sumusuporta sa akin lalo na sa pamasahe at pagkain habang ako ay naghahanap ng trabaho. Nakakalungkot sapagkat ito na sana ang pagkakataon kong makatulong sa kanila. Pero dagdag pahirap pa rin pala ako sa amin.
Nabigyan din naman ako ng pagkakataon makakita ng trabaho. Makalipas ng mga ilang buwan, nakapagtrabaho din ako sa aming munisipyo. Bagamat medyo may kaliitan ang aking sweldo, sapat na yun para kahit papaano may maitulong ako sa amin. Subalit tila mas lalong lumalaki ang gastos namin dahil magsisimula na ring pumasok ang apat ko pang batang kapatid sa kolehiyo. Kailangan kong makita ng trabahong makakatulong sa amin ng malaki at ang pag-aabroad ang nakikita kong solusyon.


Hindi ko inaasahan na magiging mabilis ang lahat. Wala akong ideya na bigla ako matatanggap sa isang malaking kumpanya sa abroad .Ngayon, ako ay naninilbihan sa ibayong dagat, sa lugar na kung saan ay pilit kong iniiwasang puntahan dahil sa mga hindi magagandang naririnig ko tungkol sa bansang ito. Sa bansang nakakapaso ang init, sa bansa na iba ang kultura at paniniwala, sa bansa na halos pinagbabawal lahat. Ang bansang Saudi Arabia ang nagbigay sa akin ng oportunidad at magandang buhay. Ito ang naging kasagutan sa aming mga problema lalong lalo na sa pinansyal na pangangailangan ng aming pamilya.


Ngayon, nagsusumikap ako para sa ikagiginhawa ng aming pamilya. Alam kong ito na marahil ang pagkakataon ko para maibalik sa kanila ang lahat. Alam kong hindi naman nila ako inoobligang tulungan sila o ibalik ang lahat ng ibinigay nila sa akin. Pero nais kong iparamdam sa kanila ang pagmamahal ko sa pamamagitan ng pagtulong sa iba ko pang kapatid at pagbibigay sa kanila ng kahit konting ginhawa sa buhay. Masaya akong nakikita ko silang masaya rin sa buhay. Ang ngiti nila ay sapat na para sa akin upang ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa ibayong dagat.
Sa ngayon din, nakapagpatapos na ako ng tatlong kapatid sa kolehiyo na may kursong Nursing, Architecture at Engineering. Sa susunod pang taon mapagtatapos ko na rin ang bunso namin kapatid sa kursong Nursing din. Tinutulungan ko sila gaya ng pagtulong ng nakakatanda kong kapatid para makapagtapos din ako sa pag-aaral noon. Napaayos ko na rin ang aming bahay kahit papaano, at nabayaran ko na rin ang ilan sa aming mga utang. Sa tuwing nakikita ko ang mga larawan naming lahat na nakatoga, pati na rin ang aming mga sertipiko na nakahilera sa aming dingding, humahanga ako sa aking mga magulang. Hanga ako sa tyaga, kasipagan, lakas ng pananalig sa Diyos at pagiging responsableng magulang nila. Hinubog nila ang aming pagkatao, at ginabayan kami sa aming buhay.


Alam kong abot kamay na namin ang kaginhawahan sa buhay, nararamdaman ko na yun. Proud na proud ako sa aking mga magulang. Marami nga ang nagsasabi na “napakaswerte” raw ng nanay at tatay ko sa amin bilang mga anak nila. Pero agad naming sinasabi , “ Hindi po swerte ang magulang namin kasi kami ang mga anak nila. NAPAKASWERTE namin kasi sila ang naging MAGULANG naming. Kung ano kami ngayon ay dahil po iyon sa kanila”.


Totoong napakaswerte namin kasi sila ang binigay ng Diyos sa amin. Utang naming magkakapatid ang tagumpay sa aming mga magulang. Habambuhay namin silang pasasalamatan dahil sa kanilang mga ginawa. Alam kong mahirap maging magulang, pero mas mahirap ang maging MABUTING MAGULANG gaya nila. Ang sakripisyo nila at paghihirap ang naging inspirasyon ko sa buhay, umaasa ako na sana balang-araw maging katulad ko din sila ’pag ako ay nagkapamilya na.


Sa tuwing tinatawag nila ako sa palayaw kong “BAGETS” naalala ko ang aking kabataan, naalala ko ang lahat ng ginawa ng aking mga magulang sa akin. Si Bagets na suwail, makulit, at matigas ang ulo noon, ay naging isang mapagmahal na anak at mabuting tao, ngayon.Saludo po ako sa inyo Nanay at Tatay, sana kahit papaano ay PROUD din po kayo sa akin at maraming-maraming salamat po.