Father’s day noon ng biglang may nag-message sa akin. Mula ito sa aking matalik na kaibigan na nagtatrabaho sa China.
“Pare,nasa ICU ang tatay ko ngayon? “mensahe nya sa akin
“Ha?bakit ano ang nangyari” gulat kong tugon
“Pre, tumaas ang blood pressure nya, at sumabog ang isang ugat sa kanyang utak.Sabi ng doktor kailangan syang obserbahan sa loob ng isang linggo, sabi ng doktor kahit gumaling pa ang tatay hindi na sya makakababalik sa dati, paralisado na ang kalahati ng kanyang katawan. Pare, natatakot ako sa mangyayari” paliwanag nya
“Pare, wag ganyan be positive. Alam kong magiging okay din sya” tugon ko sa kanya
“Pare sumasakit na ulo ko, pakiramdam ko sasabog na ulo ko kakaisip. Hindi ako makahinga, sumisikip ang dibdib ko,masakit na rin ang mata ko pare. Nahihirapan na ako , pare natatakot ako”.
“Pare,huwag kang panghinaan, magiging okay din ang lahat. Pare matulog ka muna, magpahinga ka”. Pilit kong pinapalakas ang kanyang loob para lumawag ang kanyang nararamdaman.
“Pare ayaw kong pumikit, ayaw kong managinip, natatakot ako pre!!”
“Wag ganun pre, tandaan mo mag-isa ka dyan sa China!Huwag mong pahirapan ang sarili mo” sambit ko sa kanya.
Paulit ulit kong pinapalakas ang kanyang loob. Lagi kong sinasabi sa kanya na magiging maayos din ang lahat. Alam kong nanghihina na sya, subalit pinipilit ko syang maging positibo kahit batid ko na walang salitang pwedeng makatulong sa kanya para mawala ang kanyang aalahanin.
DAY 2
Bigla kong binuzz ang matalik kong kaibigan at nangamusta. Gusto ko ring malaman kung ano na ang nangyari sa kanyang tatay.
“Pare kamusta na ang tatay mo?” panimulang mensahe ko sa kanya.
“Pare mukhang bumubuti na sya, bumababa na rin ang blood pressure nya. Pero kailangan pa rin syang obserbahan at operahan. Kailangang alisin ang namuong dugo sa kanyang utak. Kailangan syang iluwas sya sa Maynila para maoperahan, pare kinakabahan talaga ako eh”.
“Pare, wag ka ngang ganyan! Be positive pre! Kung nandyan ang tatay mo, babatukan ka nya” tugon ko sa kanya para kahit papaano’y mapalakas ko ang loob nya.
“Oo nga pare, ayaw nya nga pala akong nakikitang nag-aalala at nalulungkot” tugon nya sa akin.
Batid kong pinapalakas lang din nya ang kanyang sarili, pero mababanaagan mo pa rin ang labis na kalungkutan at pag-aalala. Paglalagay lang ng maskara sa kanyang tunay na emosyon.
“Oo pare ganyan nga be positive” pagpapalakas ko sa kanya
“Tama ka pare magiging okay din si tatay”
DAY 3
Kinabukasan agad ko syang binigyan ng mensahe sa kanyang YM.
“Pre kamusta?” bungad ko sa kanya.
“Okay naman pare, pre tumaas na naman ang blood pressure ni tatay. Kaya di muna raw syang maaring operahan, sabi ng doktor kailangan bumababa muna ang blood pressure nya at maging stable”. Tila nahihirapan sya noong mga panahon na iyon.
“Naku naman pare, sana maging okay na tatay mo! Lagi ko nga syang pinagdarasal eh! Teka pare pinayagan ka na ba ng employer mo na makauwi sa Pilipinas”
“Salamat sa dasal pre, oo pumayag na sila kaso after 4 days pa kasi ang dami pang kailangang ayusing mga papel.Kaya matatagalan pa ng konti bago ako makauwi, pare natatakot ako sa dadatnan ko! Ayaw kong makitang ganun ang tatay” pag-aalala nya
“Huwag ganun pare, tyak magiging okay din ang lahat”
“Sana talaga pare, sana”
DAY 4
Sa ikaapat na araw, lagi ko syang kinakamusta. Gusto kong malaman kung ano ang kalagayan nya at ng kanyang tatay.
“Kmusta na si tatay pare?” unang bati ko sa kanya
Agad syang sumagot.
“Pre natatakot na ako, tumaas na uli ang BP nya! Pare ayoko ng ganito. Hindi ko kaya kung sakaling mauuna pa sya sa akin. Hindi na baleng ako na ang maunang mamatay huwag lang ang alin sa pamilya ko” . Dama ko ang kabigatan ng kanyang emosyon pero pinipilit kong palakasin ang kanyang loob.
“Ano ka ba pare wag ka ngang mag-isip ng masama. Magiging okay din ang lahat, maniwala ka”.pagpapalakas ko sa kanya.
“Pre natatakot na kasi ako eh” tugon nya sa akin.
“Eh wag ganun, maging malakas ka para sa tatay mo at para sa sarili mo. Tandaan mo mag-isa ka dyan! Alam kong hindi pababayaan ng mga kapatid mo ang tatay mo, kaya wag kang gaanong mag-alala” tugon ko sa kanya.
Maging man ako ay natatakot para sa kanya.Pero hindi dapat akong panghinaan ng loob dahil sa akin lang sya kumuha ng lakas. Pinipilit kong palakasin ang kanyang loob subalit maging ako ay nadadala sa kanyang kalungkutan.
Sa huli sinabi ko na magpahinga muna sya at tatagan ang sarili, nangako ako sa kanya na ipapanalangin ko ang kaligtasan ng kanyang ama.
DAY 5
Kinabukasan, kakaiba ang araw na yaon. Tila makulimlim sa labas, pagpasok ko sa aking opisina, agad kong binuksan ang aking computer, at nag online sa YM para makibalita sa aking kaibigan.Pagbukas ko ng YM, nagulat ako sa mensahe nakalagay sa aking computer. Hindi ko na nagawa pa syang kamustahin dahil sa balitang gumulat sa akin.
Isang mensahe ang nagpahinto ng oras sa akin. Isang mensahe mula sa kanya ang talagang sumupresa sa akin.
“Pare, patay na ang tatay ko” Tila isang impit na iyak ang naririnig ko mula sa mensaheng iyon ng aking kaibigan.
Para akong binuhusan ng yelo sa aking ulo. Mabigat sa pakiramdan at dama ko ang kalungkutang bumabalot sa aking matalik na kaibigan. Sunod sunod ang ginawa kong mensahe, pero wala akong natanggap na sagot mula sa kanya! Alam ko masyado syang nahihirapan sa mga nangyari at alam kong sobra ngayon ang kanyang dalamhati.
Sa aking pagtingin sa aking outlook, nagulat na lang ako sa isang sulat na nasa inbox ng aking email. Dagli ko iyong binuksan at natagpuan ko ang mensahe ng aking matalik na kaibigan para sa kanyang tatay. Marahil sinulat nya ito noong panahon natanggap nya ang malungkot na balita. At ito ang nilalaman niyon:
Ang daya mo tatay…………………….
Gusto ko makita ang picture ni Efren Bata Reyes kasi kamukha nya ang tatay ko. Gusto ko din makita ang picture ng daddy ng bestfriend kong si George kasi kamukha ng daddy nya ang tatay ko pero mas gusto ko makita ang tatay ko kasi alam kong naging cute ako dahil sya ang tatay ko.
Tay, di mo naman ako hinintay umuwi, madaya ka. Di ba sabi ko bibilhan kita ng bike para di ka na maglakad pag gagala ka hehehe. Saka ng relos kasi nanghihiram pa ako ng relos sa inyo, tapos bibigay nyo na lang sa akin, eh kanino na ako manghihiram? hehehe.
Saka sabi nyo gusto nyo nung arthro ba yun? Eh malakas pa kayo sa kalabaw kaya di nyo kelangan non, naglalambing lang kayo eh.
Tay, susweldo na ako Friday, ibibili ko sana kayo ng bagong damit kaso parang medyo pumayat ka kaya di ko na alam ano size ng damit nyo. Kasi yung mga damit na regalo sa inyo, binibigay nyo sa akin. Kasi sabi nyo mainit yung mga damit, bibilhan ko kayo ng madaming sando, para cool di ba? hehehe.
Yung mga sandals nyo nga pala, napudpod ko kagagamit, hehehe. Magkasukat kasi tayo ng paa, kanino na ako manghihiram ng sandals eh di ako bumibili ng tsinelas di ba? hehehehe
Gusto ko sana magpunta kayo sa Canada, sinabi ko na kay Tita na yung isang room sa bahay nila eh para sa yo. Pinramis ko pa naman yun kay tita na magbabakasyon tayo sa Canada, inde mo naman hinintay, nagplano ka ng sarili, hehehe.
May baon ka bang gamot dyan tay? Baka magkasipon kayo ha, bawal magkasakit dyan. Kasama nyo naman ang kakambal ni Rachelle dyan, alagaan nyo din sya tay, ipasyal nyo din sa bukid parang ginagawa nyo kila Aeriel. Naku, mamimiss ka ng alaga mo Tay, iyakin pa yon. Di bale, bibili ako ng madaming ice cream saka cake para di sya umiyak.
Di ka man lang nagiwan nang address or cell phone number, naiwan mo pa ung wallet mo, san mo lalagay yun pera mo nyan? May jacket ka bang dala tay? Yun lagi nyo binibilin sa akin pag-aalis ako, wala akong dala dito tay kasi mainit dito sa china.
Naku, pano na ang pagkain namin, masarap kayo magluto eh. Lalo na ang menudo,favorite ko yun eh. Saka bibili tayo ng mais tay, alam ko favorite nyo yun eh.
Teka tay, napupuwing na ako eh. Mejo mahapdi na ang mata ko, ewan ko kung bakit. Saka nangangalay na din ako magtype. Sinisipon din ako, kakahiya hehehe.
Pero kahit madaya ka tay kasi di mo ako hinintay umuwi, alam kong love mo ko. hehehe.... yihi!
Love din kita at love ka naming lahat.
Hay.... anu kaya meron bukas, sana bumalik na lang ang kahapon.
__________________________________________________
Sa mga panahon na ito, wala akong makitang salita para gumaan ang pakiramdam ng kaibigan ko. Nahihirapan ako para sa kanya, at nagpag-iisip isip ang maraming bagay. Masakit sa kanya ang pangyayari at alam ko rin na hindi na nya nagawa pang batiin ang kanyang ama noong Father’s Day, wala rin sya sa tabi ng ama noong naghihirap ito sa ospital at hindi man lang nakita ang kanyang ama hanggang sa huling hininga ng kanyang buhay.Kaya marahil ganun na lamang ang kanyang panhihinayang at pagnanais na ibalik ang panahon.
Mahirap at masakit, malungkot at mabigat ang nararamdaman ko para sa kanya. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, walang ngiting sasalubong sa kanya. Kundi pagtangis at iyak ang yayapos sa kanyang pag-uwi. Nawalan na sya ng pagkakataon para mayakap, mahalikan at maipadama ang kanyang pagmamahal hanggang sa huling sandali ng buhay nito. Pero ganun pa man, mananatili sa kanyang alaala ang masasayang sandali kasama ang kanyang ama.
Sana’y itoy magsilbing paalala sa ating lahat. Huwag natin sayangin ang sandali para ipadama natin sa ating mga mahal sa buhay kung gaano natin sila kamahal. Huwag na nating antayin na hanggang sa ala-ala na lang natin pwedeng makasama ang mga mahal natin. At huwag natin hayaan na mawalan tayo ng pagkakataon na masabi na “Mahal na mahal natin sila”.
Nakakalungkot isipin na kung minsan saka lang natin napapahahalagahan ang isang bagay o tao kapag wala na ito sa atin. Masakit isipin na saka lang tayo bumabawi sa mga mahal natin sa buhay kapag huli na ang lahat. Saka lang natin nasasabi na mahal natin sila, kapag hindi na nila ito kaya pang marinig. Saka lang natin naipapakita ang pagmamahal natin kapag wala na silang kakayahan pang masilayan ito. Saka lang natin naipapadama ang ating pagpapahalaga at pagmamahal sa kanila kapag wala na silang lakas para maramdaman ito at maibalik rin ito sa atin.
Sana magsimula na tayo, at gawin ito hanggat hindi pa huli ang lahat, hanggat may pagkakataon pa tayo at hanggat may kakayahan pa silang maramdaman ito. Huwag sanang dumating sa atin ang punto na pagsisihan natin ang mga bagay na hindi natin nagawa. Huwag natin hanapin ang kanilang pagkukulang kundi punuan na lang natin ito.
Gawin na nating lahat ngayon dahil kahit kailanman hindi natin kaya pang ibalik ang kahapon.
Ang awitin na ito ay para sa aking kaibigan at sa kanyang ama. Sana masaya na ang kanyang tatay sa kabikang buhay.