QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Monday, May 31, 2010

SLAMBOOK


Alam nyo ba na bago pa naimbento ang Friendster, Facebook, Twitter at kung ano ano pang social-networking site eh usong uso noon ang ………….dyaran…….. SLAMBOOK.(yan pala ang tamang spelling nyan?!?, hahaha)

Siguro naman walang eepal dyan na hindi nila naabutan yan! (c'mon....ano ka FETUS?!?).

Usong uso dati ang SLAMBOOK noong elementary ako. Karamihan mga babae ang gumagawa nito para lang malaman nila kung ang ilalagay ng crush nila sa WHO IS YOUR CRUSH? ay pangalan nila. Kung hindi naman para makatsismis lang! Kaya minsan, pagkatapos sagutan ng crush nila yung slambook nila, hayun kumpol kumpol sila at parang kinikiliti sa kwan dahil sa kilig habang binabasa nila ito (Pocketbook?!?)


Uso noon ang slambook na sinusulat lang sa notebook na ang cover ay piktyur nila Jolina at Marvin para sweet daw (kamusta naman yun?!? ).Tapos talagang totortyurin ang mga sarili dahil paulit ulit nilang isusulat ang mga tanong...... page by page.

Kung marami ka namang pera, at sosyal ka, ang slambook mo noon ay mabango at may mga design pang hello kitty sa gilid. Pero kung wala talagang pera at hanggang notebook na may Jolina-Marvin cover lang ang kaya mo, kalimitan bumibili na lang sila ng Panda Ballpen na may glitters sa loob dahil mabango daw ang sulat nito. Totoong mabango sya sa umpisa pero sa paglipas ng panahon at sinubukan mo ulit amuyin ito, babaligtad na lang ang sikmura mo dahil amoy……KINALIKOT na PUWET ang “scent” nito.

Ang mga kaklase ko, ayaw akong pasulatin nila sa kanilang slambook. Bukod daw kasi na wala daw silang pakialam kung sino ang ilalagay ko sa WHO IS YOUR CRUSH?, eh para daw kinalahig ng manok ang sulat ko! (Okay payn, bwisit sila!). Pero dahil ayokong mapag-iwanan sa iba kong kaklase, ninanakaw ko na lang ang slambook nila tuwing recess at sinasagutan ko na lang itong mag-isa (nice, parang assignment lang ah). At dyaran magugulat na lang sila na nandun na yung profile ko.

Oo nga pala, narito ang mga karaniwang sinasagot ng mga kaklase ko SLAMBOOK:

MOTTO IN LIFE: "Time is Gold" o kaya "Honesty is the Best Policy" (Pero sila din ang laging late sa klase at ubod ng sinungaling)

FAVORITE ACTOR: Arnold Swrts Swartz Swartss VIC SOTTO

FAVORITE LOVETEAM: SOLED “Jolena at Marven” POR-IBER

FAVORITE COLOR: Blue (paglalaki) at PINK (pagbabae)

WHAT IS LOVE: Love is Pag-ibig (syet lang oh! Tinagalog?!?)

WHO’S YOUR CRUSH: Secret (taob ang mga chismosa sa mga kapuwitang sagot na ganito)

WHO‘S YOUR BESTFRIEND: **please insert name here*** (dito rin nagsisimula ang away sa iba nyang kaibigan kasi hindi ang pangalan nila ang nakasulat)

WHO’S YOUR FIRST LOVE: PARENTS (hindi counted yan!Tange)

WHO’S YOUR FIRST KISS: PARENTS (wala na akong sinabi!!!)

Yan lang naman ang ilan sa mga nakasaad sa mga SLAMBOOK noong araw. Pero ngayon wala na yan, kumbaga sa aklat isa lang itong “KASAYSAYAN”.

Pero ano man yan, ito’y malaking katibayan na talagang “FRIENDLY” ang mga Filipino. Dahil sa atin lang ata medyo nauso yang SLAMBOOK SLAMBOOK na yan. At kung hindi nyo naitatanong eh tayo ring mga Filipino ang nangunguna sa paggamit ng Friendster at Facebook.

Isang pagpapatunay lang nga na mahilig tayong makikipagkapwa-tao at makipagkaibigan.

Yun lamang po at maraming salamat!




Saturday, May 29, 2010

KABASTUSAN



Sorry medyo matagal akong di nag-uupdate, at sorry uli dahil medyo sumseryus muna ako ngayon.


Tanong lang kailan nagiging bastos ang isang tao, at kailan nagiging malaswa ang isang salita?
Ang pagsasabi ba ng salitang PUKE,TITE, BAYAG, KANTOT at SUSO ay mga salitang bastos at malaswa?Marami siguro sa atin, magsasabi OO,bastos yan at malaswa yan! Pero sino ang dapat humusga? Tayo ba? Pero sino ba ang may maruming isip?Sino ba ang malisyoso?Sino ang bastos? HINDI BA TAYO RIN? Di ba nakapalaking KAIPOKRITUHAN yan!


Nakakabawas ba sa respeto ng isang tao ang pagsasabi ng kabastusan, kabawasan ba ito sa kanyang pagkatao? Pero ang respeto ba ay nakukuha sa mga salita?Hindi naman di ba?Ang pagkatao ba ng isang tao ay nasusukat sa kung gaano kadalas nyang sabihin ang mga salita na ito? Hindi rin naman di ba?

Kung nakakamamatay ang pagsasabi ng ganito baka wala ng matira sa mundo!!!


Dati, noong bata tayo lagi tayong sinasaway ng mga magulang natin na masama ang pagsasabi nito. Bastos ka kapag naringgan ka nito. Kaya nakagapos ang ating kamalayan ng ating kainosentehan. Naalala ko pa noon, halos lapuritun ng nanay ko ang bibig ko dahil nagsalita ako ng SUSO. Pero ang totoo nyan nabasa ko lang ang libro ng kapatid kong babae tungkol sa “PUBERTY”.


Maaring okay lang na wag mong sabihan yan kapag bata ka pa,dahil hindi pa natin alam ang bagay bagay.Ssubalit kapag nabukas na ang iyong kaalaman sa usaping sekswal at nagkakaroon tamang kaispan tungkol dito, hindi naman siguro dapat tayong husgahan at sabihang “BASTOS” dahil lamang sa pagsasabi ng ganitong bagay.

Sa akin “BASTOS KA” kapag hinusgahan mo ang isang tao batay lamang sa kanyang mga sinasabi. “BASTOS KA”, kapag hindi ka marunong gumalang sa kalayaan nyang magpahayag ng kanyang saloobin. “BASTOS KA” kung mas mayabang ka at pinakapamukha mong MAS MALINIS KA kaysa sa ibang tao. May sari-sarili tayong dungis na kailangan punasan kaya WAG KANG MAGING BASTOS para pulaan mo ang ibang tao base lamang sa kanyang sinasabi.
Maraming “MAS BASTOS “ na tao kaysa sa mga taong nagsasabi ng salitang TITE,KIKE, BAYAG,KANTOT at PUKE. Mga taong walang respeto sa saloobin ng iba, mga taong sarili lang nila ang kanilang iniisip, mga taong makikitid ang utak at mga taong sarado ang utak.Sila ang mga TUNAY NA MGA BASTOS.



Kung ang tao ay may respeto sa iba at sa kanyang sarili, sila ang mga TAONG HINDI BASTOS at hindi ito kayang pasubalian kahit pa magsalita sya ng TITE, PUKE, BAYAG araw araw. Wag tayongmaging IPOKRITO dahil lang sa PAGMAMALINIS NATIN. Hindi hamak na mas madumi ang isip ang taong nakikinig kaysa sa nagsasalita. Huwag tayong magmalinis dahil baka mas nakakasulasok pa ang mga taong nagtatago na kanyang sariling baho kaysa sa mga taong hayagang nagpapahayag nito.



ANG TAONG MGA MAKIKITID ANG MGA UTAK SILA ANG MGA TOTOONG BASTOS. SILA ANG DAPAT MAHIYA AT SILA ANG NAKAKAHIYA?



Huwag tayong mapanghusga, dahil kung paano mo sinukat ang ibang tao, sa ganoong paraan ka ring susukatin nito.



Maraming salamat po.







Saturday, May 22, 2010

GYERA NA KUNG GYERA!!!


Hindi maganda ang gising ko ngayon, baket? BAket? At baket ule….dahil yan sa DYASKAHENG IPIS NA YAN!! TARAGIS NA IPES YAN!

Teka may back story yan, kwento ko muna:

Sabi nila, marunong gumanti daw ang mga ipis. Kung nakapatay ka ng ipis sa harap ng kapwa ipis nila, tyak igaganti daw nila ang kapatid nila (lintek lang daw ang walang ganti). Ako naman hindi ako naniniwala sa kaututang kwento na yan. Wala naman kaya silang utak para makaisip pang gumanti. Kaya pwet talaga ang ideyang yan! Pero nagkamali ako, bakit?Okay ituloy mo na ang basa…..BASA

NOTE: Iba ang ipis sa Saudi, ang Arabong Ipis medyo maliliit lang! Kumbaga mukha silang mga malalaking kuto sa lupa (kutong lupa in short) at wala rin silang mga pakpak. Hindi tulad ng ipis sa Pilipinas, malalaki , kulay brown at palipad lipad pa (akala ata nila mga paru-paro sila, kapal ng mukha ah!) .Pakitingnan yung picture sa itaas para makita ang difference.

Kahapon kasi ng umaga, may nakita akong ipis na namamasyal sa kusina namin. Akala nya yata nasa Star City sya (ginawang themepark ang kusina namin?siraulo?!?) dahil hindi sya natakot sa akin, bagkus nagpapakyut pa kamo sa akin (kahit hindi naman sya kyut) at gumapang pa sa legs ko (ano sya pusang naglalampong?!?). Kaya hindi ako nakapagpigil at tinadyakan ko sya sa GUMS! Hayun PISAK sya!

Kahapon din ng hapon, may nakita uli akong ipis sa lababo namin. Dahil medyo galit ako sa ipis, pinaglaruan ko muna sya. Kumuha ako ng TIDE (with bleach) at binudburan ko sya on TOP. Akala ko malalason sya ng sabon, pero hindi pala. Dahil dyan, naisipan ko syang……….BANLIAN NG TUBIG (ang sama ko). Kaya nagpakulo muna ako ng tubig para matusta ang bwisit na ipis na yan. At dyaran…. Nagkikisay sya na parang may epilepsy lang!

Kinagabihan, maaga ako natulog ….. mga 1am (oo maaga na yan sa akin). Nanaginip ako na kasama ko si Cristine Reyes sa beach. Nakatwo piece lang sya (shades saka bracelet lang) at naghahabulan pa kami sa beach. Hanggang sa nagkatitigan kami at lumapit sya sa aking leeg. Hinalikan nya ako ng ubod ng tamis at ako naman ay nakikiliti (ahihihihihi, ganyang ganyan ang tawa parang naiihe lang).

Habang nasa kalagitnaan kami ng labing labing bigla akong nangati sa may bandang leeg at paghawak ko sa nguso ni Cristine Reyes, biglang may napisak at sumabog sa aking mga kamay. Kaya naman bigla akong nagising .At tama nga ang hinala ko, pagbukas ko ng aking mga mata at pagkapa ko sa aking leeg…………………. PUTARAGIS!!!! IPIS pala ang humahalik sa akin.At nandiri rin ako dahil ang inaakala kong nguso ni Critine Reyes ay PUTING LAMANG LOOB pala ng IPIS yun. At pramis inamoy ko sya, at pagkaamoy ko halos masuka ako dahil amoy……. amoy………….. amoy IPIS (natural, tanga ?!?!?)

Dahil dyan nawala na ako sa mood, at nabubwisit ako sa mga IPIS na yan dahil sinira nya ang MOMENT namin ni Cristine Reyes. Kating kati rin ako sa leeg ko, kaya nagpahid ako ng alcohol at nagsabon ng 20 times. At dahil sa PUKENENANG IPIS na yan, hindi na ako natulog at tuluyan na akong napuyat. Kaya heto nagover baggage ang mata ko sa kapal ng eyebag.. PUNYEMAS NA IPIS TALAGA YAN!

Dahil sa pangyayaring yan nagdeklara na ako ng “STATE OF EMERGENCY” at “WAR” sa mga kasumpa sumpang IPIS na yan. At ito na rin ang simula ng digmaan namin. Bibili ako ng galong galong Baygon at BORIC ACID para lipulin ang lahi nila. Sila ang may kasalanan kung bakit napurnada ang halikan namin ni Cristine Reyes, sila rin ang may kasalanan kung bakit nangamoy IPIS ang kamay ko. Kaya GYERA NA ITO!!!

Bumili na rin ako ng CHALK para sa IPIS, sabi nila mabisa daw yun pamatay-ipis. Magguguhit ako ng linya kung saan lang sila pwede (border line kumbaga)! At magsusulat din ako sa dingding ng MAMATAY KA, IPES KA! (korni!) baka sakaling matakot sila.

Ngayon naniniwala na ako na gumaganti talaga ang mga IPIS! Kaya matira ang matibay sa amin! LINTEK LANG ANG WALANG GANTI!! UBUSAN NA ITO NG LAHI!!!!!

Yun lamang po at pagpasensyahan nyo na ang walang kwenta-kwentang post na ito. Ganyan talaga pag PUYAT!

Ingat

Sunday, May 16, 2010

PAGKAIN,PRIDJIDER AT AKO

Siguro ngayon palang alam nyo na NAPAKAGANA ko sa pagkain ( sa “dugyot translation” ibig sabihin…PATAY GUTOM, MASIBA, MATAKAW, BABOY at etc.) . Dahil nga inaamag na “cake”kinakain ko pa (okay payn kayo na ang mga anak-mayaman!)

Dahil walo kaming magkakapatid, lima kaming lalaki na mala-construction worker kung lumamon at yung tatlo kong kapatid na babae ay parang may alagang rhinoceros sa tyan kung lumantak ng pagkain.Medyo agawan kami sa pagkain. Kanya-kanya rin kami ng tago ng sari-sarili naming pagkain.



Kung hihingi ka naman kailangan mong magbanggit ng mga magic word tulad nito:




Magic Word para sa mga timawa o mga palahingi:



“PWEDENG HUMINGI,LOCK TAPON SUSI” ----- kaya kahit masamang masama ang loob sa pagbibigay wala kang magagawa kundi magbigay, kasi naunahan ka na nila sa pagsasabi ng magic word



Magic Word para sa mga masasama ang ugali dahil ayaw magbigay:



“BAWAL HINGI, TAPON SUSI SA PUSALI”---- yan naman ang sasabihin mo para hindi ka mahingan ng pagkain. Wala na silang magagawa dyan kapag naunahan mo sila sa pagsasabi nito.

Kaya kapag nakikita nang kumikislap kislap ang mga mata nila at medyo naglalaway na sila sa dala kong pagkain, kailangan maunahan ko sila sa pagsasabi ng MAGIC WORD. At kung kailangan sungalngalin ko ang bunganga nila at hagisan ng dinamita ang bibig nila para di nila ako maunahan, eh gagawin ko , masolo ko lang ang PRITOS RING at CHIKITO na binili ko (napakabuti ko talagang kapatid, naks!).

At kung tatanungin nyo kung sino ang nagpauso nyang magic word pwet-pwet na yan, syempre walang iba kundi……..AKO! (syet, henyo ko talaga)

Madalas din may nakawan ng pagkain sa loob ng aming PRIDJIDER. Bibihira magkaroon dun ng pagkain kasi puro tubig lang ang laman nun (parang pinalaking WATER JUG lang). Kaya naman kung medyo tintipid tipid ng kapatid ko ang binili nyang BIGBANG o CLOUD NINE at gusto nyang palamigin iyon sa aming ref, tyak pagbukas nyang muli ng ref, BALAT na lang ang laman (kasalanan ba namin yun, sisihin mo yung bigbang/cloud nine kasi dindedespley nya ang sarili nya sa ref, tao lang kami sorry!).

Pero mga tae sila (mga kapatid ko) dahil AKO pa rin ang madalas nilang pagbintangan na kumakain ng pagkain nila. Wala silang katibayan na matakaw at masiba ako!At lalong hindi prueba ang pagkain ko ng inaamag na cake. Foul yun!hIndi counted yun!

Dahil ang ref naming ay REF NG BAYAN, kaya nararapat lang na magbigay babala ka sa mga MASISIBA AT MAGNANAKAW ng pagkain (o bakit ako na naman ang iniisip mo dyan?)
Kaya naman mauutak din ang mga kapatid ko kasi pagbukas ko palang ng ref may ganito ng mga kaepalan


Heto pa ang ilan sa mga nakalagay na babala:




*sample lang to!

Heto pa ang ilang dito:

GAGO KA!SA IYO BA TO??


LASON ITO KAYA WAG MONG KAININ, PINAPALAMIG KO LANG!


KUPAL KA! WAG KANG MANGUHA NG HINDI SA IYO


MAMATAY NA KUMUHA NITO!


Pero ang hind ko kinaya ay ito :




TALAGANG NAG NAME DROP NA! BWISET!!


So ganyan ang sitwasyon sa amin noon, pero magbago naman ang lahat noong umalis na ako at nag-abroad.


Wala lang namimiss ko lang talaga iyang mga senaryo na yan sa amin dati.Dito sa Saudi, may sarili akong “ref” at hindi naman sa pagmamayabang, laging may masasarap na pagkain ang laman ng ref ko.


Pero bakit ganun, ibang iba talaga ang lasa ng pagkain dito. Bakit kahit pwede ko ng kainan ang lahat ng gusto ko na walang humihingi sa akin, bakit parang mas lalong tumatabang at nawawalan ito ng lasa? Bakit nga ba parang mas masarap ang pagkain nahinihingi ko lang sa aking mga kapatid ? At bakit kakaiba ang lasa nito kapag nakikipag-agawan ako sa kanila?Bakit kaya ganun?


Marahil tama nga nga ang ila, wala naman talaga sa lasa ng pagkain ang sarap nito, kundi nasa taong nakakasama mo sa paglasap ng bawat lasa nito. Mas nabibigyan ng kakaibang sangkap ang bawat pagkain kapag kasalo mo sa iyong hapagkainan ang taong mahal mo sa buhay.
Malasahan ko man ang pinakamasasarap na pagkain sa buong mundo , mananatili pa rin itong kulang kapag wala kang kasalo sa pagkain nito. Minsan wala talaga sa pagkain kundi sa taong hahandugan mo ng pagkain. Wala sa dami ng sangkap ang ikasasarap nito kundi nasa dami ng pagmamahal na binibuhos mo dito.


Kung iuugnay ko ang pagkain sa ating buhay ang masasabi ko lang ay…..nasa pagbabahagi at hindi sa pagiging sakim mas lalong sumasarap ang buhay. Kapag mas marami tayong binabahagi sa ibang tao, mas lalong nagiging masarap at makabuluhan ang buhay natin.
Sana matuto rin tayong magbahagi at matuto rin tayong magbigay para mas sumarap ang ating buhay.


Iyon lamang po at maraming salamat.



P.S


Ang pagkain ay AKO ay iisa lamang, bakit?Dahil parehong kaming………YUMMY!hahaha! (biglang kambyo uli, seryus na sana eh!hehehe)

Sunday, May 9, 2010

Japan-Japan Sagot Sa Kahirapan! (JJSSK)


Sa maniwala kayo o hindi, alam nyo bang nagbalak akong mag-Japan bilang isang ….....…drumroll please…...........HOSTO. (O baket ka tumawa dyan. may kalbo ba?)

May kwento kasi yan kaya makinig ka!

Ganito kasi yan, 4th year college ako nang medyo nakatamaran namin ng barkada ko ang mag-aral. Bukod kasi na mahirap ang Engineering (naglolowbat ang braincells ko dyan, grabe) eh gustong-gusto na naming kumita ng pera . At hindi lang basta kita kundi malaking KITA. Medyo olats din ako sa bahay dahil puros sermon ang inaabot ko sa nanay at tatay ko dahil mistulang tantusan ng BINGO ang mga grades ko sa dami ng bagsak.(sorry naman)

Kauuwi lang ng Ate nyang Japayuki, at inalok kami kung gusto naming mag HOSTO. Katulad ng madumi mong isipan (sama mo!!) eh ang iniisip ko sa mga HOSTO noon ay pagbebenta ng katawan at alindog (nice, alindog?!?) . Iniisip ko noon ito ang CALLBOY ng Japan. Pero pinaliwanagan naman kami ng Ate nya na hindi naman kami magbebenta ng aming katawan (sayang!) kakanta lang daw, sasayaw at imomodel-model lang daw ang aming TI........NDIG (tindig). Kaya kahit hindi ako marunong kumanta at sumayaw ,pumayag na ako. Tutal panalo din naman ang aking TI...........NDIG! Isa pa kapatid nya 'yung kabarkada ko kaya alangan namang ipahamak pa nya yung kapatid nya.

Inilihim ko ang lahat sa aking mga magulang, kasi pag nalaman nila iyon, baka hambalusin ako ng APARADOR sa pagmumukha . Tiyak din hihimatayin ang nanay ko pag nalaman nyang magHOHOSTO ako sa Japan. Iiisipin nun baka lapirutin at gawing SUSHI ng mga Haponesa (tunay at di tunay) ang aking ANO.... YUNG ANO...... YUNG KWAN KO.........yung KAKYUTAN ko (kanina ka pa, dumi ng isip mo!). Isa pa lider ng simbahan ang tatay ko, baka akalain nya sinasapian na naman ako ng demonyo. Kaya medyo “tahimik” lang ako sa amin.

So hayun na nga, pinakuha na sa amin ang lahat ng requirements para sa HOSTO-HOSTO na yan, medyo madugo pero ganun talaga pag pursigido kang kumita ng LAPAD (YEN yun tange, hindi tanduay!). Nag-aral na rin akong gumiling ng ……….…brief lang ang suot (Joke lang),nag-aral na akong magsayaw at kumanta. Nagkabisa na rin ako ng mga Japanese Song na tulad ng Voltes V themesong at Moshi Moshi Anone Anone. Kaya medyo handang handa na rin ako.

Balak ko na rin tumigil sa pag-aaral noon, at medyo ginagastos ko na rin sa aking isipan ang mga LAPAD na kikitain ko (di pa ako kumikita ubos na ang sweldo ko). Sabi rin kasi ng kapatid ng barkada ko kailangan daw naming mag-training ng 6 na buwan sa isang agency (tine-training rin pala yun?). Handang handa na talaga akong magHOSTO noon. Ready na ako! (ayos ah, parang boyscout lang)

Subalit, ngunit, dadapwat………… sa hindi inaasahang pangyayari, nilimitahan ng gobyerno ng Japan ang pagpapasok ng mga ENTERTAINER sa Japan (putcha! Entertainer ang tawag sa amin!?!?!). At nakasama kami doon, dahil mas lalo nilang nilimitahan ang mga HOSTOng papasok sa Japan. Kaya ang pinapangarap kong YEN o LAPAD ay nauwi sa…….SINGKONG DULENG na may lumot pa!

Medyo nalungkot ako dahil baka ito na ang simula ng aking pagyaman, pero wala akong magagawa dahil TADHANA NA ANG HUMUSGA (nice parang pamagat sa pelikula). Kaya itinuloy ko na lang ang aking pag-aaral.

_________________________

Okay back sa realidad na tayo! Sa totoo lang, sa tuwing binabalikan ko ang pangyayaring yan sa buhay ko. Natatawa na lang ako! Baket? Baket? Dahil naisip ko na minsan para akong TANGA kung magdesisyon. Sugod ng sugod, arya ng arya. Hindi nag-iisip at mukhang akong hayok na hayok sa......PERA.

Mabuti na lang na hindi natuloy ang paghohosto ko noon, dahil wala siguro ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi ko pinagpatuloy ang aking pag-aaral. Maaring kumita nga ako ng malaking pera subalit ang respeto ng mga magulang at kapatid ko sa akin, baka hindi ko makuha.
Mas lalo kong pinahalagahan ang pag-aaral sa ngayon. Dahil ito ang naging daan ko tungo sa aking mga pangarap sa buhay. Ang pera naman ay pwedeng mawala at nakawin sa iyo, subalit ang karunungan kailanman ay hindi maaring agawin sa iyo ninuman. Ito ang pasaporte mo sa pagtatagumpay, at ito rin ang iyong pinagkukuhanan ng lakas ng loob para makipagsabayan kahit kanino na nakataas ang noo.

Maraming oportunidad para kumita ng pera, pero iilan lang din ang nabibigyan ng oportunidad para makapag-aral at makatapos nito sa ating bansa. Sa Pilipinas na tinuturing na pribilehiyo at hindi karapatan ang pag-aaral, nararapat lang na bigyan natin ito ng malaking importansya at pagpapahalaga.

Ngayon, natutunan ko rin na pag-isipang mabuti ang lahat ng desisyon ko sa buhay. Sabi nga nila nasa huli ang pagsisisi, kaya para wala tayong pagsisihan kailangan maging responsable tayo sa lahat ng desisyon natin sa buhay. Isaalang-alang ang lahat ng bagay at wag tayong pangunahan ng sariling emosyon o pansariling kagustuhan.

Ang dami kong natutunan sa pangyayaring yun, kaya nga kahit alam kong medyo DYAHE ang kwento kong iyan, medyo isinulat ko pa rin para naman may kapulutan ng aral.
Kaya maraming-maraming salamat po sa inyong oras at panahon.

P.S

Nga pala, tumatanggap at nagsasayaw pa rin po ako na…..……..pabango lang ang suot at makapal na mukha sa mga bridal showers. Kaya kung nais nyo pong kunin ang serbisyo ko, murang mura lang may discount pa. Kaya pakikontak na lang po ako sa aking cellphone. Pero pasaload muna bago reply.LOLS!




DISCLAIMER


Wala po akong disgusto sa mga kababayan nating may ganitong propesyon. Ito’y akin lamang pong pansariling opinion at kuro-kuro. Nasa inyo pa rin po ang aking respeto dahil kayo ay kabilang na mga bagong bayani ng ating bansa at ng sarili nyong pamilya.

Saturday, May 8, 2010

Si Nanay Lorna (Nanay ko yun!!)

Alam nyo bukas ay Mother’s day, kaya naman tungkol sa aking nanay ang ikukuwento ko ngayon.
.
Last week napapayag din namin si Nanay na magpacheck up sa duktor dahil medyo laging sumasakit ang dibdib ng nanay sa di malamang kadahilanan. Matapos ang mahabang pilitin, napapayag din ang nanay na magpakunsulta sa duktor. Halos 10 taon ng pilitan yan, bago pumayag si Nanay. Ayaw nyang magpakonsulta dahil natatakot daw sya sa sasabihin ng duktor pero mas ang ikinakatakot daw nya ay yung sisingilin ng duktor sa kanya.
.
Dahil nga malayo ako nakibalita lang ako sa mga kapatid ko sa Skype (habang nasa ofis <---petiks mode) kung ano ang naging resulta ng examinasyon ng nanay, Heto ang usapan namin
.
Ako: Tae (tawag ko sa kapatid ko), ano kamusta ang check-up ni nanay?

Kapatid ko: Naku kuya VALEDICTORIAN si nanay!!

Ako: Ano?anong Valedictorian, bakit nag-aral ba uli ang nanay? (lito na)
.
KapatidKo: Hahhaha! Eh kasi naman highest si Nanay sa lahat ng tests.

Ako:Huh?

Kapatidko: Mataas ang cholesterol, mataas ang blood sugar, mataas ang blood pressure. Lahat ng test nya mataas.

Ako: Loko ka yun pala ibig sabihin ng valedictorian!Hehhee! Eh naku VALEDICTORIAN nga!
.
Dahil medyo nga nagvaledictorian si nanay sa lahat ng test, medyo pinigilan muna namin sya sa pagkain ng paborito nyang chitcharon, porkchop at…………….. choki-choki. Medyo kailangan ingatan nya ang kanyang kalusugan, kaya maraming dapat ipagbawal sa kanya.
.
Okay, dahil nga medyo nag-aalala ako ng konti at alam kong ubod ng init sa Pilipinas, napagdesisyunan naming magkakapatid na palagyan na sila ng aircon. Medyo matagal na naming pinipilit ang nanay na magpalagay ng aircon pero matigas ang ulo, ayaw magpalagay. Heto ang usapan namin ni Nanay sa skype (nas ofis ule ako, sorry naman petiks eh)

Ako: Nay, pabutasan nyo na yung kwarto nyo at papalagyan ko na ng aircon yan
.
Nanay: Naku ayoko nga! Okay na yung bentilador
.
Ako: Naku, eh kay init init dyan sa atin eh, mamaya ma-heatstroke pa kayo
.
Nanay: Eh ayoko ko nga, mahal ang kuryente ngayon. baka dun pa ako mastroke
.
Ako: Ako na magbabayad ng sobra, basta magpalagay lang kayo ng aircon
.
Nanay: Ayoko ko nga! Mahal sa kuryente saka yung mga kapatid mo gagawing tambayan lang ang kwarto namin ng tatay mo! Wag na!
.
Ako: Eh kay kulet naman! Sige na ipaayos na!
.
Nanay: Ayoko ko nga!
.
Ako: Sige na
.
Nanay: (umiiyak)
.
Ako: Huh?Sige na nga wag na!
.
Wala din,sumuko na ako! Makulet ang nanay medyo pag nakatigasan na nya na AYAW nya, ayaw nya! Kaya di ko na pinilit. Siguro kay nanay din ako nagmana ng katigasan ng ulo. Naalala ko noon

Nanay: Hoy, wag mong kakainin yung cake sa ref ha!Aalis lang ako sandali
.
Ako: Opo, ano akala nyo sa akin hayok na hayok sa cake? Di naman ako mahilig sa cake eh!
.
Nanay: Mabuti naman!
.
Umalis ang nanay, at pagtapak palang ni nanay sa labas ng bahay. Pumunta na ako sa ref at hinanap ko na yung cake na sinasabi ng nanay. Bibihira may mag-iwan ng cake sa ref lalo pat puro PG (dead hungry) ang mga kapatid ko, kaya syempre pagkakataon ko na kaya nilamon ko ng buong buo ang cake.
.
Pagbalik ng bahay ni nanay..............................
.
Nanay: Walanghiya kang bata ka bakit mo kinain yung cake?
.
Ako: Hindi ako ah! (maang-maangan epek)
.
Nanay: Tumigil ka nga, hayan oh puro cake yung ngipin mo! Nagpalusot ka pa dyan! (di na ako nakalusot)
.
Ako: Sorry naman, kasi naman kung di nyo sinabing may cake sa ref hindi naman ako matutukso eh. Kaya kasalanan nyo yan nanay.
.
Nanay: Ganun, so ako pa may kasalanan?Eh alam mo ba kung bakit hindi ko pinakain sa iyo yung cake?
.
Ako: Okay game, sirit na!Baket po?
.
Nanay: Eh puro amag na kaya yun! Ipapakain ko yun kay Togtog (yung aso namin) mamaya, kasi sayang naman. Pero dahil sa kasibaan mo, pati amag hindi mo nalasahan. Hahahhaah (tumawa ng ubod ng lakas)
.
Ako: Pinagtawanan nyo pa ako? Eh kung mafood poison ako, at mamatay ako!Tawa tawa pa kayo dyan? (nagtampurorot na ako)
.
Nanay: Hoy, wag ka ngang magdrama dyan! Amag lang yun tange! Kasibaan kasi!Hahahaaha!
.
Ako: Okay payn! (Asar lang)
.
.
Tanga ko rin naman kasi, syempre kung walang amag yun tyak hindi ko na maabutan sa ref yun! Dahil nga sa sosobrang sisiba ng mga kapatid kong parang mga contruction worker kung kumain, isang himala kung may matirang pagkain dun.
______________________
Okay tama na yan! Bida ang nanay ko ngayon, kasi nga Mother’s Day. At nagpapasalamat ako sa Dyos dahil sya ang binagay Nya sa akin. Perfect na perfect ang nanay ko sa akin, dahil sya lang ang kayang magpatino sa akin. At si nanay lang din ang kayang magpatawa sa akin ng sobra.
.
Kakaiba ang nanay ko, dahil kaya siguro kami lumaking puro masisiyahin eh dahil din sa kanya. SUPERMOM si nanay dahil nagawa nyang alagaan kaming walo, pag-aralin, ipaglaba araw araw, at higit sa lahat utang namin kay nanay kung bakit ganito kami.........kagwagwapo at kagaganda. (yung kabaitan kasi kay tatay yun!hehhe!peace tayo nay!)
.
Marami pa akong pwedeng ikwento kay nanay pero next time na lang! Kung di nyo napapansin si Nanay ang laging bida sa blog ko bakit? dahil sya kasi ang bida ng buhay ko. (naks kadrama)
.
Kaya sa iyo nanay, maraming maraming salamat po! Tutuparin ko ang pangako ko sa inyo, at hanggang sa huli hinding hindi ko kayo pababayaan ni Tatay! Pangako yun!
.
Happy Mother’s Day po uli, at I love you very much!
.
Ingat

Saturday, May 1, 2010

Nang Bumisita si Drake sa Wowowee

Di ba sabi ko ikukuwento ko dito yung Wowowee experience ko?Kaya heto na magkwekwento na ako.

Dahil nanalo ako sa isang pacontest dito sa TFC (The Filipino Channel), isa sa mga premyo nila ay bigyan kami ng VIP Treatment para mag Studio Tour sa loob ng ABS-CBN. Kaya naman, hindi ko na sinayang ang pagkakataon na makaapak man lang sa bakuran ng malaking TV Station na ito at mag-feeling artista.

Nga pala next time ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa contest na yun saka sa mga premyo ko! Kung di nyo naitatanong eh lumabas na ako sa isang show sa TFC dito sa Saudi at nailagay na rin ako sa Star Studio Magazine dahil sa contest na ito (Ako na talaga!)

Okay simulan na natin, dahil nga kasama sa premyo ko ang pagstu-studio tour namin sa ABS-CBN agad nagprisinta ang nanay at tita ko na sumama sa akin sa Wowowee para makita sa personal ang Santo ng Mahihirap si……….. San Willie. Masyadong adik na adik ang nanay at Tita ko kay Willie kaya nung sinabi kong isasama ko sila hayun para silang nanalo sa Jueteng, at abot hanggang spinal cord ang ngiti.

So alas 10 ang calltime namin na pumunta sa ABS-CBN, kaya naman alas 8 AM palang lumuwas na kami ng Maynila (hindi naman halatang excited kami) . Pagdating naming doon inasikaso na kami ng mga staff dahil nga VIP kami eh! Naks! Medyo nakakabigla nga kasi ang haba ng pila sa labas ng gate ng ABS-CBN para lang makapasok sa Wowowee. Kaya kahit matusta sa init ng araw at magkaamoyan ng putok at anghit eh wala silang pakialam, malay mo nga naman mapili sila sa BIGATEN.

So hayun na nga dahil VIP kami, nag-Tour na kami sa mga Studio ng ABS-CBN. Una naming pinuntahan ang Studio ng TV Patrol at Bandila. Ubod ng liit, at magkasama ang dalawang palabas na ito sa iisang studio. Heto ang proof oh

*See watusi mukha akong KORLOGS (kolokoy na Jologs)

* Nanay ko yung nakaputi
** Tita ko yung nakagreen

Teka balik na tayo ng Wowowee, so hayun na nga tinawag na ang pangalan ko
“Mr. Drake Kula and the rest of the Gang, dito kayo pumila, at dalhin nyo ang BANNER na to! FROM RIYADH,K.SA.”Sabi ng isang Staff.

Kamusta naman yun, ginawang GANG ang nanay at Tita ko. Ano kami myembro ng SIGE SIGE at Budo-Budol. At dahil na rin sa banner na yan, halos lahat ng tao sa ABS-CBN ay alam na galing akong SAUDI. Sabi nila bakit di raw ako naka jacket at nakasuot ng mga ginto (tipikal na makikita sa pelikula). Sabi ko lang “KAILANGANG MAY GANUN??” (sabay ganito!!)


Pagpasok namin sa Studio ng Wowowee, halos busing-busy ang lahat ng Staff. Tapos gulat ako kasi may isang BULINGGIT dun ng sigaw ng sigaw. Hindi ko maaninag kasi nga malayo pa kami eh. So nung medyo nalapit na kami, napag-alaman ko na ang BULINGGIT na yun ay walang iba kundi si Willie. Nagfe-feeling HARI naman!!!


Nagkukumarat ang lahat ng mga dancer at crew, dahil nga magsisimula na ang show. Kaya pagsasabi ng director I,2,3 ON AIR na tayo. Biglang naging “FIESTA” ang loob ang studio, habang ang lahat naman ng audience ay sumasayaw ng BOOM TARAT TARAT TARARAT TARARAT BOOM BOOM BOOM (uyy!kinanta).


At dahil kariran na kung kariran, sumayaw ako ng “BUWIS BUHAY” at nagpapakyut ako sa camera, syempre malay mo naman makuha ako sa BIGATEN. Pero hindi eh, dahil bago pa man magsimula ang show, namimili na pala si OWEN (yung kamukha ni Jimmy Santos na pina-MANYAK) ng mga kukuhanin sa BIGATEN.


At katulad ng inaasahan lahat ng kinuha ni OWEN ay mga Seksing studio audiences tapos ang pinapabati lang nya sa TV ay yung mga Balikbayang galing sa States, Canada at UK habang pinamamaypay nila ang kanilang mga Dollars. Eh wala akong dollar noon (Peso nga wala din eh), kaya kahit lumabas pa ang bituka , atay at apdo ko doon, hindi pa rin ako makukuha sa BIGATEN.Kaya nasabi ko na lang saTITA ko


“Next time Tita pag pupunta tayo sa Wowowee ule, Panty na lang ang isuot nyo at saka shades ha! baka sakaling makuha na kayo sa BIGATEN ”


“Sige, good idea yan” sagot ng tita ko.


Talagang pinatulan ng tyahin ko! Seryus pa sya nyan nung sumagot sya sa akin. Nakakatakot ah!! (Peace tayo tita, alam kong joke mo lang yun diba?!?DI BA???)


Okay!Oo nga pala, kung tatanungin nyo ako kung nadaanan ba naman ng camera ang pagmumukha ko, ang masasabi ko lang ay OO. Kung yung hagdanan at confetti nga nadadaanan ng camera, yung pagmumukha ko pa kaya. (Nung tinanong ko sa kapatid ko kung napanood nila kami, ang sabi lang nila…..nakita naman daw kami sa TV yun nga lang yung damit lang daw ang kita, yung mukha blurred daw) Nice!Ano kami piktyur???


Hindi kasi ako mahilig sa artista, kaya nung lumabas sila Mariel, Valerie at Pokwang, hindi naman ako masyadong nabigla. Si Willie din, taong tao din naman ang hitsura nya. Medyo kung ano ang nakikita nyo sa TV ganun din naman sya sa personal, TAO LANG!! Walang gaanong pagkakaiba. So paglabas ni Willie, sigawan ang mga tao, tapos nagsimula na rin syang kumanta.

Alam naman natin na parang iniipit na BIIK ang boses ni Willie, kaya madalas eh nag LI-LIPSYNC lang sya, tapos habang nageemote sya sa harap ng camera, may nagbebenta naman ng mga CD at jacket ang mga crew sa mga audience. Kaya paano ba naman hindi magpaplatinum ang CD ni Willie,kung ibenta mo yun araw araw tingnan ko lang kung hindi magplatinum ang bwisit na CD na yun. Saka hindi nyo ba napapansin na halos nauubos ang oras ng Wowowee kakakanta ni Willie (inaabuso nya ang bibig nya dahil pangkain lang yun at hindi pangkanta). Kaya naman kapag Willie of Fortune na halos minamadali ang mga contestant kasi ubos na raw ang oras. Lakas tama mo Willie!


Oo nga pala, during commercial break naman, meron naman silang pang-aliw sa mga Studio Audiences. Kumukuha sila ng mga stand-up comedienne para magpatawa. So kahit commercial break medyo masaya pa rin naman ang mood sa loob ng studio.


Over-all naman masaya naman sa Wowowee. Nag-enjoy naman talaga ako sa experience ko na yon! Heto nga ang IBIDINSYA eh!



** See para lang kaming PINAGBIYAK NA KUKO NG DINOSAUR

** Ang Tunay na Lalaki, nagpapapiktyur sa ASF dancer! (partida sya pa ang yumakap sa akin)



Alam nyo. magkahalong lungkot at saya ang naranasan ko habang tintingnan ang mga kababayan nating umaasang seswertehin sila sa Wowowee.Natutuwa ako dahil may isang programa na nagbibigay ng pera sa mga mahihirap kahit na alam natin ito’y isang komeryalismo lamang. Natutuwa ako dahil kahit paano ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga kababayan natin na isang araw ay baka magbago ang kanilang buhay.

Subalit nakakalungkot isipin na itoy nagpapatunay lamang i na maraming Pilipino ang naghihirap at umaasa na lang sa mga gameshow at mga ganitong klaseng palabas. Nakakalungkot isipin na maraming mga Pilipino ang umaasa na lang sa SWERTE at paglalaro ng kanilang TSYANSA.
Nakakalungkot na baka ito na nga lang ang nalalabing pag-asa nila sa buhay ng ilan nating kababayan.

Mapalad ako dahil nagpunta ako sa Wowowee para magsaya, subalit nalulungkot din ako sa kapwa ko Pilipino na umaasang si Willie at ang Wowowee ang maaring sagot sa kanilang paghihirap.
Mahirap umasa sa Swerte pero ano ang magagawa natin kung TANGING ITO na lang ang pag-asa nila sa buhay. Hanggat patuloy tayong naglulugmok sa kahirapan patuloy din tayong makakilala ng kapwa nating kababayan na umaasa na lang sa GAMESHOW at naniniwala pa rin sa SWERTE.
Sana may mabago na ngayong eleksyon!
Hay buhay nga naman.




P.S
Maraming salamat nga pala sa bumubo ng Kblog Journal, dahil inanayayahan nila akong maging contributor at mafeature sa May Issue ng kanilang Journal. Maraming salamat po lalo na kay Miss Janelle Vales! Kaya kung gusto nyong makita ito CLICK NYO ITO…… SI DRAKE AY PUGE!!