“Ilang taon ka nung nagpunta ng Saudi”, tanong ni kuya sa akin
“23 years old po! Kaya po 5 years na po ako dito”, sagot ko naman sa kanya
“Ang bata mo naman palang nag-abroad! Hindi ka ba nagsisisi na bata at binata ka pa ay nandito ka na sa Saudi?” , sunod nyang tanong sa akin.
Noong mga panahon na iyon, bigla akong napatigil sa pagtakbo at nag-isip ng matagal. Tinanong ko ang aking sarili ….. “Nagsisisi nga ba ako dahil maaga akong nag-abroad??”
Nagsisisi??? Hindi naman siguro. Pero sa totoo lang naisip ko, siguro nga ang dami kong na “give-up” nung nag-abroad ako. Aaminin ko naiingit ako sa mga kaibigan at kakilala kong nasa Pilipinas, dahil na-eenjoy nila ang sari-sarili nilang mga buhay. Walang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat. Naiingit ako sa kanila, na nagagawa nilang kumain sa labas na magkakasama, pumunta sa mall para mamili kapag “Megasale”. Manood ng sine kapag may bagong labas na pelikula . Asamin ang araw ng akinse at atrenta, magliwaliw sa araw ng sahod at pumunta sa mga lugar na hindi pa napupuntahan.
Gusto kong magkaroon ng mga barkada sa opisina, gusto kong maranasang maghanda ng “number” sa mga Christmas Party o sumama sa mga “Company Outings”. Gusto kong masabik tuwing holidays at special non-working day. Uminom ng malamig na beer kasama ang mga kaopisina na tulad ko ring may sentimyento tungkol kumpanya. At higit sa lahat gusto kong makasama ang pamilya ko tuwing hapunan at tuwing araw ng Sabado at Linggo. Dahil lumilipas ang panahon na hindi ko yan nagagawa, at nadagdagan ang edad ko na hindi ko man lang nararanasan ang mga iyan.
Mahirap at malungkot, yan ang masasabi ko. Ang buhay sa Saudi, simple at parang walang buhay. Karamihan sa mga kasamahan kong pinoy dito ay mga nakakatanda sa akin at puros may mga pamilya na.Wala man lang akong makabarkada at makasama man lang sa asaran, kalokohan at ienjoy ang buhay binata.
Walang sinehan, walang lugar na malaya kang magkakapagsaya o di kaya makapagrelax man lang dito sa Saudi. Nakakasawa na ring magkape, mag-internet at manood ng TFC. Pagkatapos ng araw ng trabaho, uuwi ka sa bahay at matutulog na lang. Pagkasweldo, didiretso ka na sa mga Remittance Center para magpadala ng pera. Matatapos ang araw mo ng paulit-ulit at sisimulan mo naman ito ng katulad ng nakasanayan mo rin sa umaga. Walang bago, walang pagkakaiba, pauulit-ulit at nakakasawa na.
“Hoy, di mo sinagot ang tanong ko”. Biglang binasag ni Kuya ang malalim kong pag-iisip.
“Ah!! Uhmmmmmm di naman po ako nagsisisi kuya! Ganun nga talaga siguro ang buhay, May kailangan kang isakripisyo at hindi pwedeng pareho mong makukuha ang gusto mo. Ako kuya, kailangan ko kasing magsakripisyo para sa pamilya ko, katumbas man nito ang personal kong kaligayahan at maging ng aking kabataan. Malungkot man at mahirap, pero kailangan kong tanggapin,kasi desisyon ko ito sa buhay . At desisyon ko na magsakripisyo para sa kanila”, pangangatal na sagot ko kay kuya, sabay iwas ng tingin sa kanya.
Sabi nila, pinamasarap na buhay ang nasa edad 21-30 taon. Dahil tapos ka na sa pag-aaral, at kumikita ka na para sa sarili mo. Ineenjoy ang buhay binata/dalaga na walang gaanong inaalala sa buhay. Malayang gawin ang naisin, at malasap ang buhay na malayo sa responsibilidad. Minsan ka lang dadaan sa yugto na yan ng buhay mo at hindi ka na ulit makakabalik sa nakaraan para maranasang mong muli ang mga bagay na iyan.
Ako, hindi ko na nga siguro mararanasan pa ang mga ito. Marahil, wala na rin akong magagawa tungkol dyan, at kailangang tanggapin ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa aking mga balikat. Ang tanging nagpapasaya sa akin sa ngayon ay ang mga naitulong ko sa aking pamilya. Nawalan man ako ng panahon na gawin ang mga bagay na karaniwang ginagawa ng mga kaedaran ko, nagawa ko namang gamitin ang oportunidad na mayroon ako sa ngayon para makatulong ng malaki para sa pamilya ko at baguhin ang buhay naming. Sapat na sa akin iyon.
“Ano tigil muna tayo, medyo pagod na ako eh, malayo pa ang dulo nito” yaya ni Kuya sa akin.
“Kayo na lang po muna kuya, tatapusin ko itong “track”, pipilitin kong marating ang dulo nito, kuya” tugon ko sa kanya.
Iniwan ko si kuya habang tinatakbo ng matulin ang daan patungo sa dulo. Hindi ko na kailangan lumingon pa , para tingnan ang mga natakbo ko na. Baka mapagod lang ako kapag nalaman kong malayo na rin pala ang naitakbo at nailakad ko. Itutuon ko na lang ang pansin na maabot ang dulo ng “track”, tumakbo ng matulin at gamitin ang naipong lakas para pagdating sa dulo at magawa ko na ring magpahinga at maging masaya para sa sarili ko. Alam kong mararating ko rin ang dulo nito. Basta kaya ko ito……………. at handa kong tapusin ang “TRACK” na ito.
Yun lamang po at maraming salamat