QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Monday, December 27, 2010

PAYANIG SA PASIG 2010



Isang pagbabalik tanaw lamang sa mga nangyari sa akin ngayon 2010.
Aaminin kong napakaraming “Payanig sa Pasig” ang ginawa sa akin ni Papa Jesas ngayong taon, lalo na sa usaping “TRABAHO”. Alam nyo naman na hindi biro din ang pinagdaanan kong pangamba at pag-alala, at ito ang mga yun ;

1. Halos mawala ako sa ulirat ng malaman kong nag-alsa balutan ang boss ko ng bigla bigla at walang paalam. Ginulat na lang nya kami na wala na sya sa Saudi at bumalik na sa UK. Walang text, miss call, o kahit pasaload man lang, basta nagkagulatan na lang na wala na sya sa kumpanya.

2. Dahil sa panyayaring naganap sa itaas, halos 3 buwan akong hindi pinatulog dahil baka magbungkal ako ng lupa sa Pinas para magtanim ng kamoteng kahoy at singkamas. At dahil puyat ako, halos nabawasan ang aking kakyutan ng 40%.

3. Naghanap ako ng bagong trabaho, at awa naman ni Papa Jesas dininig nya ang dasal ko dahil pasok agad ako sa isang malaking kumpanya ng gatas (na pambata). Ang trabaho ko ay sa mag-extract ng gatas mula sa dalaga (Joke lang). Subalit dahil sa kaepalan ng kumpanya naming nagbebenta ng kotse na may tigreng lumulundag, hindi ako pinayagang lumipat. Pinamili ako: manatili sa kumpanya o umuwi sa pinas at magbenta ng fresh kong katawan. Syempre no choice kundi nanatili sa kumpanya. (Tanginis lang oh)

4. Dahil sa ganyang sitwasyon, muntik na akong uminom ng isang boteng valium (wow sosyal) para hindi na magising dahil sa labis na pag-alala at panghihinayang. At dahil din yan 2 buwan naman akong lutang ang utak hanggang sa lumabnaw na parang lugaw.

5. Mabait pa rin si Papa Jesas, dahil sa wakas pinayagan na ako ng putares na kumpanya na lumipat sa ibang kumpanya. Subalit pinili nila ang buwan na kung saan alanganin kang tanggapin (Ramadan yun), kumbaga para itong Mahal na Araw na mamalasin ka kapag tumanggap ka ng empleyado. Kaya kahit nagpasa na ako sa isang libong kumpanya ng aking CV sa paniniwalang “THE MORE ENTRIES YOU SEND, THE MORE CHANCES OF WINNING”. Eh wala tumawag sa akin kahit isa man lang . At halos isang buwan akong takot na takot dahil kung hindi malamang uuwi talaga ako sa Pilipinas.

6. At buti na lang sa huling araw ay marami ng tumawag (nalito pa nga ako eh! Naks! Kayabangan, hahaha) Kaya napunta ako ngayon dito sa bangko. Subalit nag-aalala pa rin ako kasi baka umepal na naman ang dati kong kumpanya at hatakin ako pabalik. Kaya halos 2 buwan din akong di nakatulog ng mahusay.

7. Sa wakas may bago na akong trabaho sa ngayon, subalit dahil sa layo ng trabaho ko sa dati kong bahay, halos mabuhay na ako sa loob ng taxi sa haba at tagal ng traffic. May bonus pang anghit ng Pakistaning driver plus surot, niknik at umaalingasaw sa antot ng taxi. At dahil dyan nangati ang buong katawan ko at halos galisin ako ng isang buwan. Buti na lang bumalik na muli ang aking mala SUTLAng balat ng lumipat na ako sa bago kong bahay.

8. Akala ko kuntento na sa pamumuwisit ang dati kong kumpanya, dahil hindi pala sila tapos. Dahil nung kukunin ko na and backpay ko (end of service benefits) dahil sa pagiging loyal sa kanila ng 5 years. Sa huli, hindi rin nila binigay ang pera ko. At kahit umutot pa daw ako ng sago hindi ko makukuha ang pera kong pwede nang pampatayo ng maliit na beerhouse. Kaya halos isumpa ko sila sa sobrang inis at bwisit. At kung ihahabla ko pa sila dahil dito, baka lalong masira ang taon ko kaya hinayaan ko na lang. Isang buwan din akong hindi pinatulog sa inis at bwisit sa dati kong kumpanya na yan.

Kaya kung susumahin nyo lahat halos buong taon akong hindi nakatulog ng mahusay, iniinis to the maximum level, at pinag-alala hanggang sa pumanget (meganun). Kaya sana naman next year maging maayos na ang aking buong taon. SANA……….

Maraming salamat mga KAUTAK, at HAPPY NEW YEAR!!!!!
DRAKE

Wednesday, December 22, 2010

DRAKE!,NAMAMASKO PO!!



Huwatt!!!!Pasko na! Nakamputcha, wala man lang magbibigay sa akin ng regalo! Kainis!


Sensya na nga pala kung emu-emohan ako, syempre pasikat lang. Nga pala dahil magpapasko na, ikukuwento na rin dito ang nangyari sa akin Last Christmas .Yun kasi ang kauna-unahang kong pasko sa Pilipinas simula ng nag-abroad ako. Mga apat na pasko rin kasi akong di nakauwi, at iyon ang kauna-unahan kong magpasko sa atin ng…............…may pera (ng slight lang naman).

So katulad ng sinabi ko, medyo namiss ko ang Pasko sa atin, kaya naman excited akong bumili ng pamaskong damit sa SM. Kailangang mangamoy gaas ako sa pagkabago ng damit at isusuot ko sya sa araw mismo ng pasko. Dahil ako rin ay isang panauhing pandangal ng aming pamilya, syempre ako ang bida sa pamilya, kaya naman ako ang........... gumastos ng lahat! Joke lang! Nakakatuwa nga dahil nag-iipon pala sila ng pera para sa pag-uwi ko hindi ako gumastos ng malaki sa pasko at Noche Buena. Ako’y tats na tats talaga, pramis! Hanggang burnik natats nila ako. Pero sa huli napagastos din ako. Hahahha!


At katulad ng inaasahan, sandamakmak na bata at tao ang dumating sa aming bahay. Syempre nakakahiya naming hingin agad ang Aguinaldo di ba? So kumakain naman sila kahit konti para hindi halata. Pero yung isang bata, hindi kinaya yung suman na kinain dahil pagkasubo, nagsuka agad. Panay kain pala sya bago hingin yung Aguinaldo. IYan ang ISTAYLl!!


Punung puno din ang simbahan sa huling gabi ng simbang gabi (paulet-ulet??). At tulad ng inaasahan, nagsimba ang iba para mag ……..dyaran……..FASHION SHOW! Syempre pagkakataon nila itong pumorma at isuot ang mga nauusong damit ngayon. At mistulang SOGO Hotel ang simbahan sa dami ng naglalampungang magkasintahan sa may gilid, sulok, singit at alulod ng simbahan. Mistula rin itong daycare center sa dami ng nagiiyakang mga bata. Nagpapatinisan pa ng boses. At ang nakaasar pa, yung mga sapatos nila may tumutunog tunog pa!


Masaya ang notche Buena namin, kasi may videoke, pizza, prutas, hamon, keso de bola at “the bar” (letche ang mahal ng champagne). Medyo gumising pa kami ng 12 am para lang lumamon at intayin ang unang Segundo ng pasko. After nun parang binagyo ang mesa dahil naubos sa isang iglap ang mga pagkain (timawa??)


At ,dahil ako ay isnag balikbayan, nagmistula akong si….Santa Claus na gumwapo (may gwapo pa talaga??). Ibig sabihin nun obligado akong mamigay ng regalo, Aguinaldo o pasalubong sa mga kamag-anak ko. Medyo malaki laki din ang napakawalan kong pera ng ganun ganun lang lalo pat choosy na ang mga bata ngayon at hindi na sila tumatanggap ng bente pesos . At lalong mas choosy ang mga tyahin/tyuhin ko, dahil ayaw nila ng hindi imported (Tae lang oh!). Pero kahit medyo naubos ang pera ko noon, sulit naman talaga ang pasko ko noong 2009.


Hays, ayokong malungkot ngayong Pasko, pramis. Dati sanay na akong magpasko sa Saudi, pero iba nga talaga ang pasko sa atin. Kala ko makakasanayan ko ito, pero parang hindi eh! At aaminin ko naiingit ako sa mga kakilala kong uuwi ngayon pasko.


Kayo musta Pasko nyo?Inggitin nyo naman ako oh!


MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT.

Wednesday, December 8, 2010

DRAKE KULA

Drama na kung drama, pero hayaan nyo na muna ako.

Sa unang pagkakataon hayaan nyong ipakita ko ang picture ni DRAKE KULA.



Minsan iniisip ko, bakit ba nakapaka-unfair ng mundo? Aminin natin o hindi, minsan nagdo-“double standard “ tayo, lalo na siguro kung sa hitsura o mukha ang pagbabasehan. Nahuhusgahan natin ang isang tao ayon lamang sa kanyang hitsura at panlabas na kaanyuan.
Mahirap nga pala na nagsimula ang buhay mo sa panlalait at panlilibak sa iyo dahil sa iyong hitsura. O di kaya dahil kakaiba ka kumpara sa iba.



Hanggang ngayon dala-dala ko pa rin yan, kahit na anong gawing iwas hindi pa rin ako pinapatahimik ng aking mga “ insecurities” pagdating sa hitsura. Madali pa rin akong masaktan at maapektuhan. Marahil dala ito ng aking pagkabata, at hanggang ngayon ay tila naging parte na ito ng aking paglaki.




Naalala ko pa noon, sikat na sikat ang kuya sa mga babae. Madalas, syang makatanggap ng mga sulat mula sa mga kaklase nyang babae. Mga sulat ng paghanga dahil sa kanyang tindig, hitsura at porma. Madalas syang kinukuhang konsorte sa mga Santacruzan, naging Mr. JS sa aming eskwelahan . Tinitilian ng mga kababaihan dahil sa angking kakisigan. Madalas kapag nakikita ako ng mga babaeng may “crush” sa kanya, lagi akong tinatanong “ Kapatid mo ba talaga si Leo??”, na tila may halong pagtataka at pagkagulat. Kasunod ang malulutong na halakhak at tawanan.



Inggit na inggit ako kay kuya, dahil paborito din sya ng nanay. Inggit ako sa kanya, dahil lahat ng tao pinupuri sya. Lahat sila gusto sya, sya lagi ang bida at sya lagi ang nangunguna. Sa aking pakiwari nakikipagkumpetensya ako sa kanya, at kahit ano pa ang aking gawin parang hindi ko magawang manalo sa kanya.



Karamihan sa aking mga kapatid mapuputi, matatalino, kinatutuwaan at kinagigiliwan. Madalas akong magpasikat noon, subalit sa huli wala namang pumapansin sa akin. Tampulan din ng tukso dahil sa bungi-bungi kong ngipin. Madalas laitin dahil sa kulay-uling kong balat. Lagi ring binabatuk-batukan, kinukutusan at inuutusan dahil maliit ako kumpara sa aking mga kaedaran. Kaya lagi akong nasa unahan ng pila. Lahat sila pakiwari ko lagi silang nagtatawa sa akin. Lahat sila tingin ko laging may sinasabing pangit tungkol sa akin.



Sa pamilya, madalas akong tuksuhing “UNYO”. Dahil kamukha ko daw ‘yung kapitbahay naming may nakakatuwang hitsura. Madalas din sabihang “ampon” lang daw, pinalait sa ospital o anak daw ng kamag-anak naming may kakulangan sa pag-iisip.



Lumaki akong mababa ang kumpanysa sa aking sarili. Madalas natatakot sa iniisip ng ibang tao sa akin, dahil pakiwari’y puro mga di magagandang bagay ang maririnig ko mula sa kanila. At pakiramdam di’y lagi nila akong pinagtatawanan.



Hindi ko magawang manligaw noon, dahil sa aking tingin wala namang magkakagusto sa akin. Hindi rin ako nagkaroon ng barkada noong elementary at highschool. Dahil hindi naman ako gaanong nakikipagkaibigan dahil baka hindi nila ako magustuhan. Madalas mas gusto ko pang mag-isa, at kausapin na lang ang aking sarili. Takot ako sa tao, takot ako sa iniisip ng iba sa akin, at takot akong sabihan ng hindi magagandang bagay tungkol sa akin, takot akong pagtawanan at takot akong laitin.
Parang umaalingawngaw ang mga tawanan at halakhakan nila sa akin. Nabibingi ako sa mga tingin na may panghuhusga at panlilibak. Bakit ba parang natutuwa silang pinagtatawanan nila ako? Bakit ba kailangang laitin nila ako? Hindi ko alam pero ganito ang lagi kong nararamdam hanggang sa ngayon. Iniisip kung ano ang iniisip ng ibang tao sa akin.



Subalit sa pagdaan ng panahon, nakuha ko na ring tanggapin na lang ang lahat. Amining marahil nga lagi akong talunan sa ibang bagay. Marahil, marami nga talaga akong di magagandang katangian, o maaari rin na talagang katawa-tawa ang aking hitsura. Ayaw ko nang mabuhay sa iniiisip ng ibang tao sa akin, at ituon ang pansin sa mga taong nakakaintindi at nagmamahal sa akin.



Sa ngayon, sa tuwing may pumupuri sa mga bagay na aking nagawa. Tila nahihiya dahil hindi ako sanay na may nakaka-appreciate sa akin. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam. Hindi ko mawari kung ito ba’y katotohanan o isang pabalat lamang dahil baka sa likod ng mga papuring ito ay mga panlalait at pagtawa.

Para sa iba, tila isang simpleng bagay lamang ang mga ito. Madaling kalimutan at madaling solusyunan. Pero sa tulad kong naging parte ng buhay ang panlilibak at panlalait, tila isang malaking bagay ito na hindi madaling solusyunan. Mahirap malunasan kapag ang kalaban mo ay walang iba kundi ang iyong……sarili. Isa itong sakit na sikolohikal, na walang ibang pwedeng gumamot kundi ang aking sarili din.



Wag na tayong magpaka-ipokorito, nabubuhay tayo sa mundong mas mahalaga ang nakikita ng mata kaysa ng puso. Aminin natin mas unang nakikita natin ang hitsura kaysa sa ugali ng isang tao. Nahuhusgahan ang isang tao batay sa kanyang pisikal na kaanyuan.



Sabi nga ng karamihan na kapag maganda o gwapo ka at panget ang ugali mo,sasabihin nila…” uyyy! suplada/suplado mo naman” o “di kaya palibhasa alam nyang maganda/ gwapo sya”. Kung maganda/gwapo ka at maganda rin ang ugali mo, sasabihin ng tao “parang namang anghel yun”. SUBALIT kung panget ka at maganda naman ang ugali mo, sasabihin ng iba…”Aba, dapat lang na mabait sya”. At kung panget ka na at panget pa ang ugali mo malamang sinasabihan ka ng “Putangina, ang kapal ng mukha mo!!”. Isang mapait na katotohanan na hindi natin pwedeng pasubalian.



Ang kagandahan o kagwapuhan ay nawawala rin sa pagdaan ng panahon. Subalit tanggapin natin na hanggat nabubuhay tayo sa mundong tila isang malaking bagay ang kagandahan at kagwapuhan. Na kung saan mabenta ang produktong pampaganda at pampagwapo. Na kung saan sinusubukang pigilan ng syensya ang pagtanda, at ginamit naman ang teknolohiya para mabago o pagandahin ang mukha /katawan na kaloob ng Dyos para sa pansariling kaligayahan .


Mananatili tayong PRESO ng mapanghusgang MUNDONG ito. Mundo na kung saan nababase ang pagtanggap ng tao sa kanyang nakikita at ginagamit ang mata sa napakaababaw na paraan.
Hindi ko alam kung kailan ako makaalpas at makaalis sa BILANGGUANG ito. Wala rin akong ideya kung mapapalaya ko pa ang sarili ko sa aking mga kaisipang ito. Pero mahirap man makaalis dito pipilitin kong makatakas sa pampanghusgang MUNDONG ITO. Mahirap at matagal subalit……………… SUSUBUKAN ko.



Iyon lamang po at maraming salamat.


DRAKE