QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Wednesday, January 19, 2011

Yun eh! Pumipitik pitik pa!




Ang blog na ito ay pumipitik pitik pa kahit medyo naghihingalo na!


Aaminin ko medyo hindi na ako gaanong nag-uupdate ng blog ko kumpara dati. Medyo sobrang busy sa trabaho at maari kong sabihin na talagang sulit na sulit ang pinapasweldo sa akin ng bangko. Hindi ko na magawang mangulangot at magkamot ng betlog. Kalimitang nakatutok ako sa computer at nagche-check ng kung anu-anong mga requirements ng mga pukanenang mga aplikante na yan.


Ako rin kasi ang humahawak ng mga interviews para sa mga EXPATS o NON SAUDI at sari-saring mga tao ang nakakasalamuha ko araw araw. Dugu-duguan ang aking ilong at tenga kakaenglish, at halos ayaw ko ring huminga kapag natatapat ako sa mga aplikanteng wala sa dikyunaryo nila ang salitang “MABAHO, ANTOT, PUTOK, YUCKY, B.O at BAD BREATH”. Kaya tandaan hindi lahat ng pumuPUTOK ay baril.


Aaminin ko, totoo nga pala na “FIRST IMPRESSIONS LAST”, kasi kapag mukhang pinabili lang sya ng suka eh medyo nasisikantot ako (second thought). Tapos kapag hindi man lang pinalansta ang damit, pantalon at necktie, medyo nakakababa ng energy. Pero syempre tintingnan ko pa rin kung magaling naman sya at maayos naman syang magsalita. Nung minsang may isang pinoy na nag-apply dito;


Ako: Sorry kabayan hindi kami bibili ng binatog! (binatog talaga??)


Kabayan: Hindi kabayan mag-aaply po akong trabaho


Tiningnan ko sya mula ulo mukhang paa este hanggang paa. Napaisip ako, si kabayan naman hindi man lang makuhang magPOLO at slacks, talagang Tshirt at jeans ang suot. Kaya sinabi ko


Ako: Sige kabayan iwan mo na lang sa akin yung resume mo, tawagan ka na lang namin for interview.


Kabayan: Di ba pwedeng NOW NA? (medyo nagulat ako sinabi ni kabayan, at nakikiNOW NA pa!)


Ako: Sorry, wala kaming bakante!! (**Please insert pilit ngiti – talim mata here***). Akala ata ni kabayan, eh tumatanggap kami ng “Construction Worker” sa bangko.


Dito sa Saudi, requirements din na pwedeng ilipat o transferable ang visa profession mo. Ganito yan, paliwanag ko para hindi ka tae-tae kung ano ang ibig kong sabihin. Pag pupunta ka ng Saudi may IQAMA na tinatawag o residence card, ngayon nakalagay dun sa IQAMA mo kung ano ang trabaho mo. Ngayon kung sa bangko ka nag-aapply at ang trabahong nakalagay sa IQAMA mo ay “nurse”, hindi pwede yun kasi hindi naman kami ospital.Kailangan sakto ang profession mo sa lilipatan mong kumpanya. INTIANDES!!


Kaya kapag ang nag-apply sa akin ay may visa profession na machine operator, housemaid, driver, ,dressmaker, laborer, , starlet ,fishball vendor at GRO, binabagsak ko na kasi hindi naman sila maililipat.(yung GRO pwede pa namang pag-usapan! Hahaha!) Ika nga it’s a waste of time ,energy and bucket of saliva.


Heto kamo may isang aplikante akong ininterview at matapos ang mahabang TELL ME ABOUT YOURSELF at paekek pang mga tanong, umarrive kami sa tanong na ito


AKO: Okay, what’s your visa profession?


INDIANO: Sir, it’s CHICKENNERY


AKO: What???


INDIANO: CHICKENNERY, Sir


AKO: Huh? What’s that again? (dumugo na talaga ang kilikili ko sa mga naririnig ko)


Medyo hindi ko kinaya ang narinig ko kaya bumulagta na lang ako sa sahig dahil hindi ko nga sya maitindihan tapos amoy imburnal ng tae pa ang hininga nya. Kaya binalikan ko na lang ang CV nya at dun ko napagtanto na nagtatrabaho pala sya sa isang kumpanyang nagbebenta ng ………. DRESSED CHICKEN. PUT#$%$#@# umembento pa ng profession.


Okay yan muna mga kautak, pero ang dami ko pang ikukwento sa inyo. Hayaan mo pipilitin ko talagang i-CPR at imouth-to-mouth ang blog ko na ito kahit medyo busy ako sa trabaho. Ganyan ko kayo kamahal kaya penge ngang kiss dyan!

Ingat

Thursday, January 6, 2011

PAGHAHANAP NG KALIGAYAHAN



Minsan mag-iisip ka bakit tila napakailap ng kaligyahan? Bakit tila hindi rin pangmatagalan ang ligaya? Ano ba ang sukatan ng kaligayan? Ano ba ang anyo nito?


Tila napakahirap sagutin ng mga tanong na yan? Tingin natin tila napakalawak ng salitang “KALIGAYAHAN ”. Sabi nila hindi nating pwedeng pangarapin ang kaligayan dahil hindi ito pemanante sa mundo. Wala ring pormula ng kaligayahan dahil nababatay ito ayon sa sukatan o pamantayan ng isang tao.

Noong tayo’y musmos pa, hindi ba sa isang supot lamang nang kendi sapat na para maramdaman natin ang lubos na kaligayahan. Subalit bakit sa pagdaan ng panahon tila hindi na tayo kaya pang mabigyan ng kaligayan ng isang supot ng kendi. Maari kaya na ang kaligayahan ay batay sa kaalaman o utak ng isang tao? Na habang tumatalino ang tao nagiging kumplikado ang pamantayan ng kaligayahan nito?

Lahat ng tao nagnanais maging masaya. Hindi ba? Pero paano ba nating sisimulan ito? Kailangan ba nating makuntento bago lumigaya, o kailangan nating maging maligaya bago makuntento?
.
Sa aking paglalakbay sa mundong ito at pagtatanong sa ibang tao, lagi kong naririnig, “GUSTO KO LANG NAMANG MAGING MALIGAYA!” Sino bang nilalang ang ayaw nito? Subalit paano mo hahanapin ang isang bagay kung sa iyong sarili hindi mo naman alam kung ano ang iyong hinahanap. Ni hindi mo alam kung paano maipapaliwanag ang pakiramdam ng kaligayahan? Makikita ba ito sa tamis ng iyong ngiti? Maririnig ba sa lakas ng iyong halakhak?O mararamdaman ito sa pamamagitan ng paglutang ng kaisipan at paghihiwalay ng iyong kaluluwa sa iyong katawan? Paano mo ito maipapaliwanag?Alam mo ba?

Ang KALIGAYAHAN ay isang emosyon, at ang emosyon ay nagbabago. Ang emosyon ay hindi hinahanap, kusa itong nararamdaman base sa sitwasyon. Ang sitwasyon ay paiba- iba bawat segundo at ito’y naaayon sa iyong kapaligiran.Ang kapaligiran ay sumasabay naman sa pag-ikot ng mundo. At ang mundo ay patuloy na iinog at hindi titigil kahit kailanman. Kaya ang KALIGAYAHAN ay patuloy na nagbabago, nag-iiba ng anyo, nagpapalit palit ng kahulugan, hindi pangmatagalan at sumasabay sa pag-ikot ng mundo.. Hindi sya pwdeng tanungin ng ANO, BAKIT,PAANO, SINO,SAAN ,KAILAN, ALIN o tanong na nalikha sa mundong ito dahil walang tamang sagot dito, walang partikular na kasagutan at lalong walang permananteng tugon dito. Nagbabago ang sagot ng tao at paiba-iba din ang sagot nila kahapon, ngayon, bukas at sa makalawa.

Totoo ngang nakakapagod hanapin ang kaligayahan dahil maaring naman wala tayong dapat hanapin o hindi naman talaga dapat ito hinahanap. Dahil tulad ng sipon, ubo,lagnat at iba pang sakit pasulpot sulpot lamang ito, nawawala at bumabalik muli.Lumilitaw sa hindi inaasahang oras at nagpaparamdam sa biglaang pagkakataon.
.
Bakit hindi na lang nating hayaan na ang KALIGAYAHAN ay dumampi sa ating mga puso na parang isang malamig na hangin lamang. Damhin ito hanggang sa huling paghaplos nito sa iyong balat, lasapin ang kahuli-hulihang lamig na kayang magbigay sa iyo na panandaliang pagkalimot sa iyong kamalayan. Huwag hawakan dahil kusa lamang itong aalpas sa iyong mga kamay at kahit gaano mo pa asamin na itago at ipunin ito, mawawala na lamang ito sa isang iglap. Hayaan na lang na siya ang yumapos at humagkan sa atin dahil baka sa paaatubiling panghawakan ito, nawala sa atin ang oportunidad na maranasan ang bawat pag-ihip ng malamig na hangin . At mangarap na lamang na muling makadaupang palad ang malamig na haplos ,intayin ang pagdampi ng ihip ng hangin at umasang maramdaman muli ang pagkakataong minsan lamang dumating sa ating buhay. Hanggang sa huling hibla ng hangin at hanggang sa huling pagyapos ng KALIGAYAHAN sa ating buhay......
.
.
When one door of happiness closes another opens; but often we look so long at the closed door that we do not see the one which has opened for us.--Helen Keller .
.
Ingat
Drake