TAGABENTA NG PRUTAS
Palibhasa bata palang ako mahilig na talaga ako sa…..PERA (okay payn mukhang pera na ako!). At dahil madalas nagbabaon lang ako ng Rebisco (yung butter flavor pa!yuckk) at Orange juice na putlang putla (basta magkulay orange sya, orange juice na ang tawag), kaya naman gusto kong magkapera pambili ng POMPOMS (chiz curls yun tange!) at Bazooka Bebelgam! Kaya naisipan kong magbisnes, at ang naisip ko ay magbenta ng.....tenen....... mga prutas.
Tuwing Sabado at Linggo dumadayo ako sa mga Lolo para manungkit at manguha ng bayabas, mangga, mabolo, alatiris, duhat at santol. At tuwing hapon naman ay nagnunungkit ako ng kaymito sa kapitbahay naming mukhang RAKETA NG PINGPONG , para may ibenta ako sa mga kaklase kong may baon na pera. Kaya kahit magkadasugat sugat kakakuha ng mga alatiris, mangati sa dami ng higad sa puno ng mabolo at magkandakulani kakasungit ng bayabas......wala akong pakialam, basta kailangan kong kumita ng pera. Yun lang! At dahil mga mukhang unggoy ang mga kaklase ko…. madalas maubos ang bayabas na tinitinda ko, at matagal namang maubos ang kaymito na ninenok ko sa kapitbahay namin.
TAGAPASTOL NG ITIK
Siguro alam nyo naman ang “itik”, ito yung bibeng kulay brown. Yung itlog nya ginagawang balot at penoy! Tuwing bakasyon naman noong elementary pa ako, sumasama ako sa mga pinsan kong magpastol ng ITIK. At kada madaling araw naman, tagapulot ako ng itlog ng itik. Kahit pa mukha akong nognog dahil bilad na bilad ako sa araw, wala akong pakialam basta gusto kong kumita ng pera pambili naman ng ROBOT na BIOMAN. Kumita din naman ako ng mga 200 piso sa loob ng dalawang buwan kong bakasyon.Pero natigil lang ang raket ko na yan nung nagpaTULE na ako. Syempre nakakahiya namang magpastol ng itik kapag binata ka na. Kaya di na ako sumama sa mga pinsan ko kasi binata na nga ako, kaya nilaro ko na lang yung ROBOT na BIOMAN na binili ko. Chungggg chunggg barabambambamam (tunog ng laser sword ng robot ko yan! )
TRICYCLE DRIVER
Tama ang nabasa nyo, nagtrabaho din ako bilang tricycle driver. Tuwing bakasyon noong hayskul pa ako, madalas akong rumaket sa pilihan ng tricycle namin.Dahil myembro ang tatay ko ng TODA, ako ang naglalabas ng tricycle ng tatay. Talagang patyagaan ang pagpila dahil halos kalahati ng araw, wala kang ginagawa kundi pumila ng pumila. Tapos habang nag-iintay ka ng byahe, kailangan mong libangin ang sarili, kaya wala akong inatupag kundi ngumuya ng CEDIE (kornik yun), at SUGO (maning kalbo naman yan). Dyan din ako natutong magkara-krus, magbidyo games, at magbidyo karera. Kumikita ako ng 150 pesos kada araw, at 100 binibigay ko sa nanay at 50 naman napupunta sa akin pambaon at gamit ko sa eskwela sa susunod na pasukan.
FACTORY WORKER SA PAGGAWAAN NG CERAMICS
May programa sa gobyerno noon na na ang tawag ay SPECIAL PROGRAM FOR EMPLOYMENT OF STUDENTS (SPES). So kagagraduate ko lang noon ng port dyir, at wala akong perang pang tuition sa kolehiyo , uniporme, sapatos at bag kaya naisipan kong patulan ang programa ng gobyerno na yan. Isipin nyo walo kaming nag-aaral at apat na kaming kolehiyo kaya wala talagang pera ang nanay ko kahit itaktak nyo pa sya na parang Ajinomoto, wala talaga. Kaya sa loob ng 3 buwan...... naging "factory worker ako".Ako ang naglalagay sa molde ng malabnaw na putik. Halos maubos ang dugo ko sa dami ng lamok at magka-cholera sa dami ng langaw sa“workplace” namin. Tapos lagi pa akong sinisigawan ng matandang tagapagturo sa akin. Kaya nakakaliit at nakababa ng moral, pero tiis tiis lang. Ganun talaga kailangan kumita ng pera.
Ang sunod na naging trabaho ko ay yun nga sa Jollibee, isang taon ako dun tapos nagtrabaho rin ako sa Burger King.
.
Sa tuwing kinukwento ko ito sa mga kakilala ko walang naniniwala.Paano daw mangyayari yun eh maputi daw ako saka mukhang kay tamad tamad ko.(GANUN??). Bakit naman ako magsisinungaling ?Bakit naman ako magiimbento ng ganito? May premyo ba yun?? Wala naman di ba!!Pero bahala sila!hehhe
.
Alam nyo pinilit ko lang maging magaan ang pagkwento ko sa inyo ,ayaw ko na kasing maging madrama, at lalong ayaw ko namang iparamdam sa inyo ang mga paghihirap ko noon. Okay na sa akin na nalaman nyo ang napagdaan ko. Di naman ako nagpapaawa dito, pero siguro magbigay ng kaunting parte ng buhay ko.Sapat na yun sa akin. Marahil inspirasyon na rin.
Maaga akong namulat sa kahirapan kaya maaga din akong namulat sa katotohanang”MAHIRAP KUMITA NG PERA”. Masasabi kong maswerte ako, dahil naranasan ko ang ganitong bagay dahil natuto akong magpursige pa sa buhay. Bawat sentimong kinkita ko ay binibigyan ko ng importansya at halaga.
Ang mga natutunan ko noon ang ginagamit kong sandata ngayon. Mas masarap ang tagumpay kapag nilagyan mo ng ito ng sakripisyo, pagod, pawis, pagsisikap at mananalig sa Dyos. Wala pa man akong napapatunayan sa ngayon pero masaya na ako na hanggang ngayon may bitbit pa rin akong pangarap at pag-asa sa buhay.
Sabi nga nila “KUNG MAY TYAGA, MAY NILAGA”, siguro di pa luto ang nilaga ko sa ngayon, pero sana pagdating ng araw matitikman ko na ang nilagang bunga ng pagtyatyaga ko. Alam kong mas masarap yun dahil matagal itong pinakuluan para mas lumabas ang lasa. Alam kong matitikman ko rin sya, siguro hindi pa nga ngayon, pero baka bukas na! Sana..........
Yun lang po ingat!

