QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Friday, February 26, 2010

Sebong Naglalakad

Medyo kahapon halos maduling ako kakatakbo sa loob ng aking kwarto. Wala pa kasi akong nabibiling treadmill kaya inikot ko na lang yung buong kwarto. At habang ginagawa ko yan naalala ko ang karanasan ko dati (***Please insert background music here****)

Mataba ako dati (naks may dati pa!), sabihin nating umabot ang timbang ko sa 90 kilos o 198 pounds. Dahil sa kahiligan kong lumamon ng lumamon, medyo hindi ko napigilan ang sarili kong lumobo. Natatandaan ko pa nun, halos hindi ako makakain ng walang POP Cola 800ml (mahal ang coke kaya okay na yan!) tuwing kakain. Tapos may sarili din akong plato na kasing laki ng palanggana. Magana ako sa paglamon noon, sabihin na nating kahit inaamag na cake kinakain ko pa at mapanis-panis na spaghetti ay pinapatulan ko din.

Medyo nag-double chin din ako nun, at umabot ang waistline ko ng 37inches. Tapos hindi rin ako nagbibrip ng may garter (tange!alam kong lahat ng brief may garter, pero yung malapad na garter ang sinasabi ko), dahil nagbabacon sya dahil sa mga bilbil ko. Tinatawag din ako ng mga kapatid ko na “PATBOY” o patabaing baboy. Tapos minsan pinagtawanan na rin ako ng tatay ko dahil sinabi nyang mukha na raw akong may 3 anak ( 2 lalaki at 1 babae, naks may gender pa!) at mukha din daw akong MANGINGINOM.

Sa ofis naman ang tawag nila sa akin ay “PRINCE CHUBBY”, dahil mukha daw akong matabang bullfrog. Minsan nga pinipisil-pisil nila ang pisngi at braso ko , akala ko nakukyutan sila sa akin pero nagulat ako kasi sumesegway pa sila ng “Naku ang lutong lutong na ng balat mo!Sarap isawsaw sa Mang Tomas” . Gusto ko sanang hambalusin ng aparador ang pagmumukha nya sa sinabi nyang yun.

Nung minsan naman nakikipagkwentuhan ako sa mga babae kong ka-ofismate. Bigla syang lumitanya ng.

Ofismate: Uyyyy, ang ganda ganda naman pala ng LIPS mo

Ako: Tenk u (sabay byutipol eyes)

Ofismate: ang ganda ng lips mo...... sarap lagyan ng mansanas.hahahhaha (sabay tawa na parang demonya)

Eh nagwalkout na ako, kasi syempre may pilings din naman ako.Ano aakala nila sa akin LITSON para lagyan ng mansanas sa bibig? Lakas nilang mang-asar ah!

Pero alam nyo mas lalo akong nasaktan nung minsang nakasalubong ko ang ex-gelpren ko sa TYANGGE:

Ex GF: Hoy. Drake ikaw ba yan?

Ako: Uyyy! Ikaw pala yan! Kamusta na?

Ex GF: Okay naman! Gosh, anong nangyari sa iyo?

Ako: Uh? Bakit di naman ako naaksidente ah?

Ex GF: Ewwww!! Mukha kang “sebong naglalakad” at “Litsong may dalawang paa”

Ako: Sobra ka naman! (napahiya na ako)

Ex GF: Eh totoo naman! (aba galit pa)

Ako:Sori naman dahil tumaba ako, bakit ikaw pa galit dyan?Inaano ka ba ng bilbil ko? (mangiyak-ngiyak na ako)

Medyo umalis na akong bigla, dahil napahiya na ako sa kanya. Masakit kaya yun?kung hindi ko lang dating minamahal yun malamang sinalaksak ko na ngala-ngala nya. Sobrang apekted na apekted ako sa mga sinabi nya.

Pinilit kong kalimutan ang lahat pero nagising ako sa katotohanan nung nag-aaplay ako ng trabaho sa Qatar.Natanggap ako sa trabaho at sobrang impress na impress sa akin yung nagiinterview. Sabi nya sa akin, kailangan ko lang daw ipasa ang Medical Examination at next week week makakaalis na ako. Kaya atat na ata akong pumunta sa Polyclinic at nagpamedical.

Makalipas ang ilang araw bumalik ako para kunin ang resulta. At nagulat ako ng sinabi ng doktor na bumagsak daw ako. Nung tinanong ko kung bakit ako bumagsak, wala syang sinabi kundi “Eh kasi HIGHBLOOD ka dahil sa iyong KATABAAN!!MAGDIET KA NGA” Dumadagundong sa tenga ang pagsasabi nya ng “KATABAAN” at nangaral pa!

Kaya naman sobrang bagsak na bagsak ang moral ko noon. Masyado na nga akong nilalait ng mga tao sa paligid ko, napurnada pa ang trabaho ko sa Qatar. Kaya sinabi ko na sa aking sarili na kailangan ko ng magpapayat.At iyon na nga ang simula.

Hindi na ako nagpatumpik tumpik pa, nag-enroll na ako sa isang GYM malapit sa amin. Halos araw-araw akong naggym (ikukuwento ko minsan dito ang experience ko sa GYM), tapos nagdiet din ako.Hindi na ako uminom ng POP cola, at pinalitan ko na lang ng ICE TEA. Kung dati isang palanggana ako kumain, nung nagdiet ko halos 5 kutsarang kanin lang ang kinakain ko. Kaya naman halos mahilo hilo ako sa ginagawa ko na yun. Pero determinado talaga akong pumayat.

Kaya makalipas ang dalawang buwan, hindi ko inaasahan ang pagbabago sa aking katawan. Nag-loose ako ng 20 pounds within two months at nagkaroon din naman ng masel-masel kahit papaano. Medyo nadagdagan ng konti ang confidence ko sa katawan.

Sa ngayon medyo maintain-maintain na lang. Mahirap pa ring magpigil sa paglamon, pero sa tuwing naiisip ko ang mga panlalait nila sa akin noon, kahit paano ay namomotivate ko.Binago ko talaga ang lifestyle ko dahil dito. Hindi dahil para lang makaiwas sa panlalait kundi para ring maging healthy ako, lalo pat may “history” kami ng hypertension.

Tandaan natin: Ingatan ang kalusugan sapagkat ang kalusugan ay isang kayamanan. (Naks, pang Mr. Pogi ang atake!)

Salamat,









P.S

Para makita nyo ang latest picture ko suot ang tight-fitting spiderman costume (syempre para makita nyo ang bukol este yung porma ng katawan ko). Kayo na ang humusga kung gaano na kalaki ang aking pinayat:

Monday, February 22, 2010

WANTED TEXTMATE


Hindi ba usong uso ang mga textmate-textmate na yan sa atin? Eh di ba halos tadtad ng mga cellphone number ang mga upuan ng bus, CR at kung ano ano pang pwedeng sulatan. At dahil tungkol sa textmate-texmate nay an ang pinag-uusapan natin, may ikukuwento ako sa inyo. Naks

Kwento 1:

Mayroon akong kabarkadang babae na itago natin sa pangalang Me-an. Si Mean medyo isang babaeng mahilig magtextmate, palibhasa naka-unlimited call sya kaya malakas ang loob nyang makipag fonepal/textmate. Dahil maganda ang boses ng barkada ko na yun eh meron syang naging katextmate/fonepal, at itatago natin sa pangalang “Loverboy”. Medyo hindi kasi kagandahan si Mean, kaya naman nahihilig sya pakikipagfonepal/textmate na yan.

So to cut the story short, naisipan nilang mag-EB (eyeball). So heto na, dahil babae si Me-an, nagpasama sya sa akin para meron daw syang bodyguard. Usapan nila magtatagpo sa SM-Cubao (wow sosyal na sosyal), sabi nya sa akin magtago daw ako para hindi isipin ni “Loverboy” eh may kasama sya.
.
Napag-usapan nila na magre RED sila, para madaling magkakilanlan. So si Mean, suot suot nya ang paborito nyang TSHIRT na Red na may Power Ranger sa gitna este may Winnie the Pooh Character pala. Red kung red ang suot nya, para madali raw syang makilala, pulang pula din ang lips nya at kuntodo make-up din sya (mukha syang nakipagbangasan ng mukha sa hitsura nyang yun). So usapan 3:00PM sa tapat ng Jolibee.

Heto na alas 3:00 na ng hapon, pero wala pa rin si Loverboy. Medyo kinakaba-kabahan pa nga si Me-an eh. Makalipas ang 30 minuto wala pa rin si Loverboy. Kaya duon na ako nagduda, na baka hindi sinipot ni Loverboy si Mean dahil nakita na nya na hindi maganda ito.
.
Kaya iginala ko na ang aking mata , at may nakita akong 2 lalaking, nagtatawanan sa gilid ng Jolibee. Medyo nagduda ako sa dalawang yun, at ang malakas ang kutob kong isa sa kanila si Loverboy. Kung tatanungin nyo ako kung ano hitsura nila, ang masasabi ko lang ay…………mukha silang TAKURE. (kapal ng mukha nilang indyanin ang barkada ko)

So lumapit na ako sa isa sa dalawang lalaki

AKO: Hoy!!! Ikaw ba si Loverboy?

Lalaki 1: Hello???? Naka RED ba ako?? Tingnan mo nga blung-blue ang suot ko.

AKO: Eh gago ka pala eh paano mo nalamang RED ang dapat mong isuot.

Lalaki 1: huh?? (natuliro ang gago)

Hayun nagtatakbo sa takot ang dalawang kumag, dahil kung hindi pupulutin nila sa sahig ang ngala-ngala at gilagid nila. Pinuntahan ko na si Me-an dahil wala na syang tatagpuin pa. Medyo ayaw pa nga nya eh, pero nung sinabi kong ililibre ko na lang sya sa Greenwich hayun wala ng sabi sabi, sumama na. Eh makaraan ang isang araw hayun umiiyak si Mean dahil di na raw sya tinetext at tinawagan ni Lover boy. Kaya sabi ko manghula na lang uli sya ng number para may bago syang textmate.Hehhe

Kwento 2:

Si Caloy (di tunay na pangalan) isang barkada ko ring mahilig sa textmate. Feeling nya masyado syang ma-appeal kahit alam kong sya lang ang nakakaalam nun. Medyo mahangin at pakiramdam nya eh kamukha nya si Dingdong Dantes, kahit alam naman ng mundo na mukha syang……. tenen.....DOORBELL ( Dingdong rin naman). So heto na nga dahil nga nagkaroon sila ng usapan ng textmate nyang si “Pinky Pink” (hulaan ko peyborit nyang color….RED). Mag-eeyeball sila sa Odyssey Music Store sa SM North Edsa (SM na naman?), usapan nila magsusuot naman sila ng PINK (suggestion yan ni Caloy).

So heto na dumating na kami sa Odyssey ng mga 5:00 PM, pero may napansin ako kay Caloy.
.
Ako: Tae ka pare, eh di ba pink ang usapan nyo, bakit ka naka Green?

Caloy: Gago ka ba, eh paano kung panget si Pinky, eh di lugi ako!

Ako: eh paano kung maganda, eh naka-green ka naman.

Caloy: Wais to bro, may baon naman akong poloshirt na pink!

Ako: Okay !ikaw na ang matalino!

So heto na alas 5:20 wala pa akong nakikitang nakakapink sa loob ng Odyssey, at para kaming mga shoplifter na tingin ng tingin sa mga tao sa loob. Habang naglalakad lakad kami, may napansin naman akong dalawang babae na bulungan ng bulungan sa may kanto ng Odyssey. Pakiramdam ko sya si Pinky Pink, pero nagulat ako kasi………………… naka-VIOLET sila. Kung itatanong nyo ang hitusra ni Pinky Pink, ang masasabi ko lang ay…… bagay na bagay sila ni Caloy! Pakiramdam din nya maganda sya,kahit alam ng mundo na mukha lang syang nagdedeliryo! hehehe

Nagtataguan silang dalawa, at dahil nakahalata na rin si Caloy na si Pinky Pink ang babaeng nakaViolet, Kinumpirma nya sa pamamagitan ng pagtawag nito. At nung biglang nag-ring ang cellphone ni Pinky Pink, nagtatakbo si Pinky Pink palabas habang tumatawa.(parang mga tanga lang!)

Ako: Ano pre natanso ka no?

Caloy: Oo nga pre buti na lang di ako nag Pink!

Ako: Ganun! (nagkagaguhan na nga sila eh yung kulay ng damit pa ang inisip!hehe)
______________________________
Ngayon syempre ang bawat istorya may moral lesson, kaya ang moral lesson na masasabi ko ay
WAG MAKIKIPAGTEXTMATE,!!

KUNG MAG-EEB MAN KAYO, WAG NG MAGSABI KUNG ANONG KULAY NG DAMIT ANG DAPAT ISUOT!

Yun lamang po!

Maraming salamat!

Saturday, February 20, 2010

BROWNOUT

Medyo nakakaalarma na pala ang “El Nino” sa atin sa Pilipinas. Ito yung tagtuyot na tinatawag, at bakit El Nino, ang tawag dyan? Ewan ko, di ko alam, baka trip lang nilang yun ang pangalan nya!Joke lang! “El Nino” daw dahil kalimitang tuwing panahon ng kapaskuhan nangyayari ang abnormal na pagbabago ng panahon na yan!


Medyo may krisis tayo sa kuryente at tubig ngayon. Medyo paubos na raw kasi ang tubig sa Angat Dam, ang ikatlong pinakamalaking Dam sa Pilipinas na pinagkukunan natin ng kuryente at tubig. Ngayon, kung itatanong nyo kung ano ang una at ikalawang pinakamalaking dam, hindi ko alam! Wag ako ang tanungin nyo dahil hindi ako si WIKIPEDIA, okay! Basta kailangan nating magtipid sa paggamit ng tubig at kuryente dahil sa pangyayaring ito.
.
Natatandaan ko noong panahon ni Pangulong Aquino, medyo umutot lang ang daga, brownout na! Bibihira tuloy akong makapanood noon ng “Batibot” at “Mara Clara” dahil sa brownout na yan. Kaya pinagtyatyagaan ko na lang panoorin ang “Kapwa ko Mahal ko” na pinapalabas tuwing umaga (basta may mapanood lang okay na). Ginawa na lang din naming aparador ang aming ref, dahil sinira din ng brownout na yan! Pakiramdam mo rin ay nakajackpot ka kapag nakabili ka ng yelo sa kapitbahay mo! Bubwisitin ka lang din na bakit tuwing gabi saka walang kuryente? Kung kelan kailangan mo ng ilaw at bentilador saka pa nagbobrown out. At ang ilaw noon ay isang malaking pandispley lang.

Dahil nga bata pa ako noon, okay lang sa akin na walang kuryente. Basta naglalaro lang ako sa labas ng patintero at taguan pung, tapos gumagawa ng aso, kuneho at ibon mula sa mga anino ng mga nanlilimahid na kamay at nakikipagtakutan sa mga kalaro kong mga mukhang BANGKA. Dahil walang TV ,puro laro ang inaatupag namin noon habang ang mga matatanda naman ay nakikisali din paminsan –minsan, nanghihinguto sa ulo ng may ulo, at nakikipagkwentuhan (ng buhay ng may buhay)

At kapag nagkailaw na,kumakanta pa nga kami ng sabay sabay ng “MAY KURYENTE NA! MAY KURYENTE NA!”. Tapos nakikipagpatayan rin ako sa aking mga kapatid para lang maka-ihip ng kandila ,habang kumanta rin ng Happy Birthday to you (ng nakapikit pa para magwish) . Sabog ang ilong nila kung inunahan akong umihip ng kandila.

Sabay sabay din kaming kumain noon tuwing hapunan dahil kailangan magtipid sa kandila. Para ka ring nasa isang mahahaling restaurant kumbaga “dinner with candlelight “ SOSYAL! Kahit ang kinakain nyo lang ay tinapa nagmumukhang lapu-lapu yun dahil nga madilim. Masarap ang kwentuhan at masarap din ang kainan.Tapos maaga din matulog ang mga tao noon, at nakakabingi na rin ang katahimikan sa labas. Kaya medyo mahimbing talaga ang tulog mo.
.
Noong maupo si Presidente Ramos, medyo nasolusyunan ang problema natin sa kuryente. At simula rin noon, bibihira na rin magkaroon ng brownout. Pero ito rin ang simula, na naging sobrang nakadepende na ang mga Pilipino sa kuryente. Kung mapansin nyo, bibihira na rin ang mga batang naglalaro tuwing gabi, dahil masyado silang nakatutok sa TV, naglalaro ng PSP at online games. Medyo hindi na nga nila alam ang mga larong Pilipino eh dahil nauubos na ang panahon nila sa mga de-kuryenteng larong ito.

Bibihira na rin magkasama sama ang Pamilyang Pilipino sa hapagkainan, dahil nga nahuhumaling sa pagtetext, panood ng tv, pagcocomputer at kung ano ano pa. Dahil hindi na nila kailangang magsamasama para sa ilaw ng kandila.

Hindi na rin maaga matulog ang tao kundi mag-uumaga na kung sila ay matulog, dahil yung iba nagvivideoke pa,kagagaling lang sa mga party, tapos yung iba nakikinig pa ng radyo (na kala mong galit sa volume), tapos yung iba busing –busy kaka chat, facebook ,farmville at friendster (may friendster pa ba?). Para silang mga autistic at mongoloid na may sariling mundo.

Alam nyo kung tutuusin simple lang naman ang buhay noon eh, binago lang ng mga de-kuryenteng gamit ngayon.Kaya nga heto, nauubusan na tayo ng kuryente ngdahil masyado nating inaabuso ito. Halos nawawala na rin ang oras natin sa ating pamilya at pakikisalamuha sa tao , mas malaki pa ang ginugugol nating oras sa ating mga cellphone, mp3 players, computer at telebisyon. Oo nga’t pinapagaan nito ang ating buhay pero binabago naman nito ang paraan ng ating pamumuhay.

Nakakatakot din na isang araw mawalan na lang tayo ng kuryente, pero tayo naman kasi ang may kasalanan nito dahil masyado nating idinepende ang ating buhay sa kuryente.Kaya ngayong nagkakaroon ng krisis, pakiramdam natin malalaki ang mawawala sa buhay natin.
.
Huwag nating abusihin ang isang bagay na alam nating may katapusan at hangganan din. Kaya maiging huwag nating idepende ang buhay natin sa mga bagay na ito. Maraming mga bagay ang ating nawawalang bahala dahil sa mga ito at marami din ang nakokompromiso dahil din ito.

Kung ikokonekta ko ang usaping kuryente sa buhay ng tao ang masasabi ko ay

“Minsan maiisip natin na bakit hindi na lang tayo bumalik sa pagiging SIMPLE, dahil minsan sa paghahangad nating mapagaan ang ating buhay mas ginagawa pa pala natin itong KUMPLIKADO. Bakit hindi lang tayo bumalik sa BASIC,dahil ang akala nating nagpapadali sa ating buhay yun pala ang nagpapaHIRAP sa atin?Kung minsan nakakalimutan natin kung ANO ANG BUHAY dahil mas pinapahalagahan natin kung PAANO MABUHAY
.
Yun lamang po at paalala : MAGTIPID NG KURYENTE AT TUBIG
.
Salamat po!


Wednesday, February 17, 2010

Hindi ito isang blog, pero tungkol ito sa blog



Ang internet ay ibang mundo, masyadong malawak at masyadong malaki. Pwede kang maging sino dito, pwede kang maging ano dito. Kaya nga madalas naglalagay tayo ng kanya-kanyang mga maskara para sa mga pansarili nating kadahilanan.

Alam nyo maraming mga blogger ang nagtatago sa ibat-ibang maskara. Marami sa kanila ang nag-iiba ng karakter at nagagawa nilang ibahin ang kanilang mga personalidad. Sa mundo ng internet, pwede nilang buuin ang katauhang gustong gusto nilang maging sila. Sa internet nila nagagawa ang mga bagay na hindi nila nagagawa sa totoong buhay.

Marami na rin naman akong nakilalang mga bloggers na ikinagulat ko sapagkat hindi sila ang inaakala kong sila. Kakaiba ang kanilang katauhan sa kanilang blog at iba din ang katauhan nila sa totoong buhay. Tulad ng isang blogger na nakilala ko akala ko isa yang napakamalulungkuting tao, pero ang totoo isa pala syang masiyahing tao. Yung isang blogger na akala ko ubod nya ng warfreak pero isa pala syang madiplomasyang tao sa toong buhay. Yung isang blogger akala ko napakamasiyahing tao yun pala isa syang “loner” at malulungkuting tao.

May kanya-kanya tayong kadahilanan, may kanya-kaya din tayong rason kung bakit natin iniiba ang personalidad natin sa blog natin. Ako, kung tatanungin nyo ako kung ganito rin ba ako sa totoong buhay?Ang sasabihin ko “HINDI” ,at pinili ko yun.Pinili kong ipakilala sa buong mundo kung sino talaga si DRAKE na blogger, at hindi kung sino si Drake sa tunay na buhay.
.
Kagustuhan kong ipahayag ang mga bagay na hindi ko kayang sabihin sa totoong buhay. Sarili ko ring kapasyahan na ikuwento ang mga bagay na hindi ko kayang ikwento sa ibang tao. Ito ang kwartong nilikha ko sa mundo ng internet at ito rin ang kwartong gusto kong ipakita sa mundo.
.
Hindi ako naglalagay ng piktyur, dahil masyado maraming bagay na ang naikuwento ko sa blog na ito at kalabisan para sa akin kung ipagsisigawan ko pa sa mundo ang aking hitsura o mukha. May mga bagay na kailangan protektahan para hindi ka mahusgahan o pag-isipan ng masama,tulad ng mga nakikita natin sa TV nilaglagyan ng itim ang kanilang mata para itago ang kanilang identidad sa publiko. NAKILALA nyo ako bilang si Drake sa likod ng aking mga kwento, at hindi na kailangan pang MAKITA si Drake sa likod ng mga mga kwento ito.

Tulad ng mga artista may kanya-kanya role sa TV at pelikula,pero maraming manonood ang hindi kayang ihiwalay ang role ng isang artista sa toong buhay ng isang artista. Kaya nga kung isa kang magaling na kontrabida sa telebisyon malamang maraming galit na tao sa iyo kahit wala ka namang ginagawa sa kanila at kahit alam mong tapos na ang palabas. Sa blogging din ganun, may mga role ka gusto mong gampanan, may mga katauhan kang gusto mong maging, at may mga bagay nais mong gawin. At para maiwasan mo ang pag-uugnay nit,o sa totoo mong buhay at iiwas ang sarili sa panghuhusga lalo na sa mga taong hindi ka personal na kilala, protektahan mo ang iyong sarili.

Oo alam kong maraming mga blogger naman ang hinahayaan nilang ipakita sa kanilang mambabasa ang kanilang tunay na sarili at identidad. Kagustuhan nila iyo at sariling desisyon nila yun ang ipahayag sa publiko ang sarili nilang buhay, kaya nga dapat itong igalang. Subalit tandaan din natin hindi naman ibig sabihin na kapag hindi mo pinapakita ang iyong tunay na sarili at personalidad, ay hindi na dapat ito igalang. Kagustuhan at sariling desisyon din nila iyon, may kanya kanya silang kadihalanan at rason. Hindi mo na kailangan malaman ang mga dahilan na ito ang tanging kailangan mong gawin ay igalang at irespeto.

Minsan ang sarap alamin ang tunay na mukha sa likod ng maskara. Nakakadadag sa “excitement” mo ang pagtuklas sa misteryong bumabalot dito. Kakaiba rin ang pakiramdam mo kapag may nakikita kang regalo ,masyadong malikot ang imahinasyon mo tungkol sa nilalaman nito ,kaya ganun na lang ang kagustuhan mong buksan ito.

Subalit kapag nabunyag na ang mukha sa likod ng maskara, baka bigla kang manlumo sa iyong natuklasan. Kapag nalaman mo na ang katotohanan sa likod ng mga misteryo, baka sa isang iglap nawawala na ang excitement na nararamdaman mo. At kapag nabuksan mo na ang regalo at iba ito sa inaasahan mo baka bigla mo na lang itong itapon at umalis na lang.

At doon ka magsisisi, na sana hindi mo na nakita ang mukha sa likod ng maskara para hindi ka nanlumo. Na sana hindi mo na inalam ang misteryo para lagi kang maeexcite sa paglutas ng misteryong ito . sana hinayaan mo na lang ang sarili mong paliparin ng iyong imahinasyon ng mga bagay sa loob ng regalo para mas makaramdam ka ng kasiyahan sa pag-aantay na buksan ang reaglong ito. At sana hinayaan na lang dapat ang isang bagay at huwag ipilit ang kagustuhan mo, disin sana’y hanggang ngayon naeenjoy mo pa ang mga pakiramdam na ito.

Sa blog, hindi mahaga kung ano sya at kung sino sya bilang blogger. Mas mahalaga kung ano ang sinusulat nya at kung ano ang nakukuha mo sa pagsusulat nya. Back tayo sa basic, ika nga!
Masarap magblog at may kanya-kanya tayong dahilan kung bakit tayo nagboblog! Ang layunin ng blog ay para ipahayag ang nasa loob mo, opinion, karanasan, ideya at kung ano ano pa.Nasa atin din kung ano ang gusto nating maging katauhan sa nilikha nating blog. At tayo pa rin ang magdedesisyon ang kung ano ang gusto nating isulat dito. Gawin natin ang gusto natin sa ating blog, dahil dito lang tayo nagiging malaya at nagiging masaya. Kung sa totoong buhay ay nahaharang tayo ng mga limitasyon natin , dito sa mundong ginawa mo sa iyong blog wala kang limitasyon.
.
Kaya ienjoy mo lang ang pagboblog !
.
IKAW BAKIT KA NAGBOBLOG?
.
Yun lamang po at maraming salamat.


Sunday, February 14, 2010

ILIKSYUN!!!



Eleksyon na naman, at tyak marami na namang mga pulitikong nag-fe-feeling artista, singer, dancer at tagaperya. Marami na namang Pilipino ang kikita ngayong panahon na ito, dahil sa mga pinapagawang sombrero, Tshirt, kalendaryo, mug at kung ano ano pang mga give aways (minsan pati condom may nakalagay na VOTE FOR *Name of the Politician*). Sabi nga ng mga ekonomista, eh gaganda ang takbo ng ekonomiya natin dahil lalabas ang pera ng mga Pulitikong ito. Wow parang pasko lang ah!

Medyo magtataka nga ako dahil halos magkada-ubos ubos ang mga pera ng mga pulitikong ito para lang mananalo o maluklok sa pwesto . Eh alam nyo ba kung magkano ang sweldo ng mga opisyal na ito bawat buwan:

Mayor : P25,000 plus

Governor: P35,000 plus

Congressman: P40,000 plus

President: P60,000 plus


Yung “PLUS” ay KURAKOT na tinatawag,kaya maaring plus 2 million,plus 3 million depende yan sa tigas ng pagmumukha ng mga pulitikong gustong bumawi sa puhunan nya sa eleksyon. Kaya pwede na rin pala!


“Politics is a dirty business “, ika nga! Eh puro siraan ang mga maririnig mo kabi-kabilaan. Medyo nahulog nga yung sipon ko nung sinabi ni Sen. Mirriam Defensor sa mga kalaban nya sa pulitika
.
“MUKHA SILANG MGA BUTIKE!!” (okay payn sya lang ang maganda at kamukha nya si Megan Fox).

Nung minsan naman tinanong si Sen. Jamby Madrigal sa isang Presidential Forum kung magkano ang presyo ng galungong. Natameme sya at tila natinik dahil di nya alam ang presyo nito (Di ba dapat alam nya yun kasi public servant sya eh!). Eh tanungin mo ang presyo ng “steak” alam nya yun!pwamis!


Tapos galit na galit din sya sa mga pulitikong may mga kasamang artista ngayon, eh di ba kaya nga s'yang nanalong Senador noon ay dahil kay Judy Ann Santos. Dahil akala ng mga tao ay magkapatid sila ........ dahil mukha silang pinagbiyak na putok este monay pala.


Nung minsan namang tinanong ko yung tita ko kung sino ang iboboto nya sa eleksyon, sabi nya sa akin:

"Iboboto ko si Manny Villar dahil idol ko si Willie, at ayoko ko kay Nonoy, dahil kapatid nya si Kris! At ayaw ko kay Kris dahil kerengkeng sya at tabingi ang ilong nya!!”
.
Buwal ako sa Tita ko nung marinig ko yun, dahil hindi nya iboboto si Nonoy dahil tabinge ang ilong ni Kris!Ano naman ang kinilaman ng tabingeng ilong ni Kris sa kapalaran ni Nonoy?? Adik ka tita!!



Tapos naman yung mga nanalong Governor ng Bulacan, Pampanga at Isabela, eh hindi naman daw talaga sila ang totoong nanalo kaya pinapababa sila sa pwesto. Ang gulo di ba?! Pero di ba mag-eeleksyon na at matatapos na rin ang termino nila kaya para saan pa yang mga kapuwitan na yan. (Grabe, parang lang silang mga nakasinghot ng dahon ng kamoteng kahoy)

Hindi kaya nakakabuwang talaga ang pulitika, at malaki ang kinakalaman nito sa kautakan ng bawat tao? (living proofs: Merriam at Tita kong galit sa tabinging ilong ni Kris)

Alam nyo magulo talaga ang pulitika sa ating bansa. At alam ko yan dahil nagtrabaho ako sa Munisipyo dati. Alam ko din ang mga mababahong lihim ng mga pulitiko sa atin. Kumbaga kung pabahuan ang labanan, talo nila ang baho ng nabubulok na bagoong na nakababad sa tae tapos nakulob sa garapon ng mayonnaise sa loob ng 5 taon. Ganun ang baho nila!! (Ewwww, you’re so gross drake!!! So bantot naman nun!Ewwww).

Naalala ko tuloy sinabi ni Cardinal Rosales noon sa isang homilya nya sa Simbahan na huwag natin isisi sa ibang tao kung bakit ganito kapangit at kadumi ang nangyayari sa ating kapaligiran. Dahil bawat isa sa atin ay naging bahagi kung bakit ganito ang nangyayari sa atin. Bawat isa sa atin ay may kontribusyon sa takbo ng pulitika sa atin. Kaya kaysa magturuan kung sino ang may sala mas maiging gumawa ng mga hakbang para sa ikagaganda at ikabubuti nito at ng kapwa natin.


Sana ito na nga ang pagkakataon nating mabago ang kapaligiran o ang bansa natin. Mahirap pa ring umasa at mahirap pa ring mangarap. Pero mas mahirap naman na wala tayong gagawin para mabago ito di ba?Huwag tayong sumunod na lang sa agos ng pusaling kinabibilangan natin. Kaya maging maingat tayo sa iboboto natin, maging mapili tayokung sino ang bibigyan natin ng manibela para paandarin ang naghihingalong bansa natin. Hindi man para sa atin kundi para na lang sa mga anak natin at apo.


Yun lang mga kautak at maraming salamat sa inyo (Ano kamusta ang putukan pagkatapos ng Valentines Day este ng Chinese New Year pala??)


Ingat



Saturday, February 13, 2010

KONG HEI FAT CHOI TABATCHOY!!


Wow! Chinese New Year na naman! Medyo namimiss ko tuloy yang TIKOY, HOPIA (Eng bee ten lang ang kinakain ko), at mga MOONCAKES. At akalain mong saktong sakto pa sa Valetines Day ang Chinese New Year. At dahil magkasabay ang dalawang okasyon na yan, tyak napakaswerte mo kung magsusuot ka ng panty o brief na kulay RED. Alam nyo ba na ang kulay pula, ay kulay na nakaka-L (libog). Ayon yan sa mga scientist na mae-el na aking natsismisan nung isang araw. Totoo yan pwamis!


Okay back tayo sa Chinese New Year, kung hindi nyo naitatanong eh , isinilang ako sa Year of the Dog. At ayon sa aking nabasa ang mga isinilang sa “Year of the Dog” ay mga mukhang aso este mga “loyal” daw. Okay kapani-paniwala naman yang katangian na yan dahil nga …ehem… loyal ako. Kaya kung pagbabasehan ang mga katangian ng tao ayon sa katangian ng hayuppppppp (may poot??) na sumisimbulo ng taon ng kapanangakan nila, marahil ganito yun



YEAR OF THE….



Dragon- Mainit ang bunganga (madaldal), magagalitin (dragon nga eh), at mukhang hito (dahil may bigote)


Horse – sila yung mga bayolente (dahil laging naninipa), mga mahihilig sa sports ( lalo na sa track and field) at mae-EL (totoy mola ikaw ba yan?)


Monkey- mga mandurugas ( lagi kasing nangdedenggoy), matatalino (matalino man ang matsing, matsing pa rin), at palabiro (monkey monkey Anabel, Anabel!!).Kumokorni ka na naman.


Pig – Mga mahihilig sa pagkain (pinagandang salita sa word na “masisiba”), mga makakalat (baboy nga eh), at ubod na babait na tao (pambawi lang!hayan pinuri ko na kayo ha! Kwits na tayo)


OX (parang kalabaw yan di ba?)- mga masisipag (naks ganda ng umpisa), matyatyaga (heto pa uli) at mahihilig sa Marijuana ( eh di ba mahihilig ang OX sa damo? Ang mais ko grabe)


Rabbit- tulad ng horse maee-EL din sila (di na kailangan ng proof), mga kyut sila at malalambing (yung mukhang uto-uto lang) at sila ang mga taong malalaki ang….. IPIN sa gitna.


Rat – mga poor (joke lang), mga matatalino din (yung TUSO ba!), at mga maliliksi


Rooster – sila yung mga maagap ( laging nauuna sa bilihinan ng NFA rice), mga madadaldal (putak ng putak) at mga matatapang (lagi kasing pinangsasabong)


Sheep – Mga mababait na tao ( naks, parang tunay), mga tahimik (kahit hipuan mo di yan iimik), at hindi gaanong mga pakialamero/pakialamera (basta mind your own business ika nga)


Snake- Ayokong magsabi ng kung ano ano dyan dahil hindi magaganda ang naiisip ko!Pero ang magandang katangian nila ay ano….. basta.. ano… basta…. Basta!


Tiger (taon ngayon yan) – mga matatapang (mala tigre nga eh), mga malalambing pero pag nagalit lagot ka, at higit sa lahat…… mahilig sa damit na kulay orange. Sanggang dikit sila ng susunod na taon na sasabihin ko kaya maswerte yun......


Dog (Year ko ito) - Loyal, mabait, kyut, mapagkakatiwalaan, at wala akong maisip na panget tungkol sa kanya (bakit ba year ko ito at blog ko ito!walang pakialamanan! Kung may reklamo ka pumunta ka sa presinto o gumawa ka ng sarili mong blog at purihin mo ng purihin ang sarili mo!okay!)

Oo nga pala mga kautak, wag nyong masyadong seryosohin ang sinabi ko sa itaas. Biro lang naman yan! Pero kung nagagalit ka sa mga sinabi ko sa itaas at masyado kang apekted dyan........ ang masasabi ko lang ay .................
.
"Hoy!!!!!huwag kang ngang BITTER dyan dahil hindi ko kasalanan kung bakit wala ka Balentayms ngayon. Kaya wag kang magalit sa akin at huwag din ako ang pagdiskitahan mo."


Ngayon kung hindi mo naman ugali yung nasa itaas, at magaganda pala ang katangian mo talaga ! okay payn….. .....ikaw na ang perpekto!! Ikaw na ang peyborit son/daughter ni Papa Jesas.


Alam nyo mga kautak medyo nagtataka lang ako kasi bakit walang Year of the Elephant, Year of Zebra at Year of the Giraffe (ito ang tamang pagbigkas nyan. JI-RAP-PI). Bakit kaya napili yang mga animal na yan na nasa itaas? Ano kayang kwalipikasyon ng mga Chinese Astrologer na ito para mapasama dito?At bakit hindi nila sinama ang peyborit animale ko! Bakit kaya??Wala lang! naitanong ko lang naman!Masama??



Yun lang mga kautak HAPPY VALENTINES DAY AT KONG HEI FAT CHOI!!!!
Ingat lagi,


Thursday, February 11, 2010

KORNI MO!



Okay in charge na ngayon ako, si Drake na ito at hindi na si Doc.Leng. Okay payn ,alam kong korni sya! At natatawa ako sa kakornihan ni Doc Leng dahil para lang akong nanonood ng pelikula ni Dolphy noon na sinasabuyan ng ihi ang mga extra at binabambo ng dyaryo si Panchito.


Sa totoo lang, takot ako sa mga “Clown” noong bata pa ako. Hindi ko nga alam kung bakit sya ang mascot ng “Mc Donald” dahil mukha syang MANDURUGAS. Hindi sya nakakatuwa at hindi sya nakakatawa, basta nakakatakot ang pagmumukha nya.


Tuloy ubod ng daming umiiyak na bata tuwing may clown sa children’s party. Dahil pakiramdam nila kakainin sila ng ubod laki nyang bunganga (syempre make-up lang yun) at iilaw ang ilong nilang kulay RED.


Kaya nga nilagnat ako noong grade three pa ako , noong minsang umaten ako sa birthday party ni Shiela (yung kaklase kong mukhang patatas). Epal kasi yang si Shiela, lakas mambuska. So hayun nga umaten ako sa birthday nya dahil gusto kong kumain ng hotdog in stick, pasta na may ketchup (nagpapanggap na spaghetti), at super dirty ice cream ( as in kumakatas ang kamay ni manong sa ice cream) .


Nag-iisip na rin ako ng taktika noon kung paano ko babasagin ang palayok at paano ko makukuha ang trak-trakan sa “pabitin” ni Shiela. Nagpapapraktis na rin ako noon kung paano ko mapapahaba ang salitang “HAPI BERTDEY SHIELLLLAAAAAAAAAAAAAAAAAAA” . Ika nga Kariran kung kariran at buwis-buhay na ito!

.

Habang nag-iisip isip ng taktika at pasimpleng nagpaparaktis ng “Hapi bertdey Shiela”, bigla akong hinila ni Shiela at idinukdok ang pagmumukha ko sa Clown na nakatago sa may pinto. (alam ko kinuntsaba nya yung clown).


Nagulat ako sa nakita ko!Nandidilat ang mata ni Manong Clown, tapos puting puti pa ang mukha nya dahil sa Chinchansu (korni). Kaya naman sobrang takot na takot ako noon, at nagtatakbo ako sa Ate kong nagpapapraktis din ng “Hapi Bertdey Shiela” (pokus na pokus pa sya noon habang bumubulong bulong na kita ang litid sa leeg).
.

Tawa ng tawa ang mukhang patatas na si Shiela, habang ako naman ay mukhang lalagnatin na sa takot. Hindi ako sumali sa mga palaro dahil sa takot.Nakuha ni Apeng (yung kaklase kong mukhang pusa naman) yung trak-trakan na pinapangarap ko at si ate naman ang nanalo sa pahabaan ng “hapi bertdey Shiela” .Nakakuha sya ng isang kahong Pretzel at isang supot na Bazooka Bubble Gum na isang buwan nya atang nginuya (at di sya namigay ang bwisit).


Heto ang piktyur ko noong bertdey ni Shiela (suot ko pa ang maswerteng party hat na kulay red)








<------ Pamatay sa bangs! (bangs kung bangs)











Galit na galit ako kay Shiela, dahil mukhang pinagplanuhan nya yun. Doon din nagsimula ang takot ko sa Clown. Mula noon, hindi na ako pumupunta sa party kapag may clown akong nakita, umuuwi na agad ako. Nagpapabalot na lang ako ng handa sa ate kong tirador ng “birthday party”.
.

Ngayon na lang noong lumaki at nagka-isip na ako (ng konti) eh saka ko lang naunawaan ang lahat. Maari ngang nakakakatawa ang mga clown at maari ring nakakatakot sya. Pero ang layunin talaga nila ay magpasiya ng tao. Kaya may clown at kaya sila nasa Birthday party. Pero ibat- ibang bata, iba iba din ang pagtanggap nila sa clown.
.
Okay bakit ko nabanggit itong Clown? Wala lang gusto ko lang din sabihin na hindi lahat ng nakakatawa sa akin ay nakakatawa sa iba. Kumbaga sa clown hindi lahat ng bata ay natutuwa sa kanya, yung ibang bata natatakot sa kanya. Kaya kung ang kagandahan ay depende sa tumitingin. Ang “humor” ay depende din sa taong nanonood, nakikinig o bumabasa nito. Ika nga ni pareng wiki: .
.
“The question of whether or not something is humorous is a matter of personal taste”


Ako madalas korni talaga ako, madalas din pilit ang patawa ko. Pero ano pa man yun masaya ako kasi may mga taong napapasaya ng mga kwento ko. Okay na ako, kahit di kayo humagalpak sa tawa, o umutot sa sobra katuwaan, o lumabas ang utak nyo sa laki ng pagtawa nyo. Masaya na akong ngumiti kayo dahil sa kakornihan ko. Hahaha!


Iba-iba ang tao, magkakaiba din ang lebel ng kanilang kasiyahan. Marami sa atin ang mababaw, marami rin sa atin ang kahit kumain ka pa ng apoy habang tumutugtog ng plawta eh hindi mo man lang mapapangiti. Pero ano pa man yun, nasa kanilang paghuhusga kung ano ang nakakatawa at kung ano ang hindi. Maigsi lang ang buhay, tumawa ka lang at maging masaya.Hindi mo na kailangan mag-isip o humanap pa ng rason para tumawa .Basta tumawa kung natatawa ka talaga , dahil libre naman ito at walang bayad.


Mga kautak gusto kong iwanan sa inyo ang linyang ito:


“A sense of humor... is needed armor. Joy in one's heart and some laughter on one's lips is a sign that the person down deep has a pretty good grasp of life" - Clifton Paul Fadiman

Ingat,


Monday, February 8, 2010

ITANONG MO KAY DOC. LENG

Dahil malapit na ang BALENTAYMS DEY,syempre usaping puso ang pag-uusapan natin. Dahil medyo allergic ang iba sa aking pagkaseryoso mode eh medyo “PA-COOL” muna ako! Kaya ibinabalik ko ang aking isa pang katauhan si………..tenen……………… DOC. LENG (pangalan palang baduy na baduy na!Tae!).

DOC LENG: Magandang umaga/Tanghali/Gabi (wateber) sa inyong lahat, at narito na naman po tayo sa ating palatuntunang………………… ITANONG MO KAY DOC.LENG (Tae ang korni talaga).

Okay bukas uli ang linya ng telepono para sa mga may problema sa usaping puso dahil malapit na ang araw ng mga puso.


KRINGGGGGGGGGG ( aba’y kay bilis namang magring)


Caller 1: Doc, may problema po ako ngayon, kasi po iniwan ako ng boypren ko at pinagpalit ako sa iba. Ano po ba ang gagawin ko para mapabalik sya sa aking piling ? (singhot uhog, singa panyo )


DOC LENG: Iha !ang isang taong umalis na, tyak magfefeeling importante yun kung pipilitin bumalik sya sa piling mo. Baka lumaki ang ulo nya at isiping kamukha nya si Brad Pitt (Kapal ng mukha nya) .Kapag lagi mong pinipilit ang isang tao sa isang bagay laging NAGPAPAKAPAMPAM at lalong MAGEEPAL yan(Tae sya!) Kaya kung ako sa iyo, hayaan mo na lang sya. Kung ang pusa nga kahit iligaw mo nakakabalik pa sa bahay eh yung boyfriend mo pa kaya. Kaya babalik yan kung gusto nyang bumalik .Nasa iyo rin kung gusto mo syang tanggapin o hindi, pero kung ako sa iyo gagawin ko na lang SIOPAO yang boypren mo!!Yun lang IHA!


Caller1: Salamat po Doc, at Doc hindi po ako IHA, IHO po ako!


DOC LENG: Okay payn!Madali akong kausap


KURINGGGGGGGGGGG ( naks may second caller na!)


Caller2: Doc, pwede po bang magtanong?


DOC LENG: Eh nagtatanong ka na kaya, Adik ka ba? Sige ano tanong mo IHO?IHA? (nanigurado)


Caller2: IHO po! Ano po ba ang mabisang paraan para magustuhan ako ng mga babae?


DOC LENG: Okay ganito yan, gwapo ka ba?kung hindi ka gwapo, magpakyut ka! Kung hindi ka kyut magpacharming ka!Kung hindi ka charming, maging mabait ka! Kung hindi ka mabait, maging respansable ka. Kung hindi ka responsable……………………………………….magpatawa ka na lang! basta magpatawa ka, kahit hindi ka nakakatawa basta magpapatawa ka!Pleaseeee!


Caller2: Sige po Doc, magpapatawa na lang ako tutal kalbo naman po ako.


DOC LENG: Tsk tsk tsk KORNI , (Lord have mercy!) Next caller please……..


KURIRINNGGGGGGGGG


Caller3: Doc, paano mo malalaman kung inlab ka?


DOC LENG: Ganito, inlab ka kung sakaling iipunin nya sa kamay ang utot nya sabay iipapaamoy sa iyo at sasagot kang “ANG SWEET mo naman”. Inlab ka nun! Kung sakaling dumighay sya ng ubod ng lakas habang nakaharap sa iyo pagkatapos kumain at sasagot ka ng “HAY ang kyut naman ng SOUNDS!”, Inlab ka nun. Kung sakaling mangulangot sya at pinitik sa iyo ang binilot na kulangot at sa sasagot kang “ Ikaw ang lambing lambing mo sa akin!!” Inlab ka nun. At kung sakaling minumura ka na at sinasaktan ka nya…… hindi na lab yun!Kamartiran na yun! At masyado na syang abusado!Kaya wag kang masyado paabuso! (Tampalin mo sa nguso para magtanda!)


Caller3: Tenks Doc,palagay ko inlab nga ako!


DOC LENG Bakit naman?


Caller3: Dahil lahat yan ginagawa ng boypren ko sa akin!


DOC LENG: Ganun! Langya. Monica ikaw ba yan?Tae naman oh! bakit tumawag ka pa dito! Syang ang load!Sana pinasaload mo na lang sa akin, Tange!


Caller3: Si Hunnybunny naman!At least alam ko na na LAB mo ako kaya mo yun ginagawa sa akin!
.
DOC LENG: Utot mo blue!
.
.
KURIRINGKURIRINGGGGGGGGGGGG (buti may tumawag uli!)
.
.
Caller4: Doc, sino po ba nag-imbento ng balentayms, kailan ang unang balentayms, at ano po ba ang balentayms
.
DOC LENG: Ahhhhh........ ang labo ng signal mo iha, ulitin mo nga! (drama na lang di ko alam sagot eh)
.
Caller4: Doc, sino po ba nag-imbento ng balentayms, kailan ang unang balentayms, at ano po ba ang balentayms
.
DOC LENG: ahhh choppy -choppy ang linya!!
.
Caller4: Gwapo nyo Doc!
.

DOC LENG: Salamat sa papuri mo matagal ko ng alam yan!
.
Caller4: Kala ko ba choppy linya ko bat narinig nyo yun!
.
DOC LENG: Ano ulit yun! Sorry choppy talaga.........toootttttt....tooottttt (bwisit na yun ano akala nya si Erni eBaron ako!buti magaling ako sa drama!hehehe)


KURRINGGGGGGGGGGGGGGG !! !............Yung kape ko nasan na!! (sori di telepono iyun, pangalan ng P.A ko si Kuring)



Okay tapos na naman po ang isang edisyon ng “ITANONG MO KAY DOC.LENG” Sana naibigan nyo ang aking palatuntunan. Ako'y iinom muna ng kape kasi puyat na ako kakatulog.
Maraming salamat sa kautak na Drake sa pagbibigay sa akin ng espasyo sa kanyang blog. Kung nais balikan ang nakaraan kong mga episodes narito ang link:



Okay back to you KAUTAK NA DRAKE


(Ako na ito)


Huwag kayong magpapaniwala kay DOC LENG mga kautak, nagpapadiscover lang yan! Kaya nagpapakabibo kasi masyadong nag-aambisyong sumikat! Kaya wag gagaanong pansinin yang si Doc!


Iyon lang at maraming salamat!

Friday, February 5, 2010

Standard Electric Fan



Hindi usaping bentelidor ito! Trip ko lang na ganun ang title, pero usaping “standard” pa rin naman ang pag-uusapan natin.


Gusto ko lang i-expound (naks!) yung naisulat ko about “setting standards” (paki-refresh lang ang RAM ng inyong utak)


heto ang sinabi ko noon:


4. Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo


Medyo bibigyan ko kayo muna ng mga senaryo tungkol dyan!

SENARYO No. 1


Naalala ko nung college pa ako, sumali yung ka-section ko sa “Miss U-Bet” (beauty contest sa loob ng school namin). Syempre mandatory na suportahan ang kaklase namin na iyon. Kaya naman todo “cheer” ang ginawa namin para sa Audience Impact daw (at dahil may plus 5 sa exam!).


Medyo nauuhaw ako noon kaya bumili ako ng samalamig sa labas. At pagbalik ko, nakita ko ang kaklase naming nasa entablado. Nang biglang may malakas na usapan ng dalawang babae sa gilid ko:

Babae1: Hoy!!Tingnan mo naman yung Contestant No2 (ito yung kaklase ko), paanong napasama dyan eh napakapanget naman!


Babae2: Oo nga, eh kay panget panget sumali pa, eh mukhang nagbebenta ng turon sa kanto! Hahaha (sabay tawa na kita ang mga utak)


Hindi na ako kumibo noong mga panahon na iyon, dahil nung makita ko ang pagmumukha ng dalawang babae yon, gustong gusto ko silang regaluhan ng ubod laking “salamin”.
.
Ako ang napahiya sa mga sinasabi nila at tyak kapag sumagot ako ng "Ate wala bang salamin sa inyo?" malamang mag-asawang (na may anak pa) na sampal ang aabutin ko sa kanila .Hehehe!
.
Kaya hindi na ako kumibo at inubos ko na lang ang samalamig na lasang tubig lang na may asukal (sabi ng tindera pineapple juice daw yun)

SENARYO No. 2


Nung minsan namang bumili ako ng suka sa tindahan malapit sa amin, may grupo ng mga kalalakihang nag-iinuman. Niyaya ako, pero di naman ako sumama dahil iniintay ng nanay ko ang suka para gawing sawsawan ng kanyang paboritong chitcharon na tig-pipiso. Habang nag-aantay ako ng sukang binili ko, narito ang usapan ng mga kalakihan doon


Note: Pinag-uusapan nila ang tipo nilang babae


Lalaki1: Alam nyo mga pare ang gusto ko sa mga babae maganda ang ngipin.Kapag pustiso ang ngipin nya, wala OLATS na yun!


(nung tiningnan ko sino nagsasalita, nakita ko puro bulok naman ang ngipin nya at manilaw nilaw pa)


Lalaki2: Ako naman pare gusto ko sa babae, yung seksi at malaki ang suso!!

(nung tiningnan ko naman kung sino ang nagsabi nun, napahiya ako sa laki ng tiyan nya na parang nakalulon ng bola ng volleyball at may peklat pa sya sa mukha)


Lalaki3: Ako naman gusto ko yung babaeng mayaman, kahit hindi na seksi at maganda

(galing naman yan sa dakilang tambay sa kanto namin!Nagfufull time syang tambay at nagpapart time palamunin)


Napakamot na lang ako sa ulo, nung marinig ko yung mg tipo nilang mga babae. Napailing na naman ako na may tunog pang TSIK..TSIK (yung sa butike) nung makita ko naman kung kanino nanggagaling yung matataas na standards na iyon!


Naisip ko, buti na lang kay tataas ng mga standards nila sa babae dahil sigurado ako na ang mga babaeng gusto nila ay ang mga babae ding tyak HINDI sila magugustuhan.


SENARYO NO2


Nanood ako ng isang “Amateur Singing Contest” noong fiesta sa amin.Kaya naman pumwesto ako malapit sa entablado. At nakatabi ko si Aling Merly. Kung di nyo naitatanong si Aling Merly ang dakilang tsismosa sa amin. Madalas tuwing nagsisimba kami, halos mabingi kami sa lakas ng boses nya pag kumakanta. At parang kampanang nilalagare ang boses sa sobrang sintunado.

Basta pasikat yan pag kumakanta sa simbahan, at halos lahat ng nakakatabi nya nakatakip ang tenga at nakangiwi. (akala mo may miting de avanse ng mga palaka, kapag kumakanta si Aling Merly)


Habang kumakanta ang isang Contestant sa entablado, biglang sumigaw si Aling Merly


Aling Merly: Boooooooo!!! Sintunado ka, bikaka ang boses mo! (halos maputol ang litid ng leeg nya kakasigaw, at muntik na nyang batuhin ng bote ng mineral water ang contestant sa sobrang apekted!!)


Ako: huh? (kamusta naman yun!)


Wala sigurong tenga itong si Aling Merly! Kung meron man hindi kaya galon galong ng tutuli ang meron sa tenga nya para hindi marinig ang boses nya sa simbahan . Ngayon naman nag-aala SIMON COWELL sya sa sobrang gigil sa contestant!
_______________


Gusto ko sanang bigyan pa kayo ng marami pang senaryo pero palagay ko sapat nay an para maintindihan nyo yung punto ko.


Hindi masamang magset tayo ng mga standards para sa ibang tao, pero siguraduhin na maging tayo ay pasok sa mga standards natin. Katulad nung mga babae sa Senaryo No.1, mas malinaw ang mata nila sa ibang tao samantalang bulag naman sila sa kanilang mga sarili. Madalas nakikita natin ang kapangitan ng iba, kaysa sa kapangitan natin. Subukan mong ibalik sa kanila ang panghuhusga magagalit naman sila. Minsan kasi madali tayong manghusga pero nahihirapan naman tayong tanggapin ang panghuhusga ng ibang tao sa atin.


Sa SENARYO No.2, madalas nagseset tayo ng mga standards sa gusto nating makasama sa buhay. Kumbaga may mga ideal man o woman tayo . Wala namang masama din doon, pero isipin muna natin kung gusto natin ng ganitong ugali dapat tayo rin ganun. Kung may ideal man o woman tayo, dapat “ideal man/woman” din tayo para sa kanya. Suriin ang kapasidad at ating mga ugali bago tayo maghanap sa ibang tao. Tingnan natin kung pareho ba tayong makikinabang o baka tayo lang ang makikinabang. Subukan muna nating i-assess ang ating sarili bago gumawa ng mga panuntunan o standards sa iba. Kung kaabot abot ba ito o masyado tayong nagseset ng mataas ng standards na maging tayo at hindi natin kayang abutin


Sa Senaryo 3, madalas kung sino pa ang walang karapatang magbigay ng “judgment” ay sila pa yung malakas manlait. Kumbaga paano ka papaniwalaan ng ibang tao kung wala ka namang kredibiladad sa mga sinasabi mo. Kung nais mo na “perfection”, dapat maging perfect ka muna sa lahat ng gingawa mo. Ikaw muna ang mag set ng standards para sa sarili mo, at abutin mo muna yun bago mo iaaplay sa ibang tao.


Tandaan natin, walang masama sa pagseset ng standards, pero dapat attainable ito at maging tayo ay kaya nating abutin ito. Walang masama sa paglalagay ng panuntunan o magbibigay ng intelehenteng opinyon tungkol sa isang tao, pero dapat may kredibilidad tayo at responsable tayo sa sasabihin natin.
Kung marunong kang humusga, matuto ka ring tumanggap ng panghuhusga! Sabi nga sa bibliya at sabi ng iba:


“Kung ano ang takalang ginamit mo sa iyong kapwa ay syang din takalang gagamitin sa iyo”.

Sana matutong nating gamitin ang takalang ito. Tingnan ang mga bagay na kaya nating ibigay at saka na lang isipin ang mga bagay na pwede nating tanggapin. Magbigay muna tayo bago tumanggap!

Yun lamang po at maraming salamat

Wednesday, February 3, 2010

Ano?? Pag-ibig na naman!!!



Ayokong pag-usapan ang usaping puso,dahil nababaduyan ako. At dahil pakiramdam ko gasgas na gasgas na ang mga ito. Hindi rin ako gaanong nanonood ng mga “romantic movies" dahil kinakahon nito ang kaisipan at ideya natin tungkol sa pagmamahal. Mahilig ako sa musika pero napapansin ko halos lahat ng tugtugin ngayon ay puro kasawian at kabiguan ng pagmamahal. Tuloy binibigyan din tayo ng maling impresyon tungol sa pag-ibig.


Hindi ako nagbabasa ng mga romantic novel, dahil pakiramdam ko masyado nilang ine-exaggerate ang pagmamahal para lamang makabenta sila ng kanilang mga akda.

Sa matagal na panahon umiikot ang persepyon natin sa pag-ibig ayon sa napapanood natin sa pelikula, base na naririnig natin sa musika at mula sa mga nababasa natin sa mga nobela. Tuloy hindi na natin makita ang tunay na katotohanan tungkol sa pag-ibig.


Hindi ako perpekto sa larangan ng pag-ibig dahil ako man ay naging biktima nito. Subalit nitong mga nakaraang araw nabigyan ako ng bagong pananaw tungkol sa pag-ibig. Para sa akin,


1. Huwag mong ibase ang pag-ibig ayon sa iyong emosyon. Hindi ka nagmamahal dahil sa masaya ka at dahil sumasaya ka kasama nya. Dahil kung sakaling hindi ka na masaya kasunod din bang mawawala ang pagmamahal? Kung sakaling galit ka sa iyong minamahal kasunod na rin bang kasusuklaman mo ang pag-ibig? Ang pag-ibig ay isang pangako, na kahit ano pa ang emosyon mo mangangako kang mahalin sya at mananatili ka para sa kanya.

2. Huwag mong ipangsangkalan ang “pag-ibig” kaya ka naging miserable. Ito’y isang desisyon at hindi bunga ng pagkakataon. Kung nasaktan ka umiyak ka, walang masama sa pagiging malungkot pero ang ipamuhay ang kalungkutan sa ating buhay, iyon ang kailanman ay hindi nakakabuti sa atin.

3. Huwag mong mahalin ang isang tao sa mga bagay na naibigay/nagawa nya sa iyo, mahalin sya sa mga bagay na hindi nya kayang ibigay /gawin sa iyo. . Ang pagmamahal sa kanyang kakulangan ay pagbibigay ng pagkakataon sa iyong punuin ito para sa ikakukumpleto ng pagsasamahan ninyo.

4. Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

5. Huwag kang magtakda ng obligasyon o responsibiliad sa iyong minamahal. Ang pagmamahal ay hindi isang obligasyon o tungkuling kaakibat ng pagmamal, kundi ito ay ugnayan sa bawat isa. Mula sa unawaan doon makikita ang limitasyon ninyo at mula sa pagkakaintindihan matuto kang maging responsable sa iyong minamahal.

6. Huwag sukatin ang tagal ng pagsasama base lamang sa pag-ibig, dahil ang sikreto ng matagal na pagsasama ay hindi lang nakukuha sa pagmamahal kundi sa “pagkakaibigan”. Na kahit wala na kayong pagmamahal sa isat’isa, mananatili pa rin kayong magkasama dahil sa pagkakaibigan na mayroon kayo.


7. Huwag mong sukatin o bilangin ang iyong naibigay para sa iyong minamahal. Dahil kaya tayo napapagod sa pagmamahal kasi binibilang natin ang lahat ng ating ibinigay at kinakalkula ang mga bagay na hindi pa naibabalik sa atin. Hindi nasusukat ang pag-ibig at lalong hindi ito nilalagyan ng presyo.

8. Huwag mong sabihing “mas mahal kita” sa iyong minamahal, dahil wala kayo sa isang kumpetisyon at huwag mong ikumpara ang laki ng pagmamahal mo sa kanya.

9. Huwag kang maglagay ng “expectation” sa iyong minamahal at huwag ka ring mapaghanap. Sa taong mapaghanap kailanman ay hindi makukuntento, ang taong laging naglalagay ng expectation sa ibang tao kailanman ay hindi masisiyahan.


10. Huwag mong ibase ang pag-ibig dahil lang sa ito’y masarap sa pakiramdam at dahil kinikilig ka. Dahil kapag nawala ang “kilig”mawawala din ba ang pagmamahal? Isipin din na hindi lahat ng “masarap” sa pakiramdam ay nakakabuti sa katawan.

11. Huwag mong sabihing “mahalin mo ako kung ano ako” dahil ang totoong nagmamahal ay nagbabago para sa ikabubuti at ikakagaganda ng iyong samahan.


12. Huwag kang magmahal ng higit pa sa iyong sarili. Ibigay ang nararapat at ibigay lang ang sapat (lalo't hindi nya hinihingi na magbigay ka ng labis). Baka sa huli ikaw ang mawalan . Tandaan ang lahat ng labis ay nakakasama.

13. Huwag mong paikutin ang mundo mo sa isang tao, dahil kung nawala ang taong iyon kasunod din bang pagtigil ng mundo mo? Malaki ang mundo para ipaikot ito sa isang tao. Maraming tao para mahalin, at maraming tao din para mahalin ka.

14. Huwag kang magmahal sa taong hindi ka kayang mahalin. Nauubos din ang pagmamahal lalo na't wala naman syang ginagawang paraan para punuin ito.

15. Huwag mong mahalin ang isang tao dahil lamang sa magagandang katangian nya, mahalin mo ang hindi magagandang nyang katangian ,tanggapin ito at ipamuhay.
.
.
HUWAG KANG MAIN-LOVE SA PAKIRAMDAM LANG NG ISANG TAONG INLOVE!!!
(kaya ka tuloy miserable ka pag-iniwan at kaya ka nabubulagan sa tunay na depinisyon ng "pag-ibig")

******************

Hindi ako naniniwala sa “One True Love”, dahil ang tunay na pagmamahal ay pwedeng makuha hindi lang sa iisang tao at lalong pwedeng kang magbigay ng tunay na pag-ibig hindi lang rin sa iisa kundi pwede rin sa marami,

Hindi rin ako naniniwala sa “Love at First Sight”, dahil ang pag-ibig ay hindi nakukuha ng biglaan. Itoy pinagsisikapan at pinagtutulungan sa pagdaan ng panahon. Ang tunay na pagmamahal ay makukuha rin sa pagpupursigeng paunlarin at pagyabungan ang pagmamahalan,

Hindi ako naniniwala sa kasabihang “Love is Blind”, dahil ang tunay na nagmamahal hindi mata ang ginagamit para makakita, puso ang tumintingin . Kaya nya minamahal ang isang tao hindi dahil bulag sya kundi malinaw ang mata nya para makita ang hindi nakikita ng ibang tao sa kanya.

Hindi ako naniniwala sa “Soulmate”,. Ang pagkakaroon ng isang minamahal ay mula sa ating desisyon at nasa atin kung sino ang pipiliin natin .Hindi ito tinakda at lalong walang pang magpapatunay na may naitakda na sa atin bago pa man tayo isilang. Binigyan tayo ng Dyos ng “free will” para tayo ang pumili para sa sarili natin, kasama na riyan ang pagpili kung sino ang makakasama natin sa buhay. Baka sa pag-aantay sa “Soulmate” na ito, hindi na natin mabigyan ang pagkakataon ang ating sarili na pumili kung sino ang ating mamahalin.

Hindi rin ako naniniwala sa “Destiny”, dahil ang bawat pagkakataon ay likha o bunga ng ating mga desisyon sa buhay. Tayo ang magdidikta ng kapalaran at tayo ang may hawak ng sarili natin buhay.

Marami akong ideya tungkol sa “pag-ibig” na marahil iba ito sa karamihan. Maaari ring marami ang tumaas ng kilay. Pero hindi ko naman pipilit ito sa inyo. Nasa atin naman yun kung ano ang nakakabuti sa atin at kung ano ang hindi. Tayo pa rin ang magdedesisyon kung ano ang papaniwalaan natin.
Iiwanan ko sa iyo ang kahulugan ng pag-ibig na nakasaad sa bibliya, sana magamit natin ito para lalo nating maintihan ang kahulugan ng “pag-ibig”

Mga Taga-Corinto 13:4-13


4Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. 5Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sariling kapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. 6Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. 7Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

Maraming salamat at Maligayang Araw ng mga Puso.