QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Sunday, July 25, 2010

TEACHER'S PET




Noong elementary at Hayskul ako, masasabing kong ako ay isang “CERTIFIED TEACHER’S PET”. Hindi dahil sa paborito ako ng mga titser ko, lalong hindi dahil sa aking angking kapogian at katalinuhan noon. Kundi dahil sa isang bagay lamang,..........ako ay isang UTO-UTO.

Noong elementary, ako ang madalas utusang pabilhin ng tanghalian ng mga hinayupak kong mga Titser. Pati pasador o sanitary napkin nila sa akin pa binabibili. Nakakahiya daw kung sila ang bibili (PUTCHA NAMAN!! eh sino mas kahiya-hiya?eh di ba ang isang batang lalaking bumibili ng Whisper ---with wings??)

Hindi na ako nakapaglaro pa ng TEKS saka ng HABUL-HABULAN kapag lunch break, dahil madalas ako rin ang taga-alis ng mga UBAN nila sa ulo. Sarap na sarap ang mga kampon ni Miss Tapia, dahil habang binubunutan mo sila ng UBAN eh nagugulat na lang ako dahil naghihilik na sila at tumutulo pa ang laway nila sa shorts ko. (Sarap tusukin ng MONGOL NO.3 sa ilong nila, mga PUT@&*^&*)

Noong naghayskul naman ako, ganun pa rin. Siguro nga dahil ako ang pinakamaliit sa klase, kaya alam nilang wala akong kalaban laban sa mga kagustuhan nila. Pwera pa sa aking ubod na inosenteng pagmumukha kaya hayun NAUTO na naman ako.

Ako ang inuutusan nilang sumundo sa mga anak nila sa iskwelahan (sa Private school sila) tuwing tanghali. Instant YAYO ang dating ko, dahil ako rin ang tagabitbit ng mala-PRIDJIDER nilang BAG. Sana kung mga kyut at mababait yung mga sinusundo ko. Eh putah! Parang mga anak ng Dinosaur ang pagmumukha at mga pasaway pa sa kalikutan at kapilyuhan. Sarap tirisin at kutusan sa noo.

Ako rin ang tagasingil sa mga kaklase kong bumibili ng yema, pulburon, langgonisa at patola na tinitinda ng titser ko sa klase. Madalas din akong inuutasang tumao sa “canteen” tuwing recess, o di kaya taga-bili ng repolyo, carrots at sibuyas sa palengke para sa sopas na ititinda sa canteen.
Ako rin ang tagabitbit ng kanilang mga gamit sa umaga at tagadala ng mga NA-ARBOR na project sa kanilang bahay. Minsan kasama ko BETO, yung kaklase kong mukhang TARSIER dahil sa laki ng mata nya., sa lahat ng mga pinag-uutos na mga MAHAL NA REYNA at KATAA-TAASANG HARI (mga titser ko).

Di pa kasama ang EXTRA-CURRICULAR ACTIVITIES namin ni BETO tuwing Sabado. (This includes pag-gagarden, pag-iigib ng tubig, tagasibak ng kahoy at tagaflorwax sa bahay ng titser namin)

Ganyan ang naging buhay ko noong estudyante pa ako, kaya noong nag-Terd yir Hayskul na ako, doon na ako magsimulang magrebelde. Kaya di na nila ako nautusan pa.

Pero alam nyo di naman ako nagsisisi sa pagging UTO-UTO ko noong estudyante pa ako. Naging parte yan kung ano ang meron ako ngayon. Siguro marahil PROUD din sa akin ang mga titser ko na yan, dahil ang estudyante nilang intus-utusan NON, ay nagsusumikap magtagumpay, NGAYON. (NAKS, YUN YON EH!)

Pero.............. babawian ko pa rin sila! Humanda sila (LOLS! Joke lang! )




p.S

Kaya ko naman naisulat ito, dahil nakita ko sa FB yung anak ng titser kong lagi kong hinahatid at sinusundo tuwing tanghali . Mga malalaki na sila, grabe! Kaya naman bumbalik sa ala-ala ko ang lahat ng mga iyan.

Sunday, July 18, 2010

KABABUYAN MO DRAKE!!!

C.R, kubeta, taehan, palikuran, toilet, washroom at kasilyas. Iba iba man ng katawagan pero iisa lang din ang gamit nyan! Ano pa kundi imbakan ng TAE at sama ng loob natin!

Syempre yan din ag pinakapaboritong parte ng bahay namin kaya naman medyo nagulat ako sa mga kubeta dito sa Saudi. Sa totoo lang nahihirapan akong tumae dito. Kasi nga kailangan mong mag-squat at pumorma na parang palakang tatalon. Eh kaya ngawit na ngawit ako pag tatae sa ganyang kubeta. Minsan di ko na talaga alam kung paano puporma sa pagtae dahil pakiramdam ko mabubuwal ako o di kaya maudlot ang paglabas ng tae . Minsan naman nagkadapawis pawis na ako , hindi dahil hirap akong tumae kundi hirap akong humanap ng posisyon.


**** Ganito ang kalimitang kubeta dito sa Saudi


**** Minsan naman ganito, yung tipong kahit puwet mo mahihiya at magseselan!Sabay sabing Ewww so kadiri naman the toilet! (Ta-ma! Nagsasalitang pwet!) :


Medyo nung bata ako madalas akong tumatae sa sanga ng punong mangga . (baket di mo rin ginawa yun ha? Arte?!?). Ang tissue paper very accessible kasi isang pitas lang sa dahon ng mangga may pamandepot o pamunas ka na. Presko at mahangin pa! (See, san ka pa?)


Pero wala kayo sa pinsan kong si Rhea, nasa puwet palang yung tae kinakain na ng aso (fiesta??), Pagkatapos dinidilaan pa yung puwet nya. Libreng hugas ika nga!

Iyon nga lang ng lumaki-laki na ako, medyo nakasanayan mo na rin gamitin ang ordinaryong kubeta ngayon. Yung tipong uupo ka sa trono sabay buklat ng dyaryo at inom ng kape ( talagang may kape pa?). Kaya naman medyo nahihirapan talaga ako ngayon ,tuwing gagamitin ko ang kubeta sa Saudi .

Kaya naman madalas na lang akong tumatambay sa CR sa opisina namin. Dahil dalawang puwet lang ang pwedeng gumamit nun, ako lang at ang boss ko.Nakandado yun palagi at nasa akin ang susi.


Masarap dun kasi de aircon yun.Tapos laging may tissue ,paper towel, handwash, at may hand sanitizer pa sa gilid .Kaya kahit katatapos mo lang tumae puwede ka na uling kumain ng chizcurls at didila-dilaan mo pa yung dumikit na mugmog sa kamay mo .


Saka isa pa sa maganda dyan sa CR na yan may hose sa gilid na itatapat mo lang sa puwet! Di mo nakailangang kapa-kapain ang tae at salatin kung may buo buong mais.

Teka heto ang piktyur para makita nyo.

****Pwede mong halikan ang inodoro sa sobrang linis.


***** Presko at maginhawa dito



Ano sa tingin nyo?Pang hotel ang CR noh, kaya nga sa susunod magdadala na ako ng kumot at unan dyan. Dyan na ako titira!! (makapagdala nga ng folding bed bukas!)


Ano naman ang mapupulot na aral dito?Eh di ko alam? Meron ba? Siguro masasabi ko lang ay sa TAE walang mahirap o mayaman,walang panget o maganda , lahat ay pantay pantay dahil pare pareho lang ding MABABAHO ang tae natin. At kahit ano pa ang ipasok mo sa bibig mo, tae lang din ang kalalabasan nito. Kaya walang pwedeng magmalinis dahil pare-pareho lang ding mabaho ang nilalabas natin sa ating mga puwet.


Kaya kung medyo nadedepress ka kung bakit ganito sila o mas angat sila sa iyo. Wag malungkot at isipin mo na lang din na...............“MABAHO DIN ANG TAE NYAN:! Kaya Kwits lang!

At kung may magmalinis sa iyo, sigawan mo at sabihing " TAE MO NGA MAY MAIS PA!!!" Kaya titigil na yun!


O yan muna mga kautak nagupdate lang ko!


Ingat


Monday, July 12, 2010

KAPAG YUMAMAN AKO

BEPOR ANETING ELS (tagal mong binasa yan noh?) nakalimutan ko kayong iupdate na wala na pala kaming “IPIS” sa bahay namin. Epektib pala ang “BORIC ACID” bilang manakot sa ipis, kaya ngayon nagtutuloy tuloy na ang lampungan namin ni Cristine Reyes sa aking panaginip. (Para balikan ang entry na ito, pwede mong pindutin ang word na ito: SYET ANG POGI NI DRAKE!!)


Okay moving on......




Madalas akong managinip ng gising, iniisip ko ano kaya ang gagawin ko sa pera kung sakaling ako ang pinakamayamang tao sa mundo. yung tipong mga hampaslupa at patay-gutom ang mga milyonaryo sa mundo (like duhr?). Ano kaya ang mga bibilhin ko? Syempre ginagastos ko na yung pera ko sa aking utak, at ito ang ilan sa gagawin ko sa pera.


1. Maglalakbay ako sa ibat ibang panig ng mundo ( kung medyo sawa na ako sa dito sa Earth susubukan kong magpatayo ng SPA sa planetang Neptune)

2. Bibili ako ng malaking bahay (Gagawin kong hobby ang pagbili ng bahay at lupa). Yung diyamante ko gagawing ko lang pangalso ng kotse at yung ginto gagawin ko lang paper weight.

3. Bibili ako ng maraming sasakyan ( yun tipong parang nagpapalit ka lang ng brief, uhmmm konti lang pala ang brief ko, sige bibili rin ako ng pabrika ng brief para sa akin )

4. Gagawin kong katulong si Bill Gates tapos ang yaya ko naman si Oprah. Si Bradd Pitt hardinero ko lang yun tapos si Megan Fox eh gagawin ko syang tagalagay ng bimpo sa likod ko kapag pinagpapawisan. Driver ko naman si Zobel de Ayala at tagakamot ko ng itlog si Lucio Tan.

5. Bibilhin ko ang GMA 7 at ABS-CBN para kung anong palabas lang ang gusto kong panoorin ay iyon lang ang ipapalabas nila (bawal sa akin ang koreanovela,chinovela, at kung ano ano pang vela-vela). Si Attorney Gozon ang tagaluto ko ng pop corn, tapos si Gabby Lopez naman ang tagabukas ko ng coke.

6. Kukuha ako ng taong mangungulangot sa akin,para hindi na mahirapan ang hinlalaki ko. Meron din akong tagalinis ng tutuli, at taga-alis ng muta ko sa umaga. Tagalagay ng alcohol sa kamay at katawan ko, kada segundo. At ang gagawa nito ay si Kris Aquino dahil sya ang aking P.A

7. Gagawin kong Orphanage ang Malacanang para sa street children, tapos bibilhin ko ang mga subdivision ng Ayala Land o ni Manny Villar at ito ang ipapamudmod ko sa mga mahihirap. Magpapatayo rin ako ng simbahan na may apat na palapag para maiba naman tapos si Pope ang magmimisa dito kada Miyerkules. (kailangan daw kasing magkawang-gawa)

8. Magpapatayo ako ng isang mall sa aking bakuran, at dito ako mamimili. Ayaw ko kasing ng makipagsiksikan pa sa maraming tao kaya magpapatayo ako ng sariling mall (ayaw ko ng mabaho at ayaw ko ng masikip). At gagawin kong salesman si Henry Sy (sa tindahan ng sapatos ko sya ilalagay)

9. Dahil wala akong magawa sa pera ko katulad ni Michael Jackson (sumalangit nawa ang kaluluwa nya) , eh gusto ko rin magpagwapo. Kaya magpapalaser ako…….magpapalaser sword ako ng ulo then papalitan ito ng ibat-ibang ulo. Yung parang detachable ang ulo tapos ang ipapalit ko sa ulo ko ay ulo ng mga artista, para sikat din ako. Araw araw iba iba ang ulo para masaya.

10. Syempre sa dami ng pinagkakagastusan ko baka maubos ang kayamanan ko. Kaya para ma-maintain ko ang pagiging mayaman, tataya ako sa lotto. Lahat ng kombinasyon tatayaan ko at araw araw akong tataya. Bibilhin ko rin ang lahat ng Casino tapos syempre dahil ako ang may-ari lagi kong papanaluhin ang sarili ko. Kung hindi ko makuha sa ganyan, bibili ako ng imprentahan ng pera. Kaya pwede akong mag-imprenta ng limpak limpak na salapi.

Yan ay ilan lamang sa gagawin ko sa aking kayamanan, medyo nakakapagod din palang gastusin ang pera kahit iniisip mo lang ito. Pero sa huli maiisip mo mahirap din pala ang maraming pera yun nga lang mas lalong mahirap kung wala kang pera.


Salamat sa pagbasa ng walang kwenta kong entry gusto ko lang ulit mag-update.


Tuesday, July 6, 2010

FATHER DRAKE



Sa maniwala kayo o sa hindi, alam nyo bang nung bata pa ako pangarap kong maging..........dyaran..... PARI !!! (Gulat kayo noh! Expected ko na yun mga bakulaw kayo! )

So, yun nga pangarap kong maging pari nong bata pa ako. Madalas kasi akong maglaro ng PARI-PARIAN noon. Madalas kong kunin yung center table namin para gawing altar at ang aking ostya ay yung tigpipisong biskwit na MARIE.

Kabisado ko ang sinasabi ng PARI sa misa, pati kanta alam ko rin. Tapos napakabaet ko pa noong bata pa ako! Sobra talagang pari na pari ang dating ko noon. Punong puno ng kainosentehan sa katawan at hindi mo makikitaan ng kamanyakan. Pure na pure ang aking budhi, NOON. (o hayan uulitin ko na mga TAE kayo, NOON yun)
Marami talaga ang nag-aakala na magpapari ako, at pati ang mga magulang ko sobra ring nagekspek na magiging pari ako. Pero nung medyo lumaki laki na ako medyo biglang nangamba ang mga magulang ko sa akin. Dahil ang inaakala nilang magiging pari noon ay mukhang magiging BATANG CITY JAIL ngayon!LOLS

Medyo sa sobrang bait kong kapatid madalas nila akong tawaging “DEMONYO”. Yun ang paglalambing nila sa akin. At dahil malambing din ako sa kanila, binabangasan ko ang mga nostrils nila! At sa sobrang bait ko din, naputol ang dos por dos ng nanay sa paghambalos sa akin. Hindi ako umiiyak, sinasabi ko lang sa nanay ko “EH DI NAMAN MASAKIT!! DI NAMAN MASAKIT” kahit halos magkulay violet na yung hita ko sa pasa.

Madalas akong ipasok ng mga nanay sa mga RETREATS para daw bumait ako (akala nila ata REHAB yun). Pero impernes naman bumabait naman ako ng mga tatlong araw pero pagkalipas noon balik uli ako sa pagiging isang napakabait na kapatid at anak. Kaya ang isa pa sa palayaw ko noon ay LUCIFER.

Una kong pinuntirya ang DIARY ng ate ko. Ginawa ko syang pocketbook, at tawa ako ng tawa sa mga kapuwitang laman ng Diary ng Ate. Noong makita ako ng ate na binabasa ko ang diary nya habang kumakain ng mane, hayun sinabutan ako at ginawa akong jackstone ang ulo ko.
.
Pangalawa ko naming pinuntirya ang alkansya ng kapatid ko. Magaling kaya akong manungkit, at NO SWEAT within 3 minutes, meron na akong pera. Pagkasungkit ko ng pera diretso na ako sa pagbili ng komiks. Medyo paborito ko kasi ang Funny Komiks noon, at ayaw kong mapalampas sila COMBATRON, NEKNOK at si Tomas en Kulas.

Subalit sa hindi inaasahang pangyayari nahuli ako ng nanay dahil ngumawa ng ngumawa ang bwisit kong kapatid. Nang makita ako ng nanay na hawak ko ang alakansya ng kapatid ko at isang tinidor. Hayun hinambalos na naman ako.( Syet na tinidor yan pinahamak pa ako!!)
.
Kaya nawalan na ng pag-asa ang mga magulang ko na magkaka-anak sila ng pari. At lalong hinimitay ang nanay ng binuksan nya ang cabinet ko at sumalubong sa kanya ay litrato ng babaeng nakabukaka na kitang kita ang kanya bibingka. Halos panawan ng ulirat din ang nanay ng makita nyang parang may tyangge ng PORN MOVIES ang cabinet ko. (Nay!okay na yun kesa naman magdrugs ako!LOLS)

Kaya halos araw araw, panay sermon ang inaabot ko sa tatay. Kaya alam kong hindi na talaga sila umaasa na magiging pari ako, lalo pat alam nila na ang weakness ko ay mga .....MAGAGANDA!!

Pero ngayon naman, kahit na sabihin kong naging masama ako noon eh bumabawi naman ako ngayon. Syempre good boy na ata ako. Hindi man akong naging pari na pinapangarap nila noon, kahit paano masasabi ko namang naging mabuti anak at kapatid ako ngayon (naks naman may ganun mga sinasabi)

Alam ko namang hindi lang naman sa pagpapari mapapatunay kong isa akong MABUTING TAO! (putcha bat parang walang naniniwala??)

Pero malay mo naman talagang maisipan kong pumasok sa seminaryo...........hahahaha! Langya, mukhang Malabo talagang mangyari yun, hindi ko kayang isipin!LOLS
.
Yun lang mga kautak! Gusto ko lang talagang mag-update

Ingat






P.S

Maraming salamat nga pala kay GLENTOT UTOT, dahil sya ang gumawa ng napakaganda kong HEADER. MARAMING MARAMING SALAMAT SA IYO at pangako babawi din ako sa iyo sa paguwi ko sa Pinas. Pagpapatunay lang din yan na hindi hadlang ang kapansanan sa pag-iisip para maging “creative”LOLS. Joke lang pre! Maraming salamat uli DWENDE!!