
Ang internet ay ibang mundo, masyadong malawak at masyadong malaki. Pwede kang maging sino dito, pwede kang maging ano dito. Kaya nga madalas naglalagay tayo ng kanya-kanyang mga maskara para sa mga pansarili nating kadahilanan.
Alam nyo maraming mga blogger ang nagtatago sa ibat-ibang maskara. Marami sa kanila ang nag-iiba ng karakter at nagagawa nilang ibahin ang kanilang mga personalidad. Sa mundo ng internet, pwede nilang buuin ang katauhang gustong gusto nilang maging sila. Sa internet nila nagagawa ang mga bagay na hindi nila nagagawa sa totoong buhay.
Marami na rin naman akong nakilalang mga bloggers na ikinagulat ko sapagkat hindi sila ang inaakala kong sila. Kakaiba ang kanilang katauhan sa kanilang blog at iba din ang katauhan nila sa totoong buhay. Tulad ng isang blogger na nakilala ko akala ko isa yang napakamalulungkuting tao, pero ang totoo isa pala syang masiyahing tao. Yung isang blogger na akala ko ubod nya ng warfreak pero isa pala syang madiplomasyang tao sa toong buhay. Yung isang blogger akala ko napakamasiyahing tao yun pala isa syang “loner” at malulungkuting tao.
May kanya-kanya tayong kadahilanan, may kanya-kaya din tayong rason kung bakit natin iniiba ang personalidad natin sa blog natin. Ako, kung tatanungin nyo ako kung ganito rin ba ako sa totoong buhay?Ang sasabihin ko “HINDI” ,at pinili ko yun.Pinili kong ipakilala sa buong mundo kung sino talaga si DRAKE na blogger, at hindi kung sino si Drake sa tunay na buhay.
.
Kagustuhan kong ipahayag ang mga bagay na hindi ko kayang sabihin sa totoong buhay. Sarili ko ring kapasyahan na ikuwento ang mga bagay na hindi ko kayang ikwento sa ibang tao. Ito ang kwartong nilikha ko sa mundo ng internet at ito rin ang kwartong gusto kong ipakita sa mundo.
.
.
Hindi ako naglalagay ng piktyur, dahil masyado maraming bagay na ang naikuwento ko sa blog na ito at kalabisan para sa akin kung ipagsisigawan ko pa sa mundo ang aking hitsura o mukha. May mga bagay na kailangan protektahan para hindi ka mahusgahan o pag-isipan ng masama,tulad ng mga nakikita natin sa TV nilaglagyan ng itim ang kanilang mata para itago ang kanilang identidad sa publiko. NAKILALA nyo ako bilang si Drake sa likod ng aking mga kwento, at hindi na kailangan pang MAKITA si Drake sa likod ng mga mga kwento ito.
Tulad ng mga artista may kanya-kanya role sa TV at pelikula,pero maraming manonood ang hindi kayang ihiwalay ang role ng isang artista sa toong buhay ng isang artista. Kaya nga kung isa kang magaling na kontrabida sa telebisyon malamang maraming galit na tao sa iyo kahit wala ka namang ginagawa sa kanila at kahit alam mong tapos na ang palabas. Sa blogging din ganun, may mga role ka gusto mong gampanan, may mga katauhan kang gusto mong maging, at may mga bagay nais mong gawin. At para maiwasan mo ang pag-uugnay nit,o sa totoo mong buhay at iiwas ang sarili sa panghuhusga lalo na sa mga taong hindi ka personal na kilala, protektahan mo ang iyong sarili.
Oo alam kong maraming mga blogger naman ang hinahayaan nilang ipakita sa kanilang mambabasa ang kanilang tunay na sarili at identidad. Kagustuhan nila iyo at sariling desisyon nila yun ang ipahayag sa publiko ang sarili nilang buhay, kaya nga dapat itong igalang. Subalit tandaan din natin hindi naman ibig sabihin na kapag hindi mo pinapakita ang iyong tunay na sarili at personalidad, ay hindi na dapat ito igalang. Kagustuhan at sariling desisyon din nila iyon, may kanya kanya silang kadihalanan at rason. Hindi mo na kailangan malaman ang mga dahilan na ito ang tanging kailangan mong gawin ay igalang at irespeto.
Minsan ang sarap alamin ang tunay na mukha sa likod ng maskara. Nakakadadag sa “excitement” mo ang pagtuklas sa misteryong bumabalot dito. Kakaiba rin ang pakiramdam mo kapag may nakikita kang regalo ,masyadong malikot ang imahinasyon mo tungkol sa nilalaman nito ,kaya ganun na lang ang kagustuhan mong buksan ito.
Subalit kapag nabunyag na ang mukha sa likod ng maskara, baka bigla kang manlumo sa iyong natuklasan. Kapag nalaman mo na ang katotohanan sa likod ng mga misteryo, baka sa isang iglap nawawala na ang excitement na nararamdaman mo. At kapag nabuksan mo na ang regalo at iba ito sa inaasahan mo baka bigla mo na lang itong itapon at umalis na lang.
At doon ka magsisisi, na sana hindi mo na nakita ang mukha sa likod ng maskara para hindi ka nanlumo. Na sana hindi mo na inalam ang misteryo para lagi kang maeexcite sa paglutas ng misteryong ito . sana hinayaan mo na lang ang sarili mong paliparin ng iyong imahinasyon ng mga bagay sa loob ng regalo para mas makaramdam ka ng kasiyahan sa pag-aantay na buksan ang reaglong ito. At sana hinayaan na lang dapat ang isang bagay at huwag ipilit ang kagustuhan mo, disin sana’y hanggang ngayon naeenjoy mo pa ang mga pakiramdam na ito.
Sa blog, hindi mahaga kung ano sya at kung sino sya bilang blogger. Mas mahalaga kung ano ang sinusulat nya at kung ano ang nakukuha mo sa pagsusulat nya. Back tayo sa basic, ika nga!
Masarap magblog at may kanya-kanya tayong dahilan kung bakit tayo nagboblog! Ang layunin ng blog ay para ipahayag ang nasa loob mo, opinion, karanasan, ideya at kung ano ano pa.Nasa atin din kung ano ang gusto nating maging katauhan sa nilikha nating blog. At tayo pa rin ang magdedesisyon ang kung ano ang gusto nating isulat dito. Gawin natin ang gusto natin sa ating blog, dahil dito lang tayo nagiging malaya at nagiging masaya. Kung sa totoong buhay ay nahaharang tayo ng mga limitasyon natin , dito sa mundong ginawa mo sa iyong blog wala kang limitasyon.
.
Kaya ienjoy mo lang ang pagboblog !
.
IKAW BAKIT KA NAGBOBLOG?
.
Yun lamang po at maraming salamat.
Yun lamang po at maraming salamat.






