Monday, July 11, 2011
Babalik ako
Namiss ko kayo...pramis yun! Walang stir....walang kataehan...at walang kaplastikan...wala talaga! wala!
Ngayong inalis na ang billboard ko sa may EDSA....Ano naman ang malaswa kung litaw ang singit ko? Maputi naman! TAMA KA! ako ngay yung nakabrief lang.... ako yun!Pramis Myembro ako ng "Philippine RUGBY........ BOYS" yung sinisinghot sa may Balintawak!hahha! Syet..KORNI!
Basta babalik ako..... ....... PWAMIS!!
Ingat po!
Drake
Sunday, February 27, 2011
PERSONALITY TRANSPLANT
Sana may mga bagay na pwedeng palitan, katulad ng ugali ng tao o di kaya personalidad mo.pwede din sanang ibahin. Bakit hindi kaya nauuso ang PERSONALITY TRANSPLANT? Para piliin mo ang mga personalidad na gusto mo. Minsan may bagay na gusto mong maging ganito o ganyan, subalit dahil likas na sa iyo ang isang personalidad hindi mo na ito magawang mapalitan pa.
Minsan masarap magkaroon ng personalidad na MATAPANG, yung walang inuurungan na kahit sino, para walang mang-aapak sa iyo na ibang tao. Patayan kung patayan, sabugan ng mukha kung kailangan. Tapos palitan mo naman agad ng personaliad na MALAMBING, para naman makita nila na malambot din ang puso mo. Baka pwede ng gawing combination ito, yung parang milk shake lang, Pagsamahin ang dalawang personalidad.
Minsan nangangarap ka ng personalidad na INSENSITIVE ka sa pakiramdam ng iba, para Malaya mong gawin ang gusto mong gawin may masaktan ka man o wala. O kumuha ng ugaling MANHID, para naman hindi ka makaramdam ng sakit kapag may nanakit sa iyo. Yung tipong para kang robot na walang emosyon at walang pakiramdam.
Nais ko rin magkaroon ng personalidad na MASIYAHIN para naman kahit sa malungkot na pangyayari magawa ko pa ring maging masaya. Tapos sasamahan ko rin ng personalidad na POSITIBO para naman kahit punong puno ako ng problema sa buhay isipin ko pa rin na masarap mabuhay sa mundo.
Gusto ko ri minsang magkaroon ng ugaling MAKASARILI, para gawin ang mga bagay na gusto kong gawin na walang iniisip na ibang tao. O di kaya naman magkaroon ako ng personalidad na MAANGAS para hindi ako lapitan ng mga taong may masamang binabalak lang sa akin.
Baka pwede rin akong maging SPOILED BRAT para naman hindi ako titigil hanggat hindi napapasaakin ang gusto ko. O ugaling MAPAGDUDA para naman hindi inaabuso ng ibang tao ang tiwalang ibibigay ko. Baka minsan pwede rin akong magkaroon ng ugaling INOSENTE para wala akong muwang sa tama o mali. Para gawin ko man ang mali hindi ako magdadalawang isip
Pwede kayang magkaroon ako ng ugaling RISK-TAKER para hindi ako natatakot sa mga resulta ng mga desisyon ko sa buhay. O kaya maging PRANKA, para nagagawa kong sabihin sa ibang tao ang mga ayaw ko sa kanila.
Gusto ko rin maging NARCISSIST para kahit ayawan ako ng lahat ng tao sa mundo, mayroon pa rin nagmamahal sa akin…......ang sarili ko. Pwede kaya iyun?
Sana totoo ngang may personality transplant o di kaya pwedeng bilhin sa tindahan para gamitin mo ang gusto mong gamitin sa araw na iyon. Parang relong may interchangeable bracelet, o gulong na pinapalitan kapag flat na. Pero hindi eh! Mukhang Malabo atang mangyari yun.
Makuha ko man ang mga personalidad na gusto ko, sa huli maiisip ko kahit maging PERPEKTO MAN AKONG TAO.nakakalungkot na wala naman kasing PERPEKTONG MUNDO. Hindi siguro tao ang may problema, ang kapaligiran ko at ang MUNDO mismo. Baguhin ko man araw-araw ang personalidad at ugali , tyak hindi pa rin nito mababago ang mundong kinabibilangan ko. Patuloy pa rin lalabanan ang mga kagustuhan ko sa buhay.
Hangarin ko man makuha ang mga personalidad at ugaling gusto ko, hindi pa rin ako masisiyan dahil sa huli kailangan ko pa ring sumabay sa pag-ikot ng mundo. Kaya bakit ko pa ba babaguhin ko pa ang sarili ko,? kung baguhin ko man o hindi ,aayon pa rin ako inog ng mundo at isasabay ko pa rin ang sarili sa bawat paggalaw ng mundo . Marahil ang kailangan kong gawin ay tanggapin na lang mga bagay na meron ako at gamitin ko sya sa paglalakbay sa MUNDOng ito
Harinawa, na sa paglalakbay na ito, mapulot ko ang mga ugaling gusto ko at maisasabuhay ko ang mga ito ng hindi nangangailangan ng operasyon at hindi pilit. Isa-isa sanang magiging natural sa akin ang mga personalidad na pinakamimithi ko para hindi ko na kailangan pang asamin na maibento ang titulo ng sanaysay na ito.
Wednesday, January 19, 2011
Yun eh! Pumipitik pitik pa!

Aaminin ko medyo hindi na ako gaanong nag-uupdate ng blog ko kumpara dati. Medyo sobrang busy sa trabaho at maari kong sabihin na talagang sulit na sulit ang pinapasweldo sa akin ng bangko. Hindi ko na magawang mangulangot at magkamot ng betlog. Kalimitang nakatutok ako sa computer at nagche-check ng kung anu-anong mga requirements ng mga pukanenang mga aplikante na yan.
Ako rin kasi ang humahawak ng mga interviews para sa mga EXPATS o NON SAUDI at sari-saring mga tao ang nakakasalamuha ko araw araw. Dugu-duguan ang aking ilong at tenga kakaenglish, at halos ayaw ko ring huminga kapag natatapat ako sa mga aplikanteng wala sa dikyunaryo nila ang salitang “MABAHO, ANTOT, PUTOK, YUCKY, B.O at BAD BREATH”. Kaya tandaan hindi lahat ng pumuPUTOK ay baril.
Aaminin ko, totoo nga pala na “FIRST IMPRESSIONS LAST”, kasi kapag mukhang pinabili lang sya ng suka eh medyo nasisikantot ako (second thought). Tapos kapag hindi man lang pinalansta ang damit, pantalon at necktie, medyo nakakababa ng energy. Pero syempre tintingnan ko pa rin kung magaling naman sya at maayos naman syang magsalita. Nung minsang may isang pinoy na nag-apply dito;
Ako: Sorry kabayan hindi kami bibili ng binatog! (binatog talaga??)
Kabayan: Hindi kabayan mag-aaply po akong trabaho
Tiningnan ko sya mula ulo mukhang paa este hanggang paa. Napaisip ako, si kabayan naman hindi man lang makuhang magPOLO at slacks, talagang Tshirt at jeans ang suot. Kaya sinabi ko
Ako: Sige kabayan iwan mo na lang sa akin yung resume mo, tawagan ka na lang namin for interview.
Kabayan: Di ba pwedeng NOW NA? (medyo nagulat ako sinabi ni kabayan, at nakikiNOW NA pa!)
Ako: Sorry, wala kaming bakante!! (**Please insert pilit ngiti – talim mata here***). Akala ata ni kabayan, eh tumatanggap kami ng “Construction Worker” sa bangko.
Dito sa Saudi, requirements din na pwedeng ilipat o transferable ang visa profession mo. Ganito yan, paliwanag ko para hindi ka tae-tae kung ano ang ibig kong sabihin. Pag pupunta ka ng Saudi may IQAMA na tinatawag o residence card, ngayon nakalagay dun sa IQAMA mo kung ano ang trabaho mo. Ngayon kung sa bangko ka nag-aapply at ang trabahong nakalagay sa IQAMA mo ay “nurse”, hindi pwede yun kasi hindi naman kami ospital.Kailangan sakto ang profession mo sa lilipatan mong kumpanya. INTIANDES!!
Kaya kapag ang nag-apply sa akin ay may visa profession na machine operator, housemaid, driver, ,dressmaker, laborer, , starlet ,fishball vendor at GRO, binabagsak ko na kasi hindi naman sila maililipat.(yung GRO pwede pa namang pag-usapan! Hahaha!) Ika nga it’s a waste of time ,energy and bucket of saliva.
Heto kamo may isang aplikante akong ininterview at matapos ang mahabang TELL ME ABOUT YOURSELF at paekek pang mga tanong, umarrive kami sa tanong na ito
AKO: Okay, what’s your visa profession?
INDIANO: Sir, it’s CHICKENNERY
AKO: What???
INDIANO: CHICKENNERY, Sir
AKO: Huh? What’s that again? (dumugo na talaga ang kilikili ko sa mga naririnig ko)
Medyo hindi ko kinaya ang narinig ko kaya bumulagta na lang ako sa sahig dahil hindi ko nga sya maitindihan tapos amoy imburnal ng tae pa ang hininga nya. Kaya binalikan ko na lang ang CV nya at dun ko napagtanto na nagtatrabaho pala sya sa isang kumpanyang nagbebenta ng ………. DRESSED CHICKEN. PUT#$%$#@# umembento pa ng profession.
Okay yan muna mga kautak, pero ang dami ko pang ikukwento sa inyo. Hayaan mo pipilitin ko talagang i-CPR at imouth-to-mouth ang blog ko na ito kahit medyo busy ako sa trabaho. Ganyan ko kayo kamahal kaya penge ngang kiss dyan!
Thursday, January 6, 2011
PAGHAHANAP NG KALIGAYAHAN
Minsan mag-iisip ka bakit tila napakailap ng kaligyahan? Bakit tila hindi rin pangmatagalan ang ligaya? Ano ba ang sukatan ng kaligayan? Ano ba ang anyo nito?
Tila napakahirap sagutin ng mga tanong na yan? Tingin natin tila napakalawak ng salitang “KALIGAYAHAN ”. Sabi nila hindi nating pwedeng pangarapin ang kaligayan dahil hindi ito pemanante sa mundo. Wala ring pormula ng kaligayahan dahil nababatay ito ayon sa sukatan o pamantayan ng isang tao.
Noong tayo’y musmos pa, hindi ba sa isang supot lamang nang kendi sapat na para maramdaman natin ang lubos na kaligayahan. Subalit bakit sa pagdaan ng panahon tila hindi na tayo kaya pang mabigyan ng kaligayan ng isang supot ng kendi. Maari kaya na ang kaligayahan ay batay sa kaalaman o utak ng isang tao? Na habang tumatalino ang tao nagiging kumplikado ang pamantayan ng kaligayahan nito?
Lahat ng tao nagnanais maging masaya. Hindi ba? Pero paano ba nating sisimulan ito? Kailangan ba nating makuntento bago lumigaya, o kailangan nating maging maligaya bago makuntento?
Sa aking paglalakbay sa mundong ito at pagtatanong sa ibang tao, lagi kong naririnig, “GUSTO KO LANG NAMANG MAGING MALIGAYA!” Sino bang nilalang ang ayaw nito? Subalit paano mo hahanapin ang isang bagay kung sa iyong sarili hindi mo naman alam kung ano ang iyong hinahanap. Ni hindi mo alam kung paano maipapaliwanag ang pakiramdam ng kaligayahan? Makikita ba ito sa tamis ng iyong ngiti? Maririnig ba sa lakas ng iyong halakhak?O mararamdaman ito sa pamamagitan ng paglutang ng kaisipan at paghihiwalay ng iyong kaluluwa sa iyong katawan? Paano mo ito maipapaliwanag?Alam mo ba?
Ang KALIGAYAHAN ay isang emosyon, at ang emosyon ay nagbabago. Ang emosyon ay hindi hinahanap, kusa itong nararamdaman base sa sitwasyon. Ang sitwasyon ay paiba- iba bawat segundo at ito’y naaayon sa iyong kapaligiran.Ang kapaligiran ay sumasabay naman sa pag-ikot ng mundo. At ang mundo ay patuloy na iinog at hindi titigil kahit kailanman. Kaya ang KALIGAYAHAN ay patuloy na nagbabago, nag-iiba ng anyo, nagpapalit palit ng kahulugan, hindi pangmatagalan at sumasabay sa pag-ikot ng mundo.. Hindi sya pwdeng tanungin ng ANO, BAKIT,PAANO, SINO,SAAN ,KAILAN, ALIN o tanong na nalikha sa mundong ito dahil walang tamang sagot dito, walang partikular na kasagutan at lalong walang permananteng tugon dito. Nagbabago ang sagot ng tao at paiba-iba din ang sagot nila kahapon, ngayon, bukas at sa makalawa.
Totoo ngang nakakapagod hanapin ang kaligayahan dahil maaring naman wala tayong dapat hanapin o hindi naman talaga dapat ito hinahanap. Dahil tulad ng sipon, ubo,lagnat at iba pang sakit pasulpot sulpot lamang ito, nawawala at bumabalik muli.Lumilitaw sa hindi inaasahang oras at nagpaparamdam sa biglaang pagkakataon.
Monday, December 27, 2010
PAYANIG SA PASIG 2010
Aaminin kong napakaraming “Payanig sa Pasig” ang ginawa sa akin ni Papa Jesas ngayong taon, lalo na sa usaping “TRABAHO”. Alam nyo naman na hindi biro din ang pinagdaanan kong pangamba at pag-alala, at ito ang mga yun ;
1. Halos mawala ako sa ulirat ng malaman kong nag-alsa balutan ang boss ko ng bigla bigla at walang paalam. Ginulat na lang nya kami na wala na sya sa Saudi at bumalik na sa UK. Walang text, miss call, o kahit pasaload man lang, basta nagkagulatan na lang na wala na sya sa kumpanya.
2. Dahil sa panyayaring naganap sa itaas, halos 3 buwan akong hindi pinatulog dahil baka magbungkal ako ng lupa sa Pinas para magtanim ng kamoteng kahoy at singkamas. At dahil puyat ako, halos nabawasan ang aking kakyutan ng 40%.
3. Naghanap ako ng bagong trabaho, at awa naman ni Papa Jesas dininig nya ang dasal ko dahil pasok agad ako sa isang malaking kumpanya ng gatas (na pambata). Ang trabaho ko ay sa mag-extract ng gatas mula sa dalaga (Joke lang). Subalit dahil sa kaepalan ng kumpanya naming nagbebenta ng kotse na may tigreng lumulundag, hindi ako pinayagang lumipat. Pinamili ako: manatili sa kumpanya o umuwi sa pinas at magbenta ng fresh kong katawan. Syempre no choice kundi nanatili sa kumpanya. (Tanginis lang oh)
4. Dahil sa ganyang sitwasyon, muntik na akong uminom ng isang boteng valium (wow sosyal) para hindi na magising dahil sa labis na pag-alala at panghihinayang. At dahil din yan 2 buwan naman akong lutang ang utak hanggang sa lumabnaw na parang lugaw.
5. Mabait pa rin si Papa Jesas, dahil sa wakas pinayagan na ako ng putares na kumpanya na lumipat sa ibang kumpanya. Subalit pinili nila ang buwan na kung saan alanganin kang tanggapin (Ramadan yun), kumbaga para itong Mahal na Araw na mamalasin ka kapag tumanggap ka ng empleyado. Kaya kahit nagpasa na ako sa isang libong kumpanya ng aking CV sa paniniwalang “THE MORE ENTRIES YOU SEND, THE MORE CHANCES OF WINNING”. Eh wala tumawag sa akin kahit isa man lang . At halos isang buwan akong takot na takot dahil kung hindi malamang uuwi talaga ako sa Pilipinas.
6. At buti na lang sa huling araw ay marami ng tumawag (nalito pa nga ako eh! Naks! Kayabangan, hahaha) Kaya napunta ako ngayon dito sa bangko. Subalit nag-aalala pa rin ako kasi baka umepal na naman ang dati kong kumpanya at hatakin ako pabalik. Kaya halos 2 buwan din akong di nakatulog ng mahusay.
7. Sa wakas may bago na akong trabaho sa ngayon, subalit dahil sa layo ng trabaho ko sa dati kong bahay, halos mabuhay na ako sa loob ng taxi sa haba at tagal ng traffic. May bonus pang anghit ng Pakistaning driver plus surot, niknik at umaalingasaw sa antot ng taxi. At dahil dyan nangati ang buong katawan ko at halos galisin ako ng isang buwan. Buti na lang bumalik na muli ang aking mala SUTLAng balat ng lumipat na ako sa bago kong bahay.
8. Akala ko kuntento na sa pamumuwisit ang dati kong kumpanya, dahil hindi pala sila tapos. Dahil nung kukunin ko na and backpay ko (end of service benefits) dahil sa pagiging loyal sa kanila ng 5 years. Sa huli, hindi rin nila binigay ang pera ko. At kahit umutot pa daw ako ng sago hindi ko makukuha ang pera kong pwede nang pampatayo ng maliit na beerhouse. Kaya halos isumpa ko sila sa sobrang inis at bwisit. At kung ihahabla ko pa sila dahil dito, baka lalong masira ang taon ko kaya hinayaan ko na lang. Isang buwan din akong hindi pinatulog sa inis at bwisit sa dati kong kumpanya na yan.
Kaya kung susumahin nyo lahat halos buong taon akong hindi nakatulog ng mahusay, iniinis to the maximum level, at pinag-alala hanggang sa pumanget (meganun). Kaya sana naman next year maging maayos na ang aking buong taon. SANA……….
Maraming salamat mga KAUTAK, at HAPPY NEW YEAR!!!!!
Wednesday, December 22, 2010
DRAKE!,NAMAMASKO PO!!
Sensya na nga pala kung emu-emohan ako, syempre pasikat lang. Nga pala dahil magpapasko na, ikukuwento na rin dito ang nangyari sa akin Last Christmas .Yun kasi ang kauna-unahang kong pasko sa Pilipinas simula ng nag-abroad ako. Mga apat na pasko rin kasi akong di nakauwi, at iyon ang kauna-unahan kong magpasko sa atin ng…............…may pera (ng slight lang naman).
So katulad ng sinabi ko, medyo namiss ko ang Pasko sa atin, kaya naman excited akong bumili ng pamaskong damit sa SM. Kailangang mangamoy gaas ako sa pagkabago ng damit at isusuot ko sya sa araw mismo ng pasko. Dahil ako rin ay isang panauhing pandangal ng aming pamilya, syempre ako ang bida sa pamilya, kaya naman ako ang........... gumastos ng lahat! Joke lang! Nakakatuwa nga dahil nag-iipon pala sila ng pera para sa pag-uwi ko hindi ako gumastos ng malaki sa pasko at Noche Buena. Ako’y tats na tats talaga, pramis! Hanggang burnik natats nila ako. Pero sa huli napagastos din ako. Hahahha!
At katulad ng inaasahan, sandamakmak na bata at tao ang dumating sa aming bahay. Syempre nakakahiya naming hingin agad ang Aguinaldo di ba? So kumakain naman sila kahit konti para hindi halata. Pero yung isang bata, hindi kinaya yung suman na kinain dahil pagkasubo, nagsuka agad. Panay kain pala sya bago hingin yung Aguinaldo. IYan ang ISTAYLl!!
Punung puno din ang simbahan sa huling gabi ng simbang gabi (paulet-ulet??). At tulad ng inaasahan, nagsimba ang iba para mag ……..dyaran……..FASHION SHOW! Syempre pagkakataon nila itong pumorma at isuot ang mga nauusong damit ngayon. At mistulang SOGO Hotel ang simbahan sa dami ng naglalampungang magkasintahan sa may gilid, sulok, singit at alulod ng simbahan. Mistula rin itong daycare center sa dami ng nagiiyakang mga bata. Nagpapatinisan pa ng boses. At ang nakaasar pa, yung mga sapatos nila may tumutunog tunog pa!
Masaya ang notche Buena namin, kasi may videoke, pizza, prutas, hamon, keso de bola at “the bar” (letche ang mahal ng champagne). Medyo gumising pa kami ng 12 am para lang lumamon at intayin ang unang Segundo ng pasko. After nun parang binagyo ang mesa dahil naubos sa isang iglap ang mga pagkain (timawa??)
At ,dahil ako ay isnag balikbayan, nagmistula akong si….Santa Claus na gumwapo (may gwapo pa talaga??). Ibig sabihin nun obligado akong mamigay ng regalo, Aguinaldo o pasalubong sa mga kamag-anak ko. Medyo malaki laki din ang napakawalan kong pera ng ganun ganun lang lalo pat choosy na ang mga bata ngayon at hindi na sila tumatanggap ng bente pesos . At lalong mas choosy ang mga tyahin/tyuhin ko, dahil ayaw nila ng hindi imported (Tae lang oh!). Pero kahit medyo naubos ang pera ko noon, sulit naman talaga ang pasko ko noong 2009.
Hays, ayokong malungkot ngayong Pasko, pramis. Dati sanay na akong magpasko sa Saudi, pero iba nga talaga ang pasko sa atin. Kala ko makakasanayan ko ito, pero parang hindi eh! At aaminin ko naiingit ako sa mga kakilala kong uuwi ngayon pasko.
Wednesday, December 8, 2010
DRAKE KULA
Sa unang pagkakataon hayaan nyong ipakita ko ang picture ni DRAKE KULA.

Minsan iniisip ko, bakit ba nakapaka-unfair ng mundo? Aminin natin o hindi, minsan nagdo-“double standard “ tayo, lalo na siguro kung sa hitsura o mukha ang pagbabasehan. Nahuhusgahan natin ang isang tao ayon lamang sa kanyang hitsura at panlabas na kaanyuan.
Mahirap nga pala na nagsimula ang buhay mo sa panlalait at panlilibak sa iyo dahil sa iyong hitsura. O di kaya dahil kakaiba ka kumpara sa iba.
Hanggang ngayon dala-dala ko pa rin yan, kahit na anong gawing iwas hindi pa rin ako pinapatahimik ng aking mga “ insecurities” pagdating sa hitsura. Madali pa rin akong masaktan at maapektuhan. Marahil dala ito ng aking pagkabata, at hanggang ngayon ay tila naging parte na ito ng aking paglaki.
Naalala ko pa noon, sikat na sikat ang kuya sa mga babae. Madalas, syang makatanggap ng mga sulat mula sa mga kaklase nyang babae. Mga sulat ng paghanga dahil sa kanyang tindig, hitsura at porma. Madalas syang kinukuhang konsorte sa mga Santacruzan, naging Mr. JS sa aming eskwelahan . Tinitilian ng mga kababaihan dahil sa angking kakisigan. Madalas kapag nakikita ako ng mga babaeng may “crush” sa kanya, lagi akong tinatanong “ Kapatid mo ba talaga si Leo??”, na tila may halong pagtataka at pagkagulat. Kasunod ang malulutong na halakhak at tawanan.
Inggit na inggit ako kay kuya, dahil paborito din sya ng nanay. Inggit ako sa kanya, dahil lahat ng tao pinupuri sya. Lahat sila gusto sya, sya lagi ang bida at sya lagi ang nangunguna. Sa aking pakiwari nakikipagkumpetensya ako sa kanya, at kahit ano pa ang aking gawin parang hindi ko magawang manalo sa kanya.
Karamihan sa aking mga kapatid mapuputi, matatalino, kinatutuwaan at kinagigiliwan. Madalas akong magpasikat noon, subalit sa huli wala namang pumapansin sa akin. Tampulan din ng tukso dahil sa bungi-bungi kong ngipin. Madalas laitin dahil sa kulay-uling kong balat. Lagi ring binabatuk-batukan, kinukutusan at inuutusan dahil maliit ako kumpara sa aking mga kaedaran. Kaya lagi akong nasa unahan ng pila. Lahat sila pakiwari ko lagi silang nagtatawa sa akin. Lahat sila tingin ko laging may sinasabing pangit tungkol sa akin.
Sa pamilya, madalas akong tuksuhing “UNYO”. Dahil kamukha ko daw ‘yung kapitbahay naming may nakakatuwang hitsura. Madalas din sabihang “ampon” lang daw, pinalait sa ospital o anak daw ng kamag-anak naming may kakulangan sa pag-iisip.
Lumaki akong mababa ang kumpanysa sa aking sarili. Madalas natatakot sa iniisip ng ibang tao sa akin, dahil pakiwari’y puro mga di magagandang bagay ang maririnig ko mula sa kanila. At pakiramdam di’y lagi nila akong pinagtatawanan.
Hindi ko magawang manligaw noon, dahil sa aking tingin wala namang magkakagusto sa akin. Hindi rin ako nagkaroon ng barkada noong elementary at highschool. Dahil hindi naman ako gaanong nakikipagkaibigan dahil baka hindi nila ako magustuhan. Madalas mas gusto ko pang mag-isa, at kausapin na lang ang aking sarili. Takot ako sa tao, takot ako sa iniisip ng iba sa akin, at takot akong sabihan ng hindi magagandang bagay tungkol sa akin, takot akong pagtawanan at takot akong laitin.
Parang umaalingawngaw ang mga tawanan at halakhakan nila sa akin. Nabibingi ako sa mga tingin na may panghuhusga at panlilibak. Bakit ba parang natutuwa silang pinagtatawanan nila ako? Bakit ba kailangang laitin nila ako? Hindi ko alam pero ganito ang lagi kong nararamdam hanggang sa ngayon. Iniisip kung ano ang iniisip ng ibang tao sa akin.
Subalit sa pagdaan ng panahon, nakuha ko na ring tanggapin na lang ang lahat. Amining marahil nga lagi akong talunan sa ibang bagay. Marahil, marami nga talaga akong di magagandang katangian, o maaari rin na talagang katawa-tawa ang aking hitsura. Ayaw ko nang mabuhay sa iniiisip ng ibang tao sa akin, at ituon ang pansin sa mga taong nakakaintindi at nagmamahal sa akin.
Sa ngayon, sa tuwing may pumupuri sa mga bagay na aking nagawa. Tila nahihiya dahil hindi ako sanay na may nakaka-appreciate sa akin. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam. Hindi ko mawari kung ito ba’y katotohanan o isang pabalat lamang dahil baka sa likod ng mga papuring ito ay mga panlalait at pagtawa.
Para sa iba, tila isang simpleng bagay lamang ang mga ito. Madaling kalimutan at madaling solusyunan. Pero sa tulad kong naging parte ng buhay ang panlilibak at panlalait, tila isang malaking bagay ito na hindi madaling solusyunan. Mahirap malunasan kapag ang kalaban mo ay walang iba kundi ang iyong……sarili. Isa itong sakit na sikolohikal, na walang ibang pwedeng gumamot kundi ang aking sarili din.
Wag na tayong magpaka-ipokorito, nabubuhay tayo sa mundong mas mahalaga ang nakikita ng mata kaysa ng puso. Aminin natin mas unang nakikita natin ang hitsura kaysa sa ugali ng isang tao. Nahuhusgahan ang isang tao batay sa kanyang pisikal na kaanyuan.
Sabi nga ng karamihan na kapag maganda o gwapo ka at panget ang ugali mo,sasabihin nila…” uyyy! suplada/suplado mo naman” o “di kaya palibhasa alam nyang maganda/ gwapo sya”. Kung maganda/gwapo ka at maganda rin ang ugali mo, sasabihin ng tao “parang namang anghel yun”. SUBALIT kung panget ka at maganda naman ang ugali mo, sasabihin ng iba…”Aba, dapat lang na mabait sya”. At kung panget ka na at panget pa ang ugali mo malamang sinasabihan ka ng “Putangina, ang kapal ng mukha mo!!”. Isang mapait na katotohanan na hindi natin pwedeng pasubalian.
Ang kagandahan o kagwapuhan ay nawawala rin sa pagdaan ng panahon. Subalit tanggapin natin na hanggat nabubuhay tayo sa mundong tila isang malaking bagay ang kagandahan at kagwapuhan. Na kung saan mabenta ang produktong pampaganda at pampagwapo. Na kung saan sinusubukang pigilan ng syensya ang pagtanda, at ginamit naman ang teknolohiya para mabago o pagandahin ang mukha /katawan na kaloob ng Dyos para sa pansariling kaligayahan .
Mananatili tayong PRESO ng mapanghusgang MUNDONG ito. Mundo na kung saan nababase ang pagtanggap ng tao sa kanyang nakikita at ginagamit ang mata sa napakaababaw na paraan.
Hindi ko alam kung kailan ako makaalpas at makaalis sa BILANGGUANG ito. Wala rin akong ideya kung mapapalaya ko pa ang sarili ko sa aking mga kaisipang ito. Pero mahirap man makaalis dito pipilitin kong makatakas sa pampanghusgang MUNDONG ITO. Mahirap at matagal subalit……………… SUSUBUKAN ko.
Iyon lamang po at maraming salamat.
DRAKE