QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Saturday, January 7, 2012

EB in Manila and Singapore

HELLLO!!! Kamusta na mga kautak?? Dyos ko pong pineapple juice, halos isang taon na pala akong walang post. Dyos miyo…pasensya naman medyo hindi ko rin akalain na ganito pala kahirap kumita ng pera ngayon sa Saudi at kailangan ubusin ko ang 100 porsyento kong kapangyarihan araw araw. Kaya pasensya na rin mga kautak.

Oo nga pala, umuwi ako nitong Disyembre lang para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa atin. Nakakatuwa lang na naimbitahan ako ni Roanne (aka B2) para sa isang EB at finally na kita ko na sa personal si Roanne. Aaminin ko medyo nablush ako ng BUNGGANG BUNGGA kay Roanne, ang DANDA DANDA kasi nya eh. Para isa syang anghel na bumagsak sa lupa at sakto ko namang nasapo ko!hahahah!Meganun! Basta iba sya sa personal kesa sa pictures, mas kamukha nya si POCAHONTAS, hindi dahil mukha syang cartoons kundi dahil ganun sya kaganda (DANDA BABAI).

Kasama rin naming sa EB si kuya AIM ng indecent mind(nakiki-kuya??). Unang pagkikita namin kahit na sabihin natin tiga Saudi rin sya pero perstaym ko syang nakita. Medyo natuwa ako sa kanya kasi hindi naman pala sya INDECENT….hahhaa, disente nga sya eh.hahaha! Basta sobrang cool kasama nya… hindi ka maiilang sa kanya kasi mukhang mabait naman sya (may naman talaga?hehe)

Kasama rin naming si kuya Chinggoy, although hindi na bago sa akin si kuya Chinggoy, kasi lagi naman kaming nagkikita nyan. Ang napansin ko lang sa kanya…..wala pala syang KILAY….hahhaha! Nasobrahan ata sa pag-ahit!Hahaha!Joke lang! Sobrang bait na tao nyang si Kuya Chinggoy at amoy mayaman sya!hahaha!

Nakikilala ko rin si Gillboard. Ito rin ang unang pagkakataon nakita ko sya. Anonymous din kasi sya. Kaya naman natuwa akong makita ang mukha sa likod ng mga kwento nya. Medyo tahimik nga lang sya, hindi ko lang alam kung personalidad nya yun o talagang naunahan lang sya ng mga kwento hehehe.

Nameet ko rin si Madz at isa pang blogger na hindi na active sa ngayon. Natuwa ako sa kanila dahil kahit hindi nila ako kilala at hindi nila nababasa ang blog kong inaamag na, eh talagang hindi nila hinayaang mapanis ang laway ko.

Kaya Roanne, maraming salamat sa pag-imbita sa akin sa EB na yan sobrang naenjoy ko ang gabi na yun at maraming salamat sa bigay nyong regalo sa akin nila kuya AIM at Manong hayaan nyo ipapalaminate ko yun!heheheh! Heto yung pic nga pala mga kautak nga regalo nila.



Sayang at wala akong ng pic na magkakasama kami, na kay Roanne ang lahat ng pics namin, hehehe!Hinge na lang ako sa kanya!hehehe!

At hindi lang yan, dahil nagstay ako ng kalahating araw sa Singapore hindi ko na rin sinayang ang pagkakataon na makilala ang isang sikat na blogger na walang kahilig hilig sa picture ng mukha nya!hahahah!joke lang. Medyo patpatin lang sya at walang kabuhok buhok sa katawan, yan ay walang iba kundi dyaran….si GASDUDE!.

Sobrang saya ang travel ko sa Singapore dahil sinulit ko talaga ang oras at halos tumulo ang laway ko sa sobrang pagkamangha sa mga nakikita ko! Siguro sa mga susunod na araw ay maikwento ko sa inyo yun!

Kaya Gasdude salamat sa pagtotour sa akin sa Singapore hayaan mo pagpupunta ka ditto sa Saudi, ipapatira kita sa CAMEL este papakainin kita ng CAMEL meat!hhahhahaha!Gawa ako ng isang entry tungkol ng tour ko sa Singapore syempre extra ka dun!hehehhe!




Basta sa inyo lahat, maraming maraming salamat sa oras na ibinigay nyo para magkita kita tayo! Isang karangalan na mameet ko ang mga hinahangaan kong blogger na katulad nyo, matatalino, magaganda, gwapo, mababait, at mga kalog na tao katulad nyo, sana this year mabigyan uli tayo na pagkakataon na magkita kita muli!MARAMING SALAMAT ULI!

Saturday, October 22, 2011

ERPORT


Photo Credit: http://www.panoramio.com

Kamusta mga kautak?Medyo matagal tagal na rin ah!Hehehe!

Nga pala, kamakailan nabasa ko sa mga balita sa internet na ang NAIA Terminal 1- is the worst airport in the world (i-click mo yan at mababasa mo). Gusto ko sanang magreact sa website na yan kasi kasiraan sa Pilipinas yan, pero ano magagawa ko eh totoo naman. Sa katulad kong OFW na halos taon taon ay nakakasalamuha ko ang mga airport employees na yan at mga pasilidad ng airport ang masasabi ko…..DYOSME AIRPORT BA TO??

Nung huli akong umuwi (last August, 2011 lang yun), ay talaga namang nakakadismaya ang hitsura ng airport natin. Yung runway sa airport, dyosko mas malaki pa ang parking lot ng Mall of Asia. Tapos paglabas mo, parang magigiba ang pader ng airport. Parang nasa PIER ka lang at sumakay ka ng RORO, ganun ang feeling, hindi ka man lang masisiyahan. Tapos ang mga airport employees parang nakakita ng alkanysa tapos panay ang pakitang gilas sa iyo, para sa huli eh hihingi sa iyo ng pera. Okay, di naman ako maramot, pero hillow??? Pilipino din kaya ako,kaya alam ko na yang mga paekek nyo na yan. Kaya kahit magkadaputok putok ako kakabuhat ng bagahe ko…okay lang, wag lang mautakan ng mga airport employees nay an. Tapos yung immigration officials, parang puro may regla! Di man lang makuhang ngumite at kay susuplado. Di mo alam kung masakit ang ngipin o may LBM, basta maasim ang pagmumukha nila.

Tapos yung arrival o waiting area, pag galing ka sa airport akala mo bababa ka ng bundok,kasi napakatarik. As in nakakatakot kasi tyak pupulutin sa kangkungan ang pinamili mong supot ng EMINEM, TUBLERON kasama ng mga free na payong , lapis, bolpen at bag. Syempre nakakahiya naman kung madulas ka pa at para kang tangang namumulot ng payong doon. Eh dami pa namang tao sa waiting area. Feeling mo isa kang artistang inintay ng mga fans mo!hahhaha

So hayun na nga, dahil sa aking pagkaexcite medyo gusto kong umihi sa pinamalapit na CR sa may parking lot ng NAIA. At isang makapanindig balahibong pangitain ang nakita ko. Naninilaw nilaw na kubeta at umaalingasaw sa bantot ng mala-aromang PANGHE! Sumiksik sa bumbunan at talagang uurong ang ETITS mo sa mga makikita. Isama mo pa dyan ang dalawang mahabang TAE nagfefeeling BANANA BOAT sa inoodoro. Hindi ko na namalalayang maiihi pala ako kasi naging busy ang utak kokung magsusuka ba ako, mandidiri sa nakikita o mahilo sa amoy, kaya hindi na ako umihi, pinigil ko sya hanggang sa makarating kami sa pinamalapit na JOLLIBEE at kumain ng Chicken joy.

Hanggang sa pagbalik ko sa Saudi, ganun pa rin ang kasanasan ko sa Airport. Isama mo pa dyan ang mahabang pila sa EOC at immigration. Habang buntot ng buntot sa iyo ang mga empleyadong hindi serbisyo ang binibigay kundi RENTA. Dyosme nirerentahan ang serbisyo sa NAIA. Pagpasok mo naman sa airport at bigla kang nagutom wala kang magagawa kundi tiisin ang mga karinderya sa loob. Walang resto o walang matinong kainan. Karienderya na may presyong FIVE STAR RESTAURANT. Halos mabuwal ako ng malaman kong 40 pesos ang maliit na mineral water. Ginto ang tubig dito sa aiport kala nyo ba.

Hays, kaya hindi ka na magtataka kung mabansagang WORLD'S WORST AIRPORT ang NAIA,kasi kami rin ay hindi na nagugulat.

Ingat,

Drake

Monday, August 1, 2011

Halo halong ewan


KAMUSTA ARAW NYO MGA KAUTAK???


Talaga naman oh! Sabi ngang mag-uupdate ako eh pero bakit ganun pa rin, late pa rin akong mag-update! Nga pala mga kautak, Ramadan ngayon dito sa Saudi. Kaya naman medyo patago-tago ang paglamon ko ngayon, pero sa kabilang banda nakakatuwa naman dahil 10AM-4PM lang ang pasok namin! San ka pa! Ang saya kaya, lalo pat mga latang lata ang mga Arabo dito, dahil tiniis ang di pagkain at pag-inom, kaya less work din naman. Yun nga lang pagkausap mo sila, parang laging may morning breath, as in tanghali na amoy panis na laway pa rin ang bunganga, at halos malaimburnal ang hininga kahit hapon na!

Lately nga pala naggygym ako ngayon dahil nga pauwi na ako sa pinas, at dahil parang akong may tumor sa apdo sa laki ng aking tyan, eh nag-enroll ako sa isang Gym malapit dito sa amin. Kamusta naman ang gym dun, nasa kalagitnaan palang tayo ng taon...eh mukhang new year na new year dun...as in PUTUKAN ng PUTUKAN ang mga kili-kili ng mga Pakistaning at Indyanong nagygygym dun. As in ang sakit sa ilong at babaligtad ang larynx mo sa pukanenang PUTOK na yan. Pero tiis tiis lang.. ganun talaga kailangan magpayat.

After Ramadan eh magbabakasyon lang ako ng 2 linggo sa atin dahil may aayusin akong napakaimportante (wow ano naman yun???) at sana yung mga malalapit na blogger friends ko dito ay makadaupang palad kong muli. Hayssss sana may makasabay din akong OFW blogger din para naman masaya (at may kahati sa gastos, hahaha!)

Basta ang dami kong namimiss sa pinas, siguro sa susunod na update ko na lang yun para naman may maisulat ako dito... hay sa wakas naupdate din!

Ingat mga kautak!

Monday, July 11, 2011

Babalik ako

Babalik uli ako sa pagboblogging kahit na medyo busy ang kupal dahil sa pukanenang Saudization na yan eh nadoble ang trabaho ng katulad kong illegal recruiter hahahha! Kailangan marami kaming ihire na Saudi at pakitan ang mga ITIK (Indian), PANA (Pakistani) at Pinoy!

Namiss ko kayo...pramis yun! Walang stir....walang kataehan...at walang kaplastikan...wala talaga! wala!

Ngayong inalis na ang billboard ko sa may EDSA....Ano naman ang malaswa kung litaw ang singit ko? Maputi naman! TAMA KA! ako ngay yung nakabrief lang.... ako yun!Pramis Myembro ako ng "Philippine RUGBY........ BOYS" yung sinisinghot sa may Balintawak!hahha! Syet..KORNI!

Basta babalik ako..... ....... PWAMIS!!

Ingat po!

Drake

Sunday, February 27, 2011

PERSONALITY TRANSPLANT



Sana may mga bagay na pwedeng palitan, katulad ng ugali ng tao o di kaya personalidad mo.pwede din sanang ibahin. Bakit hindi kaya nauuso ang PERSONALITY TRANSPLANT? Para piliin mo ang mga personalidad na gusto mo. Minsan may bagay na gusto mong maging ganito o ganyan, subalit dahil likas na sa iyo ang isang personalidad hindi mo na ito magawang mapalitan pa.

Minsan masarap magkaroon ng personalidad na MATAPANG, yung walang inuurungan na kahit sino, para walang mang-aapak sa iyo na ibang tao. Patayan kung patayan, sabugan ng mukha kung kailangan. Tapos palitan mo naman agad ng personaliad na MALAMBING, para naman makita nila na malambot din ang puso mo. Baka pwede ng gawing combination ito, yung parang milk shake lang, Pagsamahin ang dalawang personalidad.

Minsan nangangarap ka ng personalidad na INSENSITIVE ka sa pakiramdam ng iba, para Malaya mong gawin ang gusto mong gawin may masaktan ka man o wala. O kumuha ng ugaling MANHID, para naman hindi ka makaramdam ng sakit kapag may nanakit sa iyo. Yung tipong para kang robot na walang emosyon at walang pakiramdam.

Nais ko rin magkaroon ng personalidad na MASIYAHIN para naman kahit sa malungkot na pangyayari magawa ko pa ring maging masaya. Tapos sasamahan ko rin ng personalidad na POSITIBO para naman kahit punong puno ako ng problema sa buhay isipin ko pa rin na masarap mabuhay sa mundo.

Gusto ko ri minsang magkaroon ng ugaling MAKASARILI, para gawin ang mga bagay na gusto kong gawin na walang iniisip na ibang tao. O di kaya naman magkaroon ako ng personalidad na MAANGAS para hindi ako lapitan ng mga taong may masamang binabalak lang sa akin.

Baka pwede rin akong maging SPOILED BRAT para naman hindi ako titigil hanggat hindi napapasaakin ang gusto ko. O ugaling MAPAGDUDA para naman hindi inaabuso ng ibang tao ang tiwalang ibibigay ko. Baka minsan pwede rin akong magkaroon ng ugaling INOSENTE para wala akong muwang sa tama o mali. Para gawin ko man ang mali hindi ako magdadalawang isip

Pwede kayang magkaroon ako ng ugaling RISK-TAKER para hindi ako natatakot sa mga resulta ng mga desisyon ko sa buhay. O kaya maging PRANKA, para nagagawa kong sabihin sa ibang tao ang mga ayaw ko sa kanila.

Gusto ko rin maging NARCISSIST para kahit ayawan ako ng lahat ng tao sa mundo, mayroon pa rin nagmamahal sa akin…......ang sarili ko. Pwede kaya iyun?

Sana totoo ngang may personality transplant o di kaya pwedeng bilhin sa tindahan para gamitin mo ang gusto mong gamitin sa araw na iyon. Parang relong may interchangeable bracelet, o gulong na pinapalitan kapag flat na. Pero hindi eh! Mukhang Malabo atang mangyari yun.

Makuha ko man ang mga personalidad na gusto ko, sa huli maiisip ko kahit maging PERPEKTO MAN AKONG TAO.nakakalungkot na wala naman kasing PERPEKTONG MUNDO. Hindi siguro tao ang may problema, ang kapaligiran ko at ang MUNDO mismo. Baguhin ko man araw-araw ang personalidad at ugali , tyak hindi pa rin nito mababago ang mundong kinabibilangan ko. Patuloy pa rin lalabanan ang mga kagustuhan ko sa buhay.

Hangarin ko man makuha ang mga personalidad at ugaling gusto ko, hindi pa rin ako masisiyan dahil sa huli kailangan ko pa ring sumabay sa pag-ikot ng mundo. Kaya bakit ko pa ba babaguhin ko pa ang sarili ko,? kung baguhin ko man o hindi ,aayon pa rin ako inog ng mundo at isasabay ko pa rin ang sarili sa bawat paggalaw ng mundo . Marahil ang kailangan kong gawin ay tanggapin na lang mga bagay na meron ako at gamitin ko sya sa paglalakbay sa MUNDOng ito

Harinawa, na sa paglalakbay na ito, mapulot ko ang mga ugaling gusto ko at maisasabuhay ko ang mga ito ng hindi nangangailangan ng operasyon at hindi pilit. Isa-isa sanang magiging natural sa akin ang mga personalidad na pinakamimithi ko para hindi ko na kailangan pang asamin na maibento ang titulo ng sanaysay na ito.

Wednesday, January 19, 2011

Yun eh! Pumipitik pitik pa!




Ang blog na ito ay pumipitik pitik pa kahit medyo naghihingalo na!


Aaminin ko medyo hindi na ako gaanong nag-uupdate ng blog ko kumpara dati. Medyo sobrang busy sa trabaho at maari kong sabihin na talagang sulit na sulit ang pinapasweldo sa akin ng bangko. Hindi ko na magawang mangulangot at magkamot ng betlog. Kalimitang nakatutok ako sa computer at nagche-check ng kung anu-anong mga requirements ng mga pukanenang mga aplikante na yan.


Ako rin kasi ang humahawak ng mga interviews para sa mga EXPATS o NON SAUDI at sari-saring mga tao ang nakakasalamuha ko araw araw. Dugu-duguan ang aking ilong at tenga kakaenglish, at halos ayaw ko ring huminga kapag natatapat ako sa mga aplikanteng wala sa dikyunaryo nila ang salitang “MABAHO, ANTOT, PUTOK, YUCKY, B.O at BAD BREATH”. Kaya tandaan hindi lahat ng pumuPUTOK ay baril.


Aaminin ko, totoo nga pala na “FIRST IMPRESSIONS LAST”, kasi kapag mukhang pinabili lang sya ng suka eh medyo nasisikantot ako (second thought). Tapos kapag hindi man lang pinalansta ang damit, pantalon at necktie, medyo nakakababa ng energy. Pero syempre tintingnan ko pa rin kung magaling naman sya at maayos naman syang magsalita. Nung minsang may isang pinoy na nag-apply dito;


Ako: Sorry kabayan hindi kami bibili ng binatog! (binatog talaga??)


Kabayan: Hindi kabayan mag-aaply po akong trabaho


Tiningnan ko sya mula ulo mukhang paa este hanggang paa. Napaisip ako, si kabayan naman hindi man lang makuhang magPOLO at slacks, talagang Tshirt at jeans ang suot. Kaya sinabi ko


Ako: Sige kabayan iwan mo na lang sa akin yung resume mo, tawagan ka na lang namin for interview.


Kabayan: Di ba pwedeng NOW NA? (medyo nagulat ako sinabi ni kabayan, at nakikiNOW NA pa!)


Ako: Sorry, wala kaming bakante!! (**Please insert pilit ngiti – talim mata here***). Akala ata ni kabayan, eh tumatanggap kami ng “Construction Worker” sa bangko.


Dito sa Saudi, requirements din na pwedeng ilipat o transferable ang visa profession mo. Ganito yan, paliwanag ko para hindi ka tae-tae kung ano ang ibig kong sabihin. Pag pupunta ka ng Saudi may IQAMA na tinatawag o residence card, ngayon nakalagay dun sa IQAMA mo kung ano ang trabaho mo. Ngayon kung sa bangko ka nag-aapply at ang trabahong nakalagay sa IQAMA mo ay “nurse”, hindi pwede yun kasi hindi naman kami ospital.Kailangan sakto ang profession mo sa lilipatan mong kumpanya. INTIANDES!!


Kaya kapag ang nag-apply sa akin ay may visa profession na machine operator, housemaid, driver, ,dressmaker, laborer, , starlet ,fishball vendor at GRO, binabagsak ko na kasi hindi naman sila maililipat.(yung GRO pwede pa namang pag-usapan! Hahaha!) Ika nga it’s a waste of time ,energy and bucket of saliva.


Heto kamo may isang aplikante akong ininterview at matapos ang mahabang TELL ME ABOUT YOURSELF at paekek pang mga tanong, umarrive kami sa tanong na ito


AKO: Okay, what’s your visa profession?


INDIANO: Sir, it’s CHICKENNERY


AKO: What???


INDIANO: CHICKENNERY, Sir


AKO: Huh? What’s that again? (dumugo na talaga ang kilikili ko sa mga naririnig ko)


Medyo hindi ko kinaya ang narinig ko kaya bumulagta na lang ako sa sahig dahil hindi ko nga sya maitindihan tapos amoy imburnal ng tae pa ang hininga nya. Kaya binalikan ko na lang ang CV nya at dun ko napagtanto na nagtatrabaho pala sya sa isang kumpanyang nagbebenta ng ………. DRESSED CHICKEN. PUT#$%$#@# umembento pa ng profession.


Okay yan muna mga kautak, pero ang dami ko pang ikukwento sa inyo. Hayaan mo pipilitin ko talagang i-CPR at imouth-to-mouth ang blog ko na ito kahit medyo busy ako sa trabaho. Ganyan ko kayo kamahal kaya penge ngang kiss dyan!

Ingat

Thursday, January 6, 2011

PAGHAHANAP NG KALIGAYAHAN



Minsan mag-iisip ka bakit tila napakailap ng kaligyahan? Bakit tila hindi rin pangmatagalan ang ligaya? Ano ba ang sukatan ng kaligayan? Ano ba ang anyo nito?


Tila napakahirap sagutin ng mga tanong na yan? Tingin natin tila napakalawak ng salitang “KALIGAYAHAN ”. Sabi nila hindi nating pwedeng pangarapin ang kaligayan dahil hindi ito pemanante sa mundo. Wala ring pormula ng kaligayahan dahil nababatay ito ayon sa sukatan o pamantayan ng isang tao.

Noong tayo’y musmos pa, hindi ba sa isang supot lamang nang kendi sapat na para maramdaman natin ang lubos na kaligayahan. Subalit bakit sa pagdaan ng panahon tila hindi na tayo kaya pang mabigyan ng kaligayan ng isang supot ng kendi. Maari kaya na ang kaligayahan ay batay sa kaalaman o utak ng isang tao? Na habang tumatalino ang tao nagiging kumplikado ang pamantayan ng kaligayahan nito?

Lahat ng tao nagnanais maging masaya. Hindi ba? Pero paano ba nating sisimulan ito? Kailangan ba nating makuntento bago lumigaya, o kailangan nating maging maligaya bago makuntento?
.
Sa aking paglalakbay sa mundong ito at pagtatanong sa ibang tao, lagi kong naririnig, “GUSTO KO LANG NAMANG MAGING MALIGAYA!” Sino bang nilalang ang ayaw nito? Subalit paano mo hahanapin ang isang bagay kung sa iyong sarili hindi mo naman alam kung ano ang iyong hinahanap. Ni hindi mo alam kung paano maipapaliwanag ang pakiramdam ng kaligayahan? Makikita ba ito sa tamis ng iyong ngiti? Maririnig ba sa lakas ng iyong halakhak?O mararamdaman ito sa pamamagitan ng paglutang ng kaisipan at paghihiwalay ng iyong kaluluwa sa iyong katawan? Paano mo ito maipapaliwanag?Alam mo ba?

Ang KALIGAYAHAN ay isang emosyon, at ang emosyon ay nagbabago. Ang emosyon ay hindi hinahanap, kusa itong nararamdaman base sa sitwasyon. Ang sitwasyon ay paiba- iba bawat segundo at ito’y naaayon sa iyong kapaligiran.Ang kapaligiran ay sumasabay naman sa pag-ikot ng mundo. At ang mundo ay patuloy na iinog at hindi titigil kahit kailanman. Kaya ang KALIGAYAHAN ay patuloy na nagbabago, nag-iiba ng anyo, nagpapalit palit ng kahulugan, hindi pangmatagalan at sumasabay sa pag-ikot ng mundo.. Hindi sya pwdeng tanungin ng ANO, BAKIT,PAANO, SINO,SAAN ,KAILAN, ALIN o tanong na nalikha sa mundong ito dahil walang tamang sagot dito, walang partikular na kasagutan at lalong walang permananteng tugon dito. Nagbabago ang sagot ng tao at paiba-iba din ang sagot nila kahapon, ngayon, bukas at sa makalawa.

Totoo ngang nakakapagod hanapin ang kaligayahan dahil maaring naman wala tayong dapat hanapin o hindi naman talaga dapat ito hinahanap. Dahil tulad ng sipon, ubo,lagnat at iba pang sakit pasulpot sulpot lamang ito, nawawala at bumabalik muli.Lumilitaw sa hindi inaasahang oras at nagpaparamdam sa biglaang pagkakataon.
.
Bakit hindi na lang nating hayaan na ang KALIGAYAHAN ay dumampi sa ating mga puso na parang isang malamig na hangin lamang. Damhin ito hanggang sa huling paghaplos nito sa iyong balat, lasapin ang kahuli-hulihang lamig na kayang magbigay sa iyo na panandaliang pagkalimot sa iyong kamalayan. Huwag hawakan dahil kusa lamang itong aalpas sa iyong mga kamay at kahit gaano mo pa asamin na itago at ipunin ito, mawawala na lamang ito sa isang iglap. Hayaan na lang na siya ang yumapos at humagkan sa atin dahil baka sa paaatubiling panghawakan ito, nawala sa atin ang oportunidad na maranasan ang bawat pag-ihip ng malamig na hangin . At mangarap na lamang na muling makadaupang palad ang malamig na haplos ,intayin ang pagdampi ng ihip ng hangin at umasang maramdaman muli ang pagkakataong minsan lamang dumating sa ating buhay. Hanggang sa huling hibla ng hangin at hanggang sa huling pagyapos ng KALIGAYAHAN sa ating buhay......
.
.
When one door of happiness closes another opens; but often we look so long at the closed door that we do not see the one which has opened for us.--Helen Keller .
.
Ingat
Drake