Kahapon nag jogging ako kasama ang kasambahay ko dito sa Saudi. Medyo may edad na rin sya, kasing edad ng tatay ko. At habang nag-jogging kami bigla nya akong tinanong.
“Ilang taon ka nung nagpunta ng Saudi”, tanong ni kuya sa akin
“23 years old po! Kaya po 5 years na po ako dito”, sagot ko naman sa kanya
“Ang bata mo naman palang nag-abroad! Hindi ka ba nagsisisi na bata at binata ka pa ay nandito ka na sa Saudi?” , sunod nyang tanong sa akin.
Noong mga panahon na iyon, bigla akong napatigil sa pagtakbo at nag-isip ng matagal. Tinanong ko ang aking sarili ….. “Nagsisisi nga ba ako dahil maaga akong nag-abroad??”
Nagsisisi??? Hindi naman siguro. Pero sa totoo lang naisip ko, siguro nga ang dami kong na “give-up” nung nag-abroad ako. Aaminin ko naiingit ako sa mga kaibigan at kakilala kong nasa Pilipinas, dahil na-eenjoy nila ang sari-sarili nilang mga buhay. Walang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat. Naiingit ako sa kanila, na nagagawa nilang kumain sa labas na magkakasama, pumunta sa mall para mamili kapag “Megasale”. Manood ng sine kapag may bagong labas na pelikula . Asamin ang araw ng akinse at atrenta, magliwaliw sa araw ng sahod at pumunta sa mga lugar na hindi pa napupuntahan.
Gusto kong magkaroon ng mga barkada sa opisina, gusto kong maranasang maghanda ng “number” sa mga Christmas Party o sumama sa mga “Company Outings”. Gusto kong masabik tuwing holidays at special non-working day. Uminom ng malamig na beer kasama ang mga kaopisina na tulad ko ring may sentimyento tungkol kumpanya. At higit sa lahat gusto kong makasama ang pamilya ko tuwing hapunan at tuwing araw ng Sabado at Linggo. Dahil lumilipas ang panahon na hindi ko yan nagagawa, at nadagdagan ang edad ko na hindi ko man lang nararanasan ang mga iyan.
Mahirap at malungkot, yan ang masasabi ko. Ang buhay sa Saudi, simple at parang walang buhay. Karamihan sa mga kasamahan kong pinoy dito ay mga nakakatanda sa akin at puros may mga pamilya na.Wala man lang akong makabarkada at makasama man lang sa asaran, kalokohan at ienjoy ang buhay binata.
Walang sinehan, walang lugar na malaya kang magkakapagsaya o di kaya makapagrelax man lang dito sa Saudi. Nakakasawa na ring magkape, mag-internet at manood ng TFC. Pagkatapos ng araw ng trabaho, uuwi ka sa bahay at matutulog na lang. Pagkasweldo, didiretso ka na sa mga Remittance Center para magpadala ng pera. Matatapos ang araw mo ng paulit-ulit at sisimulan mo naman ito ng katulad ng nakasanayan mo rin sa umaga. Walang bago, walang pagkakaiba, pauulit-ulit at nakakasawa na.
“Hoy, di mo sinagot ang tanong ko”. Biglang binasag ni Kuya ang malalim kong pag-iisip.
“Ah!! Uhmmmmmm di naman po ako nagsisisi kuya! Ganun nga talaga siguro ang buhay, May kailangan kang isakripisyo at hindi pwedeng pareho mong makukuha ang gusto mo. Ako kuya, kailangan ko kasing magsakripisyo para sa pamilya ko, katumbas man nito ang personal kong kaligayahan at maging ng aking kabataan. Malungkot man at mahirap, pero kailangan kong tanggapin,kasi desisyon ko ito sa buhay . At desisyon ko na magsakripisyo para sa kanila”, pangangatal na sagot ko kay kuya, sabay iwas ng tingin sa kanya.
Sabi nila, pinamasarap na buhay ang nasa edad 21-30 taon. Dahil tapos ka na sa pag-aaral, at kumikita ka na para sa sarili mo. Ineenjoy ang buhay binata/dalaga na walang gaanong inaalala sa buhay. Malayang gawin ang naisin, at malasap ang buhay na malayo sa responsibilidad. Minsan ka lang dadaan sa yugto na yan ng buhay mo at hindi ka na ulit makakabalik sa nakaraan para maranasang mong muli ang mga bagay na iyan.
Ako, hindi ko na nga siguro mararanasan pa ang mga ito. Marahil, wala na rin akong magagawa tungkol dyan, at kailangang tanggapin ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa aking mga balikat. Ang tanging nagpapasaya sa akin sa ngayon ay ang mga naitulong ko sa aking pamilya. Nawalan man ako ng panahon na gawin ang mga bagay na karaniwang ginagawa ng mga kaedaran ko, nagawa ko namang gamitin ang oportunidad na mayroon ako sa ngayon para makatulong ng malaki para sa pamilya ko at baguhin ang buhay naming. Sapat na sa akin iyon.
“Ano tigil muna tayo, medyo pagod na ako eh, malayo pa ang dulo nito” yaya ni Kuya sa akin.
“Kayo na lang po muna kuya, tatapusin ko itong “track”, pipilitin kong marating ang dulo nito, kuya” tugon ko sa kanya.
Iniwan ko si kuya habang tinatakbo ng matulin ang daan patungo sa dulo. Hindi ko na kailangan lumingon pa , para tingnan ang mga natakbo ko na. Baka mapagod lang ako kapag nalaman kong malayo na rin pala ang naitakbo at nailakad ko. Itutuon ko na lang ang pansin na maabot ang dulo ng “track”, tumakbo ng matulin at gamitin ang naipong lakas para pagdating sa dulo at magawa ko na ring magpahinga at maging masaya para sa sarili ko. Alam kong mararating ko rin ang dulo nito. Basta kaya ko ito……………. at handa kong tapusin ang “TRACK” na ito.
Yun lamang po at maraming salamat
DRAKE
31 comments:
Uy, senti mode si kuya drake! (ako ba ang unang nagcomment?)
anyway, kung para sa pamilya mo naman, siguro may kapalit na maganda yan. wag mo nga lang sasayangin yung uportunidad na bigyan din ng kaligayahan paminsan minsan ang sarili.
Have a nice day!
nakakakurot sa puso ang entry mo.
Ako, parang gusto ng magulang ko na mag-abroad daw. Pero di ko kaya e. wala akong guts at courage to leave the comfort zone. :P
wow, tamang hoemsick mode ang parekoy! kasama lahat yan sa kontrata nating mga ofw kaya wala kang karapatan na maka-miss. hehehe
punta ka nalang dito sa china. iba ang buhay kumpara sa saudi.antayin kita ha!
blogenroll \m/
hmmm... wala na kasi ung part na "log in sa ym at makipag usap sa mga pwends sa pinas :("
wooo!
oks lang yan brod, tamang disyembre na
Unang-una, nakailang hingi ka na ng pic greet, pero 28 ka pa rin? Hindi na umusad ang edad mo??? Sinungaling! Pangalawa ang chuchal mo talaga may kasambahay ka pa! At pangatlo bakit nagmamadali kang matapos ang track, eh ang nasa finish line ay kamatayan bwahaha joke! Nag-emote ka na naman.
sa klasi ng satisfaction ah... wala na munang lovelife? wahehehe.. tapos homesick pa... tsk2... pero enjoy naman... yan dapat idol...
Naks.. Ang lalim oh. Halata namang ang tanda mo na sa iyong pagsasalita Koya. Haha.
Good to hear na masaya ka sa pagtulong sa pamilya mo kesa naman ginagawa mo yan ng wala sa puso. Aanhin mo naman ang saya na dulot ng barkada kung wala naman sa maayos na estado ang iyong pamilya. Gusto ko na din tumulong ng ganyan. Haha. Lumayo ka muna sa babae. Tapusin muna ang track at magpayaman. God bless. :)
sus! kadramahan!
HOY DAHIL DI AKO NANALO SA HINAYUPAK MONG PAKONTES, MANLIBRE KA PAG UMUWI KA! ITAGA MO YAN SA BATO!
lol!
wv: singhot --> nakasinghot ng katol!
@klet Makulet
Konti senti lang, si kuya kasi eh natanong pa, eh di ko sana maiisip ang mga bagay na yan!hehehe
Yup, hindi naman ako nagsisisi medyo nanghihinayang lang!heheh!
Salamar
@khantora
medyo mahirap din ang malayo sa pamilya, kung kulang pa sa motibasyon para mag-abroad, eh pag-isipan talagang mabuti!heheh
@Nobenta
Brod san ka sa china, dyan kasi yung barakada ko sa china din eh!heheh! Hayaan mo pag-isipan ko yan, heheh!Malaki ba sweldo dyan?hahaha!ingat
@Kuya Chinggoy
Oo nga manong ed, miss ko na rin yung kulitan natin nila pips!kabwisit lang talaga!
Basta pag-uwi ko, libre mo ako!heheh!Ingat
@Glentot
Pwet ka, pag sinabing kasambahay (kasama sa bahay) hindi katulong! Sa pinas lang tinatawag na ganun ang katulong! Ikalawa, tamaan na ng asteroid at magkaalmonanas kung hindi ako 28! At kelan ka pa naging kamatayan ang finish line! Pwet ka talaga!
@kikomaxx
Ganun talaga kailangang ienjoy na lang ang buhay! Ika nga galaw galaw para di ma-stroke! (syet kay korni!)
@YOW
Eksyusmi yow, halos magsing-edad lang tayo!LOLS
Naiisip ko talaga yan, kumbaga may napatunayan na rin naman ako sa pamilya ko kahit papaano. Yun nga lang may mga bagay talaga na nasasakripisyo ka!
Maraming salamat brod!
@Andy
Bitter?!??? Basta sa pag-uwi ko magkakarooon tayo ng grand EB, at dahil isa kang haciendero, ikaw ang manlilibre, babakas na lang ako!hahah!
Ingat brod
Wow senti mode sa kautak! hehehehhehe... Naluha ako at tumulo ng mga 2 droplets sa right side ng mata ko....lol... basta ikaw pa rin magdidikita kung ano ang gusto mo mangyari sa buhay mo... kaya planuhin ng maayos! hehehehehe
minsan parekoy kelangan mo rin magpahinga o ienjoy ang bawat nadaraanan mo, baka kasi, wag naman sanang mangyari, na hindi na tayo umabot sa dulo, di na natin magagawang magpahinga o mag enjoy pag nangyari yun
drama natin ngayon ah.
umuwi ka na kasi, pwede mo naman gamiting advantage yung experience mo dyan dito. :)
i like this post.
nakakaguilty naman tong post mo, hehe.
Shocks, nakakalungkot talaga. Pero im sure may kakaibang kaligayahan pa din ang nakikitang may napupuntahan ang pagsasakripisyo mo para sa pamilya. Grabeee, ang seryoso ko.
Shitt!!! relate na relate ako sayo sir drake! actually gagawan ko rin sana ng post tungkol din sa ganito kaso naunahan mo ako hehe..
ako 21 y/o nagstart magabroad.. at katulad mo, Naiingit din ako sa mga kaibigan kong nasa pinas at dun nagtratrabaho...
Pero di bale ganun talaga. Isipin mo nalang mas malaki ang sahod mo kesa sa kanila heheehe
Godbless sir!
so di ka na magjo
-jogging? LOL! relax lang bro! ang presyon mo.
tama ka, wag mo ng silipin ang track na nadaanan mo na or ang track ng ibang tao (ng mga tao dito sa pinas), pare pareho lang naman din tayong may tracks, ang mahalaga ay sino yung nakakatapos na kanilang karera, you're getting there. walang nagsabing madali ang buhay. nice post, very insightful and very contemplative.
napadaan, ganyan talaga buay abroad..sakripisyo
relate na relate ako tol! except sa sinehan, taropa at mga matatandang kasama...
ganyan talaga ang buhay ng isang mabuting anak, pero wag kang sosobra kasi maagang kinukuha ni lord....joke lang!
ingat tol, bate este, dasal lang katapat nyang homesick na yan!...hehehe
@Xprosiac
Inggit nga ako sa iyo kasi enjoy na enjoy mo ang buhay mo at hindi mo na kailangang magtrabaho dahil isa kang haciendero! Ikaw na Xprosiac!LOls
@LOrd CM
Paano pag nakita mong ang layo layo mo na pala ang tinakbo mo at bigla ka ng tamarin sa pagtakbo!heheh! Basta enjoy ko na lang ang mga dinadaanan ko!hheheh!ingat
@gillboard
basta pre ikaw ang bahalang magpasok sa akin sa Shell! Okay na ako, dyan na lang ako!heheh!
Ingat
@oliver
Naks, siguro puro ka goodtime!heheh! Kaya sa pag-uwi ko isama mo ako sa mga gimik mo!heheh!
Ingat
@salbehe
Oo nga ang seryoso mo parang di ako sanay sa ganyang sinasabi mo!hahaha! Ingat
@Poldo
Ganun talaga una-una lang yan! Huwat 21 ka palang nung nag-abroad medyo batang bata pa nga yun brod, kaya pala medyo tumanda na ang hitsura mo raw ngayon!hahahha!joke lang
Hays pre nakakalungkot no pre, parang ang aga nating naging padre de familia!heheh!
Ingat pre
@Ollie
Oo pre ganun na nga lang maging focus na matapos ang track, pag gaanong isipin ang ibang track, magfocus ang ano ang itnatakbo mo at kung para saan ang tinatakbo mo. wag tumingin patalikod bagkus tingnan ang hinaharap, at pag narating na ang dulo nito, dun natin balikan ang lahat ng pinagdaanan!
Maraming salamat sa pagcomment brod!ingat palagi!
@adang
Maraming salamat sa pagdaan!Sana mapadalas ang dalaw mo dito!ingat palagi!
@Scofield
Alam mo ang dami nalaman tungkol dyan sa Taiwan, sabi nila ang gawain daw ng mga pilipino dyan ay pumunta sa Hotel para gumawa ng ano dun!hahahah!basta alam mo yun kaya walang inip inip talaga dyan!hahaha! Tama ba ako?
Ingat parekoy!
sige ikaw na ang homesick.
di ba nagjojogging ka sa KF Medical City, ingat ka diyan maraming truck sa track hahaha
winter na kasi kaya ganyan talaga, pero totoo lahat ng mga sinabi mo (flashbacks) iba ang nasa disyerto. hanap ka lang ng mga bagay na pwede mong pagkaabalahan sir, mga bagay na makabuluhang gawin.
be blessed
bro ang seryoso nman ng post mo. hehe. oks lng yan, at least naka tulong ka sa mga kapatid mo.
mdyo nka relate ako kya di ko tuloy mapigil mag-comment. hahaha
look who's missing home? harhar!
walang masama huminto sandali upang magpahinga...
@mizpah
Kaya nga ang pagjoogging ay isang magandang pagkaabalahan!hahaha!
Medyo minsan hindi mo maiwasang mahomesick kasi ito ang mga panahon na sama-sama ang buong pamilya sa araw ng kapaskuhan, at nakakalungkot isipin na wala ka sa piling nila, at lalong mas lalong nakakalungkot dahil wala naman PASKO sa Saudi!Hay! Ingat pre
@Bitoy
Nabuhay ka! bat ngayon ka lang nagparamdam ha! Kala ko natabunan ka na ng buhangin sa disyerto!hehehe
Ano uuwi ka ba this coming december?? Ingat
@B2
Yabang!! Palibhasa uuwi sya ngayon pasko!hays kakainggit ka b2! Isama mo naman ako!hehehe!
ingat
Nakakalungkot naman kuya Drake. To be honest with you, maraming offer noon na lumabas ng ibang bansa, Saudi, Singapore, China, at marami pang iba, pero lahat ng iyon tinanggihan o di kaya hindi ko pinansin dahil sabi ko sa sarili ko "I will try to make it here" sa Pinas. So far so good naman po, so far everything is going my way. And I'm hoping na sana magtuloy-tuloy.
Bilib din ako sa lakas ng loob mo. I would never have that courage to be away from my family and friends, but I'm sure magbubunga rin yang pinaghihirapan mo. I wish you all the best po! :]
I'll add you po pala sa blogroll ko. thanks! :]
totoo nga ang sabi nila...habang tumatanda nagiging emotional hehehe...ok lng yan parekoy hehehe...
Kuya drake, papost nito sa Facebook.. nang malaman naman ng mga kaibigan kong nagbabalak mag-abroad ang mga dapat nilang isacrifice para kumita ng malaki.. hindi nga lahat nakukuha sa pag-aabroad..
Matauhan sana sila, kasi ung iba nag-aabroad lang para.. wala lang.. maging mayaman at may ipagmayabang. Walang 'pinapasang responsibilidad' ika mo nga..
Awwww... Senti ka naman Kuya Drake!
5 years ka na pala riyan! 5 years ka na bilang isang bagong bayani!
Ingat lagi!
Post a Comment