QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Thursday, December 11, 2008

Boksing ng Buhay

BAGONG LIMANG PISONG PAPEL





ANG MAGBESPREN




LORD OF THE RINGS




BOKSING NG BUHAY

Kagagaling ko lang ng isang linggong bakasyon, ang sarap palang pabulukin ang mata mo kakatulog at pabondatin ang tyan mo kakalamon. Syempre hindi ko rin pinalampas ang laban ni Pacquiao.


Sikat na sikat si Manny Pacquiao ngayon, halos lahat ata ng tao talagang tutok na tutok sa laban nya. Numero unong fan ang tatay ko ni Manny , at napapasuntok sya sa bawat sapak at bugbog ni Pacquiao sa mga kalabang Mehikano. Nakakatuwa at nanalo sya, at talaga namang napatalon din ako sa labis na kasiyahan. Yun nga lang habang tutok na tutok ako sa telebisyon, bigla na lamang akong naiinis sa nakita ko.



Hanggang ngayon hindi ko lubos maiisip kung ano ang ginagawa ng ilang mga kilalang pulitiko sa ibabaw ng Ring. Halos nawala sa ibabaw ang mga trainor ni Pacquiao at napalitan ito ng mga pulitiko na hindi mo alam kung sabik na sabik lang ba sa camera, o talagang nagpapansin lang. Katulad na lang ng ating bise president, iniisip ko ano ang ginagawa ng ating pangalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa sa ibabaw ng Ring, isa ba itong napalaking isyu ng Pilipinas kaya sya nandun.Hindi ba maraming bagay na kailangang unahin kaysa sa laban ni Pacquiao.


Eh si DENR Secretary Lito Atienza, nandun din, inuna pang manonood ng boksing kesa asikasuhin ang budget ng DENR, kaya tuloy puro katiwalian ang nangyayari sa DENR, at panay baha ang inaabot ng ilang probinsya kasi pinabayaan nyang mamutol ng mamutol ang mga illegal loggers sa kagubatan. Sana maisip nya na itoy budget para sa isang taon, at mahalaga sya sa deliberasyon nito. May TV naman at pwede namang dun na lang sya manood, bakit kailangan pa nyang ipagpaliban ang mahalagang gampanin nya sa kanyang departamento para lamang makita ang laban ni Pacquiao ng malapitan?



Si Gov. Chavit Singson, daig pa ang promoter sa pagpapapogi nya sa harap ng camera.Hindi na ako magtataka kung bakit nandun sya,kasi alam kong malaki ang pusta nya, kaya sya nandun.
Bayani ang tawag kay Manny, kaya namang halos sambahin sya ng ibang tao sa kanyang angking kakayahan sa larangan ng boksing at talagang pinagbuhusan sya ng malaking importansya pagdating nya sa Pilipinas. Pero hanggang ngayon hindi ko rin maunawaan kung bakit ganun na lang ang atensyong binigay ng ating Gobyerno sa kanya, ano ba ang malaking kontribusyon ni Manny sa ekonomiya natin?Naitaas ba ni Manny ang kabuhayan nating mga Pilipino? Guminhawa ba ang buhay natin dahil sa pagkapanalo nya? Itutulong ba nya sa mahihirap ang milyon milyong dolyar nyang kinita sa laban niya kay Dela Hoya? Bakit aligagang aligaga ang mga pulitiko sa pagdating ng ating tinatawag na “Pambansang Kamao”at talaga namang nakikisakay sila sa kasikatan ni Manny. Dahil kaya malapit na ang eleksyon?


May usap usapan pa na tatakbo sya bilang kongresista, at maraming pulitiko ang nanliligaw sa kanyang tumakbo sa eleksyon. Kung maging kongresista kaya sya, kaya ba nyang i-knockout ang kahirapan ng bansa? kaya nya bang bugbubugin ang katiwalian sa gobyerno? Kaya ba nyang i-uppercut ang mga hinaing ng publiko. O baka maging tau-tauhan lamang sya ng mga nakakataas sa kanya at gamitin lamang sya sa kanilang mga pansariling interes. Sana huwag ng subukan pang pumasok ni Manny sa pulitika kasi tyak masisira lamang ang pangalan nya at kakalawangin ang mga tropeo nya kung nagkataon. Kung gusto nyang magsilbi sa bayan, magtayo na lang sya ng mga Foundation na tumutulong sa mahihirap, kung papasok sya sa pulitiko para maging sikat, hindi na kailangan yun kasi sikat na nga sya. Kaya bakit pa sya papasok sa pulitika?



Sa maisip ng ating gobyerno na maraming bagay na dapat pagtuunan ng pansin, maraming bagay ang dapat bigyan ng importansya. Walang masama ang humanga, o di kaya parangalan ang isang taong nagbigay sa atin ng karangalan sa mundo ng boxing pero sana tandaan natin na SPORT lamang yan at wala namang epekto yan sa nararamdamang kahirapan ng bansa. Hindi naman dadami ang investor sa bansa natin sa pagkapanalo ni Manny, hindi naman tayo papatwarin sa ating pambansang pagkakautang kung natalo niya si Dela Hoya, at hindi naman tayo yayaman kung sakaling manalo sya ng milyon milyon sa laban nyang iyon.



Ako hanga ako kay Manny, kasi magaling syang boksingero. Wala akong nakikitang mali sa ginagawa nya at talagang nagbibigay karangalan sa ating bansa. Subalit sana bigyan din ng malaking atensyon ang ibang suliranin ng ating bansa ng ating gobyerno, at bigyan importansya ang ibang bayani ng bayan natin na natumutulong sa pagunlad ng ating ekonomiya. Sana dumating ang isang araw na ang sasalubungin natin at bibigyan ng parangal ay ang mga Pilipinong nagbigay ng malaking kontribusyon sa ating ekonomiya. Dumating din ang pagkakataong magbubunyi ang buong Pilipinas dahil nanalo rin tayo sa wakas sa boksing ng buhay at naknock out natin ang katiwalian sa Gobyerno.


Iyun lamang po at maraming salamat!!

No comments: