QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Saturday, May 30, 2009

NASA ATIN ITO (Ang "IRONY" ng buhay ng Pilipino)

* Medyo paminsan minsan masarap magsulat ng serious!!!

Marami akong naririnig na mga reklamo at hinaing ng ating ilang mga kababayang maralita pero nakakalungkot isipin na karamihan sa kanila ay puro sisi na lang ang ginagawa nila sa gobyerno. Inaasa ang buhay natin sa isang gobyernong alam naman natin walang maitutulong ng malaki. Gusto lang natin may masisisi, kasi takot tayong aminin na tayo pala ang may pagkukulang at ayaw nating tanggapin na tayo ang may pagkakamali.


Tandang tanda ko pa yung panayam ng isang reporter sa isang lalaking tiga Payatas


Lalaki: Bwisit na gobyerno yan, hindi kami tinutulungan. Puro sila pangako, mga kurakot silang lahat. Tuloy nagugutom kami at pinababayaan


Reporter: Ganun po ba? Ilang po ba ang anak nyo tatay?


Lalaki: Sampu


Reporter: May trabaho po kayo?


Lalaki: Wala, dahil bwisit yang mga nakaupo sa atin mga kurakot!! (sabay may sumigaw sa likod”hoy tagay mo na lang yan”)


Kung iisipin, sino ba ang nagpapahirap sa kanila, ang gobyerno ba o ang kanilang mga sarili? Pakiramdam yata nila ay sila si Juan Tamad na babagsakan na lang ng bayabas sa kanilang mga bibig. Tayo ang may kakayahang baguhin ang buhay natin, nasa mga kamay natin ang paraan para maiahon natin ang ating sarili sa kahirapan.


Marami ang nagsasabi na dapat ang gobyerno ang magbigay ng trabaho sa mga mahihirap nating kababayan. Obligasyon ng pamahalaan ang bigyan ng disenteng hanap buhay ang kanyang mamamayan. Subalit kung ating iisipin malaking porsyento ng mga kumpanya dito ay pribado. Kaya paanong makapagbibigay ang Gobyerno? Hindi nila pwedeng hawakan ang leeg ng mga pribadong kumpanya para bigyan sila ng trabaho.


Ang dapat natin gawin ay pagsumikapan natin makakita ng pagkakakitaan. Kung tutuusin madidiskarte naman tayong mga Pilipino at kaya nating kumita ng pera na sasapat sa mga pangangailangan natin. Pero kung minsan kasi mas inuuna ang hilig ng katawan kaysa sa kalam ng sikmura. Mas makikita mo pang naglalakihan ang mga TV nila, walang habas kung mag text at magkumpol kumpol para magbingo at uminom ng alak. Ngayon kasalanan pa ba ito ng gobyerno?


Noong napadaan naman ako sa Tondo, nagkakagulo dahil may demolisyon dun ng mga squatter


Squatter: Mga walanghiya sila, demonyo sila!!Gginiba nila ang bahay namin, mga hayop sila. San kami titira ngayon?


MMDA: Matagal na po kayong binigyan ng notice pero di po pa rin kayo umalis. Ngayon may binigay na Relocation Site sa Rizal para sa inyo ang Gobyerno .


Squatter: Bundok yun at nandito ang pinagkakakitaan namin!!Ayaw naming doon, dito kami titira magkamatayan man.


Kung iisipin mo, unang una palang mali na ang magtayo ka ng bahay sa hindi mo lupa. Ngayon kung pinapaalis ka, karapatan ito ng may-ari. Kung sakaling lupa ng gobyerno ito, ito naman ay para sa nakakararami. Huwag nating angkinin ang pag-aari ng iba at gawing pansangkalan ang kahirapan para kunin ang karapatan ng totoong may-ari nito.


Kung tuutusin karamihan sa mga tiga-squatter ay galing probinsya. Nakikipagsapalaran sa Maynila para guminhawa ang buhay. Iniwan ang simpleng pamumuhay para sa buhay sa siyudad. Kahit na sabihin natin mahirap ang buhay sa Maynila, mas pinipili nila ang kumplikadong buhay sa syudad sapagkat kumportable na sila sa mabilis na takbo ng buhay. Mas pipiliin pa nilang makipagsiksikan sa syudad kaysa magbungkal ng lupa sa probinsya. Kaya ganun na lang ang pagtanggi ng mga napaalis na squatter para lumipat sa ibang lugar. Kung trabaho ang problema, pwede silang magtanim sa malawak na lupa o di kaya humanap ng ibang pagkakakitaan. Pero mas pinili nilang magsumiksik sa syudad kaysa mabuhay ng payak sa probinsya.


Kasalanan pa rin ba ito ng Gobyerno o tayo ang gumagawa ng mga problemang isisisi sa gobyeno?


Ang gutom at malnutrisyon ay isinisisi na rin sa ating pamahalaan, subalit kung ating iisipin reponsibilidad ng magulang ng bigyan ng masustansyang pagkain ang kanilang mga anak. Nasa magulang ito hindi sa gobyerno. Ang tanging kayang magawa ng gobyerno ay bigyan sila ng edukasyon sa mga tama at masustansyang pagkain. Hindi pwedeng bigyan na lang sila ng pagkain sapagkat aasa na lang sila dito. Sabi nga sa kasabihan “Huwag mo silang bigyan ng isda, turuan mo silang mangisda”.


Ngayon, marami rin ang magsasabi:” Wala na nga kaming makain, hahanap pa kami ng masusustansya?”


Hindi ba karaniwan sa mga masusutansyang pagkain ay hindi naman kamahalan at pwedeng din itanim. Kung tutuusin ay sa sarap lamang ito nagkakaiba. Maaring hindi masarap pero ang mahalaga masustansya. Kung minsan mas gusto natin ang masarap kaysa mas masustansya, mas una natin binibigyan ng bigat ang dila kaysa sa kalusugan. Marami kasi sa atin na mas inuuna pang tumaya sa lotto kaysa bumili ng gulay sa palengke. Mas inuuna pang bumili ng shabu, rugby, marijuana kaysa bumili ng mga pagkain para sa ating kalusugan
Ayon sa pag-aaral wala pang namamatay sa gutom dito sa Pilipinas. Hindi ba natin napansin na malawak at puno ng likas na yaman ang Pilipinas. Kaya paanong nagkakaroon ng kagutuman sa ating bansa, hindi naman tayo katulad ng bansang Africa na maladisyerto at kulang sa likas na yaman. Kaya bakit nangyayari sa atin ito? Mas maigi sigurong imbes na makipagsisiksakan tayo sa syudad, umuwi na lang sa probinsya at magtanim ng masusustansyang pagkain para sa ating pamilya.


Alam kong malaki talaga ang pagkukulang ng gobyerno sa atin pero huwag naman nating isisi lahat sa kanila. Kung alam natin palubog na ang bangka, aasa ka pa ba sa bangkang ito! Pwede naman tayo umalis at subukan sagipin ang mga buhay natin.


Sabi nila hindi tamad ang mga Pilipino, pero kung ikaw ay isang taong umaasa sa gobyerno palagay ko katamaran yun. Kasi gusto mong isinisubo na lang sa iyo ang lahat at niintay ang oportunidad ang lumapit sa iyo isang malinaw na katamaran yun. At kung sakaling nasa desperadong sitwasyon tayo, doon natin ituturo ang sisi sa gobyerno, hindi ba isang palatandaan ito ng KATAMARAN.


Minsan mapapakamot ka na lang sa ulo, na halos sila sila din ang makikita mong mukha sa TV na gustong patalsikin ang Presidente. Gusto nilang pataksikin ang lahat ng presidenteng umuupo, pero hindi ba sila din naman ang nagluklok dito. Naalala ko pa noon, gustong gusto nilang patalsikin si Presidente Erap at tuwang tuwa ng maupo si Presidente Gloria. Ngayon gustong gusto nilang patalsikin si Presidente Gloria at gawing Presidente si Erap. Ano ba talaga ang gusto natin, sala sa init sala sa lamig tayo eh!.


Tayo ang gumawa ng sakit sa gobyerno, at ang gobyerno ay parang isang halimaw na sumasanib lamang sa mga uupong Presidente. Mahirap mawala ang sakit na ito, itoy naipamana na sa mga nakaupo at uupo pa. Kaya wag na nating iasa pa ang mga buhay natin sa maysakit na gobyerno. Matagal na gamutan ito, at marahil tumulong na lang tayong gumamot kaysa magdagdag sa sakit na ito.


Kung akin itong ihahambing sa isang taong may sakit sa lalamunan ganito ang sitwasyon: Kung minsan ang hirap lunukin ang pagkain lalo na kung masakit habang itoy nilulunok subalit kung hindi natin ito lulunukin at iluluwa lamang sabay dakdak ng dakdak, mamatay na lang tayo sa gutom at mamatay din tayo sa galit. Kaya maiging lunukin muna kahit masakit para mabuhay tayo, at umisip na lang ng paraan para gumaling ang sakit ng ating lalamunan.


Tandaan na kahit sino pa ang umupo sa gobyerno, walang mababago sa buhay natin. Tayo ang may hawak ng manibela ng buhay natin at hindi ang gobyerno. Tayo ang may desisyon at hindi sila. Huwag natin iaasa lahat ang gobyerno dahil wala rin namang mangyayari sa atin. Nakakalungkot ang katotohanan, at nakakapagod na rin ang magkaroon ang maling pag-asa. Kaya bakit pa tayo aasa sa iba, sa sarili nating kakayahan at lakas tayo umasa. Marahil kung sakaling mababago natin ang ating mga kaisipan sa isyung pulitikal baka sakaling magamot pa ang malalang sakit na ito.


Ngayon, malapit na ang eleksyon at malapit na rin palitan ang nakaupong presidente. Nakakalungkot din isipin na minsan kung sino pa ang mga nagrereklamo at nagsasabing kurakot ang gobyerno, hindi kaya makapagbigay ng trabaho, nagugutom at galit na galit sa pamahalaan ay sila pa ang unang nabibili ang boto. Sila pa ang madaling implewensyahan at madaling kikilan. At pagkatapos ng eleskyon sila rin ang unang galit na galit sa gobyerno. Kaya paano gagaling ang sakit sa Gobyerno kung tayo rin ang lumikha at nagpapabaya para lumala pa ang sakit na ito.
Minsan reklamo tayo ng reklamo, pero tayo rin naman ang sumasaway sa batas. Gusto natin mabago ang gobyerno, pero sarili natin ayaw nating baguhin. Gusto nating magsalita ng magsalita pero ayaw nating makinig. Magaling tayong magturo at manisi pero ayaw naman nating tanggapin ang mga pagkukulang natin bilang isang mamamyan at bilang isang Filipino . Madaling pumuna at sabihin kung ano ang tama, pero tayo pa minsan ang unang gumagawa ng mali. Gusto nating mapaganda ang bansa natin pero tayo rin naman ang sumisira nito.
Tandaan,hindi dahilan ang kahirapan para iaasa ang lahat sa gobyerno. Hindi rason ang kahirapan para wala na lang tayong gawin at mag-iintay ng tutulong sa atin. At hindi rin masosolusyunan ang kahirapan kung patuloy tayong umaasa na isang araw kayang pagandahin ng gobyerno ang mga buhay natin. Nasa kamay natin ang pagbabago, nasa atin ang pag-asa.


Wala sa gobyerno ito at wala sa presidente ito. NASA ATIN ITO!!!
__________________________________________________________
DISCLAIMER: Ang nasabi sa itaas ay aking sariling kuro kuro at obserbasyon ko lamang. Hindi ito paglalahat sa ating mga kapwa Filipino kundi sa iba nating kababayang umaasa na lamang sa maitutulong ng Gobyerno at hindi na kumikilos para mabago ang kanilang buhay. Hindi po ito pagdidiin sa ating mga mahihirap na kababayan kundi isang pagtawag lamang. Ang nilalaman ng sanaysay na ito ay mga IRONIES ng buhay Pilipino, at IRONY na ring maitatawag na nagmimistulang pumapanig ako sa gobyerno subalit ang totoo ay isang pagkondena rin sa ating gobyerno.
Inuulit ko ito'y aki lamang pansariling kuro kuro at obserbasyon.

5 comments:

gillboard said...

Amen!!!

Klet Makulet said...

sana marunong nang mag-surf sa internet ang mga mahihirap at nakikibasa ng mga blog. mapapunta sa entry mo na ito. baka sakaling magising sila. at saka sasabihing AKO MISMO ang magbabago sa buhay ko at hindi gobyerno. *bow*

DRAKE said...

Gillboard

Hehehe!!Salamat father

Klet Makulet

Yup tama ka dapat nga lang mabasa nila ito pero kahit paaano ay magising sila ng konti. hehehe!Salamat sa pagbasa!

The Gasoline Dude said...

Oh shit! Hahaha I love this post! I share the same sentiment.

Pero naisip ko din na defense mechanism na lang din ng mga mahihirap ang pagsisi sa gobyerno. Talagang mahirap ang buhay sa Pilipinas eh. Lalong naghihirap ang mga mahihirap. Ang mga mayayaman, lalong yumayaman.

Pero kasalanan ba 'yun ng gobyerno? Hmmm siguro. But there's always two to tango. Me kasalanan din tayo.

Tanong ko sa 'yo Parekoy: Do you think there's still hope?

DRAKE said...

Tanong ko rin yan, nakagawa na akong sulatin noon tungkol sa ganito at tyak makakarelate ka rin dito kasi OFW ka rin. heto ang link pre

http://utaknidrake.blogspot.com/2008/11/may-pag-asa-pa-naman-ang-pilipinas-di.html