Dear Tatay,
Kamusta na po kayo dyan sa Pilipinas, Tay?Ako po awa ng Dyos ay okay naman po dito sa Saudi. Oo nga po pala bago ang lahat ay gusto ko sana kayong batiin ng Happy Father’s Day. Kung pwede nga lang po akong umuwi dyan muna para makasama kayo, gagawin ko po. Kaso medyo mahal ang pamasahe sayang naman. Pero sana kahit man lang sa sulat na ito ay maiparating ko sa inyo ang aking pagmamahal at taos pusong pasasalamat.
Tay, maraming salamat po sa pagiging isang mabuti at responsableng tatay. Batid ko po noon ang hirap ng trabaho nyo sa bukid, kitang kita po sa mga ugat nyo sa kamay at paa. Minsan nga awang awa ako kasi nung minsang nabiyak yung paa nyo dahil nakaapak kayo ng bubog sa putik pero pinilit nyo pa ring ipagpatuloy ang pag-aararo nyo. Kahit na halos magkandakuba kayo sa pagdadamo sa bukid natin at mabilad sa ilalim ng araw, tinitiis nyo yun para sa akin at sa pito ko pang kapatid para makakain kami ng sapat at makapag-aral. Alam ko pong wala akong gaanong naitulong sa inyo sapagkat nag-aaral po ako nun, pero ramdam na ramdam ko po ang pagsisikap nyo para sa amin. Alam ko pong mahal na mahal nyo kaming lahat na magkakapatid.
Tay, salamat po sa pagtuturo sa amin sa tamang landas. Siguro hindi kami magiging matagumpay na magkakapatid kung hindi dahil sa inyo. Kayo ang nagmulat sa amin sa Dyos at sa tamang asal.Hangang -hanga po ako sa inyo sapagkat sobra sobra ang kabaitan nyo sa lahat ng tao. Kahit na minsan niloloko na kayo pero tuloy pa rin kayo sa pagtulong na hindi naghihintay ng kahit na anong kapalit. Hanga din po ako sa pagiging relihiyoso nyo, na kahit pagod na pagod at puyat na puyat kayo nagagawa nyo pa ring magrosaryo at magsimba araw araw kahit madalas tinutulugan lang namin kayo. Sobrang saludo po ako sa inyo, alam ko pong lagi nyo akong kasama sa mga panalangin nyo lalo na ang aking kaligtasan at kalusugan dito sa Saudi.
Tay, salamat po sa pagiging ulirang ama sa amin. Lagi kayong nakasuporta sa lahat ng laban namin sa buhay . Minsan nabibigo kami pero kayo pa rin ang nagpapalakas ng loob namin. Kahit kailan hindi nyo po kami pinilit sa mga bagay na hindi namin gusto , lagi lang kayong nandyan para alalayan kami. Kung sakaling kami ay bumagsak dahil sa pagkabigo kayo ang nagtatayo sa amin, at kung sakaling kami naman ay nagtagumpay kayo ang una naming tagahanga.
Tay, kung may bibigyan ng medalya o sertipiko ng pagiging ulirang ama tiyak pasok kayo dito. Hindi dahil anak nyo po ako kaya ko nasabi ito pero alam ko din na hindi lang ako ang kayang magpatunay na karapat dapat kayo sa titulong ito. Madalas ko ngang naririnig sa iba na sinasabi nilang “Sana sya na lang ang tatay ko”, sobrang saya ko po kapag naririnig ko iyon. Kasi hindi ko na kailangang mangarap at humiling sapagkat tatay ko ang pinakamabait at pinakaresponsableng tatay sa buong mundo.
Tay, hindi po sapat ang papuri at parangal kung gaano ko kayo pinagmamalaki bilang tatay ko. Daig ko pa ang nanalo ng mega lotto dahil kayo ang tatay ko. Kaya po bilang ganti , ipinapangako ko po na ako na po ang bahala sa inyo at kay nanay syempre. Ipaparamdam ko po sa inyo ang kaginhawahan ng buhay na hindi pa nyo nararanasan dahil pagsasakripisyo sa amin. Nangangako po ako na maging mabuti at responsableng tao din na may labis na takot sa Dyos. Pangako din na lahat ng gintong aral na binigay nyo sa akin ay aking isasabuhay at pagyayamanin.
Alam nyo tay,kung sakaling pamimiliin ako ng Dyos sa aking susunod na buhay kayo pa rin po ang pipiliin ko ng bilyong beses pa. Hindi po ako magdadalawang isip baka kasi maunahan pa po ako ng iba. Hindi ko po kayo ipagpapalit kahit sino pang sikat, mayaman at makapangyarihang tao sa mundo, kayo pa rin ang siguradong pipiliin ko bilang tatay.
Tay, kulang ang mga salita ko para maiparamdam sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, nirerespeto at hinahanggan.Mapalad po ako bilang anak nyo at saludo po ako sa pagiging isang mabuting tao nyo. Pipilitin ko pong gayahin kayo sa abot ng aking makakaya. Di man kapantay kahit man lang kalahati lang nito.
Ang tagumpay ko po ay utang na loob ko sa inyo, sapagkat kayo ang naghubog sa akin at kayo rin ang unang naniniwala sa akin. Alam ko pong darating ang araw na magkakasama sama rin tayo dyan sa Pilipinas at susubukan ko pong tumbasan kahit man lamang sa maliit kong kaparaanan ang lahat ng sakripisyo at paghihirap nyo sa buhay para sa amin . Tandaan nyo sana palagi na proud na proud po kaming magkakapatid kasi kayo ang tatay namin at MAHAL NA MAHAL NAMIN KAYO
HAPPY FATHERS PO ULI TATAY!!
Nagmamahal,
Drake
P.S
Tay, ano po ba ang gusto nyong pasalubong??Kahit ano tatay kahit man lang sa pasalubong makabawi ako. Ingat po palagi at ingatan lagi ang kalusugan nyo.
3 comments:
Happy Father's Day sa iyong tatay!!! Sayo din ba?
Hahaha! Di pa ako tatay Gill. Baka after 2-4 years pa hehhehe!Alam ko mag-sing edad lang tayo eh.
Ingat pre
Drake
Grabe mga post ngayon. Tungkol talaga sa mga tatay. Haaayy... Kung buhay pa sana tatay ko...
Post a Comment