Sana po magustuhan nyo ang ginawa kong bidyo na talagang aking binigyan ng panahon bilang pagpupugay sa kapwa ko OFW sa ibat ibang panig ng mundo. Sana'y magsilbi itong inspirasyon para sa lahat at itoy pinamagatang OFW: Pag-asa ng Bayan,Handog sa Mundo. (Itoy mula sa tema ng PEBA)
__________________________________________________________
AKO AT KAMI BILANG MGA MANGGAWANG PILIPINO SA IBANG BANSA
Oo, aminin ko noon nangibang bansa ako hindi para sa bansang Pilipinas kundi para sa aking pamilya. Dahil gusto kong gumihawa ang pamumuhay namin at gusto kong mabago ang buhay namin. Subalit sa pagdaan ng mga araw at sa pagpapatuloy ng aking buhay sa ibayong dagat. Tila kasunod ng pagnanais kong mabago ang buhay ng pamilya ko ang mabago ang bansa natin. Ang marubdob na paghahangad kong maiangat ang antas ng aming pamumuhay ay tila katumbas din ng aking paghahangad na mabago ang kalalagayan ng aking bansang sinilangan. Alam ko hindi rin nalalayo ang mga nararamdaman ko sa nararamdaman ng kapwa ko OFW. At nais kong magsalita hindi lang para sa akin kundi para sa milyon milyong OFW sa buong mundo.
Hindi namin nais maging tanyag at hindi namin hangad ang maging sikat Kung sakaling kami ay tinaguriang “BAGONG BAYANI” ,hindi ito pagtataas ng aming sarili subalit marahil pagkilala lamang ito ng aming naging kontribusyon bilang Pilipinong Manggawa sa ibang bansa. Subalit ang lahat ng pagkilala ay may kaakibat na responsibilidad at sakripisyo.
Hindi biro ang pangingibang bansa at hindi rin isang laro na iwanan ang iyong pamilya para sa magandang bukas. Hindi isang “lotto” ang pagngingibang bansa na maghahatid sa iyo sa pagyaman sa isang kurap o isang uri ng mahika na magpapabago ng buhay mo sa isang iglap. Ang lahat ay nilalakipan ng sipag, tyaga at pagpupunyagi . Tulad ng buhay sa ibang bansa sinasamahan ng luha ang pawis. Pawis ng pagsisikap at luha ng kalungkutan.
Sa bawat sentimong pinapadala namin sa Pilipinas, kasama nito ang bawat gabing kami'y umiiyak at ang bawat araw na kami'y nangungulilala . Kasama rin nito ang bawat patak ng pawis na lumalabas sa aming noo at bawat oras na iniisip ang iniwang pamilya sa Pilipinas. Ang bawat perang pinapadala kada buwan ay isang pag-asa para sa aming pamilya at para na rin sa ating bansa. Kaya huwag nyo sanang isipin na nagpapakasarap kami dito sa ibang bansa sapagkat hindi kailanman matutumbasan ng salapi ang pagnanais na makasama ang pamilya namin sa Pilipinas.
Hindi kami natutuwa sa tuwing tumataas ang dolyar.Huwag nyo sanang isipin na nasisiyahan kami na nalulugmok sa kahirapan ang ating bansa. Sapagkat dama namin ito at apektado rin ang buong pamilya namin dito. Alalahanin nyo sana kami rin ay bahagi ng bansang Pilipinas at maging ang aming buong pamilya. Tumaas man ang halagang pinapadala namin ngunit kung patuloy na humihirap ang buhay ng pamilya at kapwa kababayan namin ito'y balewale rin . Kaya bakit ka matutuwa kung sa huli pare-pareho rin tayong talunan?
Pinili namin itong pangingibang bansa hindi para iwaksi ang aming pagiging Pilipino kundi para magbigay ng kaginhawaan para sa aming pamilya at maging sa ating bansa . Ayaw na naming makadagdag pa sa kahirapan ng bansa, at gusto naming maiangat ang ating ekonomiya kahit sa aming munting kaparaanan.Kalabisan ba kung sakaling mithiin namin ang kaginhawahan sa aming pamumuhay?Kabawasan ba bilang Pilipino kung sakaling nagtatrabaho kami sa ibang bansa?
Huwag nyo sanang isipin na kung pinili naming mangibang bansa ay parang pinili na rin naming magpaalila sa ibang lahi o maging aso at sunod sunuran sa kanila. Hindi namin kagustuhan yun at hindi namin pinili yun. Sino bang tao ang may gusto noon at sino bang nilalang ang magnanais na tratuhin sya ng ganoon? Walang sino man ang pipiliin ang ganoong klaseng sitwasyon kaya huwag n'yo kaming husgahan na kami ay nagpapakababa sa ibang lahi. Tinitiis namin ang hirap, inaalis ang lungkot, ginagawa namin ang trabaho sa abot ng aming kakayahan at lakas, ang lahat ng ito ay para sa aming pamilya. Kasunod ng pagtitiis at sakripisyo para sa aming pamilya ay ang pag-unlad na rin ng ating bansa. Nakakababa ba ito ng aming pagkatao? Kahihiya hiya ba ang aming ginagawang pagtitiis at sakripisyo?
Pinikit namin ang aming mata at nakipagsapalaran sa bansang iba ang kultura, lenggwahe at tradisyon sa aming kinalakhan. Baon lang namin ang lakas ng loob at pag-asang maiaahon ang pamilya sa kahirapan. Para kaming sumusugal na hindi namin alam kung kami ay mananalo o uuwing luhaan sa laban ng buhay dito sa ibang bansa. Marami sa amin ang nagtatagumpay ngunit nakakalungkot isipin na marami rin sa amin ang inaabuso, pinagsasamantalahan at niyuyurakan ng dangal. Ngayon, pinili ba naming ito?Wala sino mang taong pipiliin ang masaklap na pangyayari iyon. Handa pa rin kaming makipagsapalaran sa buhay mabigyan lang ng konting pag-asa ang aming pamilya. Kaya sana huwag nyo naman sabihing nagpapakababa kami sa ibang lahi para lang sa pera. Hindi pera ang sukatan dito kundi ang labis na pagmamahal namin sa aming pamilya. Huwag nyo kaming timbangin sa pera sukatin nyo ang laki ng puso namin sa aming pamilya.
Sabi nga, mahirap ang malayo sa pamilya, pero mas mahirap ang wala kang magawa kung kumukulo na ang sikmura ng pamilya mo sa gutom. Mahirap mabuhay mag-isa sa bansang iba ang kultura , pero di hamak na mas pipiliin ko pang matulog mag-isa at mamuhay ng mag-isa kesa matulog ka na hindi mo alam kung paano ka mabubuhay kinabukasan. Mas mabuti nang makaramdam ng pangungulila at lungkot kaysa namang makita mong naghihirap at naghihikahos ang pamilya mo. Ang pangulila at lungkot ay madaling solusyunan at labanan, subalit ang mapait na katotohanan ng kahirapan sa Pilipinas ay mahirap ibsan at kalimutan.
Ang labis na pagmamahal namin sa aming pamilya ay nanalaytay na sa aming mga ugat bilang isang Pilipino.Nakatatak na ito sa aming puso kaya huwag nyo sanang tawaran ang aming pagiging Pilipino. Huwag nyo sanang isipin na pagiging makasarili ito sapagkat wala kaming inaapakang tao at wala kaming niloloko kahit sino man.Hindi kami madamot, karamutan bang maituturing kung maging ang sariling kaligayahan ay aming isinantabi para makatulong sa aming pamilya at pati na rin sa ating bayan .Lagi naming iniisip na magbago man ang bansang aming kinalaglagyan at pinagtatrabahuhan ngunit hindi mababago ang kayumangging balat, ang pagkahilig sa adobo, ang paggalang sa nakakatanda, ang dedikasyon sa trabaho, ang labis na pagmamahal sa pamilya at ang aming pagiging Pilipino.
Nais naming maging inspirasyon, nais naming maging ehemplo, nais naming maging daan ng pagbabago at nais naming makatulong sa bansang Pilipinas. Ang paglayo sa bansang aming sinilangan ay hindi nangangahulugan ng paghina ng aming boses sa pagtawag sa pagbabago at pagkawala ng aming karapatan. Ipaglalaban pa rin namin ito at isisigaw din namin ang aming sentimyento.
Tumutulong kami sa ikauunlad ng ating bansa, sapat na ang mga istatiska bilang katibayan na nakatulong kami para maiangat ang ating ekonomiya. Maintindihan nyo sana bagamat nandito kami sa labas ng bansa,pinipilit pa rin naming magbigay ng kontribusyon tungo sa pag-unlad. At malaking bahagi ng pag-unlad ng bansang Pilipinas ay galing sa aming mga pinapadalang pera sa Pilipinas. Bagama’t aaminin naming numero uno sa kadahilanan ay ang aming pamilya, pero huwag nyo sanang itatanggi na ito'y malaking kontribusyon sa paglago ng ating bansa. Kami ang isa rin sa nagsusulong ng pag-unlad. Pinipilit din naming hindi makabigat sa problema ng bansa kaya sana huwag nyo sanang bigyan ng mali at negatibong persepsyon ang malaking katotohanang ito.
Kinakaranggal ko ang pagiging Pilipino at bilang isang manggawa sa ibayong dagat. Huwag nyo sanang tawaran ang pagmamahal namin sa aming bayan. Ang aming pangingibang bansa ay hindi nangangahulugang pagtalikod sa aming bansang sinilangan.
Sa bansang Saudi Arabia na aking pinagtatrabahuhan nagulat ako sa mataas na pagtingin nila sa aming manggagawang Pilipino. Lahi natin ang labis nilang pinagkakatiwalaan at hinahanggan. Pilipino ang binigyan nila ng prioridad sa ibat-ibang trabaho. Alam kong hindi iyon dahil lang sa sarili kong kakayahan o talento kundi dahil bahagi na ito ng kultura natin bilang isang Pilipino. Kadugtong na ng ating pagiging Pilipino ang pagiging matiyaga, masipag, masikap, masinop, matalino at mapagmahal sa dyos, pamilya at kapwa.
Kami’y mga Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may dangal sa gawa at may paggalang sa kapwa. Kami’y Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may dedikasyon sa trabaho at may matalas na pag-iisip sa anumang hamon ng buhay.Kami’y Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may obligasyon sa aming pamilya at sa aming bayan. Kamiy Pilipinong Manggawa sa Ibang Bansa na may takot sa Dyos at gumagalang sa batas ng bansang aming kinabibilangan . Pinipilit namin na sa aming munting paraan maitaas ang tingin ng ibang lahi sa atin. Sinisikap din namin palawigin ang kaisipan ng mga dayuhan sa ating bansang Pilipinas, na tayo ang bansa ng mga magagaling, talentado at matatalinong manggagawa. Sinusubukan bigyan ang ibang nasyon ng positibong persepsyon at magandang impresyon tungkol sa ating mga Pilipino. At ipapakita namin ang aming galing ,gilas at kakayahan bilang pagpapatunay na kaya rin naming makipagsabayan kanino man. Ipamamahagi at ipagsigawan sa buong mundo na KINARARANGAL NAMING MAGING ISANG PILIPINO.
AKO AT KAMING MGA MANGGAWA SA IBANG BANSA AY TAAS NOONG IPAGMAMALAKI NA KAMI AY PILIPINO SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA.
22 comments:
hanggang kelan ba ang peba?
good luck sa inyong contest...
Drake!
Panalo ka na! Hindi na ako sasali. LOLz
Hanggang kelan nga ba ang PEBA? Saka hindi ko pa masyadong naintindihan 'yung mechanics.
Drake,I sent you a message in your email. A PEBA Representative is currently assessing your blog.
Thanks for your interest in PEBA and for a very heart warming piece. Thanks for boosting the OFW Moral!
*** Joshmarie and Gasoline Dude
PEBA runs until October 2008, November will be the judging period.
@ Mr. Thoughtskoto: 2008? Tapos na?
***Gasoline Dude
Opps, sori, that was the 1st batch of PEBA, second batch pala run till October 2009, at November ang judging, thanks Gasoline Dude.
@JoshMarie
Parang namiss kita,hehehe
@Gillboard
Salamat dre
@Gasoline Dude
Eh sabi dapat daw sunod sa theme. Kaya nga umiisip ako kahapon at sinulat ko na din agad
@Mr. Thoughtskoto
SHOKRAN JAZILAN!! Thank you very much
Di ko naman hangad manalo, sayang din at di ako umabot sa deadline ng Palanca may ipapasa sana ako about OFW din. Hehehhe Next time na siguro
Salamat sa inyo
Drake
Thank you for joining PEBA drake...
Give us few hours to include your name in the poll...
We will inform you once done. For the meantime.. grab the NOMINEE Badge at PEBA site... and display it (again) in your sidebar...
I wish you luck!!!
Azel,
Salamat po gagawin ko na po
Drake
Drake, Welcome to PEBA 2009! Wish you all the best.
Magaling!
Ang ganda pala ng effect ng first person approach. Congratulations, Drake!
o",)
@Desert Aquaforce
Shokran! Shokran
@RJ
Medyo yun po ang style ng pagsusulat ko, hehehehe.Salamat sa time
Salamat po sa pagwelcome
Drake
Màlàlim àng mensàhe, gusto ko nà tuloy iurong entry ko, lol
bàgbàg dàmdmin nà entry mo, me msusuungàng pànàlo!
àll the best
Marami pong salamat, pero di ko pa po basa yung entry nyo!Sana mabasa ko rin po!
Salamat uli
great entry goodluck binabasa ko mga kasali e hehe
Well establish ang paglalahad mo ng buhay ng sang OFW. tama ka at bida tayo sa mga arabo. I like this part
"Mas mabuti na makaramdam ng pangungulila at lungkot kaysa namang makita mong naghihirap at naghihikahos ang pamilya mo. "
Dahil hirap makita na nahihirapan ang pamilya mo. I remember my son. bago ako nakaalis. sabi ko pag di ako makaalis ng december ay sa public ka mag-aaral. grabe ang iyak nya noon. it really break my heart.
@Mac
Salamat sa pagbasa
@Lifemoto
Tulad mo, damang dama ko ang pangangailangan ng pamilya natin. Kaya bagamat masakit para sa atin ito, pinili natin isakripisyo ang pansarili nating kaligayahan.
Salamat sa inyo
follow po naman my blog? thanks ahead!
Ang pawis na iyong nabanggit sa palalakad ko sa paghahanap ng malilipatang trabaho sa pagbagsak ng kumpanyang pinapasukan ko ay higit na masakit dahil paglabas ng bawat butil ng tubig sa katawan ko ay saya namang bilis na matuyot nito dahil sa ilalim ng nglalagablab na araw ako ay pilit na naghanap ng bagong pag-asa di para sakin kundi sa mga naiwanan kong pamilya sa pilipinas.
Mga luha noong halos di na ako makakain ay higit na mahapdi. Hinagpis at pangungulila muntik na akong igupo. Sa gabi-gabing di makatulog ninais kong tumakas sa realidad.
Pero sa tangan kong responsibilidad para sa pamilya nananitili akong matatag at lumaban hanggang aking masumpungan ang bagong pag-asa sa bagong kumpanya.
Sa ganda ng iyong pagkakasalamin sa ating buhay na mga OFW, pagpasensiyahan mo ng napahaba ang aking mga talata.
nakakaiyak yung video.
kakaiyak ung video... naalala ko tuloy nung hinatid ako nung family ko kamakailan lang sa airport... akala ko 9:00 flight ko, 7:30 pla.. last call na sa boarding... na fastforward ko tuloy ung yakap sakin ng pamilya ko... pati luha ko ng sabhin sakin ng nanay ko "anak konting tiis sa amin ha..."
goodluck! :)
Post a Comment