QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Tuesday, November 11, 2008

Ang Aking Silid:Isang Araw sa Buhay ko bilang OFW



RINGGGG RINGG KIRRRING "isang malakas na ingay na umaalingawngaw sa aking silid sabay hampas sa alarm clock .. Pilit na gingising ang sarili mula sa isang mahimbing na pagkakatulog!!! "Teka anong oras na ba" bulong ko sa aking sarili ,sabay tingin sa relo na katabi ng kamang hinhigan ko!! 6:30 na pala ng umaga. Dagling akong bumangon at pinatay ang aircon, at binuksan naman ang ilaw na nagbigay liwanag sa napakadilim at sa walang buhay kong silid. Pagkatapos bumangaon humiga muli at pinilit na kinukundisyon ang sarili. Muli kong tiningnan ang orasan sa gilid ng aking kama 6:45 na ng umaga!! Dagli akong bumangon, inayos ang aking higaan at kaagad kong kinuha ang aking tuwalya!!


Pagkatapos, lumabas ako sa aking kwarto dagli kong tiningnan ang rice cooker ko sa kusina! " Ahh, buti naman at maganda ang pagkakaluto" sabi ko sa aking sarili. Agad kong binuksan ang apoy sa kalan habang nakasalang ang isang kasirola ng adobo na kagabi pa nakasalang para muli itong mainitan mula sa isang napakalamig na gabing nagdaan. Agad kong kinuha ang pinggan at sabay sandok sa mainit na kanin, pagkadakay kinuha sa adobong sa aming kalan.


Matapos makuha ang tamang pagkain ko sa umaga, binuksan ko ang telebisyon, isang pang-umagang programa mula sa atin sa Pilipinas, kasabay na yata ng bawat subo ng pagkain ay ang ingay na nanggagaling sa aming telebisyon. Tila itoy kasama na sa aming pagkain araw araw. Habang isinusubo ko ang huling kanin, bigla akong natigilan, balita sa telebisyon " Isang OFW binitay sa Saudi" . Tinigil ko ang pagkain sumandali at matiyagang pinakinggan ang balita sa telebisyon. Pinilit kong alamin kung ano ang naging dahilan kung bakit bibitaying ang isang pinoy dito sa lupang aking pinagtatrabahuhan. Kalaunay, napag-alaman ko na bibitayin sya spagkat ay nakapatay sya ng isang Pakistani na nagtangkang halayin sya sa taxi. (Dito sa Saudi kabilang ang pagpatay ng tao sa pinakamabigat na krimen. ) At sa patuloy na pagbabalita na pag-alaman ko na hindi tinaggap ng pamilya ng biktima ang "Blood Money: (pera katumbas ng paglaya ng bilanggo) na inaalok para maisalba ang kanyang buhay. Wala ng nagawa ang pamilya ng OFW kundi tanggapin ang naging mapait na kapalaran nya.


Makalipas kong marinig ang balita sabay kong nilunok ang huling kanin sa aking pinggan. Kasabay ng paglunok ng kanin ay paglunok na rin sa maaring magiging kapalaran ko dito sa dayuhang bansang aking kinabibilangan ngayun, kasabay ng aking paglunok ay paglunok sa mga batas na tinakda ng gobyerno ng Saudi na katumbas ang mabigat na kaparusahan na kaakibat nito. Kasabay ng paglunok ko ay ang aking pagtanggap sa buhay ko dito sa Saudi.


Pagkatapos kong hugasan ang aking pinagkainan agad kong inayos ang aking babaunin, inalagay ang pagkain sa bawat lalagyan sa aking baunan!!!At muli habang ginagawa ko ito pumasok sa aking isapan, noong ako pa ay nasa PIilipinas,naalala ko ang nanay ko ang nag-aasikaso ng lahat, Sya ang nagluluto ng aming pagkain at naghahanda ng aming babaunin sa trabaho. Palagi syang nakaalalay sa amin kahit kamiy malalaki na at nagtatrabaho. Noon, hindi na ako nag-aalala na may babaunin at kakainin ako kinbukasan sapagkat nnadyan ang aking ina. Ngayun wala na akong aasahan kundi ang aking sarili. Lahat ng bagay ay kailangan kong kayanin. Masasabi ko na mag-isa akong nabubuhay sa lupang banyaga. Alam kong hindi na pwede yung dati na may inaasahan pa akong magulang na naghahanda ng aking babaunin, ngayun ako na lang dito mag-isa Subalit sa kabilang banda ay masaya rin ako spagkat pinabaunan nila (aking mga magulang) ako ng mga pinakaimportanteng bagay na meron ako ngayun, iyun ay ,tatag ng loob na suungin ang buhay na mag-isa, pagsisikap at. edukasyon


Pagkatapos kong ihanda ang babaunin ko sa araw na yun, pumasok ako sa banyo at nagsimula ng maligo,matapos ang ilang minuto ay pumasok na muli sa aking kwarto at nagbihis. Kasabay ng aking pagbibihis ay ang bagong simula ng araw, simula ng panibagong buhay, simula ng bagong pag-asa at simula ng isang araw na pagtatrabaho sa dayuhang lupang aking kinaroroonan.
KRING KRING KRING, isang malakas na tunog ang muling umalingawngaw sa aking silid,akala ko tumunog muli ang aking relo, subalit aking napagtanto na ang ingay ay nagmumula sa king telepono (magkapareho ang ring ng telepono at ng alarm clock ko) agad kong nakita ang pangalan na nakrehistro sa king telepono - ang aking kasamahan sa trabaho na sumusundo at naghahatid sa amin mula sa aming kumpanya hanggang sa aming bahay.


Dagling kinuha ang gamit ko, kinuha ang baunan, bag , wallet, cellphone at ang higit sa lahat ang aking IQAMA ( residence certificate),Pwede kong iwanan ang lahat pero ang Iqama ko hindi . Maari kang makulong ng isang lingo pag nahuli ako na walang dalang IQAMA. Kaya kailangan dala ko sya lagi lagi.


Matapos kong masiguro na ang lahat ng gamit ay nadala ko na, sabay pasok sa sasakyan at diretso sa kumpanya na aking pinapasukan. Habang ako ay nasa sasakyan, nakikinig ako ng mga kantang pangsimabahan, at kahit papaanoy napapindak sa bawat musika na lulumabas sa radyo ng aming sasakyan. Subalit habang pinapakinggan ang bawat nota, naiisip ko, kailan kaya magiging bukas ang kaisipan ang gobyerno ng Saudi tungkol sa paniniwalang kristyano, kailan kaya nila tatanggapin na may ibang relihiyon at may ibang paniniwala maliban sa katuruang Islam. Dito sa Saudi patago kung isagawa ang gawaing spiritwal, at kung sakaling ikaw ay mahuli makukulong o di kaya pauuwian sa bansang pinanggalingan. Agad kong naalala nung nakaraang taon may isang grupo ng mga kababaihan na nahuhuling nagsasagawa ng pag-aaral sa bibliya,sila ay dagling hinuli at ikinulong ng mahigit na 6 na buwan subalit sa tulong na rin ng Hari ng Saudi ay napalaya at napauwi sa ating bansa.. Sa totoo lang, hinahanap ko rin ang pagsisimba at pakikinig ng sermon ng pari, madalas may mga pasaring sa ating gobyerno pero talagang kasama na ata yun sa lipunan natin. Dito ang relihiyon ay talagang bahagi na ng lipunan. Nagdarasal sila ng limang beses isang araw, ititigil mo ang lahat ng iyong gingawa para magdasal isinasarado ang lahat ng establisyemento dito kung oras na ng pagdarasal. Masasabi ko na ang relihiyon nila ay kasama na sa kanilang araw ara buhay.


Makalipas ang 15 minuto na byahe agad kaming nakarating sa ming kumpanya, agad kong binuksan ang ilaw at pati na rin ang aircon panlaban sa sobrang init na nasa labas,panandaliang paglimot na ako pala ay nasa bansang sobrang init. Paglimot muna sa mga pangungulila at problema sa buhay. Kailangan kong maging propesyonal at gumawa ayon sa mga responsibilidad ko bilang empleyado ng kanilang kumpanya. . Ito’y simula na ng isang araw na pagtatrabaho, pagbabanat ng buto sa lupa na nagbibigay sa akin na isang napakalaking oportunidad at pag-asa.
Makalipas ang isang buong araw ng trabaho, pagod ngunit kahit papaanoy naging makabuluhan ang buong araw, sa wakas makapagpapahinga na muli ako sa aking silid. Ako’y babalik muli sa aking madilim, tahimik at walang buhay kong silid , Isang pagbabalik sa isang malungkot na buhay dala ng pagkakalayo at pangungulila sa aking mga mahal sa buhay. Sa pagbubukas ko ng aking ilaw, alam kong magbibigay liwanag ito sa madilim kong silid katulad ng liwanag na naibibigay ko sa aking pamilya, at liwanag na binibigay sa akin ng aking pamilya upang muli patuloy na lumaban sa buhay at magpunyagi. Bukas ganun uli ang aking buhay, tutunog na muli ang aking alarm clock, kasabay ng pagmulat ng aking mata, ay pag-asa na sana sa muling pagbabalik ko mula sa buong araw na pagtatatrabaho, madadatnan ko na ang silid na maliwanag, puno ng buhay at masaya. At kung dumating ang araw na yun marahil masasabi ko sa aking sarili kailanman di na ako muling babalik sa tahimik, madilim at walang buhay kong silid.

1 comment:

manlalakbay said...

ganda kuya! ganyan pala feeling pag nasa ibang bansa. nanjan din kasi papa ko sa saudi. Ingat ka kuya. ^_^