QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Tuesday, November 11, 2008

Mga Pormula ng Pelikulang Pilipino (Part 1)

Medyo mahilig ako manood ng sine, madalas inaabangan ko sa TV ang mga trailer ng pelikula, ika nga kung medyo impressive ang trailer malamang panoorin ko, pero kung ngetpa, eh di sasagi sa isip ko na panoorin yun. Madalas nanonood lang ako mag-isa, kasi nga hindi ako bumili ng makakain o chitchirya, dahil syempre walang pera, kaya puro aircon lang ang nginangata at kinain ko dun. Pag di ko gaanong naintindihan ang istorya o kaya nakatulog ako habang nanonood, inuulit ko yung palabas. Kaya dyaheng may kasama. Hehehe.

Mahilig ako sa movies,lahat ng pelikula eh pinapanood basta swak sa panlasa ko, karamihan mga foreign movies (lalo na yung gawa ni Steven Spielberg), sa Pelikulang Pilipino medyo madalang lang. Pero dahil nakabisado ko na ang pormula ng Pelikulang Pilipino, eh iisa-isahin ko sa inyo.

MGA PORMULA NG PELIKULANG PILIPINO

Comedy Films

1. Hindi ko alam kung maiinis ako o matatawa, kaso bakit karamihan sa mga pelikula na comedy ang tema lagi na lang may nagsasayaw sa beach. Kakantahin yung themesong ng pelikula o di kaya yung baduy na kanta, sabay sayaw ng mga dancer na kunwari mga turista rin. Eh makita kita mo halos lahat ng tao dun eh sumasayaw . Eh pwede bang magkaganun sa totoong buhay. Eh nung nagpunta naman kami sa Beach ng Pangasinan, imbes na mga taong nagsasayaw ang makikita mo, mga taeng naglulutangan ang maabutan ko, malas malasan mo pa eh makakinom ka pa ng tubig dun. SAWAPPPP….

2. Usong usong slapstick, kundi babambuhin ng dyaryo, babasain ng ihi, o di kaya pagsasampalin ang mga kaawa awang mg a extra (Eh sabagay dun sila kumikita). Eh bakit yung mga pangit lang ang pinagtitripan. Eh kung sa totoong buhay yun, subukin mong ganunin yung mga taong yun, katakot takot na mura ang aabutin mo.

3. Magaganda o sexy ang leading lady at laging may sidekick ang bida. Eh bakit nga ba may sidekick pa? Hindi ba pwedeng wala na lang, tuloy siya yung napagdidikitahan ng bida. Eh eto pa, kahit di gaanong kagwapuhan yung bida eh hinahabol sya ng magaganda at seksing mga babae. Eh sa totoong buhay eh hanggang tingin na lang yun, hehehe. Kaya minsan iniisip ko mag komedyante na lang kaya ako.

Eh marami pa yan, pero ito patok at mabenta sa mga manonood, eh sabagay kanya kanya ng trip yan, eh meron kasing mababaw ang kaligayahan. Yung lolo ko nga nauntog lang yung bida eh todo tawa na, halos mautot kakatawa, eh ako naman hayun kumain na lang ako ng butong pakwan pampaalis bagot.

SAMPLE




Action Films

1. Bakit sa tuwing hinahanap ng mga kontrabida o goons ang bida, eh doon mismo sila humihinto sa pinagtataguan ng bida. Talaga bang may ganun (eh sabagay suspense ika nga, pero hanggang ngayun naman wala pa naman akong napapanood na nahuli yung bida habang nagtatago malapit sa pinaghintuan ng goons). Eh lagi na lang ganun, hindi ba pwedeng malayo layo ng konti. Eh kami pag naglalaro ng taguan nung mga bata pa kami eh hindi naman nagkakaganun, pero minsan nahuhuli rin kasi tawa ako ng tawa (Engot kasi yung taya ang lapit lapit na hindi pa nya ako makita)



2. Chismisan to the max.Pagmalapit nagkaharap na ang bida at kontabida (sa huling bahagi ng pelikula) eh puro chismisan pa ang ginagawa at kung ano ano pa ang sinasabi, mano bang magbarilan na lang at malaman na kung sino ang panalo. Eh nauubos na ang oras (aba kahit sugatan eh di nauubusan ng dugo) .

Tulad ng “Gawa na ang balang papatay sa iyo” (tapos wala na palang bala) o di kaya “Humanda ka na magkikita na kayo ni San Pedro” (Eh paano kung sa impyerno sya mapupunta) .hehehhee!!Sa bandang huli naman syempre bida pa rin ang panalo eh kung hindi pagbabatuhin ng bote ng mineral water ang loob ng sinehan



3. Laging naka-Leather Jacket ang bida. Ang Pilipinas ay Tropical Country pero astig ang mga action star natin, nakaleather jacket. Yung tipong kahit nagkanda pawis pawi ang kilikili at singit, ay suot pa rin (di kaya mangamoy putok yun).



4. May pagkasuperman ang bida. Eh lagi na lang ganun, na kahit sampung tao ang bumaril sa bida (take note armalite pa ang gamit ng mga goons) eh may pagkainvinsibleman at hindi sya tinatamaan, at pag sya naman ang bumaril siguradong may babagsak sa mga goons. Galing noh!! Sa suntukan naman, ang mga goons, nag-iintayan pa sa pagsuntok, eh sabog sabog na nga ang mukha ng kakampi nilang goons, aba nag-aantay lang! Hindi ba pwedeng pagtulungan na lang nila kay lalaki ma naman ng katawan.



5. Nagtatransform ang mga kotse. Hindi sila mga transformer, pero magtataka ka, yung kani-kanina lang ay magandang kotse biglang na lang magiging box type na kotse, at alam nyo kung bakit, kasi syempre pasasabugin!!! O di kaya kay yaman yaman ng bida o kontrabida ang gamit na kotse eh yung kakarag karag at lumang model kasi nga papasabugin yun habang naghahabulan sila. (Yung tipong naghahabulan sa kalsada tapos paputok ng baril, ni wala man lang rumerespondeng pulis.Tapos habang naghahabulan eh susuruin naman ang mga nagtitinda ng samalamig o di kaya ng fishball. Habang nagliliparang mga ibon ang mga paninda.). Kaya alam ko na kung sakaling nagtransform ang kotse alam ko nang may pagsabog na mangyayari.



6. Syempre ang laging late na mga pulis. Sila yung laging pang-closing sa pelikula. Laging late at huli na kung dumating, tapos na ang bakbakan at hindi mo na pwedeng pakinabangan. Kahit puro pagsabog na ang nangyayari sa loob ng warehouse (dito kasi lagi yung setting eh, di ba pwede sa ibang lugar) eh wala silang ideya na may nangyayari na palang gulo (baka natutulog). At heto pa, tila may psychic ability ang mga pulis kasi alam nila kung sino ang bida at mga kontrabida. (nahulaan nila kumbaga). Wala nang tanong tanong basta alam nila kung bida ka o kontrabida.Nakang putcha!hehehe

SAMPLE



Mukhang sa action films ata maraming pormula, pero wala naman akong nababalitaan may ganitong kaso sa tunay na buhay, sabagay pelikula yun eh.

Drama Films

1. Magkakamag-anak ang mga bida, eh kung hindi magkapatid yung nag-iibigan, magpinsan o magtiyuhin naman. Basta sa laki ng Pilipinas eh nun lang nila matatagpuan ang isat isa na magkakamag-anak pala sila.

2. Sampalan na umaatikabo, eh usong uso yun, yun tipong kahit mamaga ang panga ng bidang babae eh okay lang syang pagsasampalin. Minsan iiyak minsan naman gaganti, eh sa panahon ngayon demandahan na ang uso. Eh kung sakaling naggrabyado ka eh di idemanda mo.,di na uso ang sampalan. Sabunutan marami akong nakikitang ganyan pero sampalan medyo madalang lang. Siguro pangmayaman lang ang samapalan, ang sabunutan medyo pang mahirap.



3. Mga makata ang mga bida. Dyan ka naman bibilib sa mga dialogue kasi talagang mga makakata at mga malalim ang mga sinasabi ng mga bida o kontrabida. Yung tipong mapapahanap ka pa sa diksyunaryo, o di kaya parang huhula ka ng bugtong para maunawaan ang gustong sabihin ng bida. Basta sobrang lalim. Eh kaya pati yung pinsan kong walong taong gulang na mahilig manood ng Drama, pinalo kasi ng nanay nya sa sobrang likot sabi ba naman ng pinsan ko

“Inay bakit mo ginawa sa akin ang mga bagay na ito, anak mo ako….. at dapat minamahal mo ako at inaalagaan… pero bakit mo ginagawa sa akin ang mga bagay na ito….huhuhu (sabay pasok sa kwarto nila na umiiyak).

Aba nung marinig ko yun, sumakit ang tyan ko kakatawa eh, gusto kong pingutin sa tenga yung batang yun kasi puro kaartehan.Dyaskaheng bata sarap batukan ng isa. At hindi pa dun natatapos yun, ayaw pang kumain nung inaaya na nung nanay nyang kumain ng hapunam. Naku nahahawa na talaga sa mga napapanood nya.



4. Api-apihan. Eh laging ganun, api-apihan ang bida. Yung tipong ilulublob sa tubig, sasaktan. Basta yung kawawang kawawa. Martir kumbaga, na kahit anong gawin ng kontrabida sa kanya, eh okay lang. Eh minsan di ko alam kung naawa ako o naiinis ako sa bida dahil sa pagkamartir. Aba bakit hindi n alang isumbong sa imbestigador o sa XXX. Pero syempre sa huli naman lalaban. Kasi matatapos na yung pelikula eh, so kailangang lumaban kundi magagalit ang manonood. Kaso bago lumaban yung bida kailangang yumaman muna sila. Nice. Pera lang pala para magkalakas ng loob.



5. Ang kontrabida parang pumapatay lang ng daga kung pumatay ng tao. Mukhang wala na talagang konsenysa, sukdulan ba ang sama ng ugali, parang kapatid ni Lucifer. Sabagay marami na talagang masasamang tao ngayon, pero yung kontrabida na yun halos lahat ng kasamaan ay napunta na sa kanya. Ibang klase!!!

SAMPLE



Naku marami pa yang mga pormula na yan. May part 2 pa yan kasi meron pang Horror, Bold or ST, saka Indie films. Sa ngayon iyan muna, kasi tyak inaantok na kayo kakabasa.

Eh ako napansin ko lang naman yan sa pelikula natin, yung tipong kahit gasgas na eh mabenta pa rin sa ating mga Pinoy. Kahit medyo iyon at iyon din ang istorya, at iba iba ang lang ang artista eh box office pa rin.

Sige sa susunod na lang ulit.. heheheheh.

No comments: