QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Tuesday, November 11, 2008

May Pag-asa pa naman ang Pilipinas di ba? Pagtingin mula sa mga OFW

Panoorin nyo ito:




Masakit na isipin na kailangan namin magtrabaho sa ibang bansa para lang kumita ng pera. Masakit para sa amin na iwan ang aming pamilya sa ibang bansa kapalit ang pag-asang giginhawa ang aming buhay. Masakit para sa amin na iwan ang bansang aming sinilangan at pakipagsapalaran sa bansang iba ang kultura at wika. Masakit sa amin na ang ibang bansa pa ang nakikinabang sa aming talino, talento at kakayahan. Ngunit lalong masakit para sa amin na minsan isinasakripisyo mo na ang buong buhay at kaligayan mo ay aabusuhin ka pa at yuyurakan pa ang ating mga dangal bilang isang Pilipino at bilang isang tao.

Hindi ba madalas nating maririnig sa radio, sa T.V o sa mga pahayagan ang kababayan nating Domestic Helper na minamaltrato o kaya inaabuso ng kanilang mga amo. Tinatrato silang parang isang hayop, alipin at isang mababang uri ng nilalang. Ginagahasa, binubugbog, sinasampal at dinuduran na parang hindi sila kabilang sa mundong ating ginagalawan. Kapalit ng hirap, pagpupunyagi, sakripiyo at pagtitiis ay ang mga suntok, tadyak, sipa at pagaalipusta . Ito ba ang kabayaran ng lahat ng kanilang pagsisikap? Sa pag-asang maiaahon nila ang kanilang pamilya sa kahirapan ang naging kapalit naman ay ang mala-imperyong buhay nila sa ibang bansa dulot ng mga walang awang amo at mga mapagsamatalang mga illegal recruiter na nanloloko sa kapwa nating kababayan. Tao din silang may damdamin, marunong masaktan at marunong sumuko sa lahat ng pasakit at bugbog.Tao rin silang marunong humingi ng saklolo pag malapit na silang bumigay sa buhay. Tao sila……… Tao sila…… Tao sila.

Minsan kahit ipagsigawan nila ng kanilang mga hinaing at saklolo itoy walang magagawa, sapagkat bingi ang gobyerno ng ibang bansa sa hinaing ng dayuhang manggawa, bulag ang awtoridad nila sa mga katulad namin hindi nila kalahi o kababayan, at pipi ang batas nila para sa aming nangangamuhan lang sa kanilang bansa. Subalit mas masakit isipin na kung minsan ang ating kunsulada o embahada ay bulag, pipi at bingi rin sa mga nangyayari sa ating mga kababayan. Nasan ang hustisya, san pa sila tatakbo, san pa sila lalapit para may magtanggol sa kanila. Saan pa……… Saan pa……. Saan pa?

Madalas din kaming nakakaranas ng diskriminasyon buhat sa mga dayuhan. Pakiramdam nilang sila lang ang puedeng manirahan sa mundong ito. Mga komentong nangungutya sa atin bilang isang Pilipino. Mga tingin na may ibang pakahulugan sa iba nating mga kababayan. Tingin na may halong panlalait at pagaalipusta.

Hindi ba madalas may maririnig ka pang mga racist comment mula sa kanila. Nung minsan may nabasa ako sa internet tungkol sa isang “Racist Comment” ng isang puti sa ating mga ginagalang na mga caregiver. Kanilang minamaliit ang kakayanan ng ating kababayang Caregiver kasi galing LANG tayo sa Third World Country. Minsan niisip ko, sino bang Pilipino ang gustong magpunas ng dumi ng iba. Hindi ba, halos pamilya na kung ituring na nila ang mga inaalagaang matatanda, hindi lang serbisyo ang kanilang binibigay kundi pagmamahal din.Pero bakit parang tinatwaran nila ang kanilang kakayahan? Marahil, kung may pagpipilian lang sila, kung magkapareho lang ang sweldo sa Pilipinas at sa bansa ng mga puti, mas pipiliin nila sigurong alagaan ang matatanda sa atin, na kung saan doon ay makakatanggap sila ng respeto at pagmamahal mula sa ating mga Pilipino. Hayaan na lang dumami ang mga matatanda sa mga bansa ng mga puti at sila ang mag-alaga ng kanilang mga kalahi malamang hindi na sila magsasabi pa ng mga ganitong bagay at maintindihan nila kung gaano kadakila ang trabahong ito.

Hindi rin nakaligtas sa pagaalipusta ang ating mga pinapipitagang mga duktor at nurses sa Amerika. Kanilang pinagdudahan ang kakayahan ng ating mga duktor at nurses sapagkat sila ay galing sa mga unibersidad dito sa Pilipinas. Minsan iniisip ko kung mas malaki ang sweldo ng mga duktor at nurses sa ating bansa kesa sa bansa ng mga puti, malamang mas pipiliin pa nilang bigyan ng serbisyo ang mga kapwa nating Pilipino na mas nangangailangan ng kanilang tulong at serbisyo. Hahayaan na lang kulangin sila sa mga nurses at duktor sa bansa ng mga puti, malamang sila pa ang hihingi at lalapit sa ating mga Pilipinong duktor at nurse kung nagkataon.
Bakit kaya sila ganun? Pare pareho naman tayong tao ah, ang lahat ng meron kayong mga dayuhan ay meron din kaming mga Pilipino, ang kaibihan lang siguro yung taas, kulay at pagsasalita pero pare pareho lang tayong kumakain, natutulog at nagtatrabaho para mabuhay. Hindi ba karamihan sa mga trabahong ayaw ng mga puti ay ating tinatanggap. Para sa kanila, ang mga trabaho na yun ay mababa, pero para sa atin ito ay isang oportunidad at isang dakilang gawain.

Sino ba ang gustong mangulila sa mga mahal nila sa buhay. Sino bang may gustong manirahan sa isang bansa na hindi mo kalahi, hindi mo kakulay, hindi mo ka wika at hindi mo ka kultura. Sino ba ang gustong manilbihan sa bahay ng ibang tao, Sino ba ang gustong maltratuhin o kaya abusuhin na kung ituring ka ay parang aso o isang alipin na walang karapatang masaktan o humingi ng saklalo. ?Sino ba ang gustong makatanggap ng mga pag-aalipusta at pangunguta? Sino……….Sino……… Sino?

Kung sana’y kasing yaman lang ng Amerika ang Pilipinas, kung sanay kasing unlad lang natin ang Europa. Walang sigurong Pilipino ang gustong manirahan pa sa ibang bansa na kakaiba sya at namumukod tangi sya sa iba. Walang Pilipino ang gugustuhing umalis at iwan ang kanyang pamilya para magtrabaho sa ibayong dagat. Walang Pipino ang magkakadapagod sa pagtatrabaho para sa pag-unlad ng ibang bansa.

Hindi mo alam kung san ba isisi ang nangyari sa PIlipinas, sa gobyerno ba? ( Pero sino ba ang nagluklok sa kanila?) sa tao ba kasi wala tayong disiplina ( Pero sino ba ang dapat mamuno at manguna). Sa mga gumagawa ba ng batas o kaming sumusunod sa batas. Minsan masarap managinip na minsan isang araw titingalain ng buong mundo ang Pilipinas, isang bansang bansang maunlad, sibilisado, malinis at maganda. Pero baka panaginip at pangarap na lang ata iyun.

Kung tatanungin mo ako kung PROUD akong maging OFW at maging Filipino? Sasabihin ko sa iyo:PROUD akong maging isang OFW kasi nakakatulong kami sa ikakagaganda ng ekonomiya, at bayani kami sa mata ng Gobyerno. Subalit sa kabilang banda naiiisip namin nasan na ba yung naitulong namin bakit parang hindi naming nararamdaman, bakit parang wala pa ring progreso ang bansang Pilipinas. Bayani nga ba kami maituturing? bakit parang hindi naman kami pinapahalagahan ng Gobyerno?

PROUD akong maging Pilipino kasi naniniwala ako na matatalino tayo, masisipag tayo, magagalang, malaki ang takot sa dyos at may pagpapahalaga tayo sa ating pamilya. Angat tayo sa mga dayuhan, angat tayo sa lahat. Subalit iniisip ko bakit tayo ngayun ang gumagawa ng trabahong mababa sa kanilang paningin. Bakit tayo ang naninilbihan sa kanila? Bakit tayo ang tumatanggap ng mga trabahong ayaw nilang gawin?

Marahil kung may maganda kaming pamimilian dyan sa pilipinas hindi kami aalis pa ng ating bansa. Kung maganda ang buhay sa atin hindi na kami magpapakagod dito sa ibang bansa na sila lang ang umuunlad at sila ang nakikinabang ng aming mga kakayahan at katalinuhan.Sabi ko nga ,mahirap ang malayo sa pamilya, pero mas mahirap ang wala kang magawa kung kumukulo na ang sikmura ng pamilya mo sa gutom. Mahirap mabuhay mag-isa sa bansang iba ang kultura , pero di hamak na mas pipiliin ko pang matulog mag-isa at mamuhay ng mag-isa kesa matulog ka na di mo alam kung paano ka mabubuhay kinabukasan. Mas mabuti na makaramdam ng pangungulila at lungkot kaysa namang makita mong naghihirap at naghihikahos ang pamilya mo. Ang pangulila at lungkot ay madaling solusyunan at labanan, subalit ang kahirapan ng buhay sa Pilipinas ay mahirap ibsan at kalimutan.

Kelan nga kaya uunlad ang Pilipinas?Darating pa kaya ang panahon na magiging first world country ang Pilipinas? Darating kaya ang araw na wala ng Pilipino aalis pa ng bansa para lang kumita. Na wala ng Pilipinong maghihirap at magugutom. Na wala ng Pilipinong aabusihin at pagsasamantalahan. Na wala ng Pilipinong kukutyahin dahil sa ating kulay at lahi. Darating pa kaya yun? Kung tatanungin mo ako , Hindi ko alam? Tyak hindi mo rin alam kung kelan? Basta alam ko lang may obligasyon ako para sa pamilya ko at para sa bayan ko. Maging hamak man kami sa paningin ng mga dayuhan, maging api apihan man kami sa ibang bayan kailanman ay magiging Proud pa rin ako kasi Pilipino ako. Akoy isang Pilipinong may dangal sa gawa, may paggalang sa kapwa, may malasakit sa ating bansa at may umaapaw na pagmamahal sa aking pamilya.

Sana nga lang hindi pa huli ang lahat para sa Pilipinas. Alam kong may pag-asa pa ang Pilipinas, alam kong may pag-asa pa!!! MAY PAG-ASA PA NAMAN ANG PILIPINAS DI BA?

Sige po at Maraming Salamat

No comments: