QUOTABLE QUOTE NI DRAKE

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.

Tuesday, November 11, 2008

Mag-aabroad Ako....



“ Utoy ano ba pangarap mo sa buhay?” Ito ang madalas kong naririnig sa mga nakakatanda sa akin nung akoy musmos pa lamang. Marahil gusto nilang malaman kung ano ba ang gusto kong mangyari sa buhay ko o ano ba ang magiging direksyon at takbo ng pakikipasapalaran ko sa maikling buhay na yun!!! Para sa murang kaisipan, lagi kong sinasambit na “MAG-AABROAD AKO”. Di ko alam kung bakit ako nabato balani ng kaisipan na yun , kung bakit na parang sa mura kong kaisipan agad na akong naenganyo sa pangingibang bansa. Marahil madalas ko itong naririnig sa mga tao. Madalas pag may nakakausap ang nanay at ako’y tahimik nakikinig, nakikita ko sa mukha ng nanay pag nalalaman nyang magaabroad si ganun, si ganito, ay parang kay saya saya nila!!! Dati, alam ko lang masarap mag-abroad!!!!



Nung ako mga 7 taong gulang pa lamang, madalas gumagawa ako ng eroplanong papel, minsan kinukulayan ko pa yun o di kaya gagamit ako ng mga makukulay na papel para ang eroplano ko ay maging kakaiba sa lahat. Marami ang nag-aakalang gusto kong maging piloto. Bagamat gusto ko rin maging piloto pero sa kabuuan, gusto ko talagang mag-abroad, pakiramdam ko kasi noon lahat ng nag-aabroad pumupunta sa Amerika, at magliwaliw lang sila o di kaya mamasyal lang sila sa Disneyland, ito kasi ang madalas kong nakikita sa T.V , kaya marahil ganun na lamang ang atraksyon sa akin ng pag-aabroad, isang simple dahilan. Madalas din noon pag may dumadaang eroplano sa himpapawid, agad kong sasabihin sa aking mga kalaro “ Tingann nyo nandyan si Tita, nandyan si Tito, babay, babay po” pagsambit ng may pagmamalaki sa aking mga kalaro, di ko alam kung bakit, pero alam ko lang mayaman ka kung may kamag-anak ka abroad.
Nung ako ay nagkakaisip at nag-aaral na ng elementarya ang pag-aabroad para sa akin ay nanatiling pangarap. Subalit ang kadahilaanan at rason ko ay nagbabago, paihawatig lang ito na nagbabago na rin ang pagtingin ko sa buhay. Dati sa tuwing nakikita ko ang mga tiyuhin at tiyahin ko galing abroad inggit na inggit ako sa kanila. Madalas kukulitin ko ang nanay ko na isama akong sumundo sa mga tiyuhin ko sa airport, kahit na alam kong mahaba ang byahe, gustong gusto ko talagang makita ang malalaking eroplano at ang naglalakihang balikbayan box. Pero madalas hindi rin ako pinapayagan ng nanay kasi may klase pa ako nun, kaya iintayin ko na lang ang pagdating ng tiyuhin ko sa bahay.Madalas nakasilip lang ako sa bintana at excited ako makita kung ano ang nakalagay sa balikbayan box nila. Para sa akin para isa itong napakalaking regalo na napakasarap buksan kasi napakaraming magagandang bagay ang nandun. Kahit nasa malayo ako pilit kong sisilipin sa siwang ng bintana ng bahay namin ang mga nagaganap sa kabilang bahay, masaya na ako na nakikita ko ang mga pasalubong nila kahit wala ako. Masaya na ako pag nakita ko na kung ano ang laman ng balikabayan nila, wala man ako masaya na akong makita lahat ng pasalubong nila!! May inggit man sa mga bagong laruan ng mga pinsan ko, pero itinutulog ko na lang, sabi ko sa sarili ko pagsasawaan ko na lang tingnan yun kahit di ko nahahawakan. Sa amin swerte na kung mabigyan kami ng pare parehong bar ng tsokolate, sa dami naming magkakapatid madalas hati hati lang kami, minsan masayaran lang ng mamahaling tsokolate ang aming mga panlasa masaya na ako dun, alam kong kulang yun para sa akin, kaya ganun na lang ang pagtitipid para di maubos agad ang tsokolate at matagal kong nananamin ang kakaibang lasa na para sa akin ay nun ko lamang natikman!! Ang tyuhin ko naman madalas mag-uuwi yun ng kung ano anong appliances . Sobrang inggit na inggit ako nun, may bago silang Colored T.V, Componet at kung ano ano pa, samantalang kami nagtyatyaga sa Black and white na telebisyon, at sa maliit na radyo na bigay ng isa ko pang tyuhin. Noong mga panhon na yun, alam ko na ang estado ng buhay namin. Naaala ko nga noon, lumapit ako sa nanay ko habang naglalaba sya at sinabi ko "nay pagnakatapos ako sa pag-aaral ,MAG-AABROAD ako, bibigyan ko kayo ng malalaking tsokolate, sasakit ang ipin nyo kakakain. Tapos bibigyan ko kayo ng malalaking T.V at papalitan natin yang radio nyo, Tapos marami tayong pera". Para sa akin noon, ang pag-aabroad ay parang isang sweepstake na bigla kang yayaman sa isang iglap, na parang kay daling kumuha ng pera sa ibang bansa. Para sa akin isa itong napakasimpleng proseso na pagkatapos ng isang taon yayaman na kami. Iyon ang rason ko kung bakit ako mag-aabroad, kung dati nung akoy musmos pa lamang, gusto kong mag-abroad kasi makapamasyal ako sa Disneyland, ngayun gusto kong mag-abroad para yumaman kami, isang pangmateryal na kaligayahan, at isang materyal na kadahilaan



Noong ako ay nagbibinata at nag-aaral na ng sekondarya, nagbago uli ang kadahilanan ko sa pag-abroad, nagbago man ang kadahilaan ngunit ganun pa rin ang pangarap ko MAG-ABROAD. Sabi ko nun sa sarili ko mag-aabroad ako para maging proud sa akin ang magulang ko, para maging sikat sa lugar namin, para maging kilala sa aming bayan at para may maipagmalaki ako sa aking mga kaklase, pagdating ng panahon na kami ay magkakaroon ng Reunion. Madalas kasing usap usapan ang mga nag-aabroad sa amin. Madalas makikita mong nagpapatayo ng malalaking bahay, o di kaya makikita mong sikat sya sa aming baranggay. Madalas kong maririnig yung isang kapitbahay namin “Uy tingnan mo si Mang Berting ang ganda na ng bahay,swerte naman nya, palibhasa ang laki ng sahod sa Saudi”. Minsan makikita mong may malaking umpukan ng mga kalalakihan sa kanilang bahay, nag-iinuman sila at panay puri kay Mang Berting. Panay ang asikaso nila sa kanya”. Tingin ko nun kilalang kilala sya sa amin, itanong mo ang pangalan nya sa amin, tyak lahat sila kilala si Mang Berting!! Ewan ko rin ba, tingin ko nun sa kanya para syang bangko na di nauubusan ng pera. Madalas kong naririnig sya sa lahat ng usapan sa amin, o di kaya si Roberto ang anak ni Aling Naty na nagbebenta sa amin ng gulay nun, ngayun ay may sarili ng tindahan dahil sa anak nyang nasa abroad. Madalas mong maririnig sa amin” Swerte naman si Aleng Naty, aba yung anak nya nasa Canada, tyak proud na proud sya sa anak nyang si Roberto”. Naisip ko nun, siguro pag nag-abroad ako magiging proud sa akin ang mga Nanay at tatay ko, Siguro tyak pag-uusapan din nila ako, siguro sasabihin ng ibang tao sa amin swerte ang nanay ko!!! Nung isang araw naman nagkukuwneto ang ate ko tungkol sa High School reunion nila, nagulat daw sila sa isa nilang kaklase na nakapag-abroad. Nung nasa kalagitnaan daw nung kasayihan dumating daw ang isang kotse, yun pala ay lulan ang dating kaklase nila, na kung noon ay walang pumapansin sa kanya, ngayon ay para siyang artista na pinagtitinginan at pinagbubulungan na kanilang mga kaklase. Di man aminin ng iba, alam daw nilang “Swerte” yung kaklase nilang iyun. Kaya siguro ganun na lamang ang hatak sa akin ng pag-aabroad. Naisip ko noon na pag nag Abroad ka “Swerte ka” kasi para kang isang naglalakad na bangko na di nauubusan ng pera, na pag nagabroad ka “swerte ” ang mga magulang mo sa iyo kasi ang laki ang naitulong mo sa kanila. Pag nagabroad ka “Swerte” kang maitatawag kasi kilala ka sa lugar nyo, at kakilala ka ng lahat ng tao.at Huli ” Swerte ka” kasi kung noon ay di ka pinapansin ng iyong mga kakalse, nagyun ay para kang artista na lahat ay humahanaga sa iyo at pinag-uusapan ka ng mga dati mong kamag-aral!!! Ito ang mga kadahilaan ko noon kung bakit ako mag-aabroad, persepsyon ko sa buhay na “Swerte ka” at pinagpapalang nilalang kung ikaw ay mangingibang bayan o magkakpag-abrod.



Noong ako ay nagkolehiyo, isa pa rin ang pangarap ko, mukhang di na ata magbabago ang pangarap ko na iyun!! At sa patuloy ko sa buhay, at pagkakaroon ng mga bagong karanasan at karunungan nagbabago ang aking kadahilaan kung bakit ako mag-aabroad. Kadahilaan na aking magagamit sa buhay at para mapaunlad ang sarili ko!!! Sa akin noon mag-aabroad ako kasi gusto kong magkaroon ng magandang kinabukasan. Gusto kong mag-abroad kasi para malilinang ang kaisipan ko, mapapunlad ko pa ang mga kakayahan ko, magkakaroon ako magagandang karansan para maging matagumpay balang araw. Magiging isang magaling na Manager ako pagdating ng araw!! Para sa akin sa ibang bansa mararanasan ko talagang maging magaling sa wikang ingles, sa ibang bansa ko makukuha ang mga eksperiensya na makakatulong sa akin na magpanhik sa akin sa rurok ng tagumpay. Katulad ng mga napapanood ko sa telebisyon na napaunlad nila ang kanilang kakayahan at ngayon ay nagmamay-ari na ng malalaking kumpanya sa atin sa pilipinas at sa ibang bansa. Sabi ko noon sa aking sarili na isang araw magiging ganyan din ako, susundin ko ang yapak nila para maabot ko rin kung ano ang naabot nila, at ang una ko dapat gawin ay maghanap ng trabaho abroad. Ito ang mga rason o kadahilanan noon kung bakit ako mag-aabroad, mag-aabroad ako para maging matagumpay sa anumang propesyong nais kong tahakin, mag-aabroad ako kasi gusto kong maging isang Magaling na Manager, at mag-aabroad ako kasi mapauunlad ko ang aking kakayahan at talino.



Noong akoy nakatapos na at nagsimula ng maghanap ng trabaho muna sa atin sa Pilipinas, naghahahnap ako ng tarabaho hindi para maibahagi ko ang kakayahan ko sa ating bansa kundi ito ang unang hakbang ko tungo sa pangarap kong mag-abroad. Alam ko kasi kailangang may pauna ka munang karanasan sa trabaho bago ka makapag-abroad, ang rason ko noon ay katulad pa rin ng rason ko noong akoy kolehiyo pa, ngunit sa patuloy kong paghahanap ng trabaho sa atin sa Pilipinas, unti unti rin itong nagbago. Naiinis ako sa mga naging takbo ng ating bansa, di ako nakahanap agad ng trabaho kasi maraming kumpanya ang ayaw tumanggap sa akin sapagkat bago lamang akong graduate at kailnagan ko ng eksperiensya, ngunit paano ako magkakaroong ng karanasan sa pagtatrabaho kung di nila ako bibigyan ng transa. Hindi rin ako natutuwa noon sa ating bansa sapagkat karamihan ay mga kaguluhan sa pulitika at sa ating kapaligiran. Nagbago ang aking dahilan ngayun sa aking pag-aabroad, gusto kong mangibang bayan kasi wala akong nakikitang magbibigay sa akin ng tsansang magkaroon ng trabaho, gusto kong mag-abroad kasi para makaalis ako sa bansa natin kasi alam kong walang mangyayari sa akin, magdildil man ako ng asin, magkandakuba man ako sa pagtatrabaho sa atin, ni piso walang dadagdag sa sweldo ko!! Siguro dahilan ko rin sa pag-aabroad noon ay tumakas sa realidad ng buhay sa pilipinas at baguhin ang aming buhay!!! Isa rin sa dahilan ko sa pag-aabroad ay nais kong maging independent at maranasan kung paano mabuhay mag-isa na walang inaasahan kundi ang aking sarili!!! Ito ang mga kadahilaan ko noon kung bakit ako mag-aabroad, marahil kaya ako mag-aabroad dahil gusto kong magbago ang aking buhay bilang isang empleyado at bilang isang tao.

NGAYON, dumating na ang araw na pinakaiintay ko, nandito na ako, naabot ko na ang pangarap ko, nakapag-abroad na rin ako sa wakas!! Sa unang apak ko sa bansang ito naisip ko, marahil magiging Masaya na ako kasi naabot ko na ang pangrap ko!!! Marahil ito na siguro ang kasagutan ko sa mga kadahilanan ko nung ako ay musmos, bata, nagbibinata, nag-aaral sa kolehiyo at nung ako naghahanap ng trabaho pa sa Pilipinas.



Sabi ko sa sarili ko “Ito na kaya iyon, ito na ba yun at Ito na nga iyon:.



Sa paglipas ng panahon at pagtatrabaho ko dito sa Saudi Arabia, akala ko sagot na ito sa mga gusto kong mangyari sa buhay. Akala ko ganun lang KASIMPLE ang mag-abroad, katulad noong musmos pa lamang ako, na para may magandang lugar na mapasyalan parang Disneyland subalit naisip ko kung tutuusin nga mas magaganda ang tanawin natin sa pilipinas kesa sang mang parte ng mundo, saka sa akin hindi naman ang mahalaga ay yung magaganda ang kapaligiran mo kundi ang mas mahalga ay kung sino ang kasama mo.



NGAYON para sa akin mas Masaya ako kung kasama ko ang pamilya kong mamamasyal kahit na lang sa bukid namin sa Pilipinas. Mas Masaya at mas mapayapa.



Akala ko noon para kaming mananalo sa Sweepstake o Lotto na kami ay biglang yayaman at mabibili na naming ang lahat ng gustuhin naming bilhin. Mabibilhan ko na sila ng naglalakihang T.V at radio. Hindi pala ganun kadali ang lahat. Hindi lang sa isang iglap magbabago ang kapalaran mo. Ito ay nilalakipan ng pagod, tyaga at sipag. Ang lahat ay kailngan mong tumbasan ng pagpupunyagi at magpapabuti ng iyong trabahong nakaatang sa iyong balikat. Hindi lahat ay parang isang magic na bigla lamang susulpot at bigla na lang mag-iiba ang lahat ayon sa iyong kagustuhan, kailangan mong Magsumikap at magsipag, magpanat ng buto, at magpatulo ng pawis sa bawat sentimong binibigay sa iyo bilang empleyado sa kanilang bansa.
NGAYON, alam ko na na hindi iyun ganun kadali at akoy magsusumikap sa bawat araw ko dito sa dayuhang bansa. Ang lahat ng bagay ay di nakukuha sa madalian kundi sa sipag, tyaga at pagmamahal sa trabaho mo upang mag-ani ka sa bandang huli at makuha mo ang nais mo, mabili mo ang gusto mo, at maibili ko ang nanay ko ng pinakamasarap, pinakamahal na tsokolate sa buong mundo.



Akala ko noon “Swerte ka” pag nag-abroad ka, sikat ka pag nag-abroad ka, proud ang magulang mo kasi nag-abroad ka, hahangaan ka ng dati mong kakalase pag nag-abroad ka, maglalakad kang parang isang bangko pag nag-abroad ka!!! Mali pala ako nun, kasi walang palang “Swerte” sa pagaabroad kasi lahat ito ay pinaghihirapan!!! Kung siskat man sila dahil nakapag-abroad, sila ay karapat dapat lamang kasi kanilang sininakpripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang pamilya, pinigil ang lungkot at tiniis ang pangungulila para sa magandang buhay. Kung si Mang Berting man ay parang bangkong maraming pera at nakapagpatayo ng sariling niyang bahay para sa sarili nyang pamilya, hindi “swerte”yun, kasi hirap at lungkot ang tiniis nya, dugo at pawis ang binigay nya para lamang sa mga ito. Kung proud na proud man si Aling Naty sa kanyang anak na si Roberto,dapat nga talaga kasi ito lamang ay nangangahulugan na ang anak nya ay tinutulungan pa rin sya kahit nagtatagumpay na sya, na ang tagumpay ng anak nya ay tagumpay din nya bilang magulang. Hindi “swerte” si Aling Naty kasi lahat naman ng meron sya ay dahil na rin sa pagtyatyaga nyang palakihin si Roberto ng maayos. Dahil narin sa pagtytyaga ni Roberto kaya naging proud si Aling Naty sa kanya, hindi dahil sa bagong tindahang pinagawa nya, kundi dahil sinusuklian nya ang pagihiihirap ng magulang nya sa kanya noong nagaaral pa lamang saya.



NGAYON, nagsusumikap ako dito sa bansang ito hindi para maging proud sa akin ang magulang ko, nandito ako para tumbasan ang kanilang paghihirap at bigyan sila ng magandang buhay!!! Di ko ito makukuha sa swerte, makukuha ko ito sa sipag , tyaga at sa tulong ng Dyos!! Di rin ako naghahangad ng maging sikat kasi Masaya na ako na nakuha ko na yung respeto ng mga pamilya ko, yung respeto nila ang di ko ipapagpapalit kahit ano pang papuri at paghanga ang makukuha ko sa iba. Masaya na ako sa respetong ibinigay nila sa akin!!! Masaya na ako dun.
Akala ko noon, ang pag-aabroad ang pasporte ko sa tagumpay, hndi naman pala ito lang ang paraan patungo sa tagumpay. Kung dati gusto ko lang malinang ang aking talino at kakayahan ko, ngayun nais ko namang linangin at paunlarin ang buhay ispiritual ko. Ika nga hindi lang naman sa tinanpay nabubuhay ang tao. Ang pag-aabroad ang nakatulong sa akin kung paano ko pa paunlarin ang sarili ko, ngunit ito rin ang naging daan ko para mapalalim ko pa ang ispiritual na pangangailangan ko.



NGAYON, Marahil marami akong natutunan dito ngunit hindi lamang ang paunlarin ang isip at kakayahan ko, kundi natutunan ko ang mga aral sa buhay na di lang nakukuha sa pagtatrabaho at sa mga karanasan sa loob ng kumpnyang kinabibilangan ko kundi pati na rin sa labas ng aking kumpanya. Bagong karanasan tungkol sa buhay sa kabuuan at ang pinakaimporte ang aking bagong pagkakatuklas tungkol sa aking pananampalataya sa Dyos!!! Ang pag-aabroad pala ay di lamang para maging matagumpay sa propesyon ko o kaya isang maging magaling na Manager ngunit ito rin pala ay para malalim ko ang espirituwal, mapatatag ko pa ang aking sarili at maging isang mabuting tao.



Akala ko makakatakas ako sa Pilipinas, hindi pala, ang bansang gusto kong takasan ay ngayun nais ko ng balikan, Ang pagtanggap sa realidad ng buhay na ayaw kong tanggapin ay ngayun aking ng nagiging panuntunan sa buhay. Alam kong mahirap ang buhay sa Pilipinas, pero meron din namang ginhawa. Alam kong maraming mahirap sa atin, pero hindi lahat ng mahirap ay malungkot sa buhay nila. Ilan sa kanila sa kabila ng kahirapan nila sa buhay ay Masaya pa rin sila at mapagpasalamat sa Dyos ng sama sama. Alam kong marami sa atin na kahit makandakuba sila sa pagtatrabaho ay patuloy pa rin sila sa kanilang propesyon, ngayun nalaman ko na minsan hindi lang pera ang mahalaga para magtrabaho ang isang tao, kundi isa pala itong dedikasyon sa nakaatang na responsibilidad. Maaring di sila kontento sa sweldo nila, pero alam kong Masaya sila na ang pinaglilingkuran nila ay kapwa nating mga kababayan at ating bansa na rin.



NGAYON, naunawaan ko na kahit mahirap ang trabaho sa atin o kaya maliit ang sahod,alam kong marami rin sa kanila ang kontento sa ginagawa nila at kung ano ang meron sila, masya sila kasi nandyan ang pamilya at mga kaibigan kasama nila lagi!!!



SA NGAYON, naunawaan ko na ang lahat, ang pag-aabroad pala ay hindi SIMPLE, sapagkat mahirap din ang kumita ng pera dito. Hindi pala ito parang Sweepstakes sapagkat lahat ay pinaghihirapan at pinagtyatyagaan. Hindi pala ito magpapasikat sa iyo kundi ang naisin mo o kaya adhikain mo sa pamilya mo ang magdadala sa iyo para makuha ang respeto at paghanga ng iba. Hindi lang pla ito daan patungo sa pagtagumpay kundi nasa ating mga kamay pala ang tagumpay,Hindi pala ito para matakasan ang kahirapan ng buhay, kundi ang pagtanggap at patuloy na pasasalamat sa Dyos kung anong buhay meron ka. Nagyun naisip ko na ang Pag-aabroad pala ay isnang napakalaking sakripisyo, ito’y isang dedikasyon at ito’y malaking responsibilidad.Nandito ako ngayun hindi para sa lahat na material na bagay, nandito ako hindi para magkaroon ng isang trabahong maipagmamalaki ko sa lahat, nandito ako hindi para makapunta sa magagandang lugar.



Nalaman ko na nandito pala ako, kasi may plano sa akin ang panginoon, ang aking makita at lumapit sa kanya sa panahon na kailangan ko ng makaksama, sa panahon na lulungkot ako, at sa panahon ng problema, alam ko ngayun nandyan ang PANGINOON. Nandito rin ako para sa aking PAMILYA AT SA MAGIGING PAMILYA KO.



Hindi ko na hinahangad na magkaroon ng isang mayaman buhay. Hindi ko na hinahangad maging isang sikat na Manager o kaya maging bantog o kilala. Hindi na yun, hindi na yun. Masaya na ako sa simpleng buhay. Mapagtapos ko sa pag-aaral ang aking mga kapatid para maabot nila ang mga pangarap nila ay kasayahan ko ng panghabambuhay!! Mabigyan ko lang ng kahit konti ginhawa ang mga magulang ko, at mabigyan ko ng magandang kinabukasan ang magiging pamilya ko, iyun ay sapat na!! Iyun lang!! Iyun lang!! At aking itong lubos na pasasalamatan sa Dyos



Nagyun tatanungin nyo uli ako: “ Edwin ano ba ang pangarap mo sa buhay?” Sasabihin ko sa inyo, pangarap kong makabalik sa lupang aking sinilangan, dala ang lakas at tatag ng loob na natutunan ko sa Abroad. Babalik akong dala ang malaking pag-asa, at magandang kinabukasan bunga ng pagihirap at pagtitioyaga ko sa ibang bansa kasama ng mga taong MAHAL KO AT MAMAHALIN KO PA!! Kung sakaling makamtam ko yun at dumating sa akin sa takdang panahon akoy lubos na magpapasalamat sa dyos at ibabahagi ko rin ito sa akin Kapwa. Palagay ko kumpleto na ang buhay ko kailanman.



Salamat sa oras mo kaibigan, sana wag kang magsawa sa mga kwento ko!!!!

No comments: